Penitensya

April 7, 2008 at 8:41 am (Commentary)

Para sa mga Filipino sa panahon natin, ang penitensya ay tumutukoy sa gawaing karaniwang nakikita tuwing Semana Santa; ang paghahampas sa sarili o anumang pagpapahirap sa katawan sa iba’t ibang dahilan. Pero kung tutuusin, ang ibig sabihin lang naman talaga ng salitang penitensya ay pagsisisi (penitence, repentance) sa nagawang kasalanan. Wala talaga itong kinalaman sa pisikal na gawain dahil ang pagsisisi ay gawain ng budhi. Ito ay ang kalungkutang nadarama natin kapag namumulat tayo na mali ang ating ginawa o ginagawa. Noong unang panahon, ang isang Cristianong nagbabalik-loob sa pamamagitan ng Kumpisal ay kilala sa tawag na “penitente” o nagsisisi. Hindi kasindali ng pagkukumpisal ngayon ang pagbabalik-loob sa Simbahan noon; kailangan mong patunayan ang iyong pagsisisi sa pamamagitan ng isang pangmatagalang gawain o “penance”. Maaring kasama dito ay ang pagbabantay sa pintuan ng simbahan o kaya ay pamamalimos ng panalangin sa mga nagsisimba. Madalas, ito ay inaabot ng ilang taon hanggang sa mapatunayan mo ang katapatan ng iyong pagsisisi. Pero bukod doon, ang layunin din ng gawaing ito ay hubugin ang penitente sa mabuting gawa upang habang pinatutunayan niya ang kanyang kalooban ay nasasanay ito sa paggawa ng mabuti at paglayo sa masama. Hindi kasama sa pagpapakita ng pagsisisi ang paghahampas sa sarili o pagpapapako sa krus; walang-wala sa isip ng Simbahan na ipagawa ito sa sinumang mananampalataya o penitente, at itinuturing pa nga itong mapanganib at maaaring walang pakinabang. Mapanganib hindi lamang sa kalusugan ng tao kundi pati sa kanyang pananampalataya. Tuso ang demonyo, at alam na alam niya kung ano ang kahinaan ng bawat indibidwal at sa bahaging ito ng puso ng tao siya naghahasik ng iba’t ibang pagdududa, mga kathang-isip, at maging pagsamba sa sariling mga ideya.

Totoo, noong mga nakaraang panahon, may ilang mga Cristiano na nagpapahirap sa katawan sa pamamagitan ng paghampas dito o kung anuman, pero ito ay isang gawaing personal at pribado, at ang layunin nito ay patayin ang mga nasa o pita ng laman (desires of the flesh) kapag nagiging mas malakas ang tukso nito. Mulat ang mga banal ng Diyos sa kanilang sariling mga kahinaan at kasalanan kaya sa halip na layuan sila ng Diablo, lalo silang linalapitan nito sa pag-asang sa huli ay manghihina ang kanilang espiritu, mabubulag ng damdamin, at madadala ng sariling laman at sa gayo’y mahuhulog sa pagkakasala. Ito ang dahilan kung bakit kasabay ng pagpapalakas sa espiritu sa pamamagitang ng panalagin ay pinapatay (mortify) din nila ang laman sa pamamagitan ng pagpapahirap dito. Ito rin ang dahilan kung bakit may kaugalian ang Simbahan ng hindi pagkain ng karne (o hindi pagkain ng kahit ano) tuwing araw ng Biyernes, upang pagkaitan ang katawan para sa kapakinabangan ng kaluluwa. Pero hindi dapat kalimutan na ang layunin nito ay supilin ang mga nasa ng laman, hindi para patayin ang katawan mismo (suicide). Ang totoo, ang hindi pagkain ng karne, at maging ang pag-aayuno, minsan sa isang linggo ay nakakatulong sa kalusugang pangkatawan, at iniiwasan nito ang pag-ikli ng buhay na dulot ng pagkakasakit.

Sa pananampalatayang Cristiano, ang mahalaga ay nauunawaan ng tao ang kanyang sinasampalatayanan. Hindi praktikal na magkatha tayo ng sari-sariling paniniwala dahil sa halip na ilapit tayo, lalo tayong ilalayo nito sa Diyos na nagtakda ng tama at kalugod-lugod na paraan ng pagsamba sa kanya, at ito ay sa katotohanan at sa espiritu. Iisa ang katotohanan kaya hindi tayo maaaring magkatha ng sarili nating mga katotohanan (hal. mga pamahiin) at sabihing iyon ang gusto ng Diyos. Mahalaga din na ang pagsamba natin ay sa espiritu tulad ng tapat na pagsisisi, paglayo sa kasalanan, pag-ibig sa kapwa na ipinahahayag sa pamamagitan ng gawa; hindi sa pagpapahid ng panyo sa mga rebulto o sa pakikipagsakitan sa kapwa tuwing pista ng Nazareno o pagpapapako sa krus tuwing Byernes Santo. Sapat na ang pagpapakasakit ni Jesus para sa ating lahat, ang kailangan lang nating gawin ay sundin ang kalooban niya at isama sa kanyang sakripisyo (banal na handog) ang ating mga gawain araw-araw upang ito ay maging kapakinabangan ng marami. Lahat ng mga relihiyosong gawain tulad ng pagsisimba, pagpapabasbas ng palaspas, visita iglesia, pilgrimage, pagdalaw sa mga libingan, pagdiriwang ng pasko at ng paskwa ay walang kabuluhan kung ang mga ito ay panlabas lamang at walang tunay na pagsamba at hindi nauunawaan. Ang pagkilala sa katotoohanan at pagsamba sa espiritu lamang ang nagbibigay ng halaga sa mga gawaing ito; kaya kung ito ang wala, nagpapagod lang din tayo sa wala.

Ang tunay na penitensya ay ang ginagawa ng bawat Cristiano araw-araw: Ang pagsusuri ng budhi, pagkilala sa sariling mga kamalian, pagsisisi sa kasalanan, paghingi ng kapatawaran, at pagsisikap na huwag nang balikan ang masasamang nakaraan. Noong medyo bata pa ako, sinabi sa akin ng pari pagkatapos kong magkumpisal, “Ituring mong ang mga ito ay masasamang karanasan na hindi mo na dapat balikan.” Sabi nga ng kasabihan, “Don’t do the same mistake twice.” Walang taong perpekto maliban kay Jesus pero lahat tayo ay may pagkakataong lumago at maging mas mabuti bawat araw. Walang dahilan para makuntento tayo sa kasalukuyang kalagayan dahil ang hinihingi ni Jesus ay maging tulad tayo ng Ama – perpekto. Sa huli, ito ay ating makakamit kung hindi natin kalilimutan ang kahulugan at halaga ng penitensya.

7 Comments

  1. Rev. Fr. Jessie Somosierra said,

    wilberg,
    Mabuti at ikaw ay nag popost tungkol sa ating pananampalataya sa wikang Filipino. Ipagpatuloy mo ang iyong magandang gawain

  2. jay said,

    nauunawaan ko na kung bakit may abstinence tuwing biyernes santo.
    pero bakit po ba may semana santa pa ang mga katoliko kung wala rin naman sa bibliya na idaos ang semana santa?

    ano ba talaga ang tinututro ng relihiyong katoliko? bakit po marami tayong gawain na di rin naman saad sa Bibliya.tulad po ng pagkakaroon ng pasko.

    • vanillae said,

      Hindi lahat ng pagdiriwang ng Simbahan ay matatagpuan sa Bibliya dahil hindi lahat ng gustong ipagawa ng Diyos sa Simbahan ay iniutos sa pamamagitan ng sulat. Isa pa, ang Simbahan ay may karapatan at kapangyarihan na gumawa ng batas at mga kustombre ayon na rin kay Jesus: “Ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit” (Mateo 16:19).

      Ang Semana Santa o Holy Week ay ang isang linggong paghahanda sa pagdiriwang ng muling pagkabuhay ni Cristo sa tinatawag nating Easter Sunday o Linggo ng Muling Pagkabuhay dahil ang araw na ito ang pinakamahalaga at pinakamasaya para sa mga Cristiano. Sa araw na ito natapos ni Jesus ang kanyang misyon sa lupa bilang tao.

      Sa loob ng isang linggong ito ay inihahanda natin ang ating sarili sa pamamagitan ng mas malalim na pagsusuri sa ating pagkatao at kahulugan, at pagpapanibago ng ating pagbabalik-loob sa Diyos. Inaalala din natin ang mga huling ginawa ni Jesus bago siya namatay, tulad ng paghuhugas niya ng paa ng kanyang mga alagad, ang pagtatatag niya ng Sakramento ng Eukaristiya o yung tinatawag nating Misa, ang kanyang paghihirap at pagkapako sa krus, at sa huli ay ang kanyang kamatayan at pananatili sa libingan hanggang sa muli niyang pagkabuhay.

      Hindi ito isang pagbabalik lamang sa mga ala-ala; ito ay pagninilay sa tunay na kahulugan at halaga ng bawat isang bagay na ginawa ni Jesus noong mga araw na iyon. Isa itong malawak na usapin na nagdadala sa atin sa mas malalim na pagkamangha sa pag-ibig ng Diyos. Kakailanganin natin ang isang habambuhay o higit pa bago natin lubos na maunawaan ang kalawakan nito.

      Tungkol sa mga doktrinang Katoliko, kailangan mong pag-aralan ito nang mahabang panahon bago mo ito maunawaan nang sapat. Kaya inaanyayahan ko ang lahat na simulan ang pag-aaral na ito sa lalong madaling panahon. Hindi kailangang maging matanda muna bago ito simulan. Pero ang buod ng pananampalatayang Katoliko ay nakasaad sa “Sumasampalataya Ako.”

  3. antiREBULTO said,

    Ang katotohanan ay hindi talaga nasunod ang Katoliko sa aral ng Dios , nilalabag nila lahat ng aral ng Dios . katulad ng Rebulto, Bautismo sa bata o sanggol . limbo ,purgatoryo, semana santa, fiesta sa mga santo,pinitensya, pagpapako ng sarili, christmas , otsa , rosary ang dami pa , ang lahat ng ito’y walang batayan sa biblia .
    Sinasabi sa biblia ; Lev 26:1 Huwag kayong gagawa para sa inyo ng mga diosdiosan, ni magtatayo kayo ng larawang inanyuan o haligi, ni huwag kayong maglalagay ng batong inanyuan sa inyong lupain, upang inyong yukuran yaon: sapagka’t ako ang Panginoon ninyong Dios. Nauunawaan nyo ba ang salitang “HUWAG” ? hindi nga tayo pinagagawa. ROSARYO; Mat 6:7 At sa pananalangin ninyo ay huwag ninyong gamitin ang walang kabuluhang paulitulit, na gaya ng ginagawa ng mga Gentil: sapagka’t iniisip nilang dahil sa kanilang maraming kasasalita ay didinggin sila.
    Mat 6:8 Huwag nga kayong magsigaya sa kanila: sapagka’t talastas ng inyong Ama ang mga bagay na inyong kinakailangan, bago ninyo hingin sa kaniya.
    Sinasabi ng biblia na ,,,Rev_22:18 Aking sinasaksihan sa bawa’t taong nakikinig sa mga salita ng hula ng aklat na ito, Kung ang sinoman ay magdagdag sa mga ito, ay daragdagan siya ng Dios ng mga salot na nakasulat sa aklat na ito:
    Lahat ng turo ng Katoliko walang batayan kaya malalaman natin na ang sa Dios ay makikilala natin sya ay sa Dios yung ITINUTURO.
    Joh 7:17 Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili.
    Kaya kinatigasan ng mga katoliko kahit alam nilang mali , kaya hindi sila sa Dios , sa sanglibutan ang nais.

    • vanillae said,

      Tulad ng lagi kong sinasabi, hindi lahat ng bagay sa mundo; hindi lahat ng mga gawain at salita ni Jesus; hindi lahat ng mga hayag na aral ng Cristianismo ay nasusulat sa Biblia, bagamat sa patago o implicit na paraan ay nasusulat dito ang lahat ng kailangang sampalatayanan ng mga maliligtas. Patuloy ang pag-aaral ng mga eksperto (theologians, exegetes, etc) sa teksto at konteksto ng Biblia dahil masyado itong malawak at mayaman sa kahulugan. Masyadong mayabang ang isang indibidwal na magsasabing nauunawaan niya ang buong Biblia sa kanyang sarili lamang at walang impluwensya o tulong ninuman.

      Unang-una, ang ating paniniwala na ang mga Kasulatan ay nagmula sa Diyos ay hindi bunga ng autoridad ng Kasulatan mismo, kundi bunga ng paniniwala natin sa mga autoridad (mga tao) na nagsabi nito sa atin. Hindi tayo ang naging tagapangalaga ng Kasulatan sa loob ng 2000 taon dahil wala pa tayong 100 taon ngayon. Naniniwala tayong ang Biblia ay inspirado ng Diyos, hindi dahil nakausap natin ang Diyos, kundi dahil sinabi ito ng mga taong pinaniniwalaan natin–mga taong ginamit ng Diyos para pangalagaan ang kanyang rebelasyon. Dahil dito, walang sinuman ang pwedeng magsabi na mapanghahawakan niya ang kanyang sariling interpretasyon ng Kasulatan. Si Apostol Pedro na mismo ang nagsabing ang Kasulatan ay hindi para sa personal na interpretasyon (2 Pedro 1:20). It’s not between you and your Bible alone. In fact, the Bible is not the foundation of truth; it is the Church–the source of the Bible–that is the foundation of the truth (1 Timothy 3:15). Ang Simbahan ay hindi nagmula sa Biblia; ang Kasulatan ang nagmula sa Simbahan. Bagamat nauna sa Simbahan ang unang bahagi ng Kasulatan (Lumang Tipan), ang Simbahan pa rin ang naging autoridad sa pangkalahatang pangangalaga nito ayon sa kalooban ng Diyos, tulad ng sinabi ni Pablo sa sulat kay Timoteo.

      Muli, ang Simbahan ang saligan ng katotohanan ayon kay Pablo, at ang Kasulatan ay hindi para sa indibidwal na pagpapakahulugan ayon kay Pedro. Ito ang mga katotohanang sinasaksihan ng Kasulatan, at hindi matanggap ng mga hindi Katoliko. Mas naniniwala silang ang Biblia ang saligan ng katotohanan at ang Biblia ang nagbibigay pakahulugan sa kanyang sarili. Hindi nila binibigyang-pansin ang katotohanan na sinumang nag-aakalang ang Kasulatan ang tagapagbigay-kahulugan sa sarili ay bumabasa nito ayon sa kanyang personal at indibidwal na pakahulugan. Bilang resulta, ang Kasulatan ay nagkakaroon ng libo-libong magkakaibang kahulugan para sa bawat indibidwal at grupo, gaano man sila sa kasinsero sa pagbabasa at pag-aaral sa kahulugan nito. Ang paniniwala ding ito ang dahilan kung bakit libo-libo ang mga sektang Cristiano. Sinumang sinserong mananampalataya ay magtatanong sa kanyang sarili at maghahanap ng matapat na sagot kung bakit may di-mabilang na pakahulugan sa nag-iisang katotohanan. Ang hindi magtaka sa realidad na ito ay walang pakialam sa katotohanan, sa halip ay bilanggo ng emosyonal na paniniwala.

      Ngayon, ito na lang ang sagutin ng mga nagsasabing hindi sumusunod ang Simbahang Katolika sa aral ng Diyos: [1] Ilan ba ang Simbahang itinatag ni Jesus? Isa o libo-libo? Kung isa lang, sino sa magkakaibang mga simbahan ang itinatag niya at may dalawang libong taon na? [2] Ang Simbahan ba ay may espiritwal na kaisahan lamang o itinatag din ito bilang isang katawan (Efeso 4:4) na nakikita (pisikal) at may siguradong pagkakakilanlan? [3] Totoo bang sa kabila ng magkakaibang pakahulugan sa Kasulatan ay masasabing may iisang espiritu ang mga sektang Cristiano, o kailangang magkaroon ng iisang pananampalataya o doktrina (Efeso 4:5) ang iisang Katawan ni Cristo? [4] Kung sa tulong ng mga naunang tanong ay matanto ninyong iisa lang ang Simbahan, at ito ay may iisang katawan (pisikal at nakikilala) at espiritu, at may iisang pananampalatayang hindi salu-salungat, buong-katapatan nyo bang masasabing ito ay lumalarawan sa inyong kasalukuyang denominasyon? Ang inyo bang simbahan ay 2000 taon nang umiiral sa mundo o isa ito sa mga nagsasabing sila ay mga espiritwal na labi ng Simbahan ni Cristo? [5] Hindi ba nangako ang Panginoong Jesus na sasamahan niya ang kanyang Simbahan hanggang sa katapusan ng panahon (Mateo 28:20)? Ito ba ay tumutukoy sa “mga espiritwal na simbahan” o sa iisang Katawan ni Cristo (1 Corinto 12:27) na may nakikitang ulo at iba-ibang bahagi at gawain—mga matandang tupa at mga batang tupa na may isa at pangkalahatang tagapagpatatag, tagapagpakain, at tagapangalaga (Lucas 22:32, Juan 21:15-17)? [6] Kung tapat ang Panginoon sa kanyang pangako, posible ba na maligaw ang kanyang Simbahan at magturo ng maling pananampalataya?

      Sana ay naaayon sa paksa ang inyong mga komento para hindi maging off-topic ang talakayan at para hindi rin paulit-ulit ang pagsagot.

  4. antiREBULTO said,

    Pero sinasabi sinasabi sa biblia Hindi magkukulang ang salita ;
    Isaias 34:16 Inyong saliksikin said aklat ng Panginoon,at inyong basahin:kahit isa sa mga Ito ay hindi magkukulang, walang nangangailangan ng kasama; sapagkat iniutos ng aking bibig, at pinisan ng kanyang Espirito.
    Ang tunay na Iglesia nasusulat sa Biblia. Kung ikaw ay magtatayo ng samahan dapat ay nababatay ang itinuturo natiin sa biblia o sa mga turo ni Cristo at ng mga Apostol
    Rev. 22:18 Aking sinasaksihan sa bawat taong nakikinig sa mga salita ng hula ng aklat na ito, kung ang sinoman ay magdagdag sa mga ito,ay daragdagan siya ng salot sa aklat na ito.
    Rev 22:19 At kung ang sinoman magalis sa mga salita ng aklat ng hula ng aklat na ito,ay aalisin ng Dios ang kanyang bahagi sa punongkahoy ng buhay ,at sa bayang banal,na nakasulat sa aklat na ito.
    Hindi ba kayo afraid dito sa verse ng Rev. Kung tayo,y nakabase lang sa biblia hindi tayo malilihis ng aral ng biblia.Oo tama ka maraming nagtranslate ng kasulatan , pero kahit naman may mali sa naitranlate may mga kopyang naitagong manuscript, tulad ng dead sea scroll,papyrus mga sulat kamay ito. Naitago ito mga ito atnaingatan ng mga taong nangangalaga ng kasulatan. Kung sa mga bagong tranlate hindi ka sigurado pwede namn nating ikumpara sa mga hebrew o greek manuscript , dapat lang kung ang isang verse ay mababasa mo sa marami tranlation ay parepareho ang sinasabi ,ito ang paniwalaan natin, pero kung ang isang verse sa isang tranlation lang natin nabasa ‘ Hindi dapat paniwalaan ito.Tulad ng Pinitensya, wala ito sa biblia at hindi naman nagpinitensya ang mga kristiano noong panahon ng mga Apostol.Bakit nyo ba ito ginawang tradisyon twing mahal na araw o semana santa?Ang gumagawa ba nito nababago ang ugali hindi namn di ba?isang linggo lang ang nakalipas balik uli sa dating gawi.Hindi rin naman natutuwa ang Dios kapag sinasaktan natin ang ating sarili . Ewan ko walangblogic para gawin ito ng tao.Kaya nga inako na ni krito ang kasalanan natin,sya na ang napakasakit. Tapos ikaw namang tao gagawin mo pa ang ginawa ni kristo. Parang insulto pa ito kay Kristo.Para bang di pa sapat yung ginawa ng Panginoong Hesucristo.
    Sana walang maoffend.

    • vanillae said,

      “Tulad ng Pinitensya, wala ito sa biblia at hindi naman nagpinitensya ang mga kristiano noong panahon ng mga Apostol.Bakit nyo ba ito ginawang tradisyon twing mahal na araw o semana santa?”

      You’ve got the wrong information. Wala sa turo ng Simbahang Katolika ang paghahampas at pagsusugat sa sarili tuwing Mahal na Araw. Narinig mo na bang ini-encourage sa loob ng simbahan ang ganitong gawain? Hindi mo ba naririnig ang mga obispo na taon-taong sinasabi sa national television na hindi ito dapat ginagawa ng sinuman dahil hindi ito kapaki-pakinabang bukod pa sa delikado? Maling isipin na ang di tamang practice ng ilang mga nagsasabing sila ay Katoliko ay automatikong nanggaling sa aral Katoliko. Kung gusto mong i-criticize ang katuruuang Katoliko, kailangan mo munang pag-aralan kung alin ba sa mga ginagawa ng ilang mga Katoliko ang naaayon sa aral ng Simbahan. Minsan, pati ang mga pamahiin sa binyag at sa kasal ay ibinibintang sa Simbahan ng mga taong walang alam tungkol sa mga totoong turo ng Simbahang kanilang inaakusahan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: