UNTITLED
Kung nakakulong ako sa isang silid kung saan naroon na ang lahat ng aking mga kailangan, masasabi ko na mapalad ang mga taong isinilang dahil napakasarap mabuhay. Ngunit kung lalabas ako sa aking silid upang makita ang katotohanan sa labas nito, ako’y malulunos sa kalagayan ng mundo.
Marami sa atin ang nabubuhay lamang sa sarili niyang silid o sa maliit niyang mundo kung saan naroon ang mga tao at mga bagay na inaakala niyang kailangan niya. Nasa mundong iyon ang kaniyang pamilya at mga mahal sa buhay, ang kanyang trabaho at lahat ng bahagi ng kanyang buhay. Pero wala sa mundong iyon ang mga taong itinuturing na walang pakinabang, ang mahihirap, ang malulungkot na nangangailangan ng kaaliwan, ang mga nagbebenta ng sarili sa maling paraan para lamang mabuhay. Madalas ay wala tayong pakialam sa buhay ng ating kapwa, at madali nating naidadahilan, “Buhay niya iyon e, hindi ako dapat makialam!” Hindi na natin naaalala ang mga pagkakataon na nakialam sa buhay natin ang ating kapwa kaya narito tayo sa ating kinalalagyan. Nakalimutan na natin na isang beses ay muntik nang manganib ang ating buhay kung hindi lang dahil sa pakikialam ng ibang tao. Totoo nga na hindi natin dapat paghimasukan ang buhay ng iba, lalo na kung wala tayong pahintulot mula sa kanila, pero hindi iyon dahilan para hindi natin gawin ang responsibilidad natin sa kapwa bilang tagapangalaga ng isa’t isa. Maraming mga tao na wala nang magawa kundi isisi at ipapasan sa gobyerno ang lahat ng suliranin ng mga mamamayan, pero nakakalimot naman na ang ipinagagawa nila sa mga namumuno ay tungkulin din nilang gawin sa kanilang komunidad.
Ang talento ng tao ay hindi ibinigay ng Diyos para gamitin sa pagrereklamo kundi para sa pagpapaunlad ng pamayanan, at sa kapakanan ng kapwa. Araw-araw na lang ay mga kamalian ng iba ang nakikita natin samantalang hindi natin napapansin ang ating mga pagkukulang. Ano na ba ang nagawa natin para sa ating kapwa? Ni nagbigay na ba tayo ng mga salitang magpapalakas ng loob ng ating mga pinuno o wala na tayong ginawa kundi hanapin ang mga kulang sa kanilang ginagawa? Hindi pa ba sapat na sinusubukan nilang gamitin ang buo nilang lakas, talento, at kakayahan sa pagsasagawa ng kanilang mga tungkulin habang tayo naman ay patuloy na naghahanap ng butas sa kanilang tinatrabaho na tayo ang nakikinabang? Bakit kaya hindi na lang natin gugulin ang ating yaman at kakayahan para sa ikauunlad ng komunidad? Bakit kaya hindi na lang tayo makipagtulungan sa ating mga pinuno sa halip na ubusin ang ating lakas at kayaman para lamang kaladkarin sa harap ng publiko ang kakulangan ng gobyerno?
Napakarami nating magagawa para sa ating kapwa, sa ating bansa, at sa ating mundo kung magsisimula tayo ng pagbabago sa ating sarili. Nasanay na tayo na ibinabato ang sisi sa ibang tao habang tayo ang gumagawa ng mga kamalian. Kung ang mga tao ngayon ay mananatiling ganito, walang pinuno ang kailanman ay magiging matino sa paningin nila, at ang bansang ito at maging ang buong mundo ay lalo lamang mababaon sa miserable nitong kalagayan.