Ang Pagbabalik ng mga Prayle

April 4, 2011 at 12:42 am (Commentary)

Nakita ko sa dalawang Facebook pages ang parehong “pasted comment” na ito kaya pareho kong iniwanan ng sagot. Sa ibaba ay ang buong teksto:

NO to RH Bill, NO to Culture of Death
Anti RH Bill

Bet Dapapac:

“Ang Pilipinas Ngayon…”

-Ikalabingapat na Yugto: Ang Pagbabalik ng mga Prayle…

Simula po nung maliit ako, hinubog po ako ng aking ama at ina na lumaki bilang isang mabuting Kristyano at anak ng Diyos. Sa awa ng Diyos ay nadala ko po yun sa aking paglaki hanggang sa ngayon.

Kasabay nun ay tinuruan din nila ako at hinubog bilang isang maging mabuting mamamayan at isang mabuting Pilipino. Katulad sa unang itinuro sakin ay nadala ko rin po yun sa aking paglaki.

Tinuro rin po sa akin, ang isang napakahalagang bagay na kailanman ay dapat kong isaisip at tandaan. Ang huwag manghimasok sa buhay ng ibang tao, at makialam ng pag-aari o kaya ng buhay ng iba.

Ito pong ginagawang mga hakbangin ng Simbahang Katolika sa ating bansa ukol sa pagtuligsa sa RH Bill o ang Responsible Parenthood Act ay naririnig, nababasa at napapanood na natin sa mga pahayagan, radyo at telebisyon sa loob ng mahigit na isang taon na mula nang gumulong ang panukalang batas na ito sa Konggreso. At kung anu-ano na po ang ibinabatong mga maaanghang na komento at debate ng magkabilang panig ukol sa Isyu na ito.

Kung sa bagay, may karapatan po ang mga kaparian at ang Simbahan na magpahayag ng damdamin at saloobin ukol sa mga nagaganap sa bansa natin, bilang isang mabuti at nagmamalasakit na mamamayan ng Pilipinas.At bilang isang alagad ng Diyos, karapatan din po nilang magpahayag ng mga bagay, alang-alang sa ikabubuti na rin ng mga mamamayan bilang isang mabuting Kristyano at anak ng Diyos.

Pero, ibang usapan na po yata kung ang mga kaparian po natin at ang Simbahan ay nanghihimasok na sa mga aktibidades ng pamahalaan po natin, na alam naman po nating lahat na ang mga kawani ng pamahalaan po lamang ang maaring makialam. Kasi po sa ginagawang aksyon ng mga taong ito, ay tila nakakalimutan na po yata nila na may napakanipis na linyang naghahati sa Simbahan at sa pamahalaan…Na kung lalagpas po sila sa linyang yun, eh maliwanag na paglabag po yun sa karapatan ng kabilang panig.

ARTICLE 2 SECTION 6; or Seperation of the Church and State…Yan po ang nakapaloob sa ating Saligang Batas.Nasasaad po dito na WALANG ANUMANG KARAPATAN;ni DI MAARING PANGHIMASUKAN NG SIMBAHAN O KAHIT ANUMANG KASAPI NG SIMBAHAN ang buhay o anumang desisyon aktibidades o hakbangin ng isang indibidwal o ng mismong pamahalaan.

Ayon nga po sa isang lumang kasabihan na nanggaling sa mga Romano:
“Render unto Ceasar the things that are Ceasar’s and unto God and the things that are God’s…”
Kung anuman po ang pag-aari ni Sesar ay kay Sesar.At kung anumang pag-aari ng mga Diyos ay sa mga Diyos…

Ang Juan ay kay Juan…Ang kay Pedro ay kay Pedro…Napakalinaw naman po ng nakasulat sa Konstitusyon po natin.Maari pong magkomento at magbigay ng sariling pananaw ang Simbahang Katolika ukol sa RH Bill na yan,PERO DI SILA KAILANMAN PWEDENG MAKIALAM!!WALANG KARAPATAN NA PANGHIMASUKAN NG MGA DAMUHONG YAN ANG KUNG ANUMANG SINUSUONG NG PAMAHALAAN PARA SA MGA MAMAMAYAN!!

Eh sa mga ginagawa po ng mga taong ito na nasa Simbahan eh, malinaw na paglabag na tinadhana ng Saligang Batas itong mga ginagawa nila eh! Kung tutuusin, pwede na silang kasuhan ng gobyerno sa mga ginagawa nila eh! Kasi kahit mismong mga mamamayan eh bini-brainwash na rin po nila ukol po sa batas na ito. Kahit na sabihin pa po ninyong mga pari na sakop ng inyong parokya ang mga taong ito at kusang loob po nila ang pakikilahok nila sa ginagawa ninyo, eh labag pa rin po sa batas yan. Eh mamamayan ng Pilipinas yan eh!

Ako po pinanganak po akong Katoliko. At bilang isang Katoliko, obligasyon ko pong sumunod sa mga utos at sakramentong nilaan po ng Diyos sa akin. Pilipino rin po ako,at obligasyon ko po bilang Pilipino na pangalagaan ang mga mamamayan at ang bansang nagpalaki at nag-aruga po sa akin.

Pero kung ang mga pinuno naman ng kahit alinman sa dalawang mahalagang sangay ng lipunan na ito ang siyang dahilan upang masira ang sangay na ito,ako bilang isang indibidwal ang gagawa ng hakbang upang tuligsain ang mali at bugtot nilang ginagawa.At ngayon bilang isang Pilipino at mamamayan ng bansang ito,obligasyon ko pong ipagtanggol ang mga mamamayan,kinabukasan at kaunlaran ng aking bansa laban sa mga taong gustong diktahan ang ginagawang pamamalakad ng pamahalaan,gayong alam naman po natin na di tama.
Kahit na kapalit po nito ay ang aking pagiging Kristyano o Katoliko.

Sa palagay ko po, dahil sa panukalang batas na ito ay tila bumabalik nanaman po ang panahon ng mga Prayle nung panahon ng Kastila.Kung saan dinidiktahan po nila ang kung anumang gawin ng pamahalaan.Kasi di nalalayo ang ginagawa ng Simbahang Katolika ngayon sa mga Prayleng Kastila noon eh.Kesyo tinatakot ang mga mambabatas na susuporta sa RH Bill,gagawing ex-komunikado ang lahat ng magpapahayag ng suporta dito,kesyo hihingi ng panawagan sa lahat ng mamamayan na gumawa ng public disobedience.

Baka po nakakalimutan nila na matagal nang tapos ang paghahari ng simbahan!Yan pa nga ang dahilan kung bakit nag-alsa sila Francisco Dagohoy,Diego Silang,Andres Bonifacio at iba pa pong mga bayani natin dahil sa paghahari-harian ng mga Prayle nung panahon ng Kastila eh.Eh ngayon pong nanghihimasok nanaman po kayo sa sinusulong na RH Bill sa konggreso,eh baka gusto po nyo pong maulit nanaman sa inyo yung nangyaring senaryo nung panahon ng himagsikan?

Sige po kayo.Kapag napuno ang mga mamamayan sa mga pinaggagawa ninyo ay baka mag-alsa din po ang mga yan.At baka yan din po ang ikabagsak nyo at wala nang maniwala sa mga sinasabi ninyo.

Payo ko naman po sa gobyerno,lalo na po sa mga mambabatas natin na nagsusulong ng batas na ito na dapat banatan nyo rin po ang mga ito na pilit na pinapakelaman ang inyo pong trabaho.Di po ba?Para patas naman po.

Sabihin nyo rin po sa mga paring yan na imbis na pakelaman po kayong mga mambabatas sa trabaho ninyo,eh asikasuhin na lamang po nila yung bumabagsak na moralidad na mga Pilipino.Pati na rin po yung kaliwat kanang pagbubuntis ng mga kabataan na pabata ng pabata.At kaysa makisali sila dito sa isyu na ito,ay magturo na lang po sila ng mga aral at salita ng Diyos.Lalung lalo na po eh,sunud sunod ang mga kalamidad at kaguluhan na nagaganap sa mundo,eh di hamak na maskelangan naman po ng mga tao iyon di ba?

Tama na po ang minsang pakikilahok at pakikipapel ng mga kaparian po natin at ng mismong Simbahan sa pamahalaan nung nagdaang EDSA uno at EDSA dos.Alam na po natin kung ano ang naging resulta ng ginawa ninyong hakbang.At sa tingin po namin,bilang mamamayan eh dapat sana yun na po ang huli.Hayaan nyo naman pong ang pamahalaan ang gumawa ng hakbangin para sa ikauunlad ng ating bayan.

At panghuli…Isang payak ngunit makabuluhang pangungusap lamang po ang iniiwan ko sa mga kaparian,obispo at lalo n po sa arhobispo po natin na hango po sa salitang Inggles.Madalas pong gamitin ang pangungusap na ito.Lalo na po sa mga tao na madalas panghimasukan at pekialaman ang kanilang mga gawain at higit po sa lahat,ang kanilang personal na buhay.

“MIND YOUR OWN BUSINESS…” uulitin ko po…”MIND YOUR OWN BUSINESS…”

Sa mga kaparian po natin…Madali naman po sigurong maintindihan yun ano??

Narito ang mga orihinal kong tugon na makikita sa mga nabanggit na page:

Comment 1:

Bilang “Katoliko” at bilang mamamayang Filipino, hindi mo naiintindihan ang sinasabi mo. Bilang Katoliko, dapat alam mo na ang Simbahan ay itinatag ni Cristo at nagmula sa Diyos. Dapat alam mo na sa usapin ng moralidad at pananampalataya, ang turo ng Simbahan ay walang pagkakamali ayon na rin sa pangako ng kanyang Panginoon: “Hindi magtatagumpay dito kahit na ang pintuan ng impyerno.” Dapat alam mo na ang aksyon ng ilang mambabatas (hindi ng pamahalaan, dahil ang mga mambabatas ay hindi ang pamahalaan) tungkol sa RH Bill ay may implikasyong moral. Hindi lang basta karapatan ng Simbahan ang makialam sa mga usaping moral ng bansa at ng mundo, ito ay kanyang misyon: “Pakasumpain ako kung hindi ko ipahahayag ang Ebanghelyo.” Yan ang hatol ng Simbahan sa sarili kung mananahimik siya sa usaping lumalabag sa kalooban ng Diyos. “Kayo mismo ang humatol kung matuwid sa paningin ng Diyos ang sumunod sa inyo at hindi sa Diyos. Hindi namin puwedeng hindi ipahayag ang aming nakita at narinig.” Kaya sinasabi ni Sta. Catalina ng Siena, “Nakikita kong ang mundo ay bulok dahil sa pananahimik.” At totoo rin ang kasabihang, “All that is required for evil to prevail is for good men to do nothing.” Kung hindi magsasalita ang Simbahan (ang Simbahan ay tumutukoy sa buong sambayanang Cristiano — at dapat sana ay kasama ka dun), nagpapakita siya ng katrayduran sa kanyang relasyon kay Cristo. Nagbabala si Jesus, “Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi nagtitipong kasama ko ay nagpapangalat.” Wala sa bokabularyo ng mga Cristiano ang kawalan ng pakialam. Either you stand for or you stand against. Sa mga nagsasabing mananahimik na lang sila at inuudyukan pa ang iba na manahimik, ito ang hatol ng Diyos: “Higit na mabuti kung malamig o mainit ka. Ngunit maligamgam ka at hindi malamig ni mainit, kaya isusuka kita sa aking bibig.” Ang mga duwag ay nakatakda sa ikalawang kamatayan. Kaya sa halip na sabihin mo sa ibang tao na manahimik, panindigan mo na lang at ipagtanggol ang ipinaglalaban mo, baka sakaling ikabuti mo pa, but don’t ask anyone to shut up and stop