Idolatria

February 22, 2008 at 11:03 am (Commentary)

Sa pangkalahatan, ang salitang idolatria na makikita natin sa iba’t-ibang diksyunaryo, ay nangangahulugan ng pagbibigay ng parangal, pagmamahal, o paghahayag ng katapatan sa isang “hindi diyos” na para bang ito ay isang diyos (divine). Tulad ng tamang pagsamba, ito ay nagmumula sa puso bagamat madalas ay nakikita sa gawa.

Kung papansinin natin ang deskripsyon ng pagsamba ng mga Israelita sa mga diyus-diyusan noong unang panahon, ito ay naglalarawan sa isang kalipunan ng mga tao na nasa harapan ng isang rebulto o altar; may nagsusunog ng insenso, at lahat ay nagkakasiyahan sa pamamagitan ng pagkain, pag-inom, at pagsasayaw; kasama rin ang paghahandog ng buhay o ng isang babae para sa kahalayan. Ito ang mga panlabas na larawan ng isang uri ng idolatria sa kanilang kapanahunan. Ngunit hindi ang pagsusunog ng insenso, o ang pagkain at pag-inom, o kahit ang pagsasayaw man ang kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos kundi ang laman ng puso ng mga taong ito, sapagkat sa puso tumitingin ang Diyos. Ang kinasusuklaman ng Diyos ay ang maruming puso at kawalang pag-ibig ng tao sa mga bagay ng Diyos. Ang mga Israelitang sumamba sa mga diyus-diyusan ay walang pagmamahal kay Yahweh; ni hindi sila marunong magpasalamat o tumanaw ng utang na loob. Si Yahweh mismo ang nagsabi, “Sinubok nila ako kahit nakita na nila ang aking gawa.” Sa puso nila, bagamat kasama nila si Moises sa paglalakbay, ay may ibang mga bagay na mas gusto nilang paglagakan ng kanilang pag-asa tulad ng Ehipto at ng mga diyus-diyusan nito. Ang guyang ginto ay larawan ng mga diyus-diyusan ng kanilang puso. Hindi ito tulad ng mga kerubin sa Arko ng Tipan na lumalarawan sa mga anghel ng Diyos, sa halip ito ay ang masasamang bahagi ng kanilang puso na hinulma nila sa wangis ng isang guya.

Kung paanong binigyang-liwanag ni Jesus ang esenya ng Kautusan, lininaw din ng mga apostol ang maraming mga bagay at isa na dito ang idolatria. Sinabi ni Pablo na “walang pag-iral ang diyus-diyusan at walang Diyos maliban sa isa” (1 Co 8:4), ganun pa man, ang tao ay gumagawa ng sarili niyang diyos sa kanyang puso dahil ayaw niyang maglingkod sa katotohanan ng iisang Diyos. Mahirap para sa tao na unawaing ang Diyos na hindi sumusunod sa kanyang mga kagustuhan ay masasabi ngang isang Diyos. Sa puso ng tao, gusto niyang sambahin ang kanyang sarili kaya sa ganoong paraan siya sinisila ng diyablo: “Matutulad kayo sa mga diyos” (Gn 3:5). Gusto niyang siya ang maging pamantayan ng kung ano ang mabuti at ang dapat. Ito rin ang panlilinlang na ginawa ng diyablo kay Jesus: “Iutos mo sa batong ito na maging tinapay” (Lk 4:3); sa gayon, kung gawin nga ito ni Jesus, muling malilinlang ang taong dapat ay magiging simula ng bagong paglikha—ang bagong Adan—kung paanong nalinlang niya ang luma.

Sa panahon ni Jesus at ng mga apostol, itinuro nila sa iba’t-ibang paraan ang tunay na kahulugan ng pagsamba sa diyus-diyusan, at kung paanong hindi karapat-dapat sa Diyos ang mga gumagawa nito: “Ang mas nagmamahal sa kanyang ama o ina kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang mas nagmamahal sa kanyang anak kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin” (Mt 10:37). Sa paanong paraan nagiging diyus-diyusan ng mga magulang ang kanilang anak, o ng anak ang kanyang mga magulang? Kapag sa oras ng salungatan sa pag-itan ng Diyos at ng ating mga minamahal, ay mas pinipili natin ang tao kaysa Diyos.

