Sakramento ng Kumpisal
Nakilala natin ang salitang kumpisal bilang isang sakramento ng Simbahan pero sa pangkalahatang kahulugan, ito ay tumutukoy sa pag-amin, pagtatapat, o pagsasabi ng saloobin. Ang sakramento ay tinawag na kumpisal dahil ang pinakamahalagang bahagi nito ay ang pagtatapat ng kasalanan at pagtanggap ng kapatawaran. Pero bakit nga ba kailangang sa pari tayo magkumpisal at humingi ng tawad samantalang sa Diyos tayo nagkasala? Kung susuriin nating mabuti, halos lahat ng mga kasalanan natin ay laban sa ating kapwa at sa sarili: panghuhusga, pakikipag-away, pagsisinungaling, pagnanakaw, pagpatay, pagsasalita ng masakit sa ibang tao. Sa ating sarili, tayo ay nagkakasala sa pamamagitan ng pagkainggit, kawalan ng kasiyahan, pagwasak sa sariling pangalan, karumihan, pagsira sa katawan, at marami pang iba. Bagamat lahat ng ito ay kasalanan sa Diyos, pag-atake din ito sa kapwa at sa sarili. Kung may 50 tao kang nakaaway sa iba’t-ibang lugar, isa-isa mo ba silang pupuntahan para humingi ng tawad? Patatawarin ka ba nilang lahat kung sakali? Kung hindi ka nila patawarin, matatahimik ba ang kalooban mo? Hindi nangangahulugan na malaya ka na sa obligasyong humingi ng tawad kapag napatawad ka na ng Diyos, pero isang katotohanan din na kung totoong tinanggap mo ang kapatawaran ng Diyos, makakapag-umpisa ka na ulit ng panibagong buhay na walang hila-hilang sama ng loob.
Ang pagkukumpisal sa pamamagitan ng isang pari ay pagkakaroon ng “nakikitang” tagapagkasundo sa pag-itan ng iyong sarili, ng Diyos, at ng mga taong napagkasalahan mo. Kung posible man na magawa mong puntahan ang 50 mong kaaway pero hindi ka naman nila pinatawad, makakasiguro ka pa rin na pinatawad ka na ng Diyos basta totoo ang iyong pagsisisi. Lahat ng kasalanan ay laban sa Diyos, kaya kung ano man ang pinatawad o hindi pinatawad sa atin ng ating kapwa, higit pa ring mas mahalaga na malaman natin kung pinatawad tayo ng Diyos o hindi. Ang katotohanan at ang pag-aakala ay magkaiba. Maari mong akalaing abswelto ka na pero hindi ibig sabihin ay ganun na nga! Sinabi ni Jesus sa mga apostol, ang patawarin ninyo ay pinatawad na nga at ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad. Nangangahulugan na may mga kasalanang hindi basta pinatatawad, at nangangahulugan din na may karapatan ang mga apostol na magpatawad o hindi magpatawad. Ang kapangyarihang ito ang ipinasa ng mga apostol sa matatanda ng Iglesya (Simbahan) at patuloy na ipinapasa sa pamamagitan ng Orden. Ang salitang “matatanda” dito ay hindi tumutukoy sa edad kundi sa katungkulan. Sila ang mga tinatawag natin ngayong “obispo”. Inatasan silang ipagpatuloy ang gawain ng mga apostol at kasama dito ang pagpapatawad ng mga kasalanan. Sa pamamagitan nila, magiging panatag ang loob ng mga mananampalataya na tinanggap nila ang kapatawaran ng Diyos sa mga nagawa nilang kasalanan. Totoong nahugasan na tayo mula sa kasalanan noong tayo ay bininyagan, pero hindi nangangahulugan na hindi na tayo nagkakasala. Hindi “immunity” ang binyag laban sa kasalanan o kaya nama’y lisensya para magkasala. Ito ay sakramento ng pagtanggap sa atin ng Simbahan bilang mga anak niya at bahagi ng Katawan ni Cristo.
Ang sakramento ng Kumpisal o pagbabalik-loob ay itinatag ni Jesus bilang daanan ng biyaya ng kapatawaran, at ng biyayang nagpapalakas sa Cristiano upang lumayo sa tukso at tumanggi sa pagkakasala.



Jholand said,
August 31, 2009 at 1:24 pm
Gusto ko pong mangumpisal. Pero sa tagal ko na pong hindi nangungumpisal, hindi ko na po alam kung ano ang mga proseso at kung kelan po pwedeng mangumpisal sa simbahan. Saka ayos lang po ba kung ililista ko po yung mga kasalanan ko, at basahin po habang nangungumpisal? Gusto ko pong gawin ito, para makasiguro po akong masasabi ko po ang lahat ng mga kasalanan ko. Salamat po.
vanillae said,
September 12, 2009 at 8:54 am
Kahit gaano ka katagal hindi nakapagkumpisal, simple lang ang muling pag-uumpisa. Kung walang regular na oras ng kumpisal sa iyong parokya, makipag-usap ka sa parish secretary para magpa-schedule ng appointment o kaya ay itanong mo kung libre ang oras ng pari (parish priest / parochial vicar) para makapagkumpisal ka sa oras na yun. Pwede mong ilista ang mga sasabihin mo, pero syempre, ikaw pa rin ang magsasabi ng linalaman noon. Tungkol sa proseso, ang una mong gawin ay magdasal sa Espiritu Santo at huwag mo rin kalimutan humingi ng tulong sa ating Ina at Ina ni Jesus para maging matapat ang iyong pangungumpisal. Sunod ay lumapit ka sa pari, sabihing, “Basbasan mo ako Father dahil nagkasala ako.” Sabihin mo kung kailan ka huling nagkumpisal at umpisahan mong sabihin ang mga ikukumpisal mo, simula sa inaakala mong pinakamabigat. Kung natatandaan mo pa, banggitin mo kung ilang beses mo nagawa ang nasabing kasalanan. Pakinggan mong mabuti ang payo ng pari at ang ibibigay niyang gawain sa iyo. Huwag kang mahiyang magtanong kung hindi mo masyadong maintindihan. Yumuko ka o lumuhod habang ginagawad ang pagpapatawad. Magpasalamat sa pari pagkatapos at gawin agad ang ipinapagawa niya. Magpasalamat sa Diyos sa kanyang pagiging maawain at mapagpatawad. Para mas maging kumportable ka, sabihin mo sa pari sa umpisa pa lang na wala ka nang idea kung paano mangumpisal, at humingi ka ng tulong sa kanya na maalala ang mga pagkukulang mo at pagmamalabis.
archie said,
November 17, 2009 at 11:20 am
gusto ko mag kumpisal kaso nga lang po nakalimutan ko po yung dasal yun ako ay nagsisisi pwede po bang pakibigay ang buong dasal po yun salamat
vanillae said,
November 20, 2009 at 4:11 am
Hindi kailangang maging pormal masyado ang paggamit ng mga salita. Kung mas kumportable ka sa pangkasalukuyang gamit ng mga kataga, maaari mong isalin ang panalangin ito sa mas maiintindihan mong wika:
O Diyos ko, ikinalulungkot ko nang buong puso ang pagkakasala ko sa iyo. Kinasusuklaman ko ang lahat kong kasalanan dahil sa takot kong mawala sa akin ang kaharian ng langit at dahil sa takot ko sa hirap ng impiyerno, ngunit lalo pa’t ang kasalanan ay nakakasakit sa kalooban mo, Diyos na walang hanggan ang kabutihan at nararapat na ibigin nang walang katapusan. Matibay akong nagtitika na ikukumpisal ko ang aking mga kasalanan, tutuparin ang parusang hatol at sa tulong ng iyong biyaya ay magbabagong buhay. Amen.
Pinagmulan: http://www.bible.claret.org/Pandesal/2008/banner/dasal.htm#i
mitch said,
November 17, 2009 at 2:23 pm
mgndang gbi po!.. ang relihiyon q po ay katoliko.. aq po ay 20yrs. old n po, ngunit ndi p rin po aq nka2ranas mgkumpisal nais q n po itong gwin dhil sa alm kong sobra n ang aking pagkakasala, humihina po ang aking kalooban, may mga bagay po n lihim n itintago at iyon po ang nakkabigat sa aking kalooban, gusto ko pong lubusan makikilala c Cristo ngunit ndi ko po alam kong paano aq mg ccmula.. gusto ko po sna nang ilang payo mula sa inyo. salamat po!
vanillae said,
November 20, 2009 at 3:59 am
Salamat sa pagtatanong. Isang dahilan kung bakit humihina ang loob mo ay dahil sinusubukan ng Masama na sirain ang mabuti mong mga intensyon. Huwag kang matakot dahil hindi ka nag-iisa; kahit ang mga pari mismo ay nakakaranas na matakot tuwing sila naman ang umaamin ng kanilang mga kasalanan sa harap ng kapwa nila pari. Lahat tayo ay nakakaranas ng ganyan. Pero ang masisiguro ko sa iyo ay ang kapanatagan at kapayapaang makukuha mo pagkatapos ng pagpapatawad sa iyo ng Diyos. Ito ang maimumungkahi ko: sa loob ng tatlong araw ay humingi ka ng tulong sa ating Inang Maria tungkol sa intensyon mong magkumpisal. Sabihin mo sa kanya ang lahat ng nararamdaman mo tungkol dito at tungkol sa iyong sarili habang binabalikan sa isip mo ang mga kasalanang nagawa mo sa loob ng mga taong may isip ka na; at sa hulihan ng bawat pakikipag-usap ay dasalin mo ang 3 Hail Mary at 1 Glory be. Makipag-usap ka sa pari ng inyong parokya at sabihin mo ang intensyon mong magkumpisal at magpatulong ka sa kanya para gabayan ka sa gagawin mo. Inuulit ko, hindi mo kailangang matakot. Huwag mong isipin na lalapit ka sa sakramento ng kumpisal para lang maghayag ng sarili; ikaw ay lumalapit sa Diyos para sa kapayapaan ng iyong kalooban. Ipagdarasal kita.
joel santiago said,
May 23, 2010 at 5:52 pm
hinihikayat ko na pumasok ka ng kursilyo sigurado kang marami kang matutuhan ukol sa ating pananampalataya.
mitch said,
November 17, 2009 at 2:29 pm
sna po ay makasagot po kayo agd dito, may ilng mga bagay din po kc akong gusto maliwanagan tungkol sa relihiyon ntin, kung minsan sa iba’t ibng tao po n nkakasalamuha ntin iba’t ibang relihiyon e ngkakaroon po ng twist dun sa paniniwala mo, gusto ko po magkaroon ng maayos at masaganang pananampalataya, naniniwala po aq n may iisang diyos c Jesus Christ! salamat po…godbless…
vanillae said,
November 20, 2009 at 4:15 am
Para hindi ka marumihan ng mga maling paniniwala, sikapin mong magkaroon ng mga babasahing “totoong” Katoliko. Kung posible, mas mabuti kung may kopya ka ng Katesismo ng Simbahang Katoliko (Catechism of the Catholic Church). Kung may iba ka pang tanong, susubukan kong masagot.
mitch said,
November 30, 2009 at 3:56 pm
Maraming salamat po sa sagot ninyo, ngayon lang po ako ulit nagkaroon ng pagkakataon mabuksan ang site n ito, marami po kasi ngayon sa isipan kong mga tanong na di ko naman po masagot, katulad ng kung ano po ba talaga ang tamang relihiyon n dapat kaaniban, lahat na lang nagsasabi na sila po ang tama, minsan humihingi n po ako ng sign kay Papa Jesus kung ano po ba talaga, dumadating naman po kaya lang po minsan parang bangungot pabalik balik po sa isipan ko, ang relihiyong ang dating daan, na parang di ko maintindihan kung bakit nga po ba gnun, ok naman po ako dati sa religion ntin pero ngayon confuse po ako bglang ngbgo, iniisip ko naman po kung susunod ako para naman po akong nag pauto doon na itong relihiyon ntin hindi ko pa lubusang nakikilala para talikuran, gusto ko po ng mga advise wla po akong ibang makausap tungkol dito at bka iba naman po ang maging impact sa akin…
mitch said,
November 30, 2009 at 4:04 pm
maraming salamat po sa inyong pag unawa,. madalas po kasing mabigat ang aking kalooban hindi ko n minsan maintindhan ang aking sarili, magtitiwala po ako sa mga sinabi ninyo sa akin… malapit nnmn po ang Christmas gusto ko pong maayos ang sarili ko bago magpasko, tulungan po ninyo akong makaintidi sa dapat kong gawin..
Godbless you po! maraming salamat…
vanillae said,
November 30, 2009 at 10:17 pm
Tungkol sa kalituhan mo tungkol sa tunay na Simbahan, maaaring makatulong sa iyo ang isinulat ko dito na may pamagat na, “Simbahan ng Libro?” Dito ay ipinapakita kung paanong ang tunay na Simbahan ay hindi nabuo mula sa isang libro, kundi ang Libro ang nabuo sa loob ng Simbahan. Hindi mo kailangang maguluhan tungkol dito. Tayo ngayon ay nasa 2009 AD; ang daglat na AD (Anno Domini) ay nangangahulugan “Taon ng Panginoon”. Ibig sabihin, humigit-kumulang 2000 taon na ang lumipas noong tumapak si Jesus sa lupa at itinatag ang kanyang Simbahan sa Bato (Mateo 16:18). Kailangan mo lang maintindihan ang kasaysayan para matukoy kung nasaan ang 2000 taong Simbahang ito.
Tama ka na dapat kilalanin mo ang sarili mong relihiyon at huwag mong isuong sa panganib ang iyong kaluluwa sa pakikinig sa mga sari-saring aral. Hindi tama na naliligaw ka sa sarili mong tahanan at pagkatapos ay kinikilala mo ang pasikot-sikot sa ibang bahay. Maraming mga Katoliko ang handang tumulong sa mga katulad mong matapat na naghahanap sa katotohanan. “Ang naghahanap ay nakakasumpong” (Lucas 11:10).
Lapitan mo rin ang inyong parish priest at sabihin ang mga bumabagabag sa iyo. Patuloy kang magdasal at huwag kang magsasawa kahit ikaw ay mapagod. Hindi ka nag-iisa.
mitch said,
December 2, 2009 at 7:12 am
Unti unti na pong nli2wanagan ang isip ko at nabibigyan po ng pag – asa, wala pa po akong sapat na kaalaman sa pagkukumpisal at komunyon lumaki po ako ng ganito na walang nalalaman patungkol dito, marami pa po akong tanong sana po wag kayong makulitan sa akin, sa mga ritwal po ba natin sa relihiyon advisable po ba un na sundin lahat, ano po ba ang do and don’ts sa pagsamba. Nararamdaman ko po kasing may kulang sa buhay ko, ggraduate n po ako ng kolehiyo dapat po alam ko n ang mga bgay na ito pero hnggng ngayon ganito parin. Nakakahiya naman po pero ito po ang katotohanan, may tanong pa po ako,anon po bang magandang araw ang maaaring magpunta sa parish para po magtanong?maraming salamat po.
vanillae said,
December 3, 2009 at 1:21 am
Ang Eukaristiya o ang tinatawag nating Misa ang pinakamataas na uri ng panalangin at pagsamba natin sa Diyos. Ito ang hindi mo dapat kaligtaang gawin. Tungkol sa ibang mga gawain, may tinatawag tayong mga “debosyon” tulad ng pagdarasal ng Rosaryo, Novena, Way of the Cross, etc. Ang mga ito ay personal na debosyon at ikaw na ang mamimili kung alin ang sa palagay mo ay magagawa mo. Marami rin nagkalat na paniniwala ang mga nagsasabing sila ay Katoliko pero ang mga ginagawa nila ay hindi talaga gawain ng Simbahan, at madalas pa nga ay dini-discourage. Ilan sa mga ito ay ang mga pamahiin sa binyag, sa kasal, sa patay, at sa kung saan-saan pa. Hindi rin gawain ng isang tunay na Katoliko ang magpapako sa krus kapag Mahal na Araw. Hindi rin paniniwalang Katoliko na ang Diyos ay patay kapag Biyernes Santo. Ito ay damdamin lamang ng mga taong naniniwala sa hindi nila nauunawaan.
Bilang Katoliko, ang una mong mga dapat malaman ay ang kahulugan at halaga ng buhay mo, ang relasyon mo sa Diyos at sa Simbahan ni Cristo, ang mga panalanging Katoliko, ang mga Sakramento, at ang mga pamantayang moral. Hindi ito nagagawa sa loob ng apat na taon, na para bang ito ay isang kurso lamang sa eskwelahan. Ito ay panghabambuhay na pagpapalalim sa pananampalataya. Patuloy mo lang hangarin na matagpuan ang katotohanan at lalapit ito sa iyo.
vanillae said,
December 3, 2009 at 1:36 am
Tungkol sa paglapit sa inyong parish priest o sinumang pari sa inyong parokya, nakadepende yan sa schedule nila, kaya mas mabuting itanong mo sa opisina ng parokya. Pwede ka rin lumapit nang diretso sa pari pagkatapos ng Misa araw-araw o kapag Linggo. Basta kung anong oras siya nasa simbahan, huwag kang magdalawang isip na lumapit at magsabi. Maaaring kausapin ka niya sa oras na iyon mismo o magtakda ng araw.
mitch said,
December 3, 2009 at 11:52 am
Ganun po ba, maraming salamat po sa mga advice ninyo, gagawin ko po iyon, sana po ay marami png mkapunta sa blog na ito at mbgyan nang pagkakataon na magtanong po sa inyo katulad ko pong naguguluhan at naghahanap ng mga kasagutan . . . Godbless po! . . . maraming salamat po ulit! . . .
mitch said,
December 3, 2009 at 12:02 pm
may pahabol p po akong tanong e ang mga kapistahan po? ano po bang tamang pananamit ntin sa katoliko?
vanillae said,
December 6, 2009 at 4:41 am
Kahit anong kasuutang malinis at desente ay tama para sa pagsamba, may kapistahan man o wala. Kung paano tayo mananamit sa isang kasalan, ganun tayo dapat manamit sa pagsisimba. Pero hindi ito nangangahulugan na kailangan mong ipilit na makabili ng napakagarang damit kahit wala ka nang makain. Sapat na ang maayos na damit at malinis na puso para dito.
mitch said,
December 9, 2009 at 3:18 am
Salamat po kc po may mga nagsasabi n mahalay daw po ang mga nakapantalon sa mga kababaihan para lang daw po ito sa mga lalaki., paano po ba masasabi na mahalay kung sa ibang tumitingin e maayos naman sa kanila ang pananamit mo pero sa iba hindi? Nacoconfuse lng po aq sa mga nangyayari sa pligid. may knya knyang mundo.hay!..salamat po sa sagot ninyo.godbless you plgi!…nag eenjoy po akong kausap kayo dahil nabibigyan ninyo po ng sagot ang mga katanungan q…
vanillae said,
December 10, 2009 at 1:08 am
Ang pagiging katanggap-tanggap ng mga bagay sa isang lipunan ay dumedepende sa kasalukuyang kultura. Kaya nga dapat tayong mag-ingat sa kulturang sisimulan nating tanggapin dahil maaaring hindi na tayo makaalis dito kung minsan natin itong papayagan o aayunan. Halimbawa ay ang kultura ng pagpapakita ng mga maselang bahagi ng katawan. Noong una, hindi ito tinatanggap ng mayoridad, pero dahil lagi nang nakikita, ito ay nagiging pangkaraniwan na lamang. Mabuti ang sumunod sa isang kultura, lalo na kung ito ay pambansa, pero ito ay kung hindi lumalabag ang kultura sa moralidad. Sa ngayon, hindi pa natin tanggap na nakapalda ang isang lalaki, pero kung marami na ang gagawa nito, paglipas ng ilang panahon ay ito na ang magiging “normal”. Noon, hindi maganda sa paningin ang isang babaeng nakapantalon dahil nagmumukha siyang lalaki. Isa pa, ito ay lumalarawan sa kagustuhan ng babae na tapatan ang lahat ng kayang gawin ng lalaki. Hindi ito laging mabuti. Pero dahil ito ang fashion ngayon, hindi naman kailangang ipagpilitan mo sa sarili mo na magpalda araw-araw kahit hindi ka naman kumportable. Nasa nagsusuot pa rin iyon. Yun nga lang, kapag ang damit ng babae ay hindi na matatawag na damit dahil sa hindi nito napagsisilbihan ang tunay nitong gamit — ang takpan ang katawan mula sa pwersa ng kalikasan at sa mahalay na pagtingin ng tao — ibang usapan na iyon. Kahit gaano ka kabuting tao, kung ang pananamit mo naman ay nagdudulot ng kasalanan, nasa mali ka pa rin.
mitch said,
December 10, 2009 at 12:37 pm
salamat po meron pa po akong tanong sa itaas ng sagot ninyo sa una ko pong tanong .. salamat po!..
lynn said,
March 4, 2010 at 12:37 am
magandang umaga po, lahat po ba ng kasalanan na ikinumpisal ay may kapatawran? maari po ba akong mangumpisal mismo sa pari na inaakala nya na nagkasala ako sa kanya ? maraming salamat po…
vanillae said,
March 4, 2010 at 2:36 am
Lahat ng kasalanan kung ikinumpisal ay may kapatawaran, pero hindi ito nangangahulugan na sa lahat ng pagkakataon ay agarang maiibigay ang kapatawaran. May mga kaso na kailangan munang pagpasyahan ng lokal na obispo o kung minsan ay ng Santo Papa. Isa sa mga pagkakataong ito ay kapag tungkol sa aborsyon ang ikinumpisal o kaya ay tungkol sa magkapatid na nagsasama bilang “mag-asawa”.
Sa pangalawang tanong, kung ang tinutukoy mo ay pwede ka bang mangumpisal kung dun ka mismo sa pari nagkasala (o kaya ay inaakala niyang nagkasala ka sa kanya), pwede mo itong gawin at irinerekomenda ito. Isa itong pagpapakita ng kababaang-loob hindi lamang sa harap ng pari kundi sa harap ng Diyos. Sa ganitong paraan, makakahingi ka ng tawad nang sabay sa Diyos at sa mismong taong pinagkasalahan mo. Kung inaakala mo naman na wala ka talagang nagawang kasalanan sa paring tinutukoy mo pero inaakala niyang mayroon, mas mabuting kausapin mo muna siya ng personal (hindi bilang Kumpisal) para linawin ang panig mo. Kapag nagkaayos na kayo, maaari mo nang sabihin na magkukumpisal ka.
Jholand said,
December 3, 2009 at 9:37 pm
Simula po nung nag comment ako dito lagi ko na po ito binabantayan.
@vanillae
Salamat po sa pag sagot sa comment ko.
@mitch
Salamat din po sa pag share nyo, napakalaking tulong po ng nagawa nyo kasi pati ako ay naliliwanagan narin
vanillae said,
December 6, 2009 at 5:28 am
Salamat din sa iyong pagsubaybay, Jholand.
mitch said,
December 9, 2009 at 5:06 am
sbi po mapalad ang taong gumagawa ng inaakala niyang tama at sbi ninyo po sa itaas ng article,”Ang katotohanan at ang pag-aakala ay magkaiba. Maari mong akalaing abswelto ka na pero hindi ibig sabihin ay ganun na nga!”.. paano po ang paliwanag doon paano pong pagkakaiba, if you confess with your mouth and believe in your heart you will be saved. What does it mean po b, every time po ba na magkakasala ang tao kelangan po niyang mangumpisal sa pari para po mapatawad siya ng diyos? hindi po ba minsan nagkamali tayo at minsan na din pong lumipas yun, minsan po inisip natin kung wag ng sabihin o magsalita sa bagay n un dhil tapos at nakalipas na dahil tapos n saka mukhang maayos nman n po ang lahat ang bagay na un, matatawag po b ung kasinungalingan dahil hindi mo ito sinabi kahit na maayos na sa tingin mo ang lahat at baka ibang isyu nanaman ang maganap. hindi po ba hindi naman lahat ng pangyayari sa buhay mo masasabi mo sa isang tao kahit na gaano mo pa siya kakilala, dahil hindi m naman po alam kong ano ang tunay na saloobin niya sa bagay na un kpag sinabi mo ito sa knya, hindi ba din po si God lng po ang nakakaalam ng lahat ng bagay tungkol sa sarili natin? Pano po ang way ng pagkukumpisal every ano po ba ginagawa ito tuwing magkakasala po ba, pano po kapag di m naman po intensyon na ganun ang kahihinatnan sobrang msama po ba un, ano po yung mga bagay na dapat pong ikumpisal ung mga nagawang kasalanan po ba na napasunod ka sa damdamin mo o ung nging kasalan mo na di mo naman ginusto, na hindi naman po iyon ang kagustuhan mong mangyari?
maraming salamat po!.. naway masagot niyo po lahat ng ito..
gusto ko na pong mahalin at alagaan muli ang sarili ko ngunit hindi ko alam kung paano ako magsisimula, may doubt pa rin po aq ..
sana po ay pagpasensiyahan ninyo ang kakulitan ko sa pagtatanong,
gusto ko po nang gnitong pag uusap.. gbu!…
mitch said,
March 26, 2010 at 1:24 pm
mtgal n po itong tnong n ito ngunit wala p rin pong sgot! ..
ngsusubaybay lng.. marami pong salamat..
vanillae said,
April 11, 2010 at 10:13 pm
”Ang katotohanan at ang pag-aakala ay magkaiba. Maari mong akalaing abswelto ka na pero hindi ibig sabihin ay ganun na nga!”
Ang kasalanan ay isang malaking misteryo; ni hindi natin alam kung paano ito umiral samantalang ang lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti. Dahil din sa kumplikadong kalikasan ng kasalanan, hindi natin ito dapat ituring na maliit na bagay na maaari nating pagpasyahan sa sarili lamang nating paraan. Ibinigay ni Jesus ang Sakramento ng Kumpisal para paulit-ulit tayong ilapit sa kanya dahil alam niya na paulit-ulit din tayong hihilahin ng maraming bagay papunta sa pagkakasala. Isa sa mga pinakamalaking pagkakamali natin ay ang pag-aakala na kapag sa tingin nating maayos na ang lahat ay maayos na nga ito. Ang kasalanan ay sugat sa ating kaluluwa na sa maraming pagkakataon ay maaaring magdulot dito ng kamatayan. Hindi dahil wala na tayong nararamdaman ay masasabi na nating wala na ang sugat o wala na ang panganib ng kamatayan. Kung magtatanong ka sa mga doktor, hindi mo mabibilang sa daliri ang dami ng mga sakit na hindi madaling makita ng pangkaraniwang mata, at hindi rin agad nararamdaman ng katawan. Ganito rin ang kasalanan, kailangan nating kilalanin kung ano ang tunay na kalikasan nito. Hindi natin dapat ipagwalang bahala ang kawalan ng “kaguluhan” at isiping dahil dito ay maayos na siguro ang lahat. Mayroon tayong kaisipan na kapag “hindi naman ako nang-aapak ng iba” ay wala na akong kasalanan. Inaakala natin na kapag walang naapektuhan ay walang pagkakamali.
Ang kasalanan ay hindi nagsisimula sa resulta, ito ay nagsisimula sa pagpapasya. Halimbawa ay tinatamad kang magsimba at nagdesisyon kang hindi magsisimba sa Linggong ito; kahit na magbago ang isip mo at tumuloy ka na rin sa pagsisimba, hindi ibig sabihin ay hindi ka na nagkasala. Sa sandaling nabuo na ang iyong pasya, ito na ang basehan kung tama o mali ang ginawa mo. Isa pang halimbawa ay kapag wala kang pera, tapos ay nagpadala ka sa tukso na kunin ang perang nasa harapan mo dahil ang pagkakaalam mo ay pag-aari iyon ng isa sa mga kasambahay mo. Kahit na sa huli ay na-realize mo na sa iyo pala ang perang kinuha mo, hindi ibig sabihin ay hindi ka nagkasala. Ang kasalanan ay nahahati sa dalawang uri: ang tinatawag na “material sin” at “formal sin”. Ang material sin ay tumutukoy sa kasalanang bunga ng maling akala. Halimbawa ay sinira mo ang isang bagay dahil sa pag-aakalang ito ay sa iyo, pagkatapos ay nalaman mong pag-aari pala ito ng iba, nagkasala ka pero hindi mo sinasadya. Sa kabaligtaran, ang formal sin naman ay ang pagkakasalang may sariling pahintulot. Ito ay tumutukoy sa pag-iisip, pagpapasya o pagawa ng isang bagay na alam mong masama. Halimbawa ay nagpanggap na bayaran ang isang asawang babae at nakipagtalik sa kanya ang asawang lalaki; kahit asawa niya ang babae, nagkasala pa rin ang lalaki dahil nagpasya siyang makipagtalik sa inaakala niyang hindi niya asawa. Sa kabilang banda, sa ganitong kaso ay nagkasala din ang babae sa pagtulak niya sa asawa sa pagkakasala. Tungkol sa tanong mo kung dapat bang ikumpisal ang lahat ng kasalanan, ang sagot ay oo, dahil ang lahat ng kasalanan ay dapat aminin, ikalungkot, at ihingi ng kapatawaran, at “pagbayaran” bago ito makakatanggap ng kapatawaran. Pero ang salitang “pagbabayad” dito ay hindi tumutukoy sa kakayahan nating bayaran ang ating pagkakasala kundi ito ay pagpapakita na nakahanda tayong tanggapin ang anumang konsikwensya ng ating pagkakamali. Sa sakramento ng Kumpisal ay hindi tayo pakikipagkwentuhan sa pari o kaya ay naghihinga ng sama ng loob o “guilt feeling”, tayo ay buong kababaang loob na nagtatapat sa Diyos ng ating mga kasalanan, humihingi ng tawad, at nagpapakita ng kahandaang magpalit ng pamumuhay. Hindi psychiatric counselling ang Sakramento, ito ay pagbabalik-loob. Hindi dahil maayos na ang lahat sa paningin mo ay hindi mo na kailangang magkumpisal. Ang sugat ay sugat kahit hindi ito masakit, at kahit mukhang hindi ito umiiral. Kung mayroon kang sugat sa bituka pero hindi mo ito nararamdaman, hindi ibig sabihin ay hindi na ito umiiral at hindi na ito nagsisilbing panganib. Mananatili pa rin kung ano ang totoo kahit na kabaligtaran nito ang iyong inaakala. Kaya kung alam nating tayo ay nagkasala, hindi mahalaga kung matagal na itong lumipas o kahapon lang; mananatili itong kasalanan.
Maari mo rin basahin:
Isang Gabay sa Pagkukumpisal
etel said,
January 5, 2010 at 9:31 am
anu po ang pagsisisi?
hindi ko po kasi saulo eh paki sabi naman po sakin !!
salamat po.
vanillae said,
January 16, 2010 at 1:19 am
Ang pagsisisi ay ang kalungkutang nararamdaman natin dahil sa mga nagawa nating kasalanan; at ito rin ang pasya nating talikuran at huwag nang balikan ang anumang makasalanan at hindi sa Diyos.
Marami kang makikitang porma ng Act of Contrition sa internet, medyo mahirap nga lang maghanap ng Tagalog version, pero meron.
Esec said,
February 8, 2010 at 9:02 am
magandang araw po..
nais ko pong magtanong tungkol sa Examination of Conscience o Pagsusuri ng Budhi…
nais ko po ng kapaliwanagan ukol sa bagay na ito..ako po ay naatasan na magkaroon ng maikling “talk” sa topic na ito..
maraming salamt po.
vanillae said,
February 16, 2010 at 6:17 am
Magandang araw din sa iyo. Sinusubukan kong mai-post agad ang bagong article tungkol diyan. Salamat.
lynn said,
March 6, 2010 at 3:35 am
maraming salamat po ,..tama po kayo duon samungkahi ninyo na kausapin po siya.,at humingi ng appointment bagamat di nag paunlak.kaya po sana daanin ko na lang sa pangungumpisal para po malaman nya ..mga balita ay gawa gawa lamang ng mga tao malapit sa kanya at iyon ang pinaniniwala nya.Panahon po na kwaresma ngayon at ibig ko pong maglinis ng aking kaluluwa at iyan po ang isang bumabagabag sa akin..minsan po naisip ko na lang na ang Dyos ang mas nakakaalam kung ano talaga ang katotohanan at sa kanya po ako dumudulog..maraming salamat po uli …
trishia said,
March 22, 2010 at 1:00 pm
gusto ko ikumpisal itong story ko. alam kong panget sana guys wag kau magalit s icoconfes ko. kasi nagkaron ako ng kalaguyo at kapitbahay pa nmin. pero ngaun wla n kami, nakipaghiwalay na ko sa kanya dhil gusto ko na ayusin ang buhay ko at pmilya ko .kaso bkit ganun, kc prang di ako makawala s kanya dahil tuwing nalalaman nya na nasa bahay ako e lagi nya ko tinetext at tinatakot na magwawala daw sya sa labas ng bahay namin. pag di ko sinagot ang text nya e lalo sya nagagalit. anong dapat kong gawin?
vanillae said,
April 11, 2010 at 9:08 pm
Salamat sa pagbabahagi mo ng iyong istorya. Dito natin makikita kung kadaling pumasok sa sitwasyon ng pagkakasala, pero kapag nagpasya ka nang magbago, hindi ganun kadaling makalabas. Pero walang imposible sa Diyos, ibinigay na niya ang tagumpay sa mga gustong sumunod sa kanya. Maaaring napakahirap ng pinagdadaanan nating mga pakikipagbuno sa tukso at sa mga panganib na dulot ng dating pagkakasala (tulad ng sitwasyon mo ngayon), pero sa huli ay sa atin pa rin ang tagumpay kung mananatili tayong panig sa tama.
May karapatan kang mamuhay nang may kapayapaan ng kalooban — iyan ang gustong ibigay sa atin ng Diyos — pero para mangyari yan, kailangan mong maging matapang na harapin kung anuman ang maaaring konsikwensya ng dati mong nagawa. Mag-umpisa ka sa pananalangin araw-araw, lumapit ka sa Sakramento ng Kumpisal, humingi ka ng payo sa pari, at maging handa kang patawarin ang lahat ng nagkamali sa iyo, at patawarin mo rin ang iyong sarili.
Tungkol sa pananakot sa iyo ng dati mong karelasyon, hindi ka pwedeng mamuhay sa takot dahil lang dito. Wala kang magagawa sa desisyon niya, sarili niya iyon. Gawin mo ang tama, huwag kang magpatakot sa mga banta, at sa huli ay ikaw pa rin ang panalo kung mananatili ka sa tabi ni Jesus — sa kanyang kalooban para sa iyo.
josefel said,
July 9, 2010 at 2:10 am
Dear Father,
Ano po ba ang tagalog version nang “Act of contrition”. Pakipadala po sa akin. Maraming salamat po. Pagpalain po kayo ng Diyos.
vanillae said,
July 13, 2010 at 3:29 am
Hindi po ako pari, ako po ay simpleng mananamapalataya. Ganun pa man, ito ang nakita kong salin ng Pagsisisi o Act of Contrition. Ito ay nagmula sa website na ito: http://www.bibleclaret.org/Pandesal/2008/banner/dasal.htm#i
Pagsisisi
O Diyos ko, ikinalulungkot ko
nang buong puso
ang pagkakasala ko sa iyo.
Kinasusuklaman ko
ang lahat kong kasalanan
dahil sa takot kong mawala sa akin
ang kaharian ng langit
at dahil sa takot ko
sa hirap ng impiyerno,
ngunit lalo pa’t ang kasalanan
ay nakakasakit sa kalooban mo,
Diyos na walang hanggan
ang kabutihan at nararapat
na ibigin nang walang katapusan.
Matibay akong nagtitika
na ikukumpisal ko
ang aking mga kasalanan,
tutuparin ang parusang hatol
at sa tulong ng iyong biyaya
ay magbabagong buhay.
Amen.
asiagel said,
September 9, 2010 at 1:51 pm
anu po ba ang mga salitang binabanggit o sinasabi sa oras ng pangungumpisal? anu po ang unang mga salitang sasabihin sa pari?
vanillae said,
September 11, 2010 at 1:31 pm
Ang tamang paglapit sa Sakramento ng Pakikipagkasundo ay nagsisimula sa pananalangin. Bago humarap sa pari ay humingi muna ng biyaya at gabay mula sa Espiritu Santo para higit pang makita ang iyong sarili sa pamamagitan ng kanyang liwanag. Mahalaga na alam natin kung bakit tayo nagkukumpisal — dahil kinikilala nating tayo ay nagkasala at nangangailangan ng kapatawaran. Makatutulong ng malaki ang pakikipag-usap kay Maria na ina ni Jesus dahil siya lamang ang taong nakauunawa at nakaranas ng ganap na pakikiisa sa Diyos, kaya mabibigyan niya tayo ng sense of hope sa kabila ng ating pagkamakasalanan. Kapag naihanda na ang sarili ay lumapit sa pari at habang ginagawa ang tanda ng krus ay sabihin, “Basbasan mo po ako padre dahil ako’y nagkasala,” o “Bless me father for I have sinned.” Kasunod nito ay sabihin mo kung kailan ka huling nagkumpisal. Maaaring nung isang buwan, kalahati o isang taon na ang nakalipas, o maaari rin sabihing maraming taon na at di mo na maalala. Pagkatapos nito ay isa-isahin ang lahat ng pangalan ng mga kasalanan na iyong naalala noong sinusuri mo ang iyong budhi. Pakinggan ang payo ng pari, at sa huli ay ang penance na ibibigay niya. Maaaring ito ay isang o ilang mga dasal na dapat mong isakatapuran pagkaalis na pagkaalis mo sa kanyang harapan; at maaari rin naman na ito ay magkasamang panalangin at gawain tulad ng paglilimos, pagbabasa ng Biblia, pagrorosaryo; o sa ibang pagkakataon ay pagbawi sa pinagkasalahan tulad ng pagsasauli ng perang ninakaw kung ito ay nasa iyo pa. Kadalasan ay hindi mo kailangang personal na isoli ang iyong kinuha. Maaaring ito ay patago, dahil ang mahalaga ay bawiin mo ang nagawa mong pagkakamali. Hindi rin dapat kalimutang magpasalamat sa Diyos sa kanyang pagpapatawad.
romeo said,
March 26, 2011 at 10:27 pm
gusto ko po sanang mangumpisal, dapt ko po bang sabihin lahat ng mga kasalanan sa specific way? hindi po pweding in-general nlng?
vanillae said,
March 29, 2011 at 8:45 pm
Isa sa mga layunin ng pagkukumpisal ay ang magabayan ang penitente sa wastong pagtrato sa kasalanan. May mga kasalanan na nag-iiba ang bigat depende sa paraan ng paggawa nito at sa resulta. Halimbawa ay nagsinungaling ka, at dahil dun ay napahamak at binawian ng buhay ang isang tao; hindi yun simbigat ng simpleng pagsisinungaling na walang mabigat na konsikwensya. Ganun din, ang hindi pagsasabi ng totoo para umiwas sa malaking iskandalo ay hindi simbigat ng pagtangging magsabi ng totoo dahil sa masamang layunin tulad ng pandaraya, pagtataksil o pagnanakaw. Kaya para malaman ng pari ang “gravity” ng kasalanang ikinukumpisal mo, dapat ay sabihin ang mga detalye na inaakala mong mahalaga at makakaapekto sa bigat ng pagkakasala.
VIC said,
May 7, 2011 at 11:25 pm
Isa po ako sa mga taong matagal ng di nakapagkumpisal at dahil doon, nais ko pong magtanong ukol dito…
meron pong araw at oras ang kumpisal dito sa simbahan namin pero, ang tanong ko po, may bayad po ba ang pangungumpisal? at saka po, pinapa iskedyul po ba ito ?
maraming salamat po
vanillae said,
May 8, 2011 at 1:02 pm
Magandang araw. Sabi mo nga may araw at oras ang kumpisal sa inyong parokya, isang magandang programa yan ng inyong kura. Kung pwede nga lang sana ay ganyan din sa lahat. Kung ano man ang fixed schedule, dun ka pumunta para makasiguro kang may available na pari. Kung nagkataon naman na walang nakatakdang oras at araw tulad ng sa ibang parokya, magtanong ka sa opisina kung sinong pari ang pwede mong makausap para magkumpisal.
Walang bayad ang kahit anong sakramento, kumpisal man o kasal o binyag o misa. Ang binabayaran sa binyag at kasal ay yung pasilidad ng simbahan, at maaaring kasama na rin dun ang donasyon. Dahil ang sakramento ng kumpisal ay sa pag-itan mo lang at ng pari — walang kailangang bulaklak o carpet o kuryente — wala kang kailangang bayaran na kahit ano. Para ka lang lumapit sa isang kaibigan o para ka lang din lumapit sa harapan ng Diyos para makipag-usap.
leth said,
May 8, 2011 at 6:23 am
11 yrs ago n nung huli akong nangumpisal.. guzto ko mangumpisal pero ndi ko alam lhat ng dapat gwin… pagkatapos ko sabihin ung mga ksalanan ko, sasabihin ni father kung anu ung ggwen ko o penance. then i will offer act of contrition…san ko po ba ggawen ung penance ko?? sa confession room ba??
vanillae said,
May 8, 2011 at 1:08 pm
Ang penance ay kadalasang ginagawa sa loob ng simbahan o sa Euharistic Adoration Chapel dahil madalas, ito ay mga panalangin. Pero kung ang penance ay may kasamang ibang gawain tulad ng paglilimos sa unang pulubi na makikita mo, o kaya ay pagdalaw sa ospital o sa mga nasa bilangguan; syempre, hindi mo ito gagawin sa loob ng simbahan.
Tama ang idea mo sa mga dapat gawin, pero huwag mong kakalimutan ang pagdadasal bago magkumpisal para tulungan ka ng Espiritu ng Diyos na alalahanin ang iyong mga pagkakamali at magkaroon ka ng tamang damdamin sa iyong kalagayan bilang makasalanan at bilang minamahal ng Diyos at inaanyayahang magbalik-loob.
nheya said,
June 24, 2011 at 4:10 pm
itatanong ko lang po kasalanan ba ang humanga sa isang pari? kse sa aming parokya sobrang hinangaan ko yung pari kso aalis na sya malilipat na sya sa ibang lugar kaya sobra po akong nalulungkot tinatanong ko sa panginoon kung bakit ko to nararamdaman..
vanillae said,
June 25, 2011 at 3:58 pm
Hindi masama ang paghanga kahit kanino dahil ito ay nagpapatotoo lamang na mayroong maganda o mabuti sa taong hinahangaan. Pero mayroon kang mga dapat isaalang-alang tulad ng estado ng tao (e.g. may asawa, pari, konsagrado, etc.), at dapat mo rin kilalanin ang dahilan ng iyong paghanga. Dahil ba sa itsura, sa paraan ng pagsasalita, sa ugali o kung anuman? Kailangan mo itong i-recognize para hindi ka maging fanatic at hilahin ng damdamin mo kung saan nito gusto. Kapag alam mo na kung bakit humahanga ka sa pari na nasa inyong parokya, mas madali mo na rin mapamamahalaan ang nararamdaman mo.
Alvin Baure said,
June 28, 2011 at 8:17 pm
Lubha po akong naging makasalanan, sa Diyos, sa aking mga magulang, sa aking mga kamaganak, sa aking mga kaibigan at sa aking nobya. Hindi po ako naging mabuting tao sa harap nila. Gusto ko na pong magbago, para sa sarili ko at para sa mga taong nakapalibot sa akin. Tulungan nyo po ako. 20 years old na po ako, at lagpas sampung taon na po mula nang ako ay makapangumpisal. Hindi ko po alam ang gagawin, pero natatakot po akong di na Nya ako tanggapin. T_T
vanillae said,
June 29, 2011 at 12:25 am
Husgahan ka man ng tao, kahit pa kamag-anak, kaibigan o ninuman, may isang siguradong katotohanan ang pwede mong panghawakan, at iyon ay ang buong pusong pagtanggap sa iyo ng Diyos bilang kanyang anak. Sinabi ni Jesus, “Dumadating ako hindi para hatulan ang mundo kundi para iligtas ang mundo” (Juan 12:47). “Kung aaminin natin ang ating mga kasalanan, patatawarin niya na matapat at makatarungan ang ating mga kasalanan at lilinisin tayo sa kahit anumang kasamaan” (1 Juan 9). Kung ilang beses ka nagkasala, higit pa dun ang bilang ng pagpapatawad na gustong ibigay sa iyo ng Diyos. Ang pagkilala mo sa iyong mga nagawang kasalanan ay sapat na para tanggapin ka ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus. Ang ating Panginoon mismo ang nagsabi: “Magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit para sa isang makasalanang nagsisi kaysa siyamnapu’t siyam na matuwid na di nangangailangan ng pagsisisi” (Lucas 15:7). Ganyan ka-excited ang Diyos mismo at ang mga anghel sa iyong paglapit sa Sakramento ng Kumpisal at sa pagpapanibago mo ng paraan ng pamumuhay. Huwag kang matakot dahil si Jesus ay bumaba sa lupa para sa atin na mga makasalanan at hindi para sa mga banal. Espesyal ka sa kanya kaya ang dapat mong maramdaman ay tuwa ng isang anak na nagbabalik sa kanyang mahal na Ama.
catherine said,
August 4, 2011 at 11:51 am
pwede pong pahelp sa topic ko para sa handbook study about sa kumpisal
)
sana po ay masagot nyo kaagad kelangan ko na po kasi sa sunday eh
vanillae said,
August 4, 2011 at 9:49 pm
Let me try what I can contribute. You can PM me at facebook.com/leeonweb.
shirley said,
September 7, 2011 at 8:59 pm
tanong ko lang po, pwede po bang mangumpisal at magkomunyon ang hindi kasal sa simbahan?
vanillae said,
September 14, 2011 at 11:24 pm
Ang pagsasama nang hindi kasal sa Simbahan ay isang patuloy na pagkakasala. Hayaan mong bigyan kita ng halimbawa. Kung ang isang tao ay may jumper ang kuntador, ibig sabihin ay nagnanakaw ng kuryente, tama ba na lumapit siya sa Diyos para humingi ng tawad gayong alam niyang patuloy niyang ginagawa at gagawin ang parehong kasalanan?
Mabuti ang paglapit sa sakramento ng Kumpisal kahit na kasalukuyang namumuhay sa kasalanan ang isang tao dahil ang mismong intensyon at akto pa lamang ng paglapit dito ay nagbubuhos na ng biyaya ng Diyos. Ito ay maaaring magdulot sa tao ng pagpapalit ng puso o ng tunay na pagbabalik-loob. Ganun pa man, sa oras na magawa mo ang pagkukumpisal, dapat mong pilitin ang iyong sarili, sa tulong ng biyaya at lakas ng Diyos, na sundin ang payo sa iyo ng pari at iwasan mong bigyang-katwiran ang iyong ginagawa lalo na at alam mo sa iyong sarili na ito ay mali at hindi kalooban ng Diyos.
Hanggat hindi mo nagagawa ang obligasyon mong magkumpisal at magbalik-loob, hindi makabubuti sa iyo ang tumanggap ng komunyon; lalo nitong pasasamain ang kalagayan ng iyong kaluluwa at pagkatao.
Wendy said,
April 4, 2012 at 3:12 pm
Hi good afternoon may tanong pa sana ako sana masagot nila, magulang ko po dati sila ay babtist pero pagkakaalam ko hindi ako na bawtismohan dati po dun ako nagsisimba kasi pag kasali ka dun kailangan ng basbas kung sa katoliko communion.. Pero po nung high ako up to collage sa catholic church na po ako nagsisimba yun naman po ay hindi ako binabawalan ng magulang ko.,, 33yrs old na po ako pero di pa ako nakapag communion at kumpisal kaya ayaw manalawat!anu po ang gagawin ko salamat po
vanillae said,
April 16, 2012 at 7:40 am
Ano ang ibig mong sabihin sa, “kaya ayaw manalawat”?
Nabinyagan ka na ba sa Simbahang Katoliko? Kung hindi pa, lumapit ka sa iyong parish priest at sabihin mo ang sitwasyon mo. Hingin mo ang pananampalataya mula sa Simbahan at magpabinyag ka.
Kung ikaw naman ay nabinyagan na, at sigurado ka dun dahil may record ka sa parokya o may baptismal certificate kang hawak, ang kailangan mo lang gawin ay magkumpisal. Lumapit ka sa pari ng inyong parokya, at ikwento mo ang iyong sitwasyon, at sabihin mo ang iyong intensyon na magkumpisal. Kung may Misa sa araw na iyon pagkatapos ng iyong kumpisal, samantalahin mong maka-isa si Cristo sa Komunyon. Kung wala naman, hintayin mo na lang ang araw ng Linggo. Mas madalas kang magkomunyon, mas matutulungan ka ng biyaya ng Diyos para sundin ang kalooban ng Ama. Ganun din sa Kumpisal. Kung magagawa mo ito, minsan sa isang buwan, mas mabuti.
Pagpalain ka nawa ng ating Panginoong Jesus! Amen!
Paz Marjorina said,
November 29, 2011 at 8:12 am
maraming salamat po sa kung sino man ang gumawa ng blog na ito dahi talagang nakatulong sa akin. lano sa sabado ay kukumpilan na ako pero dahil bago magawa o maisakatuparan ang sakramentong ito kinakailangan ko munang mag kumpisal dahil sa mga nabasa kong kommento naka tulong ito sa akin ng malaki salamat po ulit
yeo said,
April 6, 2012 at 4:22 pm
bawal ba manood ng movie or cartoons pag good friday?
vanillae said,
April 16, 2012 at 7:32 am
Bukod sa pagkain ng karne, wala naman ibang bawal gawin kapag Biyernes Santo. Pero bilang pakikiisa sa sakripisyo ni Jesus, tayo ay inaanyayahan na tanggihan ang anumang nakasanayang pleasure at enjoyment. Halimbawa ay masarap para sa’yo ang halo-halo, itanggi mo muna ito sa iyong sarili. Kung mahilig kang manood ng movie or cartoon, itanggi mo muna ito sa iyong sarili. Dapat samantalahin ang araw na ito para pagnilayan ang ginawa ni Jesus para sa atin. Ang Mahal na Araw ay hindi lamang pag-alala sa isang pangyayaring naganap na; ito ay pagsasa-ngayon ng mga ginawa ni Jesus. Dapat nating ituring na ang mga araw na ito ay ang mismong araw kung kailan nagpakasakit ang ating Panginoon para sa atin. Sa ganitong paraan, ang parehong biyaya na matatanggap natin kung naroon tayo sa panahong iyon, ay matatanggap natin ngayon dahil sa ganitong disposisyon at pagninilay.
Len said,
May 3, 2012 at 9:25 pm
gusto ko po sana humingi ng payo o tulong wla po kase ko mapagsabihan ng kasalanan ko dahil sobrang mabigat at sobra po tlg ang kasalanan na nagawa ko..alm ko kung anu anong mga msasakit na comment at maririnig ko kya gusto ko na po pag sisihan ang lahat, ilang beses narin po humungi ng tawag sa diyos pero d ko po alm kung napatawad na po ba tlg nya ko……my asawa na po at nsa iabang bansa nag trabaho, pero nag karoon po ako ng appear sa iba niloko ko po ang asawa ko, nag karoon po ako ng kabit at wla po alm d2 ang asawa ko at nabuntis po ako ng kabit ko, nung una palng nya nalaman gusto n nya ipalaglag ung baby dhil malaking gulo daw po un pero hindi ako pumayag dhil alm ko na kasalanan na nga ung ginawa nmin dadagdagan ko pa, kya kung ayaw nya ako nlng ang bubuhay sa baby, at balak ko tlg ituloy pero dumating ung time na kinuha na ako ng asawa ko d2 sa abroad at kailangan pa ng medical hindi pwede na mag positive sa pregnancy test dhil bawal, kya wla po ako choice kung di gawin ang gusto ng kabit ko na ipalaglag ang baby, gulong gulo po tlg ko at hindi ko alm kung anu ung kasalanan na nagawa ko, kung hindi n nman po sana kailangan ung medical wla nman po ako balak na ipalaglag ung baby ko, matagal ko narin po kse gusto magkaroon nito pero ng binigyan nman po ako ng dyos sa malng tao pa po….hanggang ngaun po hindi ko alm kung napatawad na po ako ng dyos at ng baby ko sa ginawa ko sa knilang kasalanan, marami pong tumatakbo sa isip ko na halos hindi ko na makaya sana po bigyan nyo po ako ng advise kung anu po ang dapat ko gawin para mapatawad ng dyos at ng baby, dhil ang dami ko nilabag sa mga uots ng dyos…
vanillae said,
May 5, 2012 at 2:47 am
Naiintindihan kita at nalulungkot ako sa pinagdadaanan mo. Totoong mabigat ang kasalanang nagawa mo, hindi yan maitatanggi. Pero dapat mo din kilalanin ang Diyos bilang mapagmahal na Ama. Siya ang higit na nasaktan sa ginawa mo sa baby mo at sa sarili mo, pero huwag mong kalilimutan na anak ka rin niya. Gusto niyang pagsisihan mo ang mga nagawa mo pero hindi niya gustong manatili ka sa pagkalugmok at sa labis na kalungkutan. Ang tamang kalungkutan para sa nagawang kasalanan ay dapat na nagdudulot ng pagbabalik-loob at hindi panghihina ng loob. Kung hindi ka natakot na gumawa ng kasalanan, lalong hindi ka dapat matakot na lumapit sa Diyos na ating Ama para humingi ng kapatawaran. Hinihintay ka niya. Wala siyang balak na itaboy ka kahit gaano pa kabigat ang nagawa mong pagkakamali. Nakahanda ang Diyos na patawarin ka kaya maging handa ka rin na iwan ang nakaraan. God is a God of second chances, at hindi limitado ang pag-ibig Niya.
I suggest that you learn all about the Divine Mercy prayer. Kilalanin mo at tanggapin ang awa ng Diyos. Ang tanging kasalanang walang kapatawaran ay ang kawalan ng pag-asa; ang pagsasabing hindi kayang patawarin ng Diyos ang iyong mga kasalanan. Iyon ang huwag na huwag mong hahayaang mangyari. Ang Diyos ay hindi maliit na Diyos. Simula pa nung unang nagkasala ang tao ay ipinakita na ng Diyos ang kanyang awa, at sa buong kasaysayan ng kaligtasan ay tanging awa ang ipinapakita niya sa ating mga makasalanan. Wala tayong karapatan para maliitin ang Diyos. Ang pag-ibig niya ay hindi katulad ng sa atin na masyadong limitado.
Magbalik-loob ka sa Diyos sa pamamagitan ng paglapit sa Sakramento ng Kumpisal. Hindi madaling kaso ang abortion pagdating sa batas ng Simbahan, pero hindi mo kailangang mag-alala. Mananatili ka pa rin anak ng Diyos kahit na bigyan ka niya ng mabigat na parusa. Maging tapat ka lang sa kanya hanggang sa huli. Ang iyong anak ay nasa piling na ng kanyang totoong Ama. Humingi ka ng tawad sa kanya at sa Diyos, at pagkatapos mong magkumpisal, ipagdasal mo ang bagong buhay na haharapin mo kasama ang Diyos. Ibubuhos niya sa iyo ang biyaya ng awa na magsisilbing lakas mo laban sa lahat ng mga negative emotions na magtatangkang magpabalik-balik sa iyo. Gawin mo lang lahat sa buhay mo nang may katapatan, at lagi mong hangarin sa iyong puso ang kabanalan ng Diyos. Hindi ka Niya hahatulan, kaya huwag mo rin hatulan ang sarili mo. Huwag mong sabihing, “Hindi pa sapat ang parusa ko dahil walang kasimbigat ang kasalanan ko.” Hayaan mong ang Diyos ang magpasya tungkol dyan, huwag mo siyang pangunahan. Ang mahalaga ay tanggapin mo ang lahat ng sitwasyon na ibibigay sa iyo ng Diyos nang walang pagrereklamo, sa halip ay may kababaang-loob. Tuwing natutukso kang magreklamo tungkol sa mga sitwasyon mo sa buhay, doon mo alalahanin na mayroon kang kailangang panagutan sa Diyos, pero huwag mong hahayaang magpabalik-balik ang guilt feeling. Isipin mo na lang na nakabasag ka ng mga mamahaling vase sa isang tindahan, pero agad kang pinatawad ng may-ari noong nag-apologize ka sa isang kondisyon na babayaran mo paunti-unti ang mga nasira mo. Ganun din ang sitwasyon natin pagkatapos tayong mapatawad ng Diyos. At magagawa mo itong pagbayaran sa pamamagitan ng palaging paghanap at pagsunod sa kanyang kalooban nang walang anumang pagrereklamo.
Kung may mga tanong ka o gustong sabihin nang mas pribado, pwede kang mag-iwan ng private message sa Facebook: http://www.facebook.com/leeonweb o sa email: wsibug@gmail.com. Nawa ay nakatulong ako kahit sa maliit na paraan. Mahal ka ng Diyos.