Magulang

June 28, 2007 at 5:49 am (Commentary)

Una sa lahat, ang pagiging kamanlilikha ng Diyos ay hindi karangalan at kapangyarihang nagmumula sa tao kundi isang prebilehiyo at libreng kaloob mula sa Diyos. Kasama nito, ang mga anak ay regalong tinanggap ng mga magulang galing sa Lumikha. Sa makatwid, walang anak ang pagmamay-ari ng sinumang magulang kundi nasa ilalim lamang ng kanilang pangangalaga at pananagutan. Ang mga magulang ay katiwala ng Diyos sa kanyang mga anak kung paanong ang tao ay tagapamahala niya sa lahat ng mga bagay sa mundo. Kung paanong hindi maaaring gawin ng tao ang lahat ng maibigan niya na para bang pag-aari niya ang mundo, hindi rin maaaring gawin ng mga magulang ang anumang maisipan nila sa mga anak na para bang sila ang may-ari ng mga ito. Ang totoo, walang sinuman ang may-ari ng kanyang kapwa; ang lahat ay tagapangalaga ng isa’t-isa.

Ikalawa, bukod sa pagiging katiwala at tagapangalaga ng mga anak ng Diyos, ang mga magulang ay may tungkulin din at pananagutan na ipaabot ang pag-ibig ng Diyos sa kanyang mga anak. Dahil hinatian ng Diyos ang mga magulang ng kanyang pagiging ama at ina, inaasahan niyang ang mga ama ang magpapakita ng kanyang pag-ibig bilang ama, at ang mga ina ang magpapahayag ng kanyang maka-inang pag-ibig sa pamamagitan ng kanilang pagkalinga at pagmamahal sa kani-kanilang mga anak. Matuwid lamang at  marapat na tanungin ng mga magulang ang kanilang sarili bawat sandali, “Ipinahahayag ko ba ang pag-ibig ng Diyos sa ginagawa ko? Kung ang Diyos ang nasa lugar ko, ganito ba ang gagawin niya?” Pinarurusahan ba tayo ng Diyos dahil sa bugso ng kanyang damdamin? Mas ipinapakita ba niya ang galit kaysa pagmamahal? Natatakot ba tayo sa kanya dahil siya ay mapagparusa o dahil nakakatakot tayong makita ang ating mga kasalanan sa liwanag.ng kanyang pagmamahal? Kung ano ang ginagawa ng mga magulang sa kanilang mga anak, ito ang ipinahahayag nila bilang pag-ibig at katangian ng Diyos, at ito rin sa kanilang mga puso ang pinaniniwalaan nilang ginagawa sa kanila ng Diyos. Kung pinagmamalupitan ng magulang ang kanyang anak, nangangahulugan na nakikita niya rin ang kanyang sariling buhay bilang pagmamalupit ng Diyos, at ipinahahayag din niya sa kanyang anak na ang Diyos ay Diyos ng kalupitan. Sa kabaligtaran, ang magulang na mapagmahal at mahinahon ay nagpapatunay ng kanyang sariling karanasan tungkol sa pag-ibig ng Diyos, at sa gayon ay nagpapahayag din sa kanyang anak ng isang katotohanan na ang Diyos ay pag-ibig.

Ikatlo, tungkulin ng mga magulang na imulat ang mga anak sa kalooban ng Diyos, at hindi sa kanilang makasariling kalooban. Ang buhay ng tao ay may iisang layunin—ang kalooban ng Diyos. Dalawa lang ang uri ng desisyon sa buhay: sang-ayon o salungat sa kaloobang ito. Habang ang isang magulang ay nabubuhay, responsibilidad niyang itutok ang direksyon ng kanyang anak patungo sa Diyos, at gagawin niya ito sa pamamagitan ng sariling buhay bilang halimbawa, pangangaral, panalangin, at sakripisyo; hindi sa pananakot o pamimilit. Ang pagmumulat ng magulang sa anak tungkol sa kalooban ng Diyos sa paraang hindi nararapat ay pagkakasala sa anak na sana ay nakaunawa kung tama ang ginagawa ng magulang; at pagkakasala sa Diyos na siniraan sa harap ng kanyang anak sa pamamagitan ng maling gawain ng magulang.

Ang pagiging magulang ay isang marangal na tungkulin na karapat-dapat sa malalim na pagrespeto at mataas na pagtingin ng mga anak at mismong ng mga magulang. Ito ay pakikibahagi sa karangalan ng Diyos, sa kanyang kapangyarihan bilang manlilikha at tagakalinga ng kanyang mga anak. Ang mga magulang ang unang-unang dapat na matutong kumilala at gumalang sa karangalang ito, at sa gayon ay maituro nila sa kanilang mga anak kung paanong maging magulang, at sa huli ay makilala nila ang Diyos na tunay nilang Ama.

Permalink Leave a Comment

Bakit Kailangan Ko ang Diyos?

June 23, 2007 at 5:48 am (Life)

 

Minsan, iniisip ko, “Bakit nga ba umiikot ang buhay ko sa pagsasaalang-alang kung ano ang kalooban ng Diyos para sa akin araw-araw?” Sa lahat ng oras at gawain, pangkaraniwan man o espesyal, sa paggawa man ng mabuti o sa pagkakasala, bakit nga ba nasa isip ko lagi ang Diyos? Noong nasa teenage years ako, madalas akong magka-crush o magkaroon ng isang kaibigan na itinuturing kong espesyal. Tuwing may binibili ako sa mga supermart, laging una sa isip ko, “Ano kaya ang pwede kong bilhin para sa kanya?” Ganun din sa ibang mga gawain, nandun lagi ang pagsasaalang-alang kung ano ang iisipin, sasabihin, o maramdaman ng taong iyon tungkol sa gagawin ko. Noong naging mulat ako sa pagkilos ng Diyos sa aking buhay, hindi na naging madali, o possible man lang, na balewalain ang kalooban niya. Totoong mas madalas, ang kalooban ko ang sinusunod ko sa kabila ng katotohanang  wala isa man saglit na nawala sa isip ko ang presensya ng Diyos sa buhay ko, at ang kamulatan tungkol sa kanyang kalooban. Pero kasabay din ng mga pagtatangkang magsarili—ng pagsasabing mas alam ko kung ano ang makakabuti sa akin—ay ang kawalan ng tunay na kaligayahan o satispaksyon. Oo, pwede kong gawin ito o iyan, walang pipigil sa akin, pero ang tanong ay “Totoo bang nasiyahan ako?” Madali nating masabi sa sarili na “Oo, masaya ako!” “Masaya ako na nagantihan ko na ang kaaway ko!” “Masaya ako na namatay na yung nang-api sa akin!” “Masaya ako dahil nagsawa na ng kasisingil yung pinagkakautangan ko!” Madaling dayain ang sarili tungkol sa mga bagay na gusto nating mangyari. Dahil sa katotohanang walang tunay na kaligayahang hiwalay sa kalooban ng Diyos, matuwid lang na hindi ito alisin sa isip, dahil ang pagtalikod dito ay pagtalikod sa tunay na kaligayahan

Madalas, madali para sa iba ang sabihing nilikha nga tayo ng Diyos, biniyayaan ng mga likas na yaman, ng lakas at isip na maaaring pagyamanin, pero hanggang doon na lang ang kaugnayan natin sa Diyos. Inaakala natin na ang kaligayahan ay nakasalalay sa pagamit natin ng kalayaan at ng mga biyaya ng Diyos sa paraang gusto natin. May mga nag-iisip na hindi ito matatawag na kalayaan kung may limitasyon, pero ang tunay na kalayaan ay ang kakayahang supilin ang sarili. Kung hindi ka nga alipin ng ibang tao pero hindi mo naman magawang makalaya sa sariling emosyon, kayabangan, at masasamang kaisipan, higit ka pang alipin kaysa mga taong inaalipin ng kanilang kapwa. Hindi madalang na naririnig ang linyang “Kung gugustuhin ko, kaya ko!” Isa itong pangungusap ng pagtanggi sa katotohanan ng pagiging alipin. Sa likod ng mga salitang ito ay ang mensaheng nagsasabing “Kontrolado ko ang sarili ko, hindi ako alipin.” Pero gaano katotoo ang pahayag na ito? Kung talagang kontrolado ng isang tao ang kanyang sarili, loloobin niyang lagi na piliin at gawin ang mabuti dahil ang masama ay labag sa tunay na kalooban at kalikasan ng sarili—kaya nga ito tinawag na masama. Sa makatwid, kung gumagawa ka ng hindi mabuti, alipin ka ng hindi mabuting bahagi ng iyong sarili. Madaling sabihing “Kaya ko itong gawin kung gugustuhin ko,” pero ang tanong ay hindi “Gusto mo ba?” kundi “Kaya mo bang gustuhin?” Ipagpalagay na kaya mong gawin kung gugustuhin mo, pero ang katotohanan na hindi mo ito ginugustong gawin ay nagpapakita na hindi mo ito kayang gustuhin.

Kailangan ng tao ang Diyos hindi lang dahil siya ang lumikha sa lahat at nagbibigay ng mga materyal na biyaya, o dahil sa katotohanang titigil sa pag-iral ang tao kung mawawala siya sa isip ng Diyos, kundi higit sa lahat ay dahil ang Diyos ang tunay na dahilan, layunin, at hantungan ng buhay ng tao. Mauuwi sa wala ang bawat araw na ginugol ng tao sa mundo kung hindi niya kikilalanin ang Diyos bilang nag-iisang kahulugan ng kanyang buhay. Ang lahat ay magiging kapahamakan gaano man ito kaganda at kabuti sa paningin niya. Hindi opsyon ang Diyos kung paanong hindi opsyon ang paghinga at pagdaloy ng dugo para magkaroon ng buhay. Hindi man lahat ay mulat, hindi rin mababago ang katotohanan na ang hinahanap ng ating pagkatao ay ang kasiyahan at buhay na walang katapusan, dahil ito ang pagkauhaw ng ilinagay ng Diyos sa ating puso—pagkauhaw na siya rin ang papawi sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanyang sarili—ng tunay na buhay at kasiyahan.

Permalink Leave a Comment