Kung si Jesus ay hindi Diyos…

Kung hindi Diyos si Cristo, sumasamba tayo sa tao na labag sa kauna-unahan at pinakamahalagang utos ng Diyos. Hindi dapat ibinibigay ang pagsamba kahit na sa anong nilalang, at sa kahit anong dahilan. Kung ang Diyos ang nag-utos na sambahin si Jesus, bagamat siya’y tao lamang, linalabag ng Diyos ang sariling kautusan na imposibleng mangyari. Ang Diyos ay hindi nagpapalit ng isip; ang sinabi Niya na ay sinabi na. 

Kung iniligtas ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng isang nilalang, nangangahulugan na sapat na ang buhay ng isang nilalang para sa kaligtasan ng lahat basta gustuhin lang ito ng Diyos. Bakit hindi sapat ang buhay ni Esteban, o ni Santiago, o ni Pablo, o ni Pedro, o ng ibang mga apostol at mga Cristianong nag-alay ng buhay alang-alang sa kanilang pananampalataya? Kung ganito ang kaso, nangangahulugan na hindi nakasalalay sa kasapatan ng pagbabayad sa Hustisya ang pagpapawalang-sala ng Diyos sa tao, kundi sa kung kailan Niya gustong pawalang-sala ang tao, at kung sinong tao ang gusto niyang mag-alay ng buhay. Sa kabilang banda, ang katwirang ito ay hindi maaaring sang-ayunan ng mismong kalikasan ng Diyos. Ang Diyos ay walang-hanggan, laging umiiral, walang pinagmulan at walang katapusan. Lahat ng ginagawa Niya ay nangyayari sa kawalang-hanggan na ang ibig sabihi’y patuloy na nagaganap. Ang sanlibutan ay tapos nang likhain matagal ng panahon, pero sa katotohanan ng Diyos, ito ay patuloy na linilikha. Ganun din ang prinsipyo tungkol sa pagkakasala laban sa Diyos. Dahil ang Diyos ay walang-hanggan, ang pagkakasala sa Kanya, kahit ipagpalagay na sa isang pagkakataon lang nangyari, ay patuloy na nangyayari sa kanyang katotohanan; at kung gaano kadakila ang Diyos ay ganun din kalaki ang kahit na isang kasalanang laban sa Kanya. Mas mauunawaan ito ng mas nakararami kung bibigyan ng analohiya: Ikumpara natin ang iskandalo ng pagkakasala sa isang pulubi at sa presidente ng United Nations. Ano kaya ang mangyayari sa iyo at ang magiging reaksyon ng mga tao kung sinampal mo ang isang namamalimos na pulubi, at saan ka naman kaya pupulutin kung lapitan mo at sampalin ang presidente ng United Nations? Ang kadakilaan at karangalan ng isang tao ay hindi maliit na bagay. Ang opensa na tatanggapin ng isang tao ay bumabatay sa kanyang officio at karangalan, popularidad, at sa laki ng iskandalong idinulot ng pagkakasala. Bagamat hindi sapat ang tao para ikumpara sa Diyos, sa pamamagitan ng analohiyang ito ay makikita natin kung gaanong hindi maabot ng ating isip ang napakalaking opensa na tinanggap at patuloy na tinatanggap ng Diyos kahit sa isa lamang sa milyon-milyon nating mga kasalanan. Mababaliw ang isang tao, kung hindi man siya mamamatay, kapag nakita niya kung gaano kalaki kahit ang isa at pinakamaliit na kasalanan na maaaring magawa ng  tao, dahil kung paanong hindi niya matatanaw ang hangganan ng Diyos, ganun din ang kasalanan laban sa Kanya. Sinumang gustong makasilip sa ganitong karanasan, subukan niyang isipin kung saan nagtatapos ang kalawakan, o kaya’y paano nagsimula ang Diyos na walang simula at kung gaano na Siya katagal umiiral, o kung ano ang pinagkakaabalhan Niya noong wala pa Siyang nililikha. Kung ang mga bagay na ito lamang ay hindi pa maabot ng isip ng tao, lalo na ang bigat ng kasalanan na ipinapasan ng Diyos sa isang “tao lamang”. Malibang gumawa ang Diyos ng isang tao na katumbas ng Kanyang sarili, imposible para sa tao na panagutan kahit isa lang sa mga kasalanan ng kanyang kapwa. Kung paanong mangangailangan ng isang mataas na tao para humingi ng tawad para sa kasalanan laban sa mataas din na tao, mangangailangan din ng isang Diyos para mapawalang-sala ang kasalanan laban sa Diyos.

Kung hindi Diyos si Jesus, tayo ay binautismuhan sa pangalan ng isang tao na hindi pa nangyari o mangyayari man sa buong kasaysayan ng kaligtasan. Nagbautismo si Juan pero hindi “sa ngalan ni Juan.” Walang lingkod ng Diyos ang binautismuhan sa pangalan ng tao. Maaari nga itong mangyari sa mga nagpapabautismo sa pangalan ng isang diyus-diyusan o mga diyus-diyusan, pero hindi sa mga banal ng Diyos. Kung ang binautismuhan sa pangalan ng Diyos ay nagkakahati-hati sa pangalan ng mga tao, paano pa kaya ang binautismuhan sa pangalan mismo ng tao lamang? Kaya sinabi ni Pablo, “Binautismuhan ba kayo sa ngalan ni Pablo?”

Kung hindi Diyos si Jesus, may isang tao na katulad ng Diyos bagamat hindi Diyos: Si Jesus, tulad ng Ama, ay nakababatid din ng lahat ng bagay, nasa lahat din ng lugar na parang Diyos, at ang mga ginagawa niya ay lahat ng nakikita niyang ginagawa ng Ama. Nangangahulugan na kaya niyang gawin lahat ng ginagawa ng Ama—at dapat lang! Dahil sinasabi ng Kasulatan na kung ano ang Diyos ay ganun din ang Anak. Kung si Cristo ay hindi Diyos, dalawa lang ang pagpipilian, may isang tao na katulad ng Diyos, o ang Diyos ay tao din. Ang tamang sagot ay wala sa nabanggit.

Kung si Jesus na maningning na sinag ng Diyos ay tao lamang, nangangahulugan na ang kaningningan ng Diyos ay isang tao na umiral 2000 taon pa lang ang nakakaraan. Sa ganitong argumento, ang Diyos ay wala pang kaningningan hanggang sa pagdating ni Jesus. Ang Diyos kung ganun ay kadiliman din noong wala pa si Jesus, dahil sinabi ni Juan na ang pinatotohanan nila ay ang Liwanag, at alam ng mga mananampalataya na si Jesus ang tinutukoy nito. Ang Liwanag ay siya ring Buhay, kaya ano ang Diyos noong wala pa si Jesus?

Noong panahong dumalaw ang mga Pantas sa sanggol na si Jesus, wala pang nagsasabi na siya ay dapat sambahin sa kabila ng kanyang pagiging tao lamang. Kung naniniwala ang matatalinong mga taong iyon na si Jesus ay tao lamang, sila ay nagkasala ng idolatria—ang pagbibigay sa isang nilalang ng karangalang nararapat lamang sa Diyos. Pagano ang mga pantas; ang mga tala at mga konstelasyon ang kanilang basehan ng mga mangyayari at dapat gawin. Inialay ba nila kay Jesus ang pagsambang-pagano o pinatnubayan sila ng Diyos patungo sa totoong Diyos at sa tamang pagsamba?

Kung hindi Diyos si Jesus, paulit-ulit niyang inangkin ang karangalang hindi sa kanya kundi sa Diyos, sa pamamagitan ng hindi pagtutuwid sa mga naniniwalang siya ay Diyos, o sa mga nag-aakalang inaangkin niya ang pagiging kapantay ng Diyos; ganun din sa pagamit sa pangalang “Ako Nga” na tumutukoy sa Diyos. Tuwing may lumuluhod sa harapan ng mga apostol, linilinaw nila na sila ay mga tao lamang; si Jesus, sa kabilang banda ay nananahimik lamang tungkol sa pag-aakala ng mga Judio na inaangkin niya ang pagiging Diyos, at hindi rin siya nagsalita sa isyung ito nang sinabi ni Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!” Inakala lang ba ni Tomas na Diyos si Jesus? Kung sakali man, ibig sabihi’y inakala lang din ito ng Diyos nang sabihin ng Kasulatan tungkol sa Anak, “Ang trono mo, O Diyos, ay walang hanggan.”

Kung si Jesus ay hindi Diyos, hindi totoo ang pinaniniwalaan ng mga Judio na tanging ang Diyos lamang ang makapagpapatawad ng mga kasalanan. Inihinga ni Jesus sa mga apostol ang Espiritu Santo, at kasama nito ang kapangyarihang magpatawad at di magpatawad ng mga kasalanan. Nangangahulugan na ang kapangyarihang ito ay nagmumula sa kanyang sarili. Nang tinanong siya ng mga pariseo tungkol sa pag-aangkin niya sa autoridad na magpatawad ng kasalanan—dahil alam ng lahat na ito’y tangi sa Diyos—hindi siya nagbigay ng paliwanag para itanggi ang inaangkin niyang karangalan; ni hindi niya sinabing siya ay tao lamang na pinagkatiwalaan ng Diyos para magpatawad ng kasalanan.

Kung si Jesus ay tao lamang, mapatutunayang hindi makatarungan ang Diyos. Una, tulad ng naipaliwanag na, magiging sapat lang ang kabayaran sa hinihingi ng katarungan kung ang magbabayad nito ay sindakila ng pinagkasalahan. Dagdag pa dito ay ang kawalang-panahon ng pagkakasala na nangangailangan din ng patuloy at walang-panahong pagbabayad. Kung sakali man mabayaran ng isang tao lamang ang kasalanan ng mundo, kailangan niya rin gawin ito habampanahon o sa kawalang-hanggan. Ikalawa, nagkasala din ang mga anghel pero walang sinuman sa mga kapwa anghel, gaano man kabanal at katapat sa Diyos, ang pinayagang tumubos sa mga nagkasala bagamat higit silang may karapatan sa merito ng paglilingkod kung ikukumpara sa tao na umiiral pa lamang sa maikling panahon sa kabuuan nito.

Kung si Jesus ay tao lamang, ang lahat ng nilalang ng Diyos ay nagmula sa isang tao—sa tapat na saksi na ang pangalan ay Amen.

Kung hindi Diyos ang Salita, ang Diyos ay may kasamang hindi Diyos pero hindi rin nilalang. Tulad ng Diyos, siya ay wala rin simula dahil kasama na siya ng Diyos sa pasimula pa. Ang salitang “pasimula pa” sa Kasulatan ay tumutukoy sa kawalang-hanggan.

Kung ang Salita ay nilalang, ang Diyos ay hindi nakapagsasalita noong una, at walang kakayahang lumikha ng anuman dahil ang lahat ng bagay ay linikha sa pamamagitan ng Salita. Nangangahulugan din na ang Salita ay nilalang sa pamamagitan ng Salita.

SI JESUS AY SALITANG NAGING TAO TULAD DIN NG LAHAT NG BAGAY NA LINIKHA SA PAMAMAGITAN NG SALITA. HINDI NA SIYA SALITA DAHIL SIYA AY TAO NA. Ang ganitong mga pangangatwiran ay madalas na nakapagliligaw ng mga taong tamad mag-isip at hindi interesado sa katotohanan kundi sa mga aral na nginuya na ng iba at kailangan na lang lunukin. Malayong-malayo sa katotohanan ang kabulagang ito, at napakahirap itong sang-ayunan ng mga taong nakakikilala ng katwiran. Ang lahat ng bagay ay linikha sa pamamagitan ng Salita mula sa wala. Nang sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng liwanag,” ang liwanag ng kalawakan ay nagmula sa kawalan sa pamamagitan ng Salita, hindi ito Salitang naging liwanag. Magkaiba ang kahulugan ng mga salitang “naging” at “sa pamamagitan”. Halimbawa, ang damit ay ginawa ng tao sa pamamagitan ng makinang panahi, hindi ito nangangahulugan na ang makinang panahi ay naging damit, o ang damit ay dating makinang panahi. Kung ang pagiging tao ni Jesus ay tulad din ng di-umano’y pagiging mga nilikha ng mga binigkas na salita ng Diyos, mangangahulugan na ang lahat ng nilalang ay dating Salita—tulad ng Salitang tinutukoy ni Juan. Kung ito ang kaso, mangangahulugan na ang lahat ng nilalang ay kasama na ng Diyos sa pasimula pa, at ang lahat ay dating Diyos. Kung si Jesus ay tumigil sa pagiging Salita noong siya ay naging tao, anumang pagtukoy sa Salita ay hindi na tumutukoy kay Jesus, dahil pag nagkaganun, ang Salita ay patuloy din tutukoy sa lahat ng nilalang, at lahat din ay makapagsasabing “Bago pa si Abraham, ako’y ako na.” Ganun pa man, kung si Jesus at ang Salita ay dalawang magkaibang pag-iral (entities), magiging magkasalungat ang maraming bahagi ng Kasulatan, lalo’t higit sina Pablo at Juan—at maging ang sumulat ng Mga Pahayag. Laging sinasabi ni Pablo na ang lahat ng bagay ay nilikha sa pamamagitan ni Jesus at para sa kanya, samantalang sinasabi naman ni Juan na walang nilikha na hindi sa pamamagitan ng Salita. Ang may-akda ng Mga Pahayag, tulad ni Pablo, ay tumutukoy din kay Jesus bilang pinagmulan ng lahat ng bagay na linikha ng Diyos. Sa huli, dapat maliwanagan na hindi sinasabi ng Kasulatan na ang lahat ng bagay ay Salitang naging nilalang, o na si Jesus ay nilikha sa pamamagitan ng Salita; sa halip, si Jesus ay ang Salitang naging tao, at ang lahat ng bagay ay ginawa sa pamamagitan ng Salita. Si Jesus at ang Salita ay iisa at parehong pag-iral, samantalang ang lahat ng nilalang ay nagmula sa wala, hindi sila salitang nagpalit ng kalikasan.

30 Comments

  1. Roland said,

    Magandang araw po! Ipinagpapatuloy lang ng mga INC, ADD at iba pang anti-Katoliko/Kristyano ang mga maling aral na itinuwid ng mga Konsilyo.Palibhasa, wala silang tinanggap na Espiritu Santo di gaya ng mga Apostoles na ipinasa naman nila sa kanilang mga kahalili.

  2. alexa said,

    Magaling kang pilosopo. Pero ano ang talab noon kung nahihiya kang gumamit ng texto? Laos na ang estilong ginagamit mo. Walang batayan ika nga sa hindi pamilyar sa Biblia.

  3. vanillae said,

    Nakakagulat ang iyong komento! Paano mo nasabing hindi ako gumamit ng mga teksto ng Biblia? Hindi mo ba nabasa? O baka ang ibig mong sabihin ay hindi ko ibinigay ang mga reperensya o sabi nga e “mga sitas”? Hindi nito nababago ang katotohanan na gumamit ako ng mga teksto, binigyang diin ko pa nga para mas mapuna. Pero kung gusto ninuman na may makitang mga reperensya tungkol sa pagiging Diyos ni Jesus, mababasa ang isa pang titulo sa site na ito — Jesus, Anak ng Diyos.

  4. Jholand said,

    magandang araw po at Merry Christmas po…

    maraming salamat po sa blog na ito.. kasi po may kausap akong INC tungkol sa relihiyon, pero hindi po kami nagdedebate, nagse-share lang po kami ng mga paniniwala. Sa totoo lang po naguluhan akong bigla dun sa mga statement, tipong hindi ko po alam kung kanino na ako maniniwala, kasi syempre kaya din nila pangatwiranan yung sinabi nila.. Pero nung nabasa ko po ito, naituwid na po ulit ang paniniwala ko.. Maraming salamat po talaga.. God Bless Us

  5. Jun said,

    Magaling ang sinabi mo sa unang talata na, “Kung hindi Diyos si Cristo, sumasamba tayo sa tao na labag sa kauna-unahan at pinakamahalagang utos ng Diyos. Hindi dapat ibinibigay ang pagsamba kahit na sa anong nilalang, at sa kahit anong dahilan.”

    Kaya lang, paano na iyong ginagawa nating mga Romano Katoliko na sumasamba sa mga santo at mga santa? Ibig mo bang sabihin, lumabag tayo sa kauna-unahan at pinakamahalagang utos ng Diyos? Kasi pati ang Santo Papa ay sumasamba sa mga santo at santo!

    Hindi ba sinabi rin ng Diyos sa Pahayag talatang 21, verse 8 na ang mga sumasamba sa mga hindi tunay na Diyos (sa mga diyus-diyosan – gaya ng mga rebulto) ay parurusahan sa dagat-dagatang apoy – sa impiyerno?

    • vanillae said,

      Tama ang tanong mo pero mali ang pinagmumulan nito. Itatanong ko rin kung bakit hindi napapawi ang apoy ng araw tuwing lumulubog ito sa dagat. Hindi magiging mali ang tanong ko, pero mali ang pinagmumulan nito. Hindi lumulubog ang araw sa dagat, bagamat parang ganito ang nangyayari lalo na kung pagmamasdan ito sa isang partikular na lugar gaya ng Manila Bay; at hindi rin totoo na lumulubog ito, dahil nakatigil lang ang araw at walang anumang pagkilos mula sa kinalalagyan.

      Hayaan mong linawin ko sa iyo na kung ikaw ay sumasamba sa mga santo (gaya ng sinabi mo), nagkakasala ka ng mabigat. Hindi kailanman itinuro ng Simbahan o kaya ay ginawa ng mga tunay na Katoliko ang sumamba sa tao o sa rebulto man. Iminumungkahi kong basahin mo ang pamagat na Idolatria [puntahan dito]. Ang pagrespeto ng tao sa kanyang kapwa ay hindi dahil sa kakaibang kalikasan nito (walang taong anghel o taong Diyos maliban syempre kay Jesus na kapwa Diyos at tao), kundi dahil sa merito ng kanyang mga ginawa. Mataas ang pagtingin natin sa mga kababayan nating nagkaloob sa atin ng kalayaan kapalit ng kanilang buhay, pero hindi ito dahil mas mataas ang kalikasan nila kaysa sa atin. Hindi sila nakaangat sa lupa, sa halip ay nagpahalaga sa lupa at sa pagiging lupa. Ito ang dahilan ng pagtingala natin sa kanila. May matinong Filipino ba ang nagreklamo dahil may monumento si Jose Rizal at ang napakarami nating mga bayani hanggang kay Cory Aquino? Ilinalagay sila sa mga liwasan at sa halos lahat ng mga pampublikong lugar hindi para daan-daanan kundi upang bigyan ng paggalang. Sa totoo lang, hindi sapat na kabayaran ang ating pagrespeto para sa napakalaking pakinabang na tinatamasa natin dahil sa kanilang kabayanihan. Guminhawa tayo dahil sa kanilang paghihirap. Pero kahit gaano pa kataas ang pagtingin at paggalang natin sa mga taong ito, hindi natin sila sinasamba. Sa kabaligtaran, lagi nating naaalala ang kabutihan ng Diyos sa pamamagitan ng kabutihan nila (iyon ay kung alam natin kung ano ang ating ginagawa).

      Sa kabilang banda, lampas naman sa pagiging lupa ang paghanga natin at paggalang sa mga banal ng Diyos. Ibig sabihin, tuwing nakikita natin ang kanilang mga larawan, hindi lamang pakinabang na pang-mundo ang ating ipinagpapasalamat sa Diyos kundi, higit sa lahat, ang mga makalangit na biyayang tinatanggap natin dahil sa merito nila. Nangangahulugan bang may naidagdag pa ang mga santo sa nagawa na ni Jesus? Ito ay parang pagtatanong ng, “Kinukumpetensya ba ng buwan ang araw?” Muli, ang ganitong tanong ay nagmumula sa isang maling pananaw. Hindi inaagaw ng buwan ang karangalan ng araw bagamat may mga taong may malaking paghanga sa liwanag ng buwan. Sa kabaligtaran, pinararangalan ng buwan ang araw sa pamamagitan ng kagandahan nito dahil ipinapakita nito ang iba pang mukha ng liwanag ng araw. Kung hindi mo kayang tumingin sa kadakilaan ng araw, makikita mo pa rin ang karilagan nito sa pamamagitan ng buwan. Kung paanong nagdudulot sa atin ng pasasalamat sa Diyos ang pagtingin natin sa ating mga bayani, higit tayong may dahilan para dakilain siya dahil sa mga bunga ng kanyang gawa sa mga matapat na taga-sunod ni Jesus. Kung ang sarili mong anak o ang isang mabuting kaibigan ay nagagawa mong purihin kahit alam mong hindi sila perpekto, ano pa kayang papuri ang hindi mo mamarapating ibigay sa mga taong napatunayang nabuhay at namatay para sa Kaharian ng Diyos? Kung iginagalang mo ang matatanda kahit na sa maraming pagkakataon ay nasa mali sila, paano pa kaya ang mga taong halos buong buhay nila ay nagsumakit na laging manatili sa tama?

      Tanging mga taong hindi lamang marunong kumilala sa kabutihan ng kanilang kapwa, at walang nakikitang dahilan ng pasasalamat sa Diyos dahil sa ibang tao, ang hindi makakaunawa sa konseptong ito kahit na 100 ulit na ipaliwanag. Ni hindi niya kinikilala ang Diyos, sa halip ay ang kanyang sarili.

  6. Lester said,

    Sinasabi mo ba na ang Anak at Ama ay Iisa?

    • vanillae said,

      Inuulit ko lang bilang katapatan sa turo ni Jesus. Siya ang talagang nagsabi, “Ako at ang Ama ay iisa” (Juan 10:30).

      • Lester said,

        “Sumagot si Jesus, Sinabi ko na sa inyo, ngunit ayaw ninyong maniwala. Ang mga ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ang nagpapatotoo tungkol sa akin. 26 Ngunit ayaw ninyong maniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. 27 Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. 28 Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan. Kailanma’y hindi sila mapapahamak at hindi sila maaagaw sa akin ninuman.

        29 Ang aking Ama na siyang nagbigay sa kanila sa akin ay lalong dakila sa lahat, a at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. 30 Ako at ang Ama ay iisa.” (Juan 25-30)

        -Iisa saan?
        Iisa sa kalagayan o paniniwala?
        Bakit niya sinabing ang ginagawa niya ay para sa Ama?

        Sinabi niyang,” Ang mga ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ang nagpapatotoo tungkol sa akin.”

        Hindi bat malinaw na iba ang pinapatungkol niya na “Ako at ang Ama ay Iisa?
        ay hindi sa kalagayan o kapangyarihan kundi sa kanyang ginagawa?

      • vanillae said,

        Sapat na ang mga naisulat ko tungkol sa pagiging Diyos ni Jesus, pero upang subukang ipakita na ang tinutukoy ni Jesus ay hindi lang pagiging isa sa gawain, narito ang isang pahayag mula sa kanya: “Felipe, matagal nang panahon na ako ay kasama ninyo at hindi mo pa ako kilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabi: Ipakita mo sa amin ang Ama?” Kung ipadadala ko ba ang aking anak bilang aking kinatawan upang magsalita o gumawa para sa akin, sapat na bang sabihin niya sa mga gustong makakita sa akin, “Matagal nang panahon na ako ay kasama ninyo at hindi mo pa ako kilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabi: Ipakita mo sa amin ang Ama?” Alam kong mahirap itong unawaain para sa marami, pero ang bukas na isip ay makapagpapadali ng pagtanggap sa katotohanang ito.

        Hayaan ninyong magbigay ako ng isang praktikal na halimbawa tungkol sa kahulugan ng pagiging isa ng Ama at ng Anak. Halimbawang sumalok ka ng dalawang banga ng tubig sa isang balon upang inumin ng iyong mga bisita. Habang ihinahain mo ang mga tubig ay nagsalita ang isa sa mga bisita at sinabing, “Ayoko ng tubig mula sa pangalawang banga, ang gusto ko ay yung galing sa una,” hindi ka ba magtataka? Hindi mo ba masasabi o maiisip man lang, “Ang tubig sa unang banga ay siya rin tubig sa pangalawa. Ang dalawang ito ay iisa lamang”? Hindi sila iisa dahil pareho lang silang iniinom o dahil pareho silang pinanliligo o pinanlalaba o ipinanglilinis o kung ano pa man pagkakatulad ng gamit. Sila ay iisa dahil sa kanilang kalikasan. Iisang tubig lamang ang mga ito mula sa iisang balon bagamat nahati sa dalawang banga, at sa huli ay nahati sa maraming mga baso. Kahit sanlibong baso pa ang paglagyan, ang sanlibong ito ay iisa lamang. Si Jesus at ang Ama ay iisa dahil sa iisang kalikasang-Diyos. Muli, ito ang pinakaunang paksa ni Apostol Juan sa Ebanghelyo: “Sa pasimula pa ay naroroon na ang Salita. Ang Salita ay sumasa Diyos at ang Salita ay Diyos.” Tanging Diyos lamang ang naroon na sa pasimula, wala nang iba. Maaring sabihin ng iba, “Ang Salita at ang Diyos ay magkaiba dahil sinasabing ang Salita ay sumasa Diyos na tumutukoy sa dalawang magkaibang pag-iral.” Walang kailangang pagtalunan sa bagay na iyan. Malinaw na ang Salita at ang Diyos (Ama) ay dalawang magkaibang pag-iral. Pero totoo din na ang dalawang ito ay iisa dahil “ang Salita ay Diyos.” Upang padaliin ito, bibigyan ko ng pangalan ang dalawang banga ng tubig na nabanggit. Ang unang tubig ay tatawagin ko sa kalikasan nito (tubig) at ang pangalawa ay tatawagin kong Agua. Ngayon ay pagsasamahin ko sa isang banga ang dalawang tubig, pagkatapos ibubuhos kong muli sa isang bagong gawang sisidlan at sasabihin ko, “Pagkagawang-pagkagawa ng sisidlang ito ay naroon na ang Aqua. Kasama ng Agua ang tubig, at ang Agua ay tubig.” Kung posible mong makita ang bawat “particle” ng Agua na isinama sa tubig, masasabi mong sila ay dalawang magkaibang pag-iral, pero dahil pareho silang H2O, tama lang — at walang maaaring magprotesta — na sabihing ang dalawang ito ay iisa. Hindi talaga ito mahirap na konsepto, kailangan lang ng bukas na kaisipan at mababang kalooban.

  7. michael said,

    tama ang mga naka sulat at paliwanag ni vanillae..isang napakagandang halimbawa ito..more powers of ALL SERVANTS OF GOD..GODBLESSYOU ALL ^_^

  8. Err John Fabie said,

    Ang galing ako po’y lubos na nagpapasalamat sa pagkakasulat ng mga ito dahil namulat ako at nadagdagan ng kaalaman tungkol sa diyos ama at sa diyos anak na si jesus ngayon ay malinaw na po saakin kung bakit my mga santo pa at kung paanong naging diyos si jesus salamat po ng marami. Pero kung inyo pong mamarapatin nais ko lang po sanang mag tanong kung totoo po bang mali ang imahe na ni jesus na aming sinasamba bilang isang katoliko? kasi po may napanuod po ako sa palabas ni Bro. Soriano na hindi pwedeng lumikha ang sino man ng imahe ni jesus, kaya ako’y naguguluhan bilang katoliko bakit merong imahe si jesus? medyo magulo lang po tanong ko pero sana po maintindihan ninyo ang ibig kong sabihin salamat po ako nga po pala si Err John Fabie 21 years old katoliko at sana po’y mareplyan ninyo po ako kung hindi man po dito kahit sa email or facebook nalang po salamat po ng marami sa paglilinaw Godbless po

    • vanillae said,

      Salamat sa komento at tanong mo, Err John! Iminumungkahi ko na bilang Katoliko ay pag-aralan mo ang mga aral ng Simbahan, sa halip na ang aral ng mga nagsisilitaw na samahan mula sa hindi malamang pinanggalingan. Syempre, ayaw naman natin na naliligaw tayo sa sarili nating tahanan, at pagkatapos ay pupunta tayo sa kapitbahay para sauluhin ang pasikot-sikot sa kanilang bahay. Sana ay nakukuha mo ang ibig kong sabihin.

      Tungkol sa mga imahe o larawan ni Jesus, mag-ingat ka sa mapanlinlang na mga argumento. Una, hindi sinasamba ng mga Katoliko ang anumang larawan ninuman. Kahit ang anim na buwang sanggol ay nakakakilala sa pagkakaiba ng larawan sa totoong tao. Kapag tinanong mo ang isang bata kung sino ang nasa larawan, sasabihin niya ang pangalan ng taong nakikita niya doon, pero alam niya na hindi literal na nasa kapirasong papel yung mismong tao kundi ang kanyang imahe o image lamang. Tumitingin tayo nang may pagmamahal sa larawan ng ating pamilya o mga mahal sa buhay pero hindi ang larawan ang minamahal natin kundi ang mga nakalarawan doon. Nagbibigay galang tayo sa watawat ng Pilipinas dahil sinisimbolo nito ang ating bansa, pero alam natin na ang watawat ay hindi ang mismong bansa. Ganun lang kasimple ang konsepto sa paggamit ng mga larawan o imahe, pero dahil may mga taong gustong magmarunong kaya pati mga simple at pang-araw-araw na bagay ay hindi na nila magawang unawain.

      Mayroon naman nagsasabing wala daw nakakita kay Jesus sa panahon ngayon kaya hindi siya pwedeng iguhit ng larawan. They are missing the point. Kung magiging totoo lang sana sila sa kanilang sarili at sa kanilang pag-aaral, hindi man lang nila maiisip ang ganitong kahangalan. Wala rin naman nakakita kay Cleopatra sa panahong ito pero nagagawa siyang ilarawan. Wala ngang nakakita kay Jesus sa panahong ito pero nagpoprotesta ba ang mga pekeng pastor na ito kapag nanonood sila ng movie tungkol kay Jesus o sa Ebanghelyo dahil hindi naman totoong mukha ni Jesus at ng mga apostol ang nakikita nila sa motion pictures? Hindi naman, di ba? Gusto lang nilang ipangalandakan na may alam sila sa Biblia at sa kalooban ng Diyos, pero lalo lang silang nagmumukhang mangmang.

      Maaari mo rin basahin ang artikulong ito at ang mga komento para sa mas detalyadong impormasyon: http://sicar.wordpress.com/mga-rebulto-sa-loob-ng-simbahan/

  9. jayson palado said,

    thanks po sa npakagandang argumento na ibinahagi mo sa aming mga mananampalataya. salamat po kuya vanillae. God Bless You po. :)

  10. paul john said,

    ako po ay naniniwala na si Jesus ay DIYOS pero tama parin po ba ang pananalangin na paulit-ulit?… ang DIYOS ba ay natutuwa sa panalanging paulit-ulit…

    • vanillae said,

      Ang mahalaga ay totoo ang pananalangin at hindi “mechanical repetition”. Si Jesus man ay nanalangin din ng paulit-ulit sa kanyang mga huling oras gamit ang parehong mga salita, pero hindi ito pagpapakita ng kawalan ng tiwala sa Diyos, sa halip ay nagpapakita ng kataimtiman ng intensyon. Layunin din nito na manatiling konektado sa Diyos sa katahimikan at pag-iisa, nang hindi nangangailangan ng pagamit ng iba-ibang mga salita. Alam na ng Diyos kung ano ang saloobin natin, kailangan lang natin itong ipahayag hindi alang-alang sa Diyos kundi alang-alang sa ating sarili. Dapat tayo mismo, mai-focus natin ang sarili sa kung ano ang intensyon natin at mangyayari iyon kung paulit-ulit natin itong sinasambit. Kung ang pagbabasehan ay ang pagkaalam ng Diyos sa laman ng ating puso, hindi na kakailanganin pang manalangin. Pero ang layunin ng pananalangin ay hindi para ipaalam sa Diyos ang ating intensyon kundi para ipaalam natin sa ating sarili at para magkaroon tayo ng patuloy na ugnayan sa Diyos. Kaya paulit-ulit man o hindi, ang mahalaga ay nagsisilbi itong tagapagpatibay ng relasyon natin sa Diyos at tagapagpaunawa natin sa sarili.

  11. alkham said,

    lahat sila ay na niniwala kai Jesus… tagasunod ni Jesus.. Pero ang masakit bakit sila nagtatalo at hindi nakkaunawaan sa kapareho nilang gumagamit ng aklat ng Ebanghilyo…? bakit sila hindi magkaiisa…? anong dahilan ng pagkabahagi bahagi sa tagasunod ni Jesus… ano ba ga ang nasa isip nila… at isi rin naman ang kanilang pinapaniwalaan…

    • vanillae said,

      Nakakalungkot nga ang katotohanang yan, pero wala tayong ibang magagawa kundi hangaring matagpuan ng lahat ang katotohanan, kung saan man ito matatagpuan. Ganito ang sitwasyon ng lahat ng pananampalataya–may maliit o malaking paghihiwalay. Ang kailangan lang nating maunawaan ay may iisang katotohanan at tungkulin nating ito ay hanapin.

  12. Ruth said,

    Si Kristo ay tao gaya ng nakasulat sa juan 8:40
    “datapwat ngayoy pinagsisikapan ninyo akong patayin na TAONG sa inyo ay nagsasaysay ng katotohanan na aking narinig sa Diyos ito ay hindi gawa nu abraham”

    Iisa lamang ang Diyos at ito ang ama. Sa pagbabasa ng bibliya ay wag nating isuot ang ating mga relihiyon. Unawain natin para sa
    ating ikaliligtas. Bakit hindi mo siyasatin ang Iglesia Ni Cristo. Bibliya ang sasagot sa tanong nating lahat.

    • vanillae said,

      Sinasabi mong sa pagbasa ng Biblia ay “huwag nating isuot ang ating mga relihiyon”, pero sa huli ay iminumungkahi mong siyasatin ang “Iglesia ni Cristo”. Dapat bang bigyang-kahulugan ang Biblia nang walang impluwensya ng relihiyon o ayon sa relihiyon?

  13. Ruth said,

    Hindi ka namamali ng nalalaman. Si kristo ay tao. Nagkamali ka sa yong dapat sambahin. Kung si kristo nga ay inaari nyang isa lang ang diyos at yun ang ama. Dapat natin itong sundin bilang isang kristiano. At iisa lamang ang iglesia na nasasaad sa bibliya na nakasulat sa roma 16:16.

    • vanillae said,

      Kung hindi ako nagkakamali, itinuturo ng “Iglesia ni Cristo” (na itinatag ni Felix Manalo) na sambahin si Cristo bagamat siya ay “tao lang”.

      • Ruth Margareth said,

        Unang una hindi si Ka Felix Manalo ang nagtatag sa Iglesia. Kung napapansin niyo “Iglesia ni Cristo” ang pangalan dahil si Cristo ang nagtatag nito. Kahit na siya ay tao, ginagalang namin siya dahil siya lang ang natatanging banal sa lahat ng tao. Sana mabuksan din ang isipan ninyo. Maraming maitutulonf ang pagtatanong.

      • vanillae said,

        From her humble beginnings in the Far East in 1914, the Iglesia ni Cristo also known as INC, has grown to be the largest entirely indigenous Christian church in the Philippines…

        http://www.iglesianicristowebsite.com/

        Nagsimula ang “Iglesia ni Cristo” noong 1914, hindi noong itinatag ni Jesucristo ang kanyang Iglesia 2000 taon na ang nakakaraan. Ang pagkakaroon ng pangalang “Iglesia ni Cristo” ay hindi katunayan na ito ay kay Cristo o itinatag niya. Kahit sinong tao ay pwedeng magtayo ng isang organisasyon at tawagin itong “Iglesia ni Cristo”. Ang totoo, marami nang mga sekta ang gumamit ng pangalang Church of Christ bago pa ang kay Felix Manalo.

  14. michael said,

    si cristo ay tao, kung si cristo ay diyos sino ang nagsugo saknya, alangan nman dyos dn edi magiging dlawa na ang dyos

    • vanillae said,

      Kung hindi nyo masakyan ang konsepto na para bang may dalawang Diyos dahil may isinugong Diyos at may nagsugong Diyos, mas marami pang ganyan ang mababasa ninyo sa Kasulatan. Pero hindi rin ito nangangahulugan na mayroon ngang dalawang Diyos. Ang Diyos ay hindi tao o tulad ng ibang nilalang, at hindi natin pwedeng limitahan ang kanyang kalikasan at kalagayan sa pamamagitan ng kapos nating kaisipan.

      Alam nating tayo ay binautismuhan o itinalaga sa pangalan ng Diyos, hindi ng tao o ng anghel. Hindi tayo iniligtas para sa nilalang kundi para sa lumalang — sa Diyos. Alam din natin na binautismuhan tayo sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo. Pinatutunayan ng Kasulatan na ang bawat isa sa mga personang ito ay nagmula sa kawalang-hanggan, at walang isa man sa kanila ang nilikha, bagamat kung minsan inilalarawan ang kanilang pagdating na para bang sila ay dating hindi umiiral. Ginagamit lang ang ganung pamamaraan ng pagsasalita para maabot ng isip ng tao.

      Hindi kailangan malito tungkol sa pagsusugo at pagiging sugo, dahil ang pinag-uusapan natin ay tatlong persona o tatlong magkakahiwalay na kamalayan. Hindi isinugo ng Ama ang kanyang sarili kundi ang Anak o ang Salita. Hindi rin niya isinugo ang sarili o ang Anak noong isinugo niya ang Espiritu Santo. Magkakaibang persona ang tatlong ito bagamat iisang Diyos. Hindi naman labis na napakahirap unawain ang konsepto ng tatlong persona sa iisang Diyos, kailangan lang na maging bukas tayo at huwag isipin na alam na natin ang lahat.

  15. porschia said,

    bkit ganun, . Napakatalino ng diyos ni utak natin na karampot ay hindi natin maaarok ang kanyang katalinuhan at kabanalan, kaya nga sinabi niya mapalad ang mga hindi nakakakita pero nananalig sa akin sa puso at damdamin, , Kahit kelan ,, wala siyang iniwan na bakas pigura larawan o anuman para sambahin ntin, dun nga nya pinapatunayan kung tlgang totoo tayo sa knya,, nsa bible yan, papayag ka ba kung kaw ang diyos ang minsang gawa ng tao hindi perpekto minsan tabingi,minsan may hindi pantay sa pagkakagawa, my diyos ba na binibenta sa kalsada nilalako, , kung ang sa mga pictures nmn,, batas ng tao yan eh, natural my picture tayo alaala, pro pagdating sya diyos ibang usapan na,, hindi nmn siya tao eh para sa picture lng tingnan ng tingnan ,,. .

    • vanillae said,

      I am afraid you’re making things very complicated. Ang Diyos ay naging tao para magawa nating siyang maunawaan. Nakipamuhay siya sa atin para muling maibahagi ang kanyang buhay. Ginawa niya ang lahat para pumantay sa ating antas. Nagkatawang-tao siya. Hindi lang basta tao, kundi karaniwang tao. Pero hindi pa siya nakuntento doon. Naging literal na pagkain siya para sa atin, at ginawa niyang utos ang pagkain sa kanyang laman para masigurong magiging bahagi ng ating katawan ang kanyang katawan.

      Hindi tamang sabihin na hindi siya nag-iwan ng bakas. Ang kanyang pagiging tao ay naglalayon na mag-iwan ng bakas – upang may mga matang makakita sa kanya at magpatotoo. Kung hindi ganun, hindi na lang siya dapat naging tao. At sa pagiging tao niya, siya ay may hugis, larawan, hulma, pisikal na anyo. Kung mapalad man ang nananalig kahit hindi nakakita sa kanya, hindi ito nangangahulugan na hindi masyadong mapalad ang mga nakakita sa kanya.

      Simple lang ang Diyos, dahil siya ay kapayakan at kadalisayan. Bagamat walang sinlalim ang kanyang karunungan, hindi nito sinasalungat ang talino ng tao na sa kanya din nagmula. Ang kasalungat lang nito ay ang maling pagamit ng kaalaman. Walang ibang pinagmulan ang karunungan ng tao kundi ang Diyos, at hindi ito dapat pinag-aaway o pinagsasalungat. Ang kalikasan ng tao ay nakadisenyo para sa pagkilala sa Diyos, at ang kanyang mga kauhawan ay kauhawan sa Diyos. Ang pagkahila ng isip ng tao sa mga larawan at kagandahan at kasama sa plano ng Diyos. Hindi iba ang sa tao at iba ang sa Diyos. Sa lahat ng pagkakataon, ang Diyos ay nagsusumikap na makipagtagpo sa tao sa lahat ng bagay. Dapat nating alalahanin na si Jesus ay larawan ng Ama. Ang Diyos ang pinagmulan ng konsepto ng larawan.

  16. Ruel_17 said,

    Vanillae, Magandang araw sa iyo! Itatanong ko lang sana anu po ba yung mga dapat kung gawin para makapunta ako sa langit(heaven)? Saka totoo po bang kapag namatay akong hindi ako nabibinyagan, mapupunta po ba ang kaluluwa ko sa porgatoryo? At anu po bang pinagkaiba ng porgatoryo sa langit at impyerno? Pakisagot na lamang lahat iyan. Yun lamang po. Maraming Salamat! GOD Bless!

    • vanillae said,

      Ang pinakasiguradong daan patungo sa langit ay si Jesus. Kung magiging matapat ka sa pagsunod sa kanya, makakarating ka. Kung Katoliko ka, magsimba ka kahit tuwing Linggo man lang. Ito ang magsisilbing pagkain ng iyong kaluluwa. Kung gusto mo ng “supplement”, pwede ka rin magsimba sa iba pang mga araw. Bawat Misa na dadaluhan mo nang buong katapatan ay magbubuhos ng biyaya sa iyong kaluluwa, at tutulungan ka nitong maging banal.

      Kung matanda ka na at namatay nang hindi nabibinyagan, tanging ang Diyos ang makapagsasabi kung sa anong estado ka mapupunta. Kung sanggol ka, makakarating ka sa langit dahil wala ka pang personal na kasalanan.

      Ang langit at impyerno ay parehong permanente at pinal na kalagayan, samantalang ang purgatoryo ay pansamantalang estado ng pagdalisay sa mga kaluluwang nakatakda sa Kaharian ng Diyos.

      Sana ay nakatulong akong maliwanagan ang iyong mga katanungan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: