Kasalanan Ba?

July 2, 2007 at 5:51 am (Commentary)

 

Isa sa mga paraan ng panlilinlang na ginagawa ng demonyo ay ang paglalagay sa isip ng tao ng tanong na “Kasalanan ba?” Alam ng dyablo kung ang pagkakilala natin sa kasalanan ay pang-ibabaw lang. Kaya sa kanyang panunukso ay pinaniniwala niya ang tao na hindi masama ang kanyang mga mungkahi sa pamamagitan ng tanong na ito. Hinahayaan niyang tayo ang magdesisyon habang sinasamantala niya ang kawalan natin ng pagkaunawa. Sa mapanlinlang na paraan ay sasabihin niya, “Sinabi ng Diyos na huwag mong pagnasaan ang asawa ng iba kaya hindi mo ito dapat gawin.” Pero sa pamamagitan din ng ating mahinang isip ay maglalagay siya ng pagdududa sa pagsasabing, “Ang sinabi ng Diyos ay huwag mong pagnasaan ang asawa ng iyong kapwa, kasalanan bang magnasa sa walang asawa?” Naalala ko ang katwirang sinabi sa akin ng isang kakilalang babae tungkol sa pakikipagtalik sa hindi asawa. Inamin niyang masamang makiapid sa asawa ng iba pero ayos lang kung wala naman itong asawa. Sa pananamit din, halimbawa, madalas na maririnig ang buong pagmamatuwid na pangangatwiran ng ilang mga babae: “Nasa tao yun, kung talagang masama ang isip, kahit balot na balot, huhubaran nun sa tingin.” Tuso ang demonyo at hindi tayo mananalo sa kanya kung hindi natin alam kung paano, at kung handang-handa nating gawin ang kahit anong maibigan natin na ang tanging pamantayan ng pagiging mabuti o masama ay ang tanong na “kasalanan ba?” “Kasalanan bang magsuot ng damit na nagiging dahilan ng kawalan ng respeto sa kapwa kung ang sinasabi naman ng Diyos ay masama ang pagtingin nang may mahalay na pagnanasa?” Sa tanong na ito ay maraming sasagot sa kanilang sarili ng “Oo nga, ang masama ay ang pagtingin sa babae nang may malisya, hindi ang pagsusuot ng gusto kong damit.” May mangangatwiran pa ng ganito: “Utos yan tungkol sa mga lalaki; kung ang babae ang titingin nang may kahalayan, walang utos laban dun.” May mga nagsasabi rin, “Hindi masama kung napatingin ka lang, ang masama e kung liningon mo ulit; kaya sa unang pagkakita pa lang, titigan mo na dahil masama na yung pangalawa.” Ganito rin ang isyung binigyang linaw ni Apostol Pablo—tungkol ito sa hindi tamang paggamit ng kalayaan. Kasalanan nga bang gamitin ang kalayaan kung sinasabing tinawag tayo upang maging malaya (cf. Ga 5:13)? Sa isang sulat ay nagbigay si Pablo ng halimbawa ng kaisipan ng mga taong nalilinlang ng demonyo. Sinasabi nila, “Ano’t ang kalayaan ko ay hahadlangan ng budhi ng iba?” (1 Co 10:29). Madali tayong mapaglalangan ng Masama at malinlang ng ating sariling budhi dahil sa kahandaan nating gumawa ng kahit ano alang-alang sa kasiyahang huwad na iniaalok sa atin ng mundo at ni Satanas, sa halip na maging handa sa paggawa ng tama at mabuti, at sa pagiging masigasig sa pagkilala sa Diyos at sa kanyang kalooban.

Ang tanong na “kasalanan ba” na nabubuo sa ating isip dahil sa ating pagkahirati sa pagpapalayaw sa sarili, at dahil sa hindi natin nakikilalang pang-iisa ng dyablo, ay nagtutulak sa atin sa pagkakaroon ng kaisipang “samantalahin lahat ng pwede.” Dahil din dito ay unti-unti tayong nagiging manhid sa kung ano nga ba ang tama at mali. Sa ganitong sitwasyon, ang tulad natin ay isang taong nagmamaneho nang buong tulin pero naniniwalang wala siyang ginagawang masama dahil hindi naman siya nagpapakamatay o nananagasa. Ang paglalagay sa panganib ng sariling buhay at ng buhay ng iba ay kasalanan na sa kanyang sariling dahilan pa lang, lalo pa kung ang layunin nito ay bigyang-layaw lang ang sarili. Kung ang mga pari o mga madre na matitingkad na larawan ng kapayapaan ni Jesus ay makikitaan ng uri ng paglilibang na gumagamit ng mga bagay na salungat sa kapayapaan at buhay tulad ng baril o patalim, hindi kaya sila nagkakasala sa dahilang hindi naman nila ito ginagamit sa tao? Sapat na ang iskandalong dulot ng kanilang gawa para masabing nagkakasala sila. Ang kasalanan ay hindi lamang pagpatay, pagnanakaw, pakikiapid, o ang mga kasama nito; ang kasalanan ay lahat ng pagsalungat sa kalooban ng Diyos. Kaya ang sinumang gustong maging matapat sa kanyang bokasyon at relasyon sa Diyos ay hindi dapat magpalinlang sa tanong na “kasalanan ba?” Ang layunin ng mga lingkod ng Diyos ay matupad ang kanyang kalooban, kaya sa kanilang pagpapasya ay hindi kasama ang tanong na ito, kundi ang patuloy na pagtatanong sa sarili, “Kalooban ba ito ng Diyos?” Kasabay ng tanong na ito ay ang aktibong pagkilala sa kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng pagbasa sa sariling kasaysayan sa liwanag ng Salita ng Diyos.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: