Naisahan Ba Tayo ni Dimas?

August 23, 2007 at 10:41 am (Commentary)

Sino si Dimas? Ayon sa tradisyon, ang isa sa dalawang kriminal na kasabay ni Jesus na ipinako sa Kalbaryo ay may pangalang Dimas. Ito ang minsan ay tinatawag ng iba bilang “mabuting magnanakaw”. Isang beses lang binanggit sa Ebanghelyo ang presensya ni Dimas bagamat may mga haka-haka na nakita rin siya sa ibang bahagi. Sa unang tingin, parang pampahaba lang ng kwento ang tungkol sa dalawang tulisan; pero ang totoo, walang pangyayari na ipinahayag sa Kasulatan ang pampahaba lang, bawat pangyayari ay may ipinararating.

Si Dimas ang isa sa mga unang nakapasok sa langit ayon na rin sa pangako ni Jesus. Dahil dito, may ilang mga nagsasabi, “Magnanakaw na siya sa lupa, ninakaw pa rin niya ang langit.” Sa pangungusap na ito ay nakatago ang magkasamang pag-asa at pagkalito. Pag-asa, dahil nauunawaan natin na kahit pala masama ang tao buong buhay niya, nakahanda pa rin ang Diyos na patawarin siya kung aaminin niya ang kanyang pagkamakasalanan at magtitiwala sa Diyos; pagkalito naman dahil parang hindi parehas o makatarungan na magkatulad lang ang hahantungan ng isang taong may mabuting pamumuhay at ng isang taong namuhay sa kasamaan. Dahil sa maling pagkaunawa ay mayroon pa ngang mga nangangatwiran na pwede namang sa huli na lang magbalik-loob; sa ngayon ay magkakasala muna sila.

Una, hindi talaga ninakaw ni Dimas ang langit; at pangalawa, hindi totoo na pwedeng sa huli na lang magbalik-loob. Pinatunayan ito ng dalawang kriminal na nasa magkabilang tabi ni Jesus. Ang pananaw ng tao tungkol sa lahat ng bagay ay bahagi ng kanyang sarili, kung paanong ang mata ay bahagi ng katawan. Hindi niya mapapalitan ang kanyang mata sa isang iglap lang. Ang lahat ng bagay na itinuturing mong tama habambuhay — lubos man ang paniniwala o hindi — ay hindi mo maituturing na mali sa anumang oras mo lang gustuhin. It might take you another lifetime to realize and completely absorb the truth that you denied your whole life. Sapat ang biyaya ng Diyos para ang sinuman ay makapagbalik-loob, pero hindi sapat ang isang araw para makilala ng isang taong kusang tumalikod sa Diyos ang presensya ng mga biyayang ito. Hindi man nakikita, pero ang pagliligtas ng Diyos ay isang proseso; walang kaligtasang nanganap sa isang kisapmata. Maging ang kriminal na humamak kay Jesus ay naghahangad din ng kaligtasan, pero dahil sa matigas niyang puso, hindi niya nakita ang kaligtasang nasa tabi niya na. Sa pagkakataong iyon, silang dalawa na — higit sa lahat ng tao — ang pinakamalapit sa biyaya ng Diyos; nagawa pa nga nila itong kausapin. Ang “masamang magnanakaw” ay nakatingin sa uri ng kaligtasan na bunga lamang ng kanyang makasariling paghahangad kaya hindi niya ito nakamit.

Sa kabilang banda, si Dimas ay nakamulat ang mata. Nakita niya si Jesus sa paraang hindi nakita ng kanyang kasama, o kahit ng mga Judio at mga Romano. Si Dimas ay hindi halimbawa ng isang “instant saint”, at walang sinuman. Kilala ni Dimas si Jesus bago pa man sila nagkita sa Golgota; at sa paraan niya ng pagsasalita, maaaring ang pagkakilala niya kay Jesus ay higit pa kaysa mga alagad. Tumestigo siya kay Jesus nang sinabi niya, “Ang taong ito’y walang ginawang masama.” Hindi pangkaraniwan sa isang taong namamatay na ang magsalita pa para lang ipagtanggol ang integridad ng taong hindi niya naman kilala. Isa pa, nakapako na si Jesus kaya hindi niya na rin ito maililigtas mula sa parusa. Bukod doon, siya mismo ay kriminal at kasalukuyang pinaparusahan ng kamatayan, kaya walang kredibilidad ang kanyang sinasabi. Pero hindi niya ito ginawa para linisin ang pangalan ni Jesus, kundi upang ipahayag ang katotohanan bilang isang mananampalataya. Hindi niya na pagpapaguran pang magsalita kung hindi niya kilalang-kilala ang pagkatao ni Jesus at kung hindi siya sigurado sa kanyang sinasabi. Hindi niya lang basta kilala si Jesus bilang isang taong matuwid, alam din niyang si Jesus ang kanyang kaligtasan, at ang kaligtasan ng Israel. Tahasan niyang sinabi, “Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” Para sa mga Romanong naroon, maaaring ito ay isang malaking eksena ng katatawanan. Ano nga namang mararamdaman mo sa panahong iyon kung makakita ka ng dalawang kriminal na nakabitin sa krus at nag-uusap tungkol sa paghahari! Isama mo pa ang pagtatalo tungkol sa pagiging inosente ng isa sa mga nahatulan! Pero para sa mga Judio, maaaring ito ay hindi nakakatawa. They probably took the malefactor’s testimony about Jesus’ innocence as a threat because they all know that he truly is innocent. Pero higit sa lahat, napakalaking kalapastanganan sa pandinig nila na sabihin ninuman na si Jesus ay hari. Wala nang mas malaki pang kahihiyan para sa mga Judio kaysa maipako sa krus kaya dahil dito, wala na ring mas hihigit pang kalapastanganan sa pangalan ng kanilang lahi kaysa pagsasabing ang kanilang hari ay hinatulan sa krus. Ito ang dahilan kung bakit hinarap nila si Pilato para palitan ang isinulat niya tungkol kay Jesus: JESUS NAZARENO, HARI NG MGA JUDIO. Ang pahayag ni Dimas ay hindi bunga ng isang mala-mahikang pangyayari kung saan kanina lang ay kaaway siya ng Diyos, pero ngayon ay bati na sila. He surely had his fair share of sufferings, of torments, of fear, of dilemmas, and even of great physical pain. Hindi niya nakakamtan ang langit sa madaling paraan tulad ng isang magnanakaw. Ipinaranas sa kanya ng Diyos ang prosesong dinadaanan ng lahat ng tinawag para sa kaligtasan. Ang paghahandang naranasan niya ang nagbigay sa kanya ng lakas na ipahayag na si Jesus ang Mesias.

Isang konkretong leksyon sa lahat ang nagyari sa isang kaibigan ni St. Thomas More na nag-akalang pwede niyang paglaruan ang mga bagay ng Diyos. Naniniwala siya noon na maliligtas siya basta tumawag lang sa pangalan ng Diyos kapag malapit na siyang mamatay. Isang araw, naaksidente siya sa kanilang pangangabayo; dahil sa pagkagulat, sa halip na makatawag siya sa pangalan ni Jesus tulad ng sinabi niyang gagawin niya sa oras ng kamatayan, ang lumabas sa bibig niya ay ang salitang “demonyo”. Siguro nga ay tama siya na maaari siyang maligtas kung nakapagbalik-loob siya bago namatay, pero ang pangyayaring ito ay isang halimbawa ng katotohanan na ang Diyos ang magtatakda ng oras, hindi ang sarili. Sa pangyayaring iyon, ang lalaki ay nahulog sa kanyang sinasakyang kabayo at namatay.

Hindi malilinlang ang Diyos, ang lahat ay hahatulan ayon sa kanyang pamumuhay.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: