Penitensya

April 7, 2008 at 8:41 am (Commentary)

Para sa mga Filipino sa panahon natin, ang penitensya ay tumutukoy sa gawaing karaniwang nakikita tuwing Semana Santa; ang paghahampas sa sarili o anumang pagpapahirap sa katawan sa iba’t ibang dahilan. Pero kung tutuusin, ang ibig sabihin lang naman talaga ng salitang penitensya ay pagsisisi (penitence, repentance) sa nagawang kasalanan. Wala talaga itong kinalaman sa pisikal na gawain dahil ang pagsisisi ay gawain ng budhi. Ito ay ang kalungkutang nadarama natin kapag namumulat tayo na mali ang ating ginawa o ginagawa. Noong unang panahon, ang isang Cristianong nagbabalik-loob sa pamamagitan ng Kumpisal ay kilala sa tawag na “penitente” o nagsisisi. Hindi kasindali ng pagkukumpisal ngayon ang pagbabalik-loob sa Simbahan noon; kailangan mong patunayan ang iyong pagsisisi sa pamamagitan ng isang pangmatagalang gawain o “penance”. Maaring kasama dito ay ang pagbabantay sa pintuan ng simbahan o kaya ay pamamalimos ng panalangin sa mga nagsisimba. Madalas, ito ay inaabot ng ilang taon hanggang sa mapatunayan mo ang katapatan ng iyong pagsisisi. Pero bukod doon, ang layunin din ng gawaing ito ay hubugin ang penitente sa mabuting gawa upang habang pinatutunayan niya ang kanyang kalooban ay nasasanay ito sa paggawa ng mabuti at paglayo sa masama. Hindi kasama sa pagpapakita ng pagsisisi ang paghahampas sa sarili o pagpapapako sa krus; walang-wala sa isip ng Simbahan na ipagawa ito sa sinumang mananampalataya o penitente, at itinuturing pa nga itong mapanganib at maaaring walang pakinabang. Mapanganib hindi lamang sa kalusugan ng tao kundi pati sa kanyang pananampalataya. Tuso ang demonyo, at alam na alam niya kung ano ang kahinaan ng bawat indibidwal at sa bahaging ito ng puso ng tao siya naghahasik ng iba’t ibang pagdududa, mga kathang-isip, at maging pagsamba sa sariling mga ideya.

Totoo, noong mga nakaraang panahon, may ilang mga Cristiano na nagpapahirap sa katawan sa pamamagitan ng paghampas dito o kung anuman, pero ito ay isang gawaing personal at pribado, at ang layunin nito ay patayin ang mga nasa o pita ng laman (desires of the flesh) kapag nagiging mas malakas ang tukso nito. Mulat ang mga banal ng Diyos sa kanilang sariling mga kahinaan at kasalanan kaya sa halip na layuan sila ng Diablo, lalo silang linalapitan nito sa pag-asang sa huli ay manghihina ang kanilang espiritu, mabubulag ng damdamin, at madadala ng sariling laman at sa gayo’y mahuhulog sa pagkakasala. Ito ang dahilan kung bakit kasabay ng pagpapalakas sa espiritu sa pamamagitang ng panalagin ay pinapatay (mortify) din nila ang laman sa pamamagitan ng pagpapahirap dito. Ito rin ang dahilan kung bakit may kaugalian ang Simbahan ng hindi pagkain ng karne (o hindi pagkain ng kahit ano) tuwing araw ng Biyernes, upang pagkaitan ang katawan para sa kapakinabangan ng kaluluwa. Pero hindi dapat kalimutan na ang layunin nito ay supilin ang mga nasa ng laman, hindi para patayin ang katawan mismo (suicide). Ang totoo, ang hindi pagkain ng karne, at maging ang pag-aayuno, minsan sa isang linggo ay nakakatulong sa kalusugang pangkatawan, at iniiwasan nito ang pag-ikli ng buhay na dulot ng pagkakasakit.

Sa pananampalatayang Cristiano, ang mahalaga ay nauunawaan ng tao ang kanyang sinasampalatayanan. Hindi praktikal na magkatha tayo ng sari-sariling paniniwala dahil sa halip na ilapit tayo, lalo tayong ilalayo nito sa Diyos na nagtakda ng tama at kalugod-lugod na paraan ng pagsamba sa kanya, at ito ay sa katotohanan at sa espiritu. Iisa ang katotohanan kaya hindi tayo maaaring magkatha ng sarili nating mga katotohanan (hal. mga pamahiin) at sabihing iyon ang gusto ng Diyos. Mahalaga din na ang pagsamba natin ay sa espiritu tulad ng tapat na pagsisisi, paglayo sa kasalanan, pag-ibig sa kapwa na ipinahahayag sa pamamagitan ng gawa; hindi sa pagpapahid ng panyo sa mga rebulto o sa pakikipagsakitan sa kapwa tuwing pista ng Nazareno o pagpapapako sa krus tuwing Byernes Santo. Sapat na ang pagpapakasakit ni Jesus para sa ating lahat, ang kailangan lang nating gawin ay sundin ang kalooban niya at isama sa kanyang sakripisyo (banal na handog) ang ating mga gawain araw-araw upang ito ay maging kapakinabangan ng marami. Lahat ng mga relihiyosong gawain tulad ng pagsisimba, pagpapabasbas ng palaspas, visita iglesia, pilgrimage, pagdalaw sa mga libingan, pagdiriwang ng pasko at ng paskwa ay walang kabuluhan kung ang mga ito ay panlabas lamang at walang tunay na pagsamba at hindi nauunawaan. Ang pagkilala sa katotoohanan at pagsamba sa espiritu lamang ang nagbibigay ng halaga sa mga gawaing ito; kaya kung ito ang wala, nagpapagod lang din tayo sa wala.

Ang tunay na penitensya ay ang ginagawa ng bawat Cristiano araw-araw: Ang pagsusuri ng budhi, pagkilala sa sariling mga kamalian, pagsisisi sa kasalanan, paghingi ng kapatawaran, at pagsisikap na huwag nang balikan ang masasamang nakaraan. Noong medyo bata pa ako, sinabi sa akin ng pari pagkatapos kong magkumpisal, “Ituring mong ang mga ito ay masasamang karanasan na hindi mo na dapat balikan.” Sabi nga ng kasabihan, “Don’t do the same mistake twice.” Walang taong perpekto maliban kay Jesus pero lahat tayo ay may pagkakataong lumago at maging mas mabuti bawat araw. Walang dahilan para makuntento tayo sa kasalukuyang kalagayan dahil ang hinihingi ni Jesus ay maging tulad tayo ng Ama – perpekto. Sa huli, ito ay ating makakamit kung hindi natin kalilimutan ang kahulugan at halaga ng penitensya.

Advertisements

Permalink 9 Comments