Divine Filipino Catholic Church

April 5, 2009 at 7:06 pm (Commentary)

Siguro ay narinig ko na ang pangalang ito noon pa pero ngayon ko lang nakita nang harapan ang simbahang ito. Kasama ako sa isang ginanap na kumpil nitong April 5, 2009, Linggo ng Palaspas. Habang nasa byahe ay napansin kong lumampas na ang sasakyan sa Catholic parish sa bandang Karuhatan, Valenzuela pero hindi pa rin tumigil ang sasakyan. Doon pa lang ay nagtaka na ako. Pumasok ang sasakyan sa isang makipot na daan hanggang sa nakarating na sa pupuntahang simbahan. Sa lokasyon pa lang ng simbahan ay nagduda na ako at hindi ako makumbinsi ng obserbasyon ko na Katolikong parokya ang makikita ko. Pagbaba ng jeep, tama ang hinala ko, bumungad agad ang pangalan: Divine Filipino Catholic Church. “Divine Filipino”? Weird! Siguradong ito ay Filipinismo ng relihiyon! “Catholic Church”? Sa dinami-dami ng nakita kong parokyang Katoliko sa Pilipinas, wala akong nakitang salitang “Catholic Church” sa pangalan ng mga ito, at halata naman agad ang dahilan. Lahat ng ibang sektang Cristiano ay may kanya-kanyang pangalan maliban sa mga Catholic parish dahil ito ang nag-iisang Simbahang itinatag ni Jesus at hindi rin ito itinatag makalipas ang panahon ng mga apostol, sa halip ay ang mga apostol mismo ang naging haligi nito. Ito ang dahilan kung bakit hindi nito kailangang magpakilala na tulad ng sa mga bagong sibol ng simbahan.

Nakita ko ang pisikal na istraktura ng Divine Catholic Filipino Church, ang paraan ng pagdiriwang ng Misa, binyag, at kumpil. Tulad ng Iglesia Aglipayano, ang mga pari nila ay maaari din mag-asawa. Kapansin-pansin ang ibang bersyon ng Credo na dinadasal sa salitang may tunog Latino pero hindi ako siguradong purong Latin nga ito; ang sigurado ay hindi ito Kredo ng mga Apostol. Ang “Lord’s Prayer” din ay hindi ang Ama Namin na nasa Bibliya at dinadasal ng mga Katoliko. Napansin kong hindi rin mula sa Kasulatan ang kanilang “unang pagbasa”, sa halip ay isang pagpapakilala sa pagdiriwang ng Linggo ng Palaspas. Ang mga panalanging binibigkas ng pari ay halo-halong mga salita na halos hindi maintindihan at sinasapawan pa ng malakas na tugtog galing sa CD o tape. Sa pagdiriwang ng binyag at kumpil, sa pandinig ko ay Katoliko ang mga salita ng ritu; ang kapansin-pansin lang ay ang pagdadagdag ng katagang “espiritwal” tuwing binabanggit ang “Iglesya Katolika”.

Bukod sa mga salita ay makatawag pansin din ang mga rebulto at mga simbolo na makikita sa larawan.

Advertisements

Permalink 6 Comments