Ang Pagkain at ang Katawan

May 26, 2008 at 12:43 pm (Commentary)

Bago umakyat si Jesus sa langit, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Tandaan, ninyo: Ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon” (Mt 28:20). Hindi ba’t kasama naman talaga natin lagi ang Diyos dahil siya ay nasa lahat ng lugar sa lahat ng panahon? At di ba kasama talaga ng mga Cristiano ang Diyos dahil ang kanilang katawan ay templo ng Espiritu Santo? At hindi ba’t sinabi ni Jesus na kung saan may natitipong dalawa o tatlong tao sa pangalan niya, siya ay kasama nila? Pero ang pangako ni Jesus sa mga alagad ay hindi lamang totoo sa ispiritwal na paraan, dahil simula noong umakyat siya sa langit hanggang ngayon, si Jesus ay pisikal na nananatili sa mundo sa pamamagitan ng Banal na Sakramento. Kahit kailan ay hindi iniwan ni Jesus ang mundo sa ispiritwal man o pisikal na paraan. Ang kanyang katawan – ang pisikal na bahagi ng kanyang pagkatao, kasama ng kanyang kaluluwa at pagka-Diyos – ay laging nananahan sa mga tabernakulo. Ang linikhang tinapay ay nagiging May-Likha tuwing ipinagdiriwang ang Sakramento ng Pasasalamat (Eukaristiya), at ito ay tuloy-tuloy na nangyayari sa magkakadikit na oras sa buong mundo araw at gabi.

Sa dinami-dami ng mga pisikal na bagay na nakapaligid sa tao, bakit pinili ng Diyos ang tinapay? Dahil ang tinapay, lalo na sa mga lugar kung saan ito ang pangunahing pagkain, ay sumisimbolo sa pinagmumulan ng buhay. Mas mulat tayo sa importansya ng pagkain kaysa importansya ng hinihinga nating hangin dahil araw-araw nating nararamdaman ang gutom tuwing oras ng pagkain. Gusto ni Jesus na tugunan ang ating pagkagutom sa pamamagitan mismo ng kanyang katawan, at sa gayon ay matanggap natin kapwa ang kabusugan ng katawan at kabusugan ng kaluluwa. Bukod dito, ang tinapay at alak ay nagpapaalala sa atin ng hinihintay at inaasam nating pagharap sa bangkete (malaking salo-salo) na inihanda ng Diyos para sa atin sa langit.

Sa microbiology, matututunan natin na ang pagkain ay nagiging bahagi ng kumakain. Ang sustansyang tinatawag nating protina ay mga “building block” o mga pangunahing (Gr. protos) materyales na kailangan ng katawan para makabuo ng mga bagong cell na pumapalit sa mga luma. Ang mga cell naman ay nagsasama-sama para maging tissue tulad ng dugo at muscles. Ang mga tissue namang ito ang bumubuo sa mga organ katulad ng tiyan, atay, mata, puso, at iba pa, at ang mga organ ang bumubuo sa body system o sa pisikal na katawan ng tao. Ang glucose naman o asukal ang siyang pagkain ng mga cell dahil ito ang pinoproseso para maging energy. Pero syempre, hindi dapat isipin na ang mas maraming asukal sa katawan ay mas mabuti. Lahat ng sobra ay lason sa katawan. Ang asukal ay hindi lamang tumutukoy sa table sugar na linalagay sa kape o sa gatas, ito ay ang glucose na nasa mga pagkain, lalo na yung mayayaman sa carbohydrates tulad ng kanin, tinapay, at patatas. Hindi lahat ng sustansya ng pagkain ay nagiging bahagi ng katawan dahil iba-iba ang kanilang trabaho, pero nananatiling totoo na ang pagkain ang bumubuo sa kumakain. Ang mga cell ng buong katawan mo noong mga nakaraan taon ay hindi na ang parehong mga cell na bumubuo sa iyo ngayon; mayroon ka nang isang bagong katawan.

Ganito ka-intimate ang relasyon ng pagkain sa katawan, at ganito rin ang relasyon ng katawan ni Cristo sa katawan ng mga tumatanggap sa kanya sa komunyon. “The eater becomes the eaten,” sabi nga. Ang ating katawan, kapwa sa misteryoso at nakikitang paraan, ay nagiging katawan ni Cristo. Siya ay nagiging bahagi natin, at tayo ay nagiging bahagi niya. Hindi lang pinapalitan ng Diyos ang kalooban natin sa pamamagitan ng pananahan ng Espiritu Santo sa ating puso, pinapalitan niya rin ang ating katawan sa pamamagitan ng kanyang sariling katawan.

* Isinulat para sa sanisidroparish.ning.com.

Advertisements

Permalink 3 Comments

Corpus Christi

May 26, 2008 at 11:40 am (Commentary)

Ang tema ng Ebanghelyo at ng sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto ngayong Linggo ay nagbibigay-diin sa katotohanan ng tunay na presensya (Real Presence) ni Jesus – katawan, dugo, kaluluwa, at pagka-Diyos – sa Santisimo Sacramento o sa mas kilala nating ostiya. Buong linaw na sinabi ni Jesus na siya ang tinapay na nagbibigay-buhay. Hindi siya nagdalawang-isip na sabihin, “Malibang kanin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay” (Jn 6:53). Ang tinapay na tinatanggap natin sa komunyon (pakikipag-isa) ay hindi katulad ng mga pangkaraniwang tinapay na kilala natin; ni hindi ito katulad ng manna na nahulog mula sa langit para kainin ng mga Israelita noong sila ay nasa disyerto. Ang manna na tinanggap nila noon ay tinatawag na “pagkain ng mga anghel,” pero ang tinapay na tinatanggap natin sa Eukaristiya ay ang Diyos ng mga anghel at Diyos nating lahat – si Jesus.

Hindi tayo sumasamba sa tinapay, sa halip ay naging literal na tinapay para sa atin ang ang ating Diyos upang sa pamamagitan nito ay maipasa niya sa atin ang kanyang buhay-Diyos (divine life) o yung tinatawag nating “grasyang nagpapabanal”. Hindi pa nakuntento ang Diyos na iligtas tayo mula sa kamatayang ipinatong natin sa ating mga ulo; pagkatapos niyang magkatawang-tao, akuin ang parusang dapat ay sa atin, at muling ialok sa atin ang tinubos niyang buhay, ibinibaba pa niya ang sarili sa estado ng pagkain at sa kasimplehan ng tinapay para lang lagi niya tayong makaisa sa pisikal at sakramentong paraan. Hindi natin dapat makalimutan na ang tinatanggap natin, at madalas ay hindi napag-uukulan ng sapat na paggalang, ay ang dahilan at pinagmumulan ng lahat ng umiiral – nakikita man o hindi. Siya ang Hari ng sangnilikha, ang gumawa at nagsasaayos ng kalawakan at ng lahat ng linalaman nito, kasama ang mga bituin, mga planeta, at mga tao. Paanong ang pinakadakila at makapangyarihan sa lahat ay piniling ibigay ang sarili sa pamamagitan ng pagiging tao at pagiging tinapay! Hindi ito kayang abutin ng ating isipan. Ang pag-ibig ng Diyos sa atin ay nakakalunod kung susubukang unawain ng ating isip, pero ito ay nag-aahon sa atin mula sa kailaliman kapag pinipili natin itong tanggapin.

May isang sinaunang dokumento o aklat na nasa pangangalaga ng Simbahan ang may pamagat na “Mga Oda ni Solomon”. Ito ay mga tula na maaaring may kasabay na tugtog. Sa isang bahagi nito ay ipinahahayag ng sumulat ang kanyang damdamin tungo sa kanyang Diyos na naging “nilalang” para makikilala niya, at naging isang pisikal na bagay para lang matanggap niya:

“He became like me, that I might receive Him. In form He was considered like me, that I might put Him on. And I trembled not when I saw Him, because He was gracious to me. Like my nature He became, that I might understand Him. And like my form that I might not turn away from Him” (Odes 7:4-6).

Hindi niya rin maintindihan ang kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos dahil ito ay umaapaw sa pagmamahal: Diyos na naging tao, Hari na naging alipin, Lumalang na naging nilalang – lahat para sa pag-ibig.

Mas madalas, hindi natin nasusuklian, kahit man lang ng paggalang, ang dakilang pag-ibig na ito. Humaharap ba tayo sa kasalan na nakapambahay na damit? Dumadalo ba tayo sa malalaking selebrasyon nang may maduming kasuutan? Makakaharap ba tayo sa presidente ng Pilipinas, o kahit ng isang malaking kompanya, na nakasando lang at tsinelas pa ang suot? Walang sinumang nakakakilala ng respeto ang gagawa nito nang hindi man lang magdadalawang-isip. Pero humaharap tayo kay Jesus sa komunyon at pinapapasok siya sa ating tahanan sa paraang hindi nararapat. Ang banal na Diyos ay pinatatahan natin sa ating pusong hindi marunong magpatawad, puno ng galit, at mga reklamo. Ang dakilang Hari ng sangnilikha ay pinatutuloy natin sa ating tahanang marumi, hindi inihanda, at walang kaayusan. Sa ispiritwal na kasuutan at sa pisikal na pananamit, ipinapakita natin sa Diyos at sa mga tao ang kawalan natin ng paggalang at pagkilala sa katawan ni Cristo. Sa ganitong bagay nagbabala si Apostol Pablo nang sinabi niya, “Ang kumakain ng tinapay at umiinom sa saro ng Panginoon nang di nararapat ay nagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. Kaya dapat siyasatin ng tao ang kanyang sarili bago kumain at umiinom nang hindi pinahahalagahan ang katawan ng Panginoon, ay kumakain at umiinom ng hatol sa kanyang sarili” (1 Co 11:27-29). Lalo lang tayong nagkakasala sa Diyos tuwing humaharap tayo kay Jesus sa komunyon nang hindi muna inihahanda ang ating sarili. Ang pagkaing sana ay magpapabanal at magbibigay ng buhay sa atin ay magiging kasalanan at kamatayan pa natin.

Si Jesus ang tunay na tinapay na nagmula sa langit, huwag nating pakitunguhan ang kanyang katawan na para bang isa lang din itong nilalang.

* Isinulat para sa sanisidroparish.ning.com.

Permalink Leave a Comment

Sa Salita Rin Naman Ni Yahweh

May 26, 2008 at 11:35 am (Commentary)

Sa pagbasang inihanda ng Simbahan ngayong Linggo ng Corpus Christi, ang salin sa Tagalog Popular Version ay nakatawag sa aking pansin. Ito ay ang sikat na linyang isinagot ni Jesus sa Diablo noong tinutukso siya sa disyerto: “Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang namumutawi sa bibig ng Diyos” (Mt 4:4). Ito ay sinipi ni Jesus mula sa aklat ng Deuteronomio. Ganito ang sinabi ni Moises: “Ginawa niya [ni Yahweh] ito upang ipakilala sa inyo na ang tao ay hindi lamang nabubuhay sa pagkain kundi sa salita rin naman ni Yahweh” (8:3). Sa unang tingin ay mukha namang maayos ang lahat dahil sa kawastuhang gramatikal nito. Pero kung ang pagbabasehan ay ang katotohanang gustong ipahayag ng nagsasalita, may mali sa linyang ito. Ang tamang bersyon ay ang nasa sulat ni Mateo kung saan wala ang mga katagang “rin naman”.

Ang lahat ng bagay, nakikita man o hindi, materyal man o mga sirkumstansya, ay nagmula sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang salita. Walang intensyon ang may-akda na ipantay ang salita ng Diyos sa pagkain na kinikilala ng tao bilang pinagmulan ng kanyang buhay araw-araw, sa halip ay linilinaw niya na maging ang tinapay o pagkain na bumubusog at bumubuhay sa tao ay nagmumula din sa mga “salitang namumutawi sa bibig ng Diyos.” Kapuna-puna na sa tamang salin nito, si Moises at si Jesus ay nagsisimula sa pagsasabing, “hindi lang…” pero hindi nila dinugtungan ng ekspresyon na “…rin naman,” tulad ng pangkaraniwan. Sa gramatikang Ingles, ang paggamit ng pariralang “not only…” ay madalas na dinudugtungan ng “…but also…” Pero sa kasong ito ay iba ang gustong iparating ng nagsasalita: “…to make you understand that man does not live on bread alone but that man lives on everything that comes from the mouth of Yahweh” (The Jeruselem Bible). Ibig sabihin, ang pagkain ay isa lamang sa aspeto ng buhay ng tao, at ito man ay nagmumula din sa salita ng Diyos. Sa bahaging ito ng kwento ng bayang Israel, ipinararating ni Moises na ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ang tunay na buhay. Ipinakita ng Diyos na hindi sila namatay kahit na sila ay nagutom nang husto, dahil si Yahweh ang may hawak at pinagmumulan ng kanilang buhay at hindi ang tinapay. Nagiging buhay lang ang tinapay para sa tao dahil ito ang itinakda ng Diyos pero walang sariling halaga ang bagay na ito. Kung wala ang salita ng Diyos, ang masarap na pagkain ay lason sa katawan; kasama ang salita ng Diyos, ang lason ay masustansyang inumin. Kaya sinabi ni Jesus, “Hindi ba’t ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain…” Hindi tayo kumakain para sa pagkain kundi para mabuhay, ngunit ang buhay ay hindi talaga sa pagkain nanggagaling kundi sa Diyos. Idinugtong pa niya, “Ngunit pagsumakitan ninyo nang higit sa lahat ang pagharian kayo ng Diyos at mamuhay ayon sa kanyang kalooban,” dahil ito ang tunay na buhay. Kung hindi ibibigay ng Diyos ang kabusugan, walang halaga ang isang basket na tinapay o dalawang bandehadong kanin. Hindi rin pakikinabangan ng tao ang mga sustansya kung hindi ito pahihintulutan ng Diyos.

Sa makatwid, ang tao ay hindi lamang sa tinapay nabubuhay kundi sa bawat salitang namumutawi sa bibig ng Diyos.

* Isinulat para sa sanisidroparish.ning.com.

Permalink Leave a Comment

Kaluluwang Ligaw

May 5, 2008 at 3:43 pm (Commentary)

Mayroon nga bang mga kaluluwang ligaw? Kung gagamitin sa literal na paraan ang salitang “ligaw”, mangangahulugan na ang mga kaluluwang ito ay nawawala at walang ideya kung saan direksyon sila dapat pumunta. Pero dahil ang mga espiritu ay hindi nasasakupan ng oras at lugar, hindi maaaring gamitin dito ang literal na kahulugan ng mga direksyon, pataas man o pababa, pakaliwa man o pakanan; at sa gayon ay hindi maaaring maging ligaw sa literal na diwa. Kung ito naman ay figure of speech, dalawa ang maaaring maging kahulugan ng salitang “ligaw” – mali ang paraan ng pamumuhay o kaya naman ay napahamak. Alin sa dalawang ito ang pwede nating gamitin para alamin ang kahulugan ng ekspresyon na “kaluluwang ligaw”? Kaluluwang mali ang pamumuhay o kaluluwang napahamak? Ang logically acceptable lang dito ay yung pangalawa – kaluluwang napahamak, na ang ibig sabihin ay kundenado o nasa impyerno. Samakatwid, kung pagbabasehan ang tamang pangangatwiran at tamang kahulugan ng mga salita, magiging katanggap-tanggap lang ang salitang “kaluluwang ligaw” kung ang tinutukoy ay isang kaluluwang  nasa estado ng kaparusahan.

Para sa ibang tao, kahit na imposibleng maipaliwanag, ang ideya ng “kaluluwang ligaw” ay tumutukoy sa mga kaluluwang pagala-gala at hindi pa makaalis sa lupa dahil mayroon pang hindi nagagawa o kaya naman ay naghahanap ng katarungan. Sinasabi ng ilan na matatahimik lang ang mga kaluluwang ito kapag nakamit na nila ang katarungan tulad halimbawa ng pagkahuli, pagkakulong o pagkamatay ng mga taong naging dahilan kung bakit sila ngayon ay ligaw. Gaano kaya ito katotoo? Sa maaasahang Salita ng Diyos sa Biblia, walang kaluluwa ang nagpapagala-gala sa lupa sa anumang dahilan, sa halip ay sinasabi, “Itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay paghuhukom.” Ang totoong problema ng kaluluwa ay ang haharapin niyang paghuhukom, ibig sabihin ay tungkol sa kabutihan o kasamaan ng kanyang naging pamumuhay, at hindi ang kasalanang ginawa sa kanya ng ibang tao. At dahil nga hindi nasasakupan ng panahon ang mga espiritu, ang kaluluwa, matapos mamatay ng katawan, ay agad na haharap sa paghuhukom o yung tinatawag na individual judgment. No loitering and roaming around the earth, straight to business. Si Satanas at ang mga demonyo lang ang binanggit sa Kasulatan na patambay-tambay at pagala-gala sa lupa, parang mga asong lobo na naghahanap ng masasakmal.

Tungkol naman sa katarungan, hindi pinoproblema ng mga kaluluwang nasa piling na ng Diyos ang pagkakulong ng mga taong gumawa sa kanila ng masama – malamang ay ihingi pa nila ito ng tawad sa Diyos at idinalanging mabigyan ng bago at malinis na puso. Ang konsepto ng “mga hindi matahimik na kaluluwa” ay nagmumula sa isip ng mga taong hindi matahimik hanggat hindi nakakaramdam na nakaganti na sila. Isinasangkal nila ang kaluluwa ng mga namatay na sa lupa, samantalang ang totoong hindi matahimik ay ang sarili nilang mga kaluluwa. Dalawa lamang ang maaaring tunguhan ng mga kaluluwang umalis na sa katawang-lupa: Ang kaligtasan sa piling ng Diyos kung saan wala nang halaga ang pagganti kundi puro pagmamahal; o sa kapahamakan kung saan wala na rin silbi ang katarungang panlupa, at hindi na rin mababago ng anumang bagay ang panghabampanahon nilang kalagayan.

Ngayon, panlupa man o panlangit, ang katarungan ay hindi na pinoproblema ng mga kaluluwang wala na sa lupa. Sa langit ay kapiling na nila ang Katarungan dahil ang Diyos mismo ang Katarungan. Siya ang hahatol sa lahat at siya rin ang gaganti. Ganito ang sinasabi ng Diyos, “Ako ang maghihiganti, ang magpaparusa.” Tuwing hinahangad nating makaganti, inaagaw natin sa Diyos ang gawain at karapatan ng pagganti at sa gayo’y itinuturing na Diyos ang ating sarili. At lalo namang masama na hindi pa tayo nakuntento sa pagpapahayag ng kagustuhan nating makaganti at kinakaladkad pa natin ang pangalan at persona ng mga kaluluwang hindi naman natin kaisa ng damdamin kundi kaisa ng Diyos at ng mga banal.

Permalink 10 Comments