Tungkol naman sa ari-arian ay ganito ang sinasabi: “Hindi kayo makapaglilingkod nang sabay sa Diyos at sa kayamanan” (Mt 6:24). “Ang umiibig sa sanlibutan ay hindi umiibig sa Ama” (1 Jn 2:15) “Hindi ba ninyo alam na kapag kinaibigan ninyo ang sanlibutan ay kinakaaway naman ninyo ang Diyos?” (Jm 4:4). Ang pagsamba sa diyus-diyusan sa larawan ng pera at mga pag-aari ay nangyayari kapag inilalagak natin ang ating tiwala sa mga bagay na ito sa halip na sa Diyos. Ang mayamang hindi makapagbigay ng taos sa puso ay nananangan sa kanyang kayamanan; ang mahirap na mapaghangad ay walang pinagkaiba sa mayamang nakakapit sa kayamanan — pareho ang kanilang puso bagamat magkaiba sila ng kalagayang panlipunan. Ang pagnanakaw ay isang uri ng pagsamba sa diyus-diyusan dahil winawalang-halaga nito ang paggalang sa pagmamay-ari ng iba alang-alang sa bagay na gustong makamtan; ibig sabihin ay ilinalagay ang pagpapahalaga sa isang bagay nang higit sa tunay na halaga nito. Ang pagsasabing, “Hindi ako mabubuhay ng wala ang ganito ko o wala ang ganyan ko,” ay paglalagay sa mga bagay nang higit sa dapat nitong kalagyan. Nasa katulad na estado rin ang inggit, pag-iimbot, at kawalan ng kasiyahan.

Marami pang mga pang-araw-araw na tanawin sa buhay ng tao ang nagpapakita ng pagiging palasamba ng puso nito sa mga hindi tunay na diyos; hindi ito madaling isulat at ipaliwanag isa-isa. Ang layunin dito ay paalalahanan ang lahat na ang Diyos ay laging sa puso nakatingin — hindi kailanman sa panlabas — kaya dapat nating pag-ingatan na huwag maging mapagpaimbabaw at mapanghusga tungkol sa nakikita ng mata. Ang pagsamba, paggalang, pagmamahal, pagpapahalaga, at ang iba pang mga katulad nito ay nagmumula sa puso. Kahit pa makaharap mo ang Diyos at yumukod sa harapan niya, kung wala sa presensya niya ang puso mo, hindi pa rin ito pagsamba; kahit gumamit ka ng “po” at “opo” sa pakikipag-usap sa nakatatanda, kung wala doon ang puso mo, hindi pa rin iyon paggalang; Kahit na lagi mong gamitin ang katagang “I love you,” kung makasarili ka, hindi pa rin iyon pagmamahal; at kahit pa itinatago mo ang lahat ng regalo sa iyo pero hindi ka naman nakakadama ng pasasalamat, hindi pa rin iyon pagpapahalaga. Kung titingin lang tayo sa nakikita ng mata, magiging mapanghatol tayo sa mga bagay na hindi natin nauunawaan, at aakalain naman natin na nasusunod natin ang kalooban ng Diyos dahil din sa mga panlabas na gawain (o hindi paggawa). 

Ang lahat ng kasalanan ay mga porma ng idolatria sa iisang dahilan: Inilalagay nito ang Diyos sa ilalim ng ating mga pasya at kagustuhan, sa halip na sa ibabaw ng mga ito.

Advertisements

Permalink Leave a Comment

Bawal Kainin

February 22, 2008 at 3:38 am (Commentary)

Sinumang magsasabi na ang mga tagubilin sa Konseho ng Jerusalem ay mga bagong utos ay hindi nakauunawa ng kabuuang mensahe ng Kasulatan, at kulang sa kaalaman. Ang mga batas tungkol sa pagkain ng mga inihandog sa diyus-diyusan, sa pakikiapid, at sa pagkain ng hayop na binigti o may dugo pa ay nasa piling na ng mga Judio mula pa nang unang panahon. Hindi ito mga utos na galing sa mga apostol kundi bahagi ng batas ni Moises. Hindi ba’t ang mga Cristiano ay namatay na sa Kautusan nang maging bahagi ng katawan ni Kristo, bakit tila pinapapasan pa rin sa kanila ang ilang bahagi ng Kautusan? Ibig bang sabihi’y nasa ilalim pa rin tayo ng sumpa (Ga 3:10) at hindi totoo ang sinasabi ni Pablo na “pinalaya tayo ni Kristo upang manatiling malaya”(Ga 5:1)? Hindi maaaring salungatin ng Diyos ang sarili niyang salita na tinanggap ng mga tagasunod ni Kristo at ipinangangaral sa iba. Malinaw at hindi mababago ang katotohanang wala na tayo sa ilalim ng Kautusan, at ang kaligtasan ay bunga ng pananampalataya. Tungkol sa pagkain, bilang pangkalahatang prinsipyo ay ito ang sinasabi: “Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao kundi ang lumalabas ang nakapagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos. Hindi ba ninyo alam na anumang pumasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at idinudumi?”(Mt 15:11.17); “Huwag mong ituring na marumi ang nilinis ng Diyos”(Ac 10:15); “Dahil sa aking pakikipag-isa sa Panginoong Jesus, natitiyak kong walang pagkaing likas na masama; ngunit kung inaakala ninuman na ipinagbabawal ang isang pagkain, ito bawal nga sa kanya”(R 14:14); “Hindi   dahil sa pagkain kaya tayo nagiging kalugod-lugod sa Diyos”(1Co 8:8); “Namatay na kayong kasama ni Kristo at wala na sa kapangyarihan ng espiritung naghahari sa sanlibutan. Bakit pa kayo sumusunod sa alituntuning tulad ng ‘huwag hahawak nito’, ‘huwag titikim niyan’, ‘huwag hihipo niyon’? Ang mga ito’y utos lamang at aral ng tao tungkol sa mga bagay na nauubos”(Col 2:20-22); “Maliwanag ang sinasabi ng Espiritu: sa huling panahon, iiwan ng ilan ang pananampalataya. Susundin nila ang magdarayang espiritu at ang mga aral ng diyablo dahil sa panlilinlang ng mga sinungaling na ang mga budhi’y  may tatak ng pagiging alipin ni Satanas. Ipagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, mga pagkaing nilikha ng Diyos para kaining may pasasalamat ng mga sumasampalataya at lubos na nakauunawa ng katotohanan.  Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti, at walang dapat ipalagay na masama. Lahat ay dapat tanggaping may pasasalamat sapagkat nililinis ito ng salita ng Diyos at ng panalangin”(1 Tm 4:1-5); “Kumain kayo ng anumang nabibili sa tindahan ng karne at huwag na kayong magtanong pa upang di mabalisa ang inyong budhi. Sapagkat sinasabi ng Kasulatan, ‘Ang lupa at lahat ng naroroon ay sa Panginoon!’”(1 Co 10:25-26); “Huwag kayong patatangay sa sari-sari at kakaibang turo. Mas mabuti para sa atin ang mapatibay ang ating kalooban sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Diyos kaysa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos tungkol sa pagkain. Ang mga sumusunod dito’y wala namang natamong kapakinabangan”(Heb 13:9). Ang mga nabanggit ay tumutukoy lamang sa turo ng Simbahan tungkol sa usapin ng pagkain, kung saan ang mga Judio at mga pagano ay may kanya-kanyang nakasanayan at paniniwala. Hindi pa kasama dito ang tungkol sa ibang kontrobersya na kalimitan ay tungkol sa panliligalig ng mga Judio sa mga Cristianong Hentil ukol sa pagsunod sa kautusan ni Moises, kung saan ang mga Cristiano ay pinalaya na. Ngunit anupaman ang usapin tungkol dito, iisa lang ang pangkalahatang prinsipyo: wala na tayo sa ilalim ng Kautusan.

 

Ganun pa man, alam ng mga apostol na hindi lahat ay nakauunawa ng katotohanang ito. May mga Cristianong mahihina pa tulad ng isang bata pa sa pananampalataya at hindi pa lubos ang pagkaunawa sa katotohanan. Bagamat totoo na malaya ang mga Cristiano na kainin ang anumang pagkain, dapat isaalang-alang ang mga kapatid na maaaring maiskandalo o magkasala dahil sa paggamit ng kalayaan ng mga nakauunawa tungkol dito. “Huwag sariling kapakanan ang hanapin ninyo, kundi ang sa iba”(1 Co 10:24). Ito ang prinsipyong nasa likod ng desisyon ng Konseho ng Jerusalem sa usapin ng pagsunod sa Kautusan, kaya pinanatili nila ang  “mga bagay na talagang kailangan: huwag kayong kakain ng anumang inihandog sa mga diyus-diyusan, ng dugo, at ng hayop na binigti”(Ac 15:28-29). Ito ay hindi dahil sa sila’y bahagya pang nasa ilalim ng Kautusan kundi dahil higit ang pag-ibig kaysa kalayaan. Sa kilalang mundo noong panahon ng mga apostol, ang lahat ay naniniwala na ang pagkain ng mga inihandog sa mga diyus-diyusan ay pakikibahagi sa paghahandog; sa gayon ay kasuklam-suklam sa Diyos. Ang pagkain din ng hayop na hindi inalisan ng dugo ay bawal sa mga Judio dahil ang dugo ay simbolo ng buhay. Ang hayop na ibinigti ay itinuturing na madumi kaya hindi rin dapat kainin ayon sa batas ng mga Judio. Bagamat malaya ang mga Cristiano mula sa mga batas na ito, sinasabi ni Pablo na “hindi lahat ay nakabubuti”(1 Co 10:23). Isa sa mga halimbawang ibinigay ni Pablo ay ito: “Kung kayong may sapat na kaalaman ay kumakain sa templo ng mga diyus-diyusan, at makita kayo ng mahihina pa sa pananampalataya, hindi kaya sila mabuyong kumain niyon bilang handog sa diyus-diyusan?”(1 C0 8:10). Alam ni Pablo na kung sa sariling kapakanan lang, walang masama kung kumain man ng handog sa diyus-diyusan o sa templo nito dahil alam niyang “walang kabuluhan ang mga diyus-diyusan” (1 Co 8:4), ibig sabihi’y wala silang pag-iral; ngunit may mga kapatid   at ito ay ang mahihina   na maaaring magkasala o mabalisa ang budhi dahil sa kawalan ng konsiderasyon ng isang may “kaalaman”. Malinaw ang katwiran na ibinigay ni Santiago sa konseho: “Sapagkat mula pa nang unang panahon, ang Kautusan ni Moises ay binabasa sa mga sinagoga tuwing Araw ng Pamamahinga, at ipinangangaral ang kanyang salita sa bawat bayan”(Ac 15:21). Nangangahulugan na ang unang-unang isinaalang-alang ay ang iskandalong idudulot ng mga nabanggit na gawain sa mga Cristianong Judio na nasanay na sa Kautusan. Marahil ay ipinaliwanag nina Judas at Silas ang katwiran sa likod ng tagubiling ito, yayayamang ito ang dahilan kung bakit sila ipinadala. Bilang mga Cristiano, alam ng mga taga-Antioquia, taga-Siria, at taga-Cilicia na wala sila sa ilalim ng Batas ni Moises, una bilang Hentil (dahil hindi sakop ng Batas ni Moises ang mga hindi Judio), at pangalawa bilang Cristiano (dahil tungkol sa kalayaan ang tinanggap nilang turo, hindi tungkol sa pagpapailalim sa Batas ng mga Judio), kaya magugulat sila kung bigla silang bibigyan ng pasanin na wala man lang paliwanag. Dapat unawain ng mga Cristiano na ang mga tagubiling ito ay hindi na bilang pagsunod sa Kautusan   na para bang nasa literal na pagsunod ang kaligtasan   kundi bilang pagmamalasakit sa mga kapatid na mahihina pa sa pananampalataya. Mas mabuting magtiis sa kaunting pasanin para sa kapatid kaysa maging sanhi ng kanilang pagkabalisa o pagkakasala. “Kaya, kung dahil sa kinakain mo ay nasasaktan ang kalooban ng iyong kapatid, hindi na ayon sa pag-ibig ang ginagawa mo”(R 14:15). “Dapat pagtiisan nating malalakas ang mahihina sa pananampalataya, at huwag ang sariling kasiyahan lamang ang isipin”(R 15:1).

 

Sa huli, tayo lang ang nagpapasya kung bawal sa atin o hindi ang isang pagkain kung relasyon sa Diyos ang pag-uusapan (cf R 14:14) at dapat panindigan ng tao ang kanyang pinaniniwalaan. “May naniniwalang maaari siyang kumain ng kahit ano, ngunit gulay lamang ang kinakain ng mahina sa pananampalataya. Huwag hamakin ng kumakain ng kahit ano ang kumakain lamang ng gulay, at huwag namang hatulan ng kumakain lamang ng gulay ang kumakain ng kahit ano, sapagkat siya’y tinanggap ng Diyos”(R 14:2-3). “Ikaw na lamang at ang Diyos ang dapat makaalam ng iyong paniniwala tungkol sa bagay na ito. Ngunit ang sinumang kumakain sa kabila ng kanyang pag-aalinlangan ay hinahatulan ng Diyos sapagkat hindi ayon sa kanyang pananalig ang kanyang ginagawa”(R 14:22-23).

Permalink Leave a Comment

Pagtalikod ng Simbahan

February 22, 2008 at 3:10 am (Commentary)

SIMBAHANG ITINATAG NI JESUS: Tumalikod Sa Kanya?

Gaano kaposible na magawang tumalikod sa Diyos ang Simbahan ni Cristo? Masyadong malaking bahagi ng kasaysayan, at halos buong Kasulatan ang kailangang pasinungalingan para masabing hindi nanatiling tapat ang Simbahan sa kanyang Panginoon. Kakailanganing balikan ang napakaraming mga propesiya tungkol sa Bagong Israel para maipakitang lahat kung ano ang Simbahan sa plano ng Diyos, at kung paanong inihandog ni Jesus sa Diyos ang kanyang Esposa – ang Simbahan – na walang dungis at kapintasan.    Ganun pa man, may ilang piling bahagi ng Kasulatan ang maaaring basahin nang hindi na nangangailangan ng malalim na pagsusuri upang maunawaan. Ang pangkaraniwang kakayahan ng isang tao para mag-isip ay maaaring sapat na para makita ang katwiran at lohika sa mga pangungusap.

Nang sinabi ni Jesus na itatayo niya ang Simbahan, tiniyak niya kay Pedro at sa mga alagad na hindi ito guguho. “Sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking Iglesya” (Mt 16:18). Si Jesus din mismo ang nagsabi na hindi maiguguho ang gusaling itinayo sa bato. Pero higit pang malinaw ang katiyakang ibinigay ni Jesus nang sundan niya ito ng isang hindi matatawarang kasiguruhan na “Hindi makapananaig sa kanya [sa Iglesya] kahit ang kapangyarihan ng kamatayan.” Kung walang kapangyarihan ang kamatayan sa isang tao, ibig bang sabihi’y hindi siya mamamatay? Natural! Kahit isang batang may talino ay hindi magdadalawang-isip sa isasagot! Isinilang ang Simbahan noong bumaba dito ang ipinangakong Espiritu ng Diyos, at hindi ito mamamatay. Ang tumatalikod sa Diyos ay nawawalan ng kaugnayan sa Kanya, kung paanong namamatay ang tumatalikod sa buhay. Kapag naging posibleng tumalikod ang Simbahan sa Diyos na Siyang bukal ng buhay, ito ay mamamatay dahil aalisin sa kanya ang kanyang kaluluwa na walang iba kundi ang Espiritu Santo na dahilan ng kanyang pagsilang. Kung totoong nangyari ang sinasabing pagtalikod ng Simbahan sa Diyos – at sa gayo’y naging kanyang kamatayan – lumalabas na hindi totoo ang mga salita ni Jesus na itatayo niya ang Simbahan sa bato at hindi makapananaig dito kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. Pero hindi lamang ang mga salitang ito ang pasisinungalingan ng akusasyong ito, kundi ang buong kasaysayan ng kaligtasan na sa pasimula pa lamang ay naglalarawan na sa Simbahan. Isaalang-alang halimbawa ang pahayag na ito: “Tandaan ninyo: ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan” (Mt 28:20). Kung tumalikod ang Simbahan at nawalan ng kaugnayan sa Diyos sa loob ng mahigit 1,800 taon, totoo pa ba ang sinabi ni Jesus na siya’y laging kasama ng Simbahan? At kailan nga ba eksaktong tumalikod ang Simbahan? Unang siglo? Ikalawang siglo? Ikatlong siglo? Ipagpalagay nating nawalan ng pananampalataya ang Simbahan sa pag-itan ng ika-2 at ika-3 siglo, kung kailan kamamatay pa lang ng ibang mga disipulo ni Jesus, lumalabas na sa kahit maikling panahon ay hindi kayang patunayan ni Jesus ang kanyang sarili, at hindi niya rin kayang tuparin ang mga iniwan niyang salita. [Si Gamaliel na kilalang guro ng Israel, at naging tagapangalaga ni Pablo, ay ginamit ng Diyos para patunayan sa pamamagitan ng kasaysayan kung gaano kaimposibleng mabuwag ang Daan ng mga Cristiano.] Kung ipalagay namang kamakailan lamang tumalikod ang Simbahan, nangangahulugan na matapat pa rin ang ito noong unang tatlong siglo; at kung mapatunayang ang pananampalataya ng apostolikong panahon, na siya ring tangan ng mga Cristiano sa mga naunang siglo, ay nanatili pa ring katulad ng pananampalataya ng Simbahan ngayon, ibig sabihi’y walang pagtalikod na naganap, dahil ang pagtalikod sa pananampalataya ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng ibang pananampalataya. Sa puntong ito, kailangan munang siguruhin ng mga nagsasabing tumalikod sa Diyos ang Simbahan kung kailan ito eksaktong nangyari, at kung paano nila bibigyang-katwiran ang mga salita ni Jesus tungkol dito.

Sa higit na ikauunawa ng mga tapat na naghahanap ng katotohanan, hindi maliit ang tulong na maibibigay ng Kasulatan. Pakinggan natin ang sinabi ni Jesus: “Bibigyan kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo’y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig” (Ac 1:8). Ito ay isang imposibleng pananalita kung ang tinutukoy ni Jesus na magiging saksi niya hanggang sa dulo ng daigdig ay ang mga kasalukuyan niya lamang kausap. Bagamat maliit lamang ang kilalang mundo, at may posibilidad na marating ng mga alagad ang mga dulo nito, ang misyon nila ay iparating sa buong pisikal na mundo ang mabuting balita ng kaligtasan. Alam ni Jesus ang lahat ng bagay, at alam niya ang mundong tinutukoy niya. Mangyayari lamang ito sa pamamagitan ng pagsasalin-salin ng aral at kapangyarihan ng mga apostol hanggang makarating ito sa buong mundo. Kung imposibleng mangyari ito sa loob lamang ng panahong nabubuhay ang mga apostol, lalong napakaimposible nitong mangyari kung totoong tumalikod ang Simbahan pagkamatay ng mga apostol. Sa gayon, si Jesus ay lalabas na imposible o di kaya ay sinungaling.

Ganun-ganun na lang ba ang pagsasabing ang Simbahan ay tumalikod sa Diyos? Hindi pa ba malinaw sa isip ng mga taong ito na ang Simbahan ay “itinayo rin sa saligan ng mga apostol at mga propeta, na ang batong panulukan ay si Cristo Jesus” (Eph 2:20)? O baka hindi nila naiintindihan ang halaga ng isang matibay na pundasyon at isang panulukang bato na hindi mabibigo! [Kung nagkataon, mas matatag pa ang mga gusali ng Roma at Gresya na ginawa ng tao kaysa sa Simbahang itinatag ng Diyos.] Matino pa ba ang isip ng mga taong mangangahas na magsabing ang “Iglesya na siyang haligi at saligan ng katotohanan” (1 Tm 3:15) ay tumalikod sa katotohanan? Kung ang mismong haligi at saligan ng katotohanan ay gumuho, may pag-asa pa kaya ang mundo? Ang lumang kasunduan ay ginawa sa lumang Israel, at ang bagong kasunduan ay ginawa sa Bagong Israel – sa Simbahan – kaya kung tumalikod pa ang Simbahan tulad ng Israel, wala nang tipan pa para sa mundo.

Ang buong kasaysayan ng kaligtasan ay may kinalaman sa Simbahan, kaya hindi sapat ang maikling sulatin para maipakita ang relasyong ito. Kung sisilipin ang buhay ng Simbahan sa labas ng banal na Biblia, hindi mabibilang ang mga buhay at bahagi ng kasaysayan na nabago nito, yayamang ang Diyos mismo ang kumikilos dito sa panahon man ng kadiliman o liwanag, ng pagsubok o tagumpay. Edukasyon, kalusugan, sibilisasyon, sining, musika, literatura, lipunan – ilang aspeto lamang ang mga ito na lumago sa impluwensya o tulong ng Simbahan. May mga digmaang hindi natuloy, maraming mga buhay na nasagip, maraming karapatang pantao ang naipagtanggol sa pamamagitan ng pagkilos ng Diyos sa Simbahan. Hindi maitatanggi ang kahinaan ng mga miyembro ng Simbahan bilang mga tao tulad ng mga alagad na nagtakbuhan sa oras ng pagdakip kay Jesus; tulad ni Pedro na nagtatwa kay Jesus ng tatlong ulit; tulad ng mga Corinto na katakot-takot na iskandalo ang idinulot sa pangalan ni Jesus; tulad ng mga Galata na nadadala ng panliligalig ng mga Judio; tulad ng mga taga-Laodicea na malahininga ang pananampalataya, at tulad din ng ibang mga mananampalataya na may sari-sariling kahinaan. Ang altar ang nagpapabanal sa hain, hindi ang hain ang nagpapasama sa altar. Sa ganun ding paraan, ang Simbahan ang nagpapabanal sa mga bahagi nito. Hindi magagawang ibagsak ng kasalanan ng tao ang Simbahang itinayo ni Jesus, yayamang higit ang kapangyarihan ng nagpapabanal kaysa sa pinababanal. Hindi ba kayang paglahuin ng isang malawak na karagatan ang isang patak ng maitim na langis? Pero higit pa sa pinakamalawak na karagatan ang kabanalan ni Jesus! At hindi ba totoo na ang Simbahan ay katawang banal ni Jesus, at ang kaluluwa ay ang Espiritu Santo (Eph 5:23; Ac 2:4)? Mahihigitan pa ba ng kasalanan ng tao ang kabanalan ng katawan ni Cristo? Sa pagsasaalang-alang sa misteryo ng Simbahan bilang katawan ng Panginoon, posible ba talagang iwan ng katawan ang Ulo, o ng Ulo ang katawan? Kung paanong ang Ulo ay laging kasama ng katawan (cf. Mt 28:20), ganun din ang katawan ay laging kasama ng Ulo – kung nasaan ang Simbahan, naroon si Cristo.

Kung gusto pa rin itong pasinungalingan ng mga taong idinadahilan ang pagtalikod ng Simbahan – at maging ng Israel – para lang masabing sila ang tunay at bagong Iglesya, sobra na ang kanilang kabulagan at walang kapantay ang kasinungalingan.

Permalink Leave a Comment