Kung Mahal Ninyo Sila…Magplano

March 9, 2008 at 11:30 pm (Moral)

Kung Mahal Ninyo Sila…Magplano![1]

Ano ba ang ibig sabihin ng pagpaplano ng pamilya? Ito ay kaugnay ng isa sa mga unang tagubilin ng Diyos nang likhain niya ang tao: Mamahala.[2] Alin ang pamamahalaan? Ang mundo at ang mga supling. Totoo bang iniutos ng Diyos na punuin ng mga supling ng tao ang mundo? Ayon sa kasaysayan ng kaligtasan, oo.[3] Sa anong dahilan?

Sa tinagal-tagal ng tao sa mundo, hanggang ngayon ay hindi pa rin natin naiitindihan ang plano ng Diyos at ang layunin ng kanyang mga utos. Ang tanong ay may pakialam nga ba tayo sa mga bagay na ito, o isa lamang malaking pagkukunwari ang pagsasabi nating naniniwala tayo sa salita ng Diyos?

Ang pagpaplano ng pamilya ay ang pamamahala dito. Ito ay nangangahuluguan ng paggawa ng mga balakin at hakbang na makabubuti sa lahat ng myembro ng pamilya sa lahat ng aspeto ng buhay. Ganito ba ang pagkaunawa natin sa bagay na ito, o kasama tayo sa mga taong madaling maniwala sa mga popular na ideya? Ang kahulugan ng katagang “family planning” ay sapilitang pinalitan ng mga taong maliit ang utak pero malakas ang impluwensya. Sa mga uri nila nagmumula ang mga konseptong tulad ng “euthanasia”, “liberated”, “pro- choice”, “for adults”, at marami pang mga mapanlinlang na salitang patuloy na sumisira sa tamang pangangatwiran. Ang pagpaplano ng pamilya ay hindi nangangahulugan ng paggamit ng “contraceptives” o pakikipagtalik nang walang kaakibat na responsibilidad; sa halip, ito ay ang tamang pamamalakad sa lahat ng bahagi ng buhay-pamilya. Ang pag-aagwat sa pagkakaroon ng mga supling ay isang bahagi ng pagpaplanong ito at dapat na isagawa sa paraang nakalulugod sa nagbigay ng kakayahan at atas na maging kamanlilikha ng Diyos. Bukod dito, dapat din natin laging isaisip ang layunin at prinsipyo ng pagkalikha sa lahat.

Linalang ang tao hindi para may makasama ang Diyos sa kanyang pag-iisa, kundi upang makasama niya tayo sa kanyang kaluwalhatian. Ang Diyos ay sapat na sa kanyang sarili, wala siyang kailangan, at siya ang pinagmumulan ng lahat ng mabubuting bagay. Sa kanya umiiral ang kalawakan at walang bagay na hindi sa kanya umiiral. Bagamat siya ay iisa, hindi siya nag-iisa dahil ang Diyos ay isang pamilya — siya ay isang komunidad. Ang pamilya at komunidad na iniuutos niyang buuin natin ay larawan ng kanyang kalikasan — ekstensyon ng pag-ibig ng Ama sa Anak at ng Anak sa Ama. Sa kabila ng pagiging ganap o kumpleto ng Diyos, tayo ay linikha niya; iyon ay dahil umaapaw ang kanyang pag-ibig at tayo ang bunga ng pag-ibig na ito. Hindi tayo linikha para mabuhay at mamatay nang walang katuturan sa mundo. Ang tao ay obra maestra ng Diyos, tayo lang ang nilalang na may katawan at kaluluwa. Hindi bahagi ng kalikasang-tao ang kamatayan dahil tayo ay nilikha para mabuhay, hindi para mamatay. Dahil lamang sa kasalanan kaya ang katawang hindi sana nabubulok ay nabubulok, at ang hindi sana namamatay ay namamatay. Gayunman, pareho pa rin ang plano ng Diyos — hindi siya nagbabago ng isip[4] — na makasama niya tayo sa kanyang kaluwalhatian. Ang Diyos, simula noon hanggang ngayon, ay bumubuo ng isang malaking-malaking pamilya[5] na magsasama-sama sa kanyang kaharian. Ito ang dahilan ng paglikha niya sa atin, at ito rin ang dahilan kung bakit inaatasan niya ang marami na maging kamanlilikha niya na pupuno sa daigdig at sa langit. Pagkatapos ng mga panahon, wala nang pagkakataong palakihin pa ang pamilyang ito. Iniutos ng Diyos na ito ay mangyari sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng tao, hindi sa dahilang kailangan niya ng tulong, kundi dahil ito ang kalooban niya.

Sa paglalarawan ni John Paul the Great tungkol sa isang komunidad ng mga Katoliko ay ganito ang sinabi niya: “In the bosom of the small community the family recovers the sense and joy of its mission : to transmit both natural and supernatural life.” Dito ay ipinapahayag ang katotohanan ng misyon ng pamilya at ang konkretong katuparan nito: ang buong-kagalakang pagpapasa ng natural at sobrenatural na buhay. Ito ang layunin ng Diyos, ang ikalat ang buhay hanggang sa panahon na ang lahat ng sa kanya ay makakasama na niya.

Sa kabilang banda, ang mga taong nagtatago sa mukha ng pagmamalasakit ay buong-lakas na sumasalungat sa kalooban at plano ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapahiwatig at pagtuturo na ang pag-aasawa ay tungkol sa sariling kasiyahan ng mag-asawa. Ang mga tao ding ito ang nagsasabi na ang pakikipagtalik ay isang pangkaraniwang gawain lamang tulad ng panonood ng TV, at hindi dapat gawing malaking isyu. Ang tunay na isyu para sa kanila ay ang “problema” ng pagdadalantao na kasama ng pakikipagtalik; ito ang pilit nilang ginagawan ng paraan at itinuturo sa lahat. Pansinin ang pagsalungat ng tao sa kalooban ng Diyos:

“Magpakarami kayo at punuin ng inyong mga supling ang buong daigdig, at pamahalaan ito.”[6]

  

“Bibigyan ko kayo ng lahat ng uri ng butil at mga punongkahoy na inyong makakain.”[7]

Namatay si Onan dahil kasuklam- suklam kay Yahweh ang ginagawa niyang pagtatapon ng binhi sa pakikipagtalik.[8]

  “Huwag kang papatay ng bata sa pamamagitan ng aborsyon ni pumatay ng naisilang na.”[9]

 

 

“Huwag kayong makikiapid.”[10]

 

“Ang ugat ng kahirapan ay ang pagdami ng mga supling kaya dapat sugpuin ang pagkapuno ng daigdig.”

“Hindi sapat ang yaman ng mundo para buhayin ang lahat ng tao. Ang solusyon ay pigilin ang paglaki ng populasyon.”

Itinuturo ng mga doktor at ng pamahalaan na itapon ang binhi ng lalaki sa pamamagitan ng paggamit ng condom o diaphragm.

 Sa pamamagitan ng mga gamit tulad ng IUD o mga pills na ipinapakilala nang may panlilinlang bilang contraceptive, kinikitil ang buhay sa pinakamaagang baytang nito (early abortion).

Itinutulak ang tao sa pakikiapid at pangangalunya sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataong umayon sa laman at makipagtalik kaninuman dahil sa mas maliit na posibilidad ng pagdadalantao.

Ang usapin tungkol sa pagpapamilya, pagpipigil sa sarili, pangangalunya, at lahat ng bagay na may kinalaman sa sekswalidad ay hindi bago sa buhay ng Simbahan tulad ng inaakala ng mga taong nagmamarunong. Ang mga prinsipyo ng Cristianismo ay hindi nakakulong sa iisang panahon, sa halip, kung paanong si Cristo ay siya noon, ngayon, at bukas,[11] ang kanyang mga salita at utos ay nananatiling totoo at epektibo sa lahat ng panahon bagamat naiiba ang porma nito bilang pag-akma sa kasalukuyang panahon. Bago pa man ang mga makabagong paraan ng pagpipigil ng pagdadalantao (hindi pagpipigil sa sarili[12]), libong taon nang hawak ng Simbahan ang mga panuntunan tungkol dito. Ang Diyos ay hindi tao na nagbabago ng isip,[13] alam niya kung ano ang plano niya at kung saan ito patungo. Sa kabilang banda, ang mga taong patuloy na bumubuo ng kultura ng kamatayan — pagpatay sa mga may sakit at sa matatanda, pagpigil sa pagpapasa ng buhay, pagpatay sa mga bata — ay nasa kabilang panig ng plano ng Diyos. Kasama nila ang Masama na siyang nagdala ng kamatayan sa tao, at walang ibang pinagpaplanuhan kundi ang pagsira sa anumang may buhay.

Sinumang nagmamahal sa kanilang mga anak ay dapat na umunawa sa katotohanan upang ito rin, kasama ng buhay, ay maipasa sa kanila. Sila ay isinilang upang makasama ng Diyos at maging bahagi ng malaking pamilya na binubuo niya sa pamamagitan ng mga magulang. Isipin ninyo, kung kayo ay magbabakasyon sa Baguio o sa Boracay o saanmang lugar na talagang gustong- gusto niyo, hindi ba’t gusto ninyong makasama ang lahat ng mga taong mahal ninyo, lalo’t higit ang inyong mga anak? Higit pa diyan ang pananabik ng Diyos na matupad na nang tuluyan ang kanyang plano. Nakikibahagi sa kasabikan at kagalakang ito ang mga magulang na nakauunawa ng kanilang misyon. Gusto rin nila na ang lahat ng mga supling na itinakdang ibigay sa kanila ay makasama, hindi lamang sa isang malaking bakasyon, kundi sa habampanahong kaligayahan kasama ng Diyos at ng kanyang pamilya sa tunay at palagian nilang tahanan.[14]

Ang tao ay hindi tulad ng hayop na mabubuhay at mamamatay lang (hindi ko alam kung ang mga taong nagsusulong ng kamatayan sa mundo ay ganito ang tingin sa sarili nila — parang hayop lang); hindi ganito ang ipinahayag sa atin ng Diyos, at hindi rin ito ang ipinahahayag natin. Bagamat nakapasok ang kamatayan sa mundo dahil na rin sa ating kasalanan, ang Diyos ay Diyos pa rin ng buhay[15] kaya sa pamamagitan ni Jesus ay ibinalik niya tayo sa dati nating kalagayan — mga lingkod ng Diyos at walang kamatayan.[16] Araw-araw ay ipinahahayag ng Simbahan ang katotohanang ito; ang ating pananampalataya “sa pagkabuhay na muli ng mga namatay na tao, at sa buhay na walang-hanggan”. Pero para sa mga taong sumusugpo at kumikitil ng buhay, ang muling pagbangon ng kanilang katawan ay para sa kapahamakan nito.[17] Kung paanong ang mga tagapagtaguyod ng buhay ay makakasama ng Ama ng Buhay; ang mga mamamatay-tao ay makakasama rin ng kanilang amang “mamamatay-tao na sa pasimula pa, at kalaban ng katotohanan.”

Ito ang masasabi ko sa mga magulang: Ang inyong mga anak ay hindi talagang sa inyo dahil walang anuman sa mundo ang tunay na sa atin maliban sa ibinigay ng Diyos na kalayaang magpasya. Ang mga supling na iniutos na pamahalaan natin ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng paglikha, at magiging mga anak niya at tagapagmana sa pamamagitan ni Jesus. Hindi ninyo kayang isipin ni subukang tuklasin kung gaano kalaki ang yaman na inihandang ipamana ng Diyos sa kanyang mga anak; hindi ito kailanman masusukat. Ito ang mana ng inyong mga anak. Kung mahal ninyo sila…unawain ninyo ang katotohanan, at ito ang ipahayag ninyo sa kanila tulad ng nararapat. Ginagawa ng demonyo ang lahat ng paraan para baligtarin ang plano ng Diyos — ang plano ng Buhay — upang palitan ng kamatayan. Lalong tumitindi ang kanyang galit tuwing may isinisilang na madadagdag sa pamilya ng Diyos, pero ang totoo ay nagiging matagumpay din ang ilan sa mga plano niyang pangwawasak sa buhay ng tao sa iba’t ibang paraan dahil na rin sa pagpanig natin sa kanya. Tuso si Satanas kaya hindi siya madaling kalaban. Hindi mangmang ang ating unang mga magulang tulad ng maaari nating isipin, higit lang talagang matalino ang demonyo, at ito ang ginagamit niya sa panlilinlang. Ganunpaman, ang Diyos pa rin ang may hawak ng lahat ng bagay at pangyayari, ang tagumpay ay sa kanya pa rin at sa kanyang mga anak — sa inyong mga anak — kaya kung mahal ninyo sila, magplano ng pamilya ayon sa kalooban ng Diyos na Ama ng bawat pamilya at kung saan ang lahat ng pagkapamilya ay nagmula.


[1] Motto ng lumang ads ng Trust contraceptives.

[2] Cf. Gn 1:28

[3] Cf. Gn 1:28; Gn 9:1

[4] Cf. 1 S 15:29

[5] “Kasamahan ng mga banal.” Ang bahaging ito ng Credo na ating ipinahahayag ay tumutukoy sa pamilyang ito na sa kasalukuyan ay nasa langit, nasa purgatory, at nasa lupa.

[6] Gn 1:28

[7] Gn 1:29

[8] Cf. Gn 38:6-10

[9] Didache 2:2

[10] Ex 20:14.17

[11] Cf. He 13:8

[12] Ang makatarungan at matuwid na pagpaplano ng pamilya ay ang pagrespeto sa kalikasang pantao. Ito ang aral na iiwan natin sa ating mga anak. Noong unang panahon pa man ay sinagot na ng mga Ama ng Simbahan ang usapin tungkol sa pag-aagwat; ito ay isang matandang usapin na. Kung autoridad ng Kasulatan naman ang ating hinahanap ay ganito ang sinasabi ni Apostol Pablo: “Huwag kayong magkait sa isa’t isa, malibang pagkasunduan ninyong huwag munang magsiping, upang maiukol ninyo ang panahon sa pananalangin. Pagkatapos, magsiping na uli kayo upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa hindi na kayo makapagpigil” (1 Co 7:5).

[13] Cf. 1 S 15:29

[14] Cf. He 13:14

[15] Cf. Mt 22:32

[16] Cf. 1 Co 15:22-23; Jn 11:25-26; 1 Jn 3:14

[17] Cf. Dn 12:12; Jn 5:28-29

Permalink Leave a Comment

Idolatria

February 22, 2008 at 11:03 am (Commentary)

Sa pangkalahatan, ang salitang idolatria na makikita natin sa iba’t-ibang diksyunaryo, ay nangangahulugan ng pagbibigay ng parangal, pagmamahal, o paghahayag ng katapatan sa isang “hindi diyos” na para bang ito ay isang diyos (divine). Tulad ng tamang pagsamba, ito ay nagmumula sa puso bagamat madalas ay nakikita sa gawa.

Kung papansinin natin ang deskripsyon ng pagsamba ng mga Israelita sa mga diyus-diyusan noong unang panahon, ito ay naglalarawan sa isang kalipunan ng mga tao na nasa harapan ng isang rebulto o altar; may nagsusunog ng insenso, at lahat ay nagkakasiyahan sa pamamagitan ng pagkain, pag-inom, at pagsasayaw; kasama rin ang paghahandog ng buhay o ng isang babae para sa kahalayan. Ito ang mga panlabas na larawan ng isang uri ng idolatria sa kanilang kapanahunan. Ngunit hindi ang pagsusunog ng insenso, o ang pagkain at pag-inom, o kahit ang pagsasayaw man ang kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos kundi ang laman ng puso ng mga taong ito, sapagkat sa puso tumitingin ang Diyos. Ang kinasusuklaman ng Diyos ay ang maruming puso at kawalang pag-ibig ng tao sa mga bagay ng Diyos. Ang mga Israelitang sumamba sa mga diyus-diyusan ay walang pagmamahal kay Yahweh; ni hindi sila marunong magpasalamat o tumanaw ng utang na loob. Si Yahweh mismo ang nagsabi, “Sinubok nila ako kahit nakita na nila ang aking gawa.” Sa puso nila, bagamat kasama nila si Moises sa paglalakbay, ay may ibang mga bagay na mas gusto nilang paglagakan ng kanilang pag-asa tulad ng Ehipto at ng mga diyus-diyusan nito. Ang guyang ginto ay larawan ng mga diyus-diyusan ng kanilang puso. Hindi ito tulad ng mga kerubin sa Arko ng Tipan na lumalarawan sa mga anghel ng Diyos, sa halip ito ay ang masasamang bahagi ng kanilang puso na hinulma nila sa wangis ng isang guya.

Kung paanong binigyang-liwanag ni Jesus ang esenya ng Kautusan, lininaw din ng mga apostol ang maraming mga bagay at isa na dito ang idolatria. Sinabi ni Pablo na “walang pag-iral ang diyus-diyusan at walang Diyos maliban sa isa” (1 Co 8:4), ganun pa man, ang tao ay gumagawa ng sarili niyang diyos sa kanyang puso dahil ayaw niyang maglingkod sa katotohanan ng iisang Diyos. Mahirap para sa tao na unawaing ang Diyos na hindi sumusunod sa kanyang mga kagustuhan ay masasabi ngang isang Diyos. Sa puso ng tao, gusto niyang sambahin ang kanyang sarili kaya sa ganoong paraan siya sinisila ng diyablo: “Matutulad kayo sa mga diyos” (Gn 3:5). Gusto niyang siya ang maging pamantayan ng kung ano ang mabuti at ang dapat. Ito rin ang panlilinlang na ginawa ng diyablo kay Jesus: “Iutos mo sa batong ito na maging tinapay” (Lk 4:3); sa gayon, kung gawin nga ito ni Jesus, muling malilinlang ang taong dapat ay magiging simula ng bagong paglikha—ang bagong Adan—kung paanong nalinlang niya ang luma.

Sa panahon ni Jesus at ng mga apostol, itinuro nila sa iba’t-ibang paraan ang tunay na kahulugan ng pagsamba sa diyus-diyusan, at kung paanong hindi karapat-dapat sa Diyos ang mga gumagawa nito: “Ang mas nagmamahal sa kanyang ama o ina kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang mas nagmamahal sa kanyang anak kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin” (Mt 10:37). Sa paanong paraan nagiging diyus-diyusan ng mga magulang ang kanilang anak, o ng anak ang kanyang mga magulang? Kapag sa oras ng salungatan sa pag-itan ng Diyos at ng ating mga minamahal, ay mas pinipili natin ang tao kaysa Diyos.

Tungkol naman sa ari-arian ay ganito ang sinasabi: “Hindi kayo makapaglilingkod nang sabay sa Diyos at sa kayamanan” (Mt 6:24). “Ang umiibig sa sanlibutan ay hindi umiibig sa Ama” (1 Jn 2:15) “Hindi ba ninyo alam na kapag kinaibigan ninyo ang sanlibutan ay kinakaaway naman ninyo ang Diyos?” (Jm 4:4). Ang pagsamba sa diyus-diyusan sa larawan ng pera at mga pag-aari ay nangyayari kapag inilalagak natin ang ating tiwala sa mga bagay na ito sa halip na sa Diyos. Ang mayamang hindi makapagbigay ng taos sa puso ay nananangan sa kanyang kayamanan; ang mahirap na mapaghangad ay walang pinagkaiba sa mayamang nakakapit sa kayamanan — pareho ang kanilang puso bagamat magkaiba sila ng kalagayang panlipunan. Ang pagnanakaw ay isang uri ng pagsamba sa diyus-diyusan dahil winawalang-halaga nito ang paggalang sa pagmamay-ari ng iba alang-alang sa bagay na gustong makamtan; ibig sabihin ay ilinalagay ang pagpapahalaga sa isang bagay nang higit sa tunay na halaga nito. Ang pagsasabing, “Hindi ako mabubuhay ng wala ang ganito ko o wala ang ganyan ko,” ay paglalagay sa mga bagay nang higit sa dapat nitong kalagyan. Nasa katulad na estado rin ang inggit, pag-iimbot, at kawalan ng kasiyahan.

Marami pang mga pang-araw-araw na tanawin sa buhay ng tao ang nagpapakita ng pagiging palasamba ng puso nito sa mga hindi tunay na diyos; hindi ito madaling isulat at ipaliwanag isa-isa. Ang layunin dito ay paalalahanan ang lahat na ang Diyos ay laging sa puso nakatingin — hindi kailanman sa panlabas — kaya dapat nating pag-ingatan na huwag maging mapagpaimbabaw at mapanghusga tungkol sa nakikita ng mata. Ang pagsamba, paggalang, pagmamahal, pagpapahalaga, at ang iba pang mga katulad nito ay nagmumula sa puso. Kahit pa makaharap mo ang Diyos at yumukod sa harapan niya, kung wala sa presensya niya ang puso mo, hindi pa rin ito pagsamba; kahit gumamit ka ng “po” at “opo” sa pakikipag-usap sa nakatatanda, kung wala doon ang puso mo, hindi pa rin iyon paggalang; Kahit na lagi mong gamitin ang katagang “I love you,” kung makasarili ka, hindi pa rin iyon pagmamahal; at kahit pa itinatago mo ang lahat ng regalo sa iyo pero hindi ka naman nakakadama ng pasasalamat, hindi pa rin iyon pagpapahalaga. Kung titingin lang tayo sa nakikita ng mata, magiging mapanghatol tayo sa mga bagay na hindi natin nauunawaan, at aakalain naman natin na nasusunod natin ang kalooban ng Diyos dahil din sa mga panlabas na gawain (o hindi paggawa). 

Ang lahat ng kasalanan ay mga porma ng idolatria sa iisang dahilan: Inilalagay nito ang Diyos sa ilalim ng ating mga pasya at kagustuhan, sa halip na sa ibabaw ng mga ito.

Permalink Leave a Comment

Bawal Kainin

February 22, 2008 at 3:38 am (Commentary)

Sinumang magsasabi na ang mga tagubilin sa Konseho ng Jerusalem ay mga bagong utos ay hindi nakauunawa ng kabuuang mensahe ng Kasulatan, at kulang sa kaalaman. Ang mga batas tungkol sa pagkain ng mga inihandog sa diyus-diyusan, sa pakikiapid, at sa pagkain ng hayop na binigti o may dugo pa ay nasa piling na ng mga Judio mula pa nang unang panahon. Hindi ito mga utos na galing sa mga apostol kundi bahagi ng batas ni Moises. Hindi ba’t ang mga Cristiano ay namatay na sa Kautusan nang maging bahagi ng katawan ni Kristo, bakit tila pinapapasan pa rin sa kanila ang ilang bahagi ng Kautusan? Ibig bang sabihi’y nasa ilalim pa rin tayo ng sumpa (Ga 3:10) at hindi totoo ang sinasabi ni Pablo na “pinalaya tayo ni Kristo upang manatiling malaya”(Ga 5:1)? Hindi maaaring salungatin ng Diyos ang sarili niyang salita na tinanggap ng mga tagasunod ni Kristo at ipinangangaral sa iba. Malinaw at hindi mababago ang katotohanang wala na tayo sa ilalim ng Kautusan, at ang kaligtasan ay bunga ng pananampalataya. Tungkol sa pagkain, bilang pangkalahatang prinsipyo ay ito ang sinasabi: “Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao kundi ang lumalabas ang nakapagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos. Hindi ba ninyo alam na anumang pumasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at idinudumi?”(Mt 15:11.17); “Huwag mong ituring na marumi ang nilinis ng Diyos”(Ac 10:15); “Dahil sa aking pakikipag-isa sa Panginoong Jesus, natitiyak kong walang pagkaing likas na masama; ngunit kung inaakala ninuman na ipinagbabawal ang isang pagkain, ito bawal nga sa kanya”(R 14:14); “Hindi   dahil sa pagkain kaya tayo nagiging kalugod-lugod sa Diyos”(1Co 8:8); “Namatay na kayong kasama ni Kristo at wala na sa kapangyarihan ng espiritung naghahari sa sanlibutan. Bakit pa kayo sumusunod sa alituntuning tulad ng ‘huwag hahawak nito’, ‘huwag titikim niyan’, ‘huwag hihipo niyon’? Ang mga ito’y utos lamang at aral ng tao tungkol sa mga bagay na nauubos”(Col 2:20-22); “Maliwanag ang sinasabi ng Espiritu: sa huling panahon, iiwan ng ilan ang pananampalataya. Susundin nila ang magdarayang espiritu at ang mga aral ng diyablo dahil sa panlilinlang ng mga sinungaling na ang mga budhi’y  may tatak ng pagiging alipin ni Satanas. Ipagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, mga pagkaing nilikha ng Diyos para kaining may pasasalamat ng mga sumasampalataya at lubos na nakauunawa ng katotohanan.  Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti, at walang dapat ipalagay na masama. Lahat ay dapat tanggaping may pasasalamat sapagkat nililinis ito ng salita ng Diyos at ng panalangin”(1 Tm 4:1-5); “Kumain kayo ng anumang nabibili sa tindahan ng karne at huwag na kayong magtanong pa upang di mabalisa ang inyong budhi. Sapagkat sinasabi ng Kasulatan, ‘Ang lupa at lahat ng naroroon ay sa Panginoon!’”(1 Co 10:25-26); “Huwag kayong patatangay sa sari-sari at kakaibang turo. Mas mabuti para sa atin ang mapatibay ang ating kalooban sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Diyos kaysa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos tungkol sa pagkain. Ang mga sumusunod dito’y wala namang natamong kapakinabangan”(Heb 13:9). Ang mga nabanggit ay tumutukoy lamang sa turo ng Simbahan tungkol sa usapin ng pagkain, kung saan ang mga Judio at mga pagano ay may kanya-kanyang nakasanayan at paniniwala. Hindi pa kasama dito ang tungkol sa ibang kontrobersya na kalimitan ay tungkol sa panliligalig ng mga Judio sa mga Cristianong Hentil ukol sa pagsunod sa kautusan ni Moises, kung saan ang mga Cristiano ay pinalaya na. Ngunit anupaman ang usapin tungkol dito, iisa lang ang pangkalahatang prinsipyo: wala na tayo sa ilalim ng Kautusan.

 

Ganun pa man, alam ng mga apostol na hindi lahat ay nakauunawa ng katotohanang ito. May mga Cristianong mahihina pa tulad ng isang bata pa sa pananampalataya at hindi pa lubos ang pagkaunawa sa katotohanan. Bagamat totoo na malaya ang mga Cristiano na kainin ang anumang pagkain, dapat isaalang-alang ang mga kapatid na maaaring maiskandalo o magkasala dahil sa paggamit ng kalayaan ng mga nakauunawa tungkol dito. “Huwag sariling kapakanan ang hanapin ninyo, kundi ang sa iba”(1 Co 10:24). Ito ang prinsipyong nasa likod ng desisyon ng Konseho ng Jerusalem sa usapin ng pagsunod sa Kautusan, kaya pinanatili nila ang  “mga bagay na talagang kailangan: huwag kayong kakain ng anumang inihandog sa mga diyus-diyusan, ng dugo, at ng hayop na binigti”(Ac 15:28-29). Ito ay hindi dahil sa sila’y bahagya pang nasa ilalim ng Kautusan kundi dahil higit ang pag-ibig kaysa kalayaan. Sa kilalang mundo noong panahon ng mga apostol, ang lahat ay naniniwala na ang pagkain ng mga inihandog sa mga diyus-diyusan ay pakikibahagi sa paghahandog; sa gayon ay kasuklam-suklam sa Diyos. Ang pagkain din ng hayop na hindi inalisan ng dugo ay bawal sa mga Judio dahil ang dugo ay simbolo ng buhay. Ang hayop na ibinigti ay itinuturing na madumi kaya hindi rin dapat kainin ayon sa batas ng mga Judio. Bagamat malaya ang mga Cristiano mula sa mga batas na ito, sinasabi ni Pablo na “hindi lahat ay nakabubuti”(1 Co 10:23). Isa sa mga halimbawang ibinigay ni Pablo ay ito: “Kung kayong may sapat na kaalaman ay kumakain sa templo ng mga diyus-diyusan, at makita kayo ng mahihina pa sa pananampalataya, hindi kaya sila mabuyong kumain niyon bilang handog sa diyus-diyusan?”(1 C0 8:10). Alam ni Pablo na kung sa sariling kapakanan lang, walang masama kung kumain man ng handog sa diyus-diyusan o sa templo nito dahil alam niyang “walang kabuluhan ang mga diyus-diyusan” (1 Co 8:4), ibig sabihi’y wala silang pag-iral; ngunit may mga kapatid   at ito ay ang mahihina   na maaaring magkasala o mabalisa ang budhi dahil sa kawalan ng konsiderasyon ng isang may “kaalaman”. Malinaw ang katwiran na ibinigay ni Santiago sa konseho: “Sapagkat mula pa nang unang panahon, ang Kautusan ni Moises ay binabasa sa mga sinagoga tuwing Araw ng Pamamahinga, at ipinangangaral ang kanyang salita sa bawat bayan”(Ac 15:21). Nangangahulugan na ang unang-unang isinaalang-alang ay ang iskandalong idudulot ng mga nabanggit na gawain sa mga Cristianong Judio na nasanay na sa Kautusan. Marahil ay ipinaliwanag nina Judas at Silas ang katwiran sa likod ng tagubiling ito, yayayamang ito ang dahilan kung bakit sila ipinadala. Bilang mga Cristiano, alam ng mga taga-Antioquia, taga-Siria, at taga-Cilicia na wala sila sa ilalim ng Batas ni Moises, una bilang Hentil (dahil hindi sakop ng Batas ni Moises ang mga hindi Judio), at pangalawa bilang Cristiano (dahil tungkol sa kalayaan ang tinanggap nilang turo, hindi tungkol sa pagpapailalim sa Batas ng mga Judio), kaya magugulat sila kung bigla silang bibigyan ng pasanin na wala man lang paliwanag. Dapat unawain ng mga Cristiano na ang mga tagubiling ito ay hindi na bilang pagsunod sa Kautusan   na para bang nasa literal na pagsunod ang kaligtasan   kundi bilang pagmamalasakit sa mga kapatid na mahihina pa sa pananampalataya. Mas mabuting magtiis sa kaunting pasanin para sa kapatid kaysa maging sanhi ng kanilang pagkabalisa o pagkakasala. “Kaya, kung dahil sa kinakain mo ay nasasaktan ang kalooban ng iyong kapatid, hindi na ayon sa pag-ibig ang ginagawa mo”(R 14:15). “Dapat pagtiisan nating malalakas ang mahihina sa pananampalataya, at huwag ang sariling kasiyahan lamang ang isipin”(R 15:1).

 

Sa huli, tayo lang ang nagpapasya kung bawal sa atin o hindi ang isang pagkain kung relasyon sa Diyos ang pag-uusapan (cf R 14:14) at dapat panindigan ng tao ang kanyang pinaniniwalaan. “May naniniwalang maaari siyang kumain ng kahit ano, ngunit gulay lamang ang kinakain ng mahina sa pananampalataya. Huwag hamakin ng kumakain ng kahit ano ang kumakain lamang ng gulay, at huwag namang hatulan ng kumakain lamang ng gulay ang kumakain ng kahit ano, sapagkat siya’y tinanggap ng Diyos”(R 14:2-3). “Ikaw na lamang at ang Diyos ang dapat makaalam ng iyong paniniwala tungkol sa bagay na ito. Ngunit ang sinumang kumakain sa kabila ng kanyang pag-aalinlangan ay hinahatulan ng Diyos sapagkat hindi ayon sa kanyang pananalig ang kanyang ginagawa”(R 14:22-23).

Permalink Leave a Comment

Pagtalikod ng Simbahan

February 22, 2008 at 3:10 am (Commentary)

SIMBAHANG ITINATAG NI JESUS: Tumalikod Sa Kanya?

Gaano kaposible na magawang tumalikod sa Diyos ang Simbahan ni Cristo? Masyadong malaking bahagi ng kasaysayan, at halos buong Kasulatan ang kailangang pasinungalingan para masabing hindi nanatiling tapat ang Simbahan sa kanyang Panginoon. Kakailanganing balikan ang napakaraming mga propesiya tungkol sa Bagong Israel para maipakitang lahat kung ano ang Simbahan sa plano ng Diyos, at kung paanong inihandog ni Jesus sa Diyos ang kanyang Esposa – ang Simbahan – na walang dungis at kapintasan.    Ganun pa man, may ilang piling bahagi ng Kasulatan ang maaaring basahin nang hindi na nangangailangan ng malalim na pagsusuri upang maunawaan. Ang pangkaraniwang kakayahan ng isang tao para mag-isip ay maaaring sapat na para makita ang katwiran at lohika sa mga pangungusap.

Nang sinabi ni Jesus na itatayo niya ang Simbahan, tiniyak niya kay Pedro at sa mga alagad na hindi ito guguho. “Sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking Iglesya” (Mt 16:18). Si Jesus din mismo ang nagsabi na hindi maiguguho ang gusaling itinayo sa bato. Pero higit pang malinaw ang katiyakang ibinigay ni Jesus nang sundan niya ito ng isang hindi matatawarang kasiguruhan na “Hindi makapananaig sa kanya [sa Iglesya] kahit ang kapangyarihan ng kamatayan.” Kung walang kapangyarihan ang kamatayan sa isang tao, ibig bang sabihi’y hindi siya mamamatay? Natural! Kahit isang batang may talino ay hindi magdadalawang-isip sa isasagot! Isinilang ang Simbahan noong bumaba dito ang ipinangakong Espiritu ng Diyos, at hindi ito mamamatay. Ang tumatalikod sa Diyos ay nawawalan ng kaugnayan sa Kanya, kung paanong namamatay ang tumatalikod sa buhay. Kapag naging posibleng tumalikod ang Simbahan sa Diyos na Siyang bukal ng buhay, ito ay mamamatay dahil aalisin sa kanya ang kanyang kaluluwa na walang iba kundi ang Espiritu Santo na dahilan ng kanyang pagsilang. Kung totoong nangyari ang sinasabing pagtalikod ng Simbahan sa Diyos – at sa gayo’y naging kanyang kamatayan – lumalabas na hindi totoo ang mga salita ni Jesus na itatayo niya ang Simbahan sa bato at hindi makapananaig dito kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. Pero hindi lamang ang mga salitang ito ang pasisinungalingan ng akusasyong ito, kundi ang buong kasaysayan ng kaligtasan na sa pasimula pa lamang ay naglalarawan na sa Simbahan. Isaalang-alang halimbawa ang pahayag na ito: “Tandaan ninyo: ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan” (Mt 28:20). Kung tumalikod ang Simbahan at nawalan ng kaugnayan sa Diyos sa loob ng mahigit 1,800 taon, totoo pa ba ang sinabi ni Jesus na siya’y laging kasama ng Simbahan? At kailan nga ba eksaktong tumalikod ang Simbahan? Unang siglo? Ikalawang siglo? Ikatlong siglo? Ipagpalagay nating nawalan ng pananampalataya ang Simbahan sa pag-itan ng ika-2 at ika-3 siglo, kung kailan kamamatay pa lang ng ibang mga disipulo ni Jesus, lumalabas na sa kahit maikling panahon ay hindi kayang patunayan ni Jesus ang kanyang sarili, at hindi niya rin kayang tuparin ang mga iniwan niyang salita. [Si Gamaliel na kilalang guro ng Israel, at naging tagapangalaga ni Pablo, ay ginamit ng Diyos para patunayan sa pamamagitan ng kasaysayan kung gaano kaimposibleng mabuwag ang Daan ng mga Cristiano.] Kung ipalagay namang kamakailan lamang tumalikod ang Simbahan, nangangahulugan na matapat pa rin ang ito noong unang tatlong siglo; at kung mapatunayang ang pananampalataya ng apostolikong panahon, na siya ring tangan ng mga Cristiano sa mga naunang siglo, ay nanatili pa ring katulad ng pananampalataya ng Simbahan ngayon, ibig sabihi’y walang pagtalikod na naganap, dahil ang pagtalikod sa pananampalataya ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng ibang pananampalataya. Sa puntong ito, kailangan munang siguruhin ng mga nagsasabing tumalikod sa Diyos ang Simbahan kung kailan ito eksaktong nangyari, at kung paano nila bibigyang-katwiran ang mga salita ni Jesus tungkol dito.

Sa higit na ikauunawa ng mga tapat na naghahanap ng katotohanan, hindi maliit ang tulong na maibibigay ng Kasulatan. Pakinggan natin ang sinabi ni Jesus: “Bibigyan kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo’y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig” (Ac 1:8). Ito ay isang imposibleng pananalita kung ang tinutukoy ni Jesus na magiging saksi niya hanggang sa dulo ng daigdig ay ang mga kasalukuyan niya lamang kausap. Bagamat maliit lamang ang kilalang mundo, at may posibilidad na marating ng mga alagad ang mga dulo nito, ang misyon nila ay iparating sa buong pisikal na mundo ang mabuting balita ng kaligtasan. Alam ni Jesus ang lahat ng bagay, at alam niya ang mundong tinutukoy niya. Mangyayari lamang ito sa pamamagitan ng pagsasalin-salin ng aral at kapangyarihan ng mga apostol hanggang makarating ito sa buong mundo. Kung imposibleng mangyari ito sa loob lamang ng panahong nabubuhay ang mga apostol, lalong napakaimposible nitong mangyari kung totoong tumalikod ang Simbahan pagkamatay ng mga apostol. Sa gayon, si Jesus ay lalabas na imposible o di kaya ay sinungaling.

Ganun-ganun na lang ba ang pagsasabing ang Simbahan ay tumalikod sa Diyos? Hindi pa ba malinaw sa isip ng mga taong ito na ang Simbahan ay “itinayo rin sa saligan ng mga apostol at mga propeta, na ang batong panulukan ay si Cristo Jesus” (Eph 2:20)? O baka hindi nila naiintindihan ang halaga ng isang matibay na pundasyon at isang panulukang bato na hindi mabibigo! [Kung nagkataon, mas matatag pa ang mga gusali ng Roma at Gresya na ginawa ng tao kaysa sa Simbahang itinatag ng Diyos.] Matino pa ba ang isip ng mga taong mangangahas na magsabing ang “Iglesya na siyang haligi at saligan ng katotohanan” (1 Tm 3:15) ay tumalikod sa katotohanan? Kung ang mismong haligi at saligan ng katotohanan ay gumuho, may pag-asa pa kaya ang mundo? Ang lumang kasunduan ay ginawa sa lumang Israel, at ang bagong kasunduan ay ginawa sa Bagong Israel – sa Simbahan – kaya kung tumalikod pa ang Simbahan tulad ng Israel, wala nang tipan pa para sa mundo.

Ang buong kasaysayan ng kaligtasan ay may kinalaman sa Simbahan, kaya hindi sapat ang maikling sulatin para maipakita ang relasyong ito. Kung sisilipin ang buhay ng Simbahan sa labas ng banal na Biblia, hindi mabibilang ang mga buhay at bahagi ng kasaysayan na nabago nito, yayamang ang Diyos mismo ang kumikilos dito sa panahon man ng kadiliman o liwanag, ng pagsubok o tagumpay. Edukasyon, kalusugan, sibilisasyon, sining, musika, literatura, lipunan – ilang aspeto lamang ang mga ito na lumago sa impluwensya o tulong ng Simbahan. May mga digmaang hindi natuloy, maraming mga buhay na nasagip, maraming karapatang pantao ang naipagtanggol sa pamamagitan ng pagkilos ng Diyos sa Simbahan. Hindi maitatanggi ang kahinaan ng mga miyembro ng Simbahan bilang mga tao tulad ng mga alagad na nagtakbuhan sa oras ng pagdakip kay Jesus; tulad ni Pedro na nagtatwa kay Jesus ng tatlong ulit; tulad ng mga Corinto na katakot-takot na iskandalo ang idinulot sa pangalan ni Jesus; tulad ng mga Galata na nadadala ng panliligalig ng mga Judio; tulad ng mga taga-Laodicea na malahininga ang pananampalataya, at tulad din ng ibang mga mananampalataya na may sari-sariling kahinaan. Ang altar ang nagpapabanal sa hain, hindi ang hain ang nagpapasama sa altar. Sa ganun ding paraan, ang Simbahan ang nagpapabanal sa mga bahagi nito. Hindi magagawang ibagsak ng kasalanan ng tao ang Simbahang itinayo ni Jesus, yayamang higit ang kapangyarihan ng nagpapabanal kaysa sa pinababanal. Hindi ba kayang paglahuin ng isang malawak na karagatan ang isang patak ng maitim na langis? Pero higit pa sa pinakamalawak na karagatan ang kabanalan ni Jesus! At hindi ba totoo na ang Simbahan ay katawang banal ni Jesus, at ang kaluluwa ay ang Espiritu Santo (Eph 5:23; Ac 2:4)? Mahihigitan pa ba ng kasalanan ng tao ang kabanalan ng katawan ni Cristo? Sa pagsasaalang-alang sa misteryo ng Simbahan bilang katawan ng Panginoon, posible ba talagang iwan ng katawan ang Ulo, o ng Ulo ang katawan? Kung paanong ang Ulo ay laging kasama ng katawan (cf. Mt 28:20), ganun din ang katawan ay laging kasama ng Ulo – kung nasaan ang Simbahan, naroon si Cristo.

Kung gusto pa rin itong pasinungalingan ng mga taong idinadahilan ang pagtalikod ng Simbahan – at maging ng Israel – para lang masabing sila ang tunay at bagong Iglesya, sobra na ang kanilang kabulagan at walang kapantay ang kasinungalingan.

Permalink Leave a Comment

Araw ng mga patay?

November 4, 2007 at 2:32 am (Commentary)

cross.jpgKung ang titingnan ay ang paraan ng pagkakilala at pagdiriwang ng marami sa araw na ito, marahil nga ay matatawag itong “araw ng mga patay”. Sa kalye ay nagkalat ang mga bata at matatanda na lumalarawan sa mga demonyo sa pamamagitan ng pagsusuot ng sungay na may pulang ilaw. Ang iba naman ay nakasuot ng mga “nakakatakot” na costume. Bawat lilingunan mo ay may makikita kang simbolo ng kamatayan, kadiliman, at takot. Sa ganitong dahilan kaya matatawag ang unang araw ng Nobyembre bilang araw ng mga patay. Pero hindi ito ang dahilan kung bakit ginawang espesyal ang araw na ito, at hindi rin wasto ang katawagang ibinigay dito ng mga Filipino. Ang All Saints Day o Todos los Santos ay hindi araw ng mga patay kundi araw ng paggunita sa mga kaibigan ng Diyos na kasama niya ngayon sa kanyang kaharian. May kanya-kanyang kapistahan ang mga Santo pero dahil hindi lahat ng nasa langit ay kilala natin, itinakda ang araw na ito para sa paggunita sa kanilang lahat na minsang namuhay din sa mundo ngunit ngayon ay tumanggap na ng putong ng tagumpay dahil nalampasan nila ang lahat ng dapat nilang daanan sa buhay na ito. Hindi sila mga patay tulad ng nakasanayan na nating isipin o sabihin dahil kasama nila ang Buhay — ang Diyos ng mga buhay. Hindi inaalala sa araw na ito ang kanilang iniwang katawan kundi ang kanilang buhay na bahagi na ngayon ay nasa harapan ng Diyos at naghihintay sa “pagkabuhay na muli ng mga namatay na tao”.

Sa susunod na araw naman ay ipagdiriwang ang All Souls Day o araw ng mga kaluluwang nangangailangan ng ating panalangin. Sila yung naririnig natin na binabanggit sa Misa kapag sinasabi ng pari, “Alalahanin mo rin…ang lahat ng mga pumanaw.” Sa madaling salita, sila ang mga kaluluwang nasa purgatoryo na naghihintay ng kanilang maluwalhating pagpasok sa kaharian ng Langit. Araw-araw silang ipinapanalangin ng Simbahan at ng mga indibidwal na mananampalataya pero itinakda ang isang araw para alalahanin sila sa mas espesyal na paraan. Natural lang na alalahanin natin ang ating mga pumanaw na mahal sa buhay tulad ng pag-alala natin sa kanila sa mga panahong hindi natin sila nakakasama noong nandito pa sila sa mundo. Katoliko man o Protestante o Judio, walang kinalaman sa relihiyon ang pag-alala sa mga minamahal, nasa mundo man o pumanaw na, dahil ito ay natural sa tao. Isang malaking pagkukunwari ang pagsasabing hindi na dapat alalahanin pa ang mga namatay na. At hindi rin natin dapat isipin na sila ay namatay, na para bang tumigil na sila sa pag-iral. Tanging ang katawan nila ang namatay dahil linisan na nila ito para lumipat sa isang ganap na buhay, at para hintayin ang muling pag-iisa ng kaluluwa at katawan sa Huling Araw.

Huwag nating pagkamalian ang pagpanaw sa pagkamatay. Ang pagpanaw ay nangangahulugan ng pag-alis dahil ang ating mga mahal sa buhay ay umaalis sa kanilang katawang-lupa at humaharap sa Diyos. Ang pagkamatay naman ay pagtigil sa pagkakaroon ng buhay. Tuwing inaalala natin ang mga taong dati nating nakasama sa mundo, ang kanilang persona ang ating ginugunita, hindi ang kanilang iniwang katawan. Ang mga kasama ng Diyos sa langit ay hindi mga patay kundi mga buhay at dumaranas ng ganap na buhay, dahil ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi Diyos ng mga buhay.

Permalink Leave a Comment

Baptismal Pool

October 10, 2007 at 1:31 pm (Liturgical)

The Catholic Church did not discard immersion, it was and still in practice. Pouring of water, however, is a practical alternative as suggested by Didache — an ancient Church document dating between the late 1st century and early 2nd century:

“And concerning baptism, baptize this way: Having first said all these things, baptize into the name of the Father, and of the Son, and of the Holy Spirit, in living water. But if you have no living water, baptize into other water; and if you cannot do so in cold water, do so in warm. But if you have neither, pour out water three times upon the head into the name of Father and Son and Holy Spirit. But before the baptism let the baptizer fast, and the baptized, and whoever else can; but you shall order the baptized to fast one or two days before.” (Didache 7)

“Those who have had a bath need only to wash their feet; their whole body is clean.”

However, despite the validity of “pouring”, this video shows a proof of the Catholic practice of “baptismal immersion” wherever it is applicable and practical.

Permalink Leave a Comment

Totoo Nga Ba?

September 15, 2007 at 5:57 pm (Commentary)

Madalas, mas madaling linlangin ang sarili kaysa tanggapin kung ano ang totoo. Napapatunayan natin ang bagay na ito sa pang-araw-araw nating mga karanasan. Dito sumilang ang kasabihang “Masakit tanggapin ang katotohanan.” Ang pinakamalaking patunay na nahihirapan tayong harapin kung ano ang totoo ay ang kawalan natin ng pagkakaisa. Bawat indibidwal at grupo ay may kani-kanilang paniniwala, pilosopiya, ideolohiya, at relihiyon. Masama ba ito? Masama kung ang ating pagkakaiba-iba ay hindi nakaturo sa daan ng pagkakaisa na patungo sa iisang katotohanan; ibig sabihin, hindi tayo matutulungan ng ating mga paniniwala kung ito mismo ang nagiging dahilan ng ating pagkakuntento na manatili na lang sa sarili nating mundo sa halip na magpatuloy sa paghahanap ng ikapagkakaisa sa iisang katotohanan. 

Ang sumusunod ay mga gabay na tanong upang tulungan tayong maging matapat sa pagsusuri ng ating paniniwala: 

1)  “Ano” ba o “sino” ang pinaniniwalaan ko?Sa tanong na ito ay kailangan nating maging maingat sa pagsagot dahil kapahamakan lang ang dulot ng mga paniniwalang nagtutulak sa atin para dayain ang sarili. Kailangan nating usisain, “Ang pinaniniwalaan ko ba ay “ano” (mga konsepto na inaakala kong totoo), o “sino” (mga taong pinagkakatiwalaan ko)? Magiging totoo ka lang sa sarili mo kung ang iyong paniniwala ay bunga ng matapat na pangagatwiran ng sarili tungkol sa mga usaping nakahain. Ang proposisyon, halimbawa, ay tungkol sa pag-iral ng Diyos; naniniwala ka bang may Diyos dahil sinabi sa iyo o dahil napatunayan mo ito? Isa pang halimbawa ay ang pagsisinungaling: Naniniwala ka bang masama ang pagsisinungaling dahil nauunawaan mo ang kalikasan nito, o dahil itinuro lang sa iyo? Kung tinatanggap natin ang isang ideya dahil lang nanggaling ito sa mga pinagkakatiwalaan natin, o kaya’y dahil naipahayag ito sa paraang nagustuhan natin, hindi ito nagpapakita ng totoong paniniwala, sa halip ito ay akto lamang ng pagsasaulo ng mga konseptong hindi naman talaga natin nauunawaan. Tinatanggap na lang natin ang mga ideyang ito, at ipinagkakatiwala sa ibang tao ang pagiging totoo nito o hindi, dahil ayaw nating pag-aksayahan pa ng pagod ang pag-iisip, pag-uusisa, at pakikipagtalo sa sarili tungkol dito. Ayaw natin ng “inconvenience”, ayaw natin ng pagbabago, wala tayong lakas ng loob na akusahan at ilagay sa paglilitis ang ating mga paniniwala dahil natatakot tayo sa posibilidad na baka mali nga ang mga paniniwalang matagal na nating kinakapitan at ipinagsasanggalang. Ayaw nating mapahiya sa sarili. 

2)  Bakit ako naniniwala?Naniniwala ba ako dahil sigurado ako na ito ang totoo, o dahil gusto ko na ito na lang ang totoo? Ang ikalawa ang madalas na nangyayari sa atin; naniniwala tayo sa gusto nating paniwalaan, at nakikita lang natin ang gusto nating makita. Kung ano ang kinagisnan, yun na yun! Sa ganitong sitwasyon, ang ating mga katwiran ay madalas na hinabi na ng iba para sa atin — gagamitin na lang. Dahil hindi natin totoong nauunawaan ang sinasabing pinaniniwalaan natin, inaampon na lang natin ang mga salitang ginagamit ng iba sa kanilang pangangatwiran para mapaniwala natin ang sarili, at subukang mapaniwala ang iba, na totoo ang ating pinaniniwalaan. Ang katulad nito ay pagsusuot ng damit na hindi alam kung saang tela ginawa; o kaya’y pagsubo ng isang bagay na hindi alam kung nakabubusog o nakamamatay. Sa isang banda pa, kung masasabi man nating tayo ay naniniwala dahil sigurado tayong iyon ang totoo, hindi pa rin nito mapatutunayan na totoo ngang tayo ay naniniwala. Isa pang pagsubok ang dadaanan nito: “Kaya ko bang katwiranan ang dahilan ng aking paniniwala?” Madaling sabihin, “Ito ang totoo,” pero mapatutunayan mo lang na totoong naniniwala ka kung mabibigyang-katwiran mo ang iyong paniniwala sa oras na kailanganin. Tungkol dito ang sinasabi ni Pedro sa kanyang unang sulat sa mga Cristiano. 

3)  Ang paraan ko ba ng paniniwala ay patungo sa pagkakaisa, o dahilan ng pagkakawatak-watak?Dahil ba sa paniniwala ko ay nagkakaroon ako ng pag-aasam na makarating ang lahat sa iisang katotohanan — taglay ko man yun sa kasalukuyan o hindi pa — at sa huli ay magkaroon ng tunay na kaisahan? O siguradong-sigurado na akong hawak ko ang katotohanan, kaya bahala na sila kung ayaw nilang maniwala o sumunod? Ang ganitong attitude ng kawalan ng tunay na pakialam sa ikabubuti ng kapwa ay nagpapakita ng kawalan din ng pakialam sa tunay na pinaniniwalaan ng sarili. Sila yung mga taong mariringgan lagi ng linyang, “Basta, yun ang totoo. Bahala ka kung ayaw mong maniwala.” Sa halip na ipakita ang detalye ng dahilan ng kanyang paniniwala, para pakinabangan din ng ibang tao, ay gagamitin na lang niya ang salitang tatapos sa lahat ng talakayan: “Basta!” Nagpapakita ito na ang mismong nagsasalita ay hindi totoong nakauunawa sa kanyang sinasabi. Ang kanyang paniniwala ay nagmumula sa emosyonal at bulag na pagkapit sa mga konseptong hindi niya talaga naiintindihan. Sa madaling salita, kumakapit lang siya sa mga ideyang kanyang sinasabi, pero hindi siya totoong naniniwala sa mga ito. 

Ang layunin ng artikulong ito ay hindi para ipakita kung ano ang dapat paniwalaan, kundi upang tulungan ang mga bumabasa na subukin ang pagiging totoo ng kanilang paniniwala — hindi ang mismong pinaniniwalaan — dahil ang unang problema sa akto ng paniniwala ay hindi ang linalaman o ang pinaniniwalaan, kundi ang pagiging tunay o huwad ng ating paninindigan. Maraming kaso, halimbawa, na ang mga Cristiano ay masigasig sa mga gawaing pangsimbahan, pero ang totoo ay hindi talaga nila nauunawaan ang kanilang pinagsusumigasigan. Isa pang halimbawa ay ang katotohanan na may mga pastor o pari na nag-aakalang sila ay may pananampalataya dahil alam nila ang lahat tungkol sa kanilang ipinangangaral, pero ang totoo ay isa lamang itong bahagi ng napakarami nilang kaalaman na sinaulo lamang at hindi naging totoong bahagi ng kanilang pagkatao. Kailangan nating maging maingat at matalino, magkaiba ang paniniwala at pagsasaulo. Maaaring alam na alam mo ang mga doktrina ng iyong simbahan, pero kahit kaunti ay hindi ka totoong naniniwala sa mga ito.

Permalink Leave a Comment

Pamahiin: Wala Nga Bang Mawawala?

September 13, 2007 at 10:17 pm (Commentary)

Sa sobrang tanda na ng kultura ng pamahiin, hindi na natin matutunton pa ang pinagmulan ng katagang madalas nating marinig: “Wala namang mawawala.” Simula ng magkaisip ako, bilang bata, hanggang sa kasalukuyan, hindi siguro lumipas ang isang taon na wala akong narinig na nagsabi o nagpahiwatig ng ganitong ideya. Ang hindi ko malarawan ay kung saang bahagi ng makatwirang isip maaaring magmula ang ganitong uri ng pananaw. Wala nga bang mawawala? 

Ang unang-una at pangitang-pangitang nawawala sa mga pumapatol sa pamahiin ay ang lohika o tamang pangangatwiran. Ang salitang “lohika” ay tumutukoy sa sekwensya at koneksyon ng mga konsepto at konklusyon. Kung halimbawa ay pupunta ka sa Mindanao galing sa Luzon, tatahakin mo ba ang daan pahilaga para makarating doon? Kung wala ka sa tamang pag-iisip, maaaring gawin mo iyon. Suriin natin ang mga proposisyon. Unang proposisyon: Ikaw ay pupunta sa Mindanao galing sa Luzon; ikalawang proposisyon: Ang Luzon ay nasa hilaga at ang Mindanao ay nasa timog na bahagi ng bansa; ang konklusyon: Tatahakin mo ang daan pa-timog para makarating sa gusto mong puntahan. Ito ang halimbawa ng tamang pag-iisip. Sa kabilang banda, ang mga mapamahiin ay ganito maghinuha: Unang proposisyon: Ang pusa ay itim; ang konklusyon: May mangyayaring masama sa makakasalubong nito. Unang proposisyon: Natapakan ng babaeng ikinasal ang paa ng asawa; ang konklusyon: Magiging sunud-sunuran ang lalaki sa babae. Unang proposisyon: Nakatapat sa hagdan ang pintuan ng bahay; ang konklusyon: Hindi magiging maayos ang takbo ng buhay ng nananahan doon. Anong pagkakaiba ng mga ito sa unang halimbawa? Laging mayroong “missing link”. Ang ganitong paraan ng pag-iisip, bagamat laganap, ay hindi normal sa tao. Ang tao ay rasyonal na nilalang — may kakayahang mangatwiran — pero kung hindi natin ito ginagamit nang tama, masasabing tayo ay hindi nagpapakatao.

Ang ikalawang nawawala sa mga taong mapamihiin ay ang kanilang kalayaan. Nagiging alipin sila ng takot, at bilanggo ng maling kaisipan. Kung halimbawa ay may pupuntahan ako, pero dahil may nakasalubong akong pusang itim ay madali akong umuwi at hindi na tumuloy sa aking lakad; sino ang nagdesisyon ng dapat kong gawin, ako ba o ang takot ko? Kung naka-schedule ang interview ko ng Miyerkules pero hindi ako sumipot dahil “malas” ang Miyerkules sa linggong iyon, hindi ba ito pagpapakita na bilanggo ako ng ganitong kaisipan? Sa ganitong sitwasyon, sunud-sunuran ako sa mg utos ng aking takot, at pinipigilan sa paggalaw ng maling paniniwala.

Ang ikatlong nawawala sa ganitong mga tao ay ang konsepto ng katotohanan. Isipin mo na lang ang isang tao na nakatingin sa mabangis na oso pero ang nakikita niya ay isa lamang puno; ganito rin ang sitwasyon ng mga taong bulag sa katotohanan — nasa harapan na ang kamatayan pero inaakala pa ring ito ay kaligtasan.

Ang ikaapat na nawawala sa mga naniniwala sa ganitong mga kathang-isip ay ang tunay na pagkakilala sa Diyos at sa kanyang mga nilalang. Marami sa mga nagsasalita ay hindi nag-iisip, at buong-tiwala nagsasabi na ang buhay ng tao ay nakasalalay sa tamang pagpapasya, swerte, at pananampalataya sa Diyos. Ang pagpapasya ay bagay na kontrolado ng tao; ang pananampalataya naman ay sa pag-itan ng tao at ng Diyos; pero ang swerte ay konsepto ng kapalarang hiwalay sa impluwensya ng Diyos at ng tao, sa halip ay nasa ilalim ng mga kapangyarihang natural na may autonomiya. Pinasisinungalingan nito ang katotohanang walang nagaganap sa sangnilikha na hindi pinahihintulutan ng Diyos. Isa itong porma ng pagsamba sa hindi tunay na Diyos kundi sa mga “pwersa ng kalikasan”. Ito ang kabilang mukha ng “nature worship” na ginagawa ng mga katutubo at mga pagano. Ang ganitong disposisyon ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos, lalo na kung ang Mabuting Balita ay hindi naman malayo sa mga taong ito. Wala itong pagkakaiba sa pagkakaroon ng mga diyus-diyusan.

Kayong mga naniniwala sa swerte at malas, isipin niyo nga ito: Hindi ba’t ang lahat ng bagay ay sa Panginoon? Hindi ba’t siya lang ang nagpapahintulot at nagbabawal sa lahat ng kaganapan? Bakit ninyo ipinagpapalagay ang kapalaran sa mga posisyon, bilang, araw, kulay, at mga gawaing wala namang kinalaman sa inaasahan ninyong resulta? Magpapasya ba ang Diyos na payamanin ka kung ilalagay mo ang iyong mga gamit sa ganito o ganyang lugar sa iyong bahay? Poprotektahan ka ba niya sa mga sakuna kung ihaharap mo sa ganito o ganyang posisyon ang iyong tahananan? Pasasagasaan ka ba niya sa kotse kapag hindi ka umuwi kahit na nakasalubong ka ng itim na pusa? Sisirain ba niya ang relasyon mo sa iyong pamilya dahil hindi compatible ang zodiac signs ninyo? May mga mata ang inyong isip, huwag ninyo itong ipikit! Tuso at mapanlinlang ang mga pwersang nakapaligid sa mundo — walang mahirap o mayaman, matalino o mangmang, na palalampasin nila sa dalang kasinungalingan. Hindi dapat akalain ng sinuman na alam niya na ang lahat ng kailangan niyang malaman. Ang mga kalaban ng tao ay nakatago sa dilim, hindi nakikita o naririnig man, pero sumisira ng isip at nagdadala sa kapahamakan. Maging matalino sa pagpapasya at paniniwala, dahil sa pagkapit sa maling kaisipan, hindi totoo na walang mawawala.

Permalink Leave a Comment

Poon, Santo, o Rebulto?

September 13, 2007 at 11:25 am (Commentary)

 Pangkaraniwan na sa ating mga Filipino na kung ano ang nakasanayan, yun na ang tama. Halimbawa ay sa mga salita: sa halip na pareho ay parehas ang madalas na ginagamit; sa halip na manibela, manubela; sa halip na ayoko, ayako. Madalas din ay ginagamit ang “masama” at “bawal” na parang pareho lang ang kahulugan. Isa ang relihiyon sa mga pinakasensitibo at kontrobersyal na isyu sa lahat ng panahon at bahagi ng mundo kaya hindi maaaring ipagwalang-bahala ang mga kamaliang lalong naglalayo sa mga tao sa posibilidad ng pagkakaisa.

Isang halimbawa ay ang maling paggamit ng salitang “poon” at “santo” para tumukoy sa isang rebulto o imahe. Kahit sa mga balita sa media, o sa mga taong aktibo sa mga gawain ng kanilang parokya, ay maririnig ang nakalililgaw na paggamit ng mga katawagang ito. Sa pamamagitan nito ay lalong napagtitibay sa isip ng mga kapatid na nasa ibang sekta na ang mga Katoliko ay sumasamba sa mga rebulto. Bukod dito, nakokondisyon ang isip natin sa maling paglalarawan ng kahulugan ng mga salitang ito.

Sa wikang Ingles, ang salitang “poon” ay katumbas ng “lord”, at ang santo ay “holy” o “saint”. Hindi tamang tawaging poon ang isang rebulto, kahit pa si Jesus ang ilinalarawan nito, dahil ang salitang ito ay tumutukoy mismo sa Panginoong Diyos. Hindi rin dapat gamitin ang salitang santo para tumukoy sa mga rebulto dahil ito ay tumutukoy sa mga banal na kasama ng Diyos sa langit, o minsan ay kahit sa mga banal na nasa lupa pa. Iskandalo ang dala ng ganitong pagkakamali kaya dapat itong pag-ingatan.

Tandaan: Ang rebulto o imahe ay para sa mga estatwa, ang icon o larawan ay para sa mga iginuhit na anyo, ang santo ay para sa mga banal na nilalang, at ang poon ay para sa Diyos lamang.

Permalink 4 Comments

Biyaya ng Diyos

August 23, 2007 at 8:38 pm (Life)

Ang salitang biyaya ay tumutukoy sa mga bagay na tinatanggap nang walang bayad o anumang kapalit. Mas madalas na ang tawag natin dito ay regalo. Sa paksang ito ay gusto kong ibahagi ang isang katotohanang hindi napupuna ng marami – kasama ang sarili ko: Na ang biyaya ng Diyos ay hindi dumarating.

Madalas, iniisip natin na may mga oras na dumarating ang biyaya ng Diyos, lalo na kung nakatutok ang paningin natin sa mga materyal na bagay at sa mga kaaya-ayang pangyayari sa ating buhay. Sinasabi natin na sa ganito o ganyang panahon ay tumanggap tayo ng biyaya mula sa Diyos, at umaasa tayong sa ganito o ganoong panahon ay mayroon ulit tayong matatanggap. Isipin natin, halimbawa, na tayo ay naninirahan sa isang barko kung saan libre ang pagkain, inumin, damit, higaan, at lahat ng bagay na kailangan natin para mabuhay; kung isang araw ay binigyan ako ng kapitan ng barko ng isang piraso ng paborito kong tsokolate, sasabihin ko bang, “Hay, salamat, nakatanggap na naman ako ng regalo galing sa kapitan! Nung isang lingo lang, may ibinigay din siya sa akin”? Nung isang linggo nga ba? Hindi ba’t katatapos lang ng libreng hapunan, at ngayon ay oras nang magpahinga sa libreng kwarto na may libreng ilaw at libreng higaan? Hindi ba’t para sa kasiguruhan ng lahat ay may libreng security system at mga guard buong maghapon at buong magdamag? Hindi ba’t sa tuwing pagising sa umaga ay may libreng almusal, at sa tanghali ay may libreng pananghalian? Hindi ba’t ang lahat ng ito, kasama ng tsokolate, ay pawang mga regalo dahil hindi ito binayaran o pinalitan man? Mayroon bang isang linggo, isang araw, isang oras, o isang minutong pag-itan ang pagtanggap ng regalo ng mga nakatira sa barkong ito? Wala. Ang bawat sandali ng paninirahan dito ay biyaya — walang kapalit.

Ito ang katotohanang madalas ay nalalampasan natin ng pansin. Ang nakikita natin at tinatawag na biyaya ay ang mga tsokolateng ating tinatanggap — ang mga pangyayaring madalang natin maranasan — pero hindi ang mga regalong bawat sandali ay pinakikinabangan natin. Ang mga biyaya ay hindi dumarating sa ating buhay dahil ang totoo, tayo ay namumuhay sa gitna ng mga biyaya. We could not even exist without these gifts from the Creator. Tuwing gumagalaw tayo, dumadampi sa balat natin ang mga biyayang ito; tuwing tayo ay nagsasalita, pumapasok ang mga ito sa ating bibig. Hinihinga natin ang mga biyayang ito; kinakain natin at nalalakaran. Walang lugar o pangyayari na hindi natin kasama ang mga biyaya ng Diyos. Siguro nga ay napakahirap isipin ng katotohanang ito dahil nakasanayan na natin ang pag-aakalang tayo ay nabubuhay sa sarili nating lakas, talino, at pagsisikap, pero maging ang mga nabanggit na ito ay biyaya din ng Diyos. Walang anuman ang nagmula sa atin pero nabubuhay tayo at patuloy na mabubuhay habampanahon dahil sa mga biyayang ito. Kailanman ay wala tayong totoong nalikha o nabili man lang; ang lahat ng bagay ay sa Diyos at walang isa man ang nanggaling sa atin. Sa ganitong paraan natin mauunawaan ang itinagubilin ni Pablo na “magpasalamat kayo sa Diyos para sa lahat ng mga pangyayari”. Halimbawa, ang balat na mayroon ka ngayon bilang init at proteksyon sa buong katawan; ipagpapalit mo ba ito sa magandang bahay, maraming pera at mga ari-arian? Aanhin mo ang mamahaling pagkain na inaasam-asam mong bilhin kung ang kapalit ay ang iyong ganang kumain? Aanhin mo ang kumportableng buhay na pinagpapakamatayan mong makamit kung wala ka namang hininga? Ang mga bagay na mayroon ka ngayon ay hindi talaga sa iyo at maaaring mawala anumang oras; hindi ba’t ang mga bagay na ito ang dapat pa nga ay ipagpasalamat natin, sa halip na maghinanakit tayo dahil sa mga bagay na hindi natin makamtan? Buong puso ang pasasalamat natin kapag nangyayari ang mga gusto nating mangyari, pero hindi natin pinapansin ang mas mahahalagang bagay pa na hindi pinagsasawaang ibigay sa atin araw-araw kahit na hindi natin ito nagagawang ipagpasalamat. Hindi natin nakikita ang nandito dahil hinahangad natin ang wala. May mga kabataan, halimbawa, na sa sobrang kagustuhan na magkaroon ng partner ay hindi na nakikita ang pagmamahal ng pamilya o ang pagmamalasakit ng mga kaibigan. Mayroong mga tao na dahil sa paghahangad na magkamal ay hindi na nakaka-appreciate ng kung ano ang meron sila ngayon. Tayo ay nabubuhay sa biyaya ng Diyos bawat sandali, at lahat ng bagay ay nararapat nating pasalamatan.

Sa bahaging ito ay masdan natin ang mas malaking larawan ng ating kasaysayan. Ang Diyos ay may nakahanda sa buhay ng bawat isa sa atin; pero bagamat indibidwal ang kanyang mga panukala, ito ay magkakaugnay at bumubuo ng isang pangkalahatang plano. Dahil ang Diyos ay mabuti, at lahat ng gawa niya ay mabuti, nangangahulugan lamang na mabuti ang lahat ng nangyayari sa atin — hindi man natin maunawan — dahil lahat ito ay bahagi ng kanyang plano at hindi nawawala sa kontrol. Maaaring maitanong natin, “Pati ba ang mga krimen, ang mga kaguluhan, mga kalamidad, at ang araw-araw na pagkakasala ng tao, kasama sa plano ng Diyos? Mabuti rin ba ang mga ito?” Kailanman ay hindi naging mabuti sa paningin ng Diyos ang mga bagay na sadyang masama. Ang lahat ng masamang nangyayari sa sangnilikha ay konsekwensya ng pagtalikod sa Diyos ng mga nilalang niya. Hindi man ang mga ito ang panukala ng Diyos, lahat ito ay pinahihintulutan niyang mangyari, hindi para magkaroon ng masama sa kanyang plano, kundi upang sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan at karunungan, ang presensya ng masama ay maging para sa ikabubuti ng mga pinili niya. Ang masasamang nilalang at mga pangyayari ay isang bahagi lang ng plano ng Diyos para sa mga nakatakdang maghari kasama niya. Hindi dapat indahin ng mabubuti ang hirap na dulot ng masasama, ni magreklamo man sa gitna ng hindi magagandang pangyayari dahil ang lahat ng ito ay nangyayari para sa kanilang kapakanan. Sila ang sentro ng plano ng Diyos. Ang mga bagay na hindi maganda sa panlabas na anyo ay mga biyayang nakapaligid sa kanila. Ang plano ng Diyos para sa mga hinirang niya ay biyayang patuloy nilang tinatanggap sa lahat ng sandali dahil ang bawat bahagi ng kanilang buhay ay katuparan ng mga bahagi ng planong ito. 

Mabuting ipagpasalamat ang mga biyayang madaling makita, pero hindi natin dapat makalimutan na ang bawat sandali ng ating buhay ay biyaya ng Diyos.

Permalink Leave a Comment

« Previous page · Next page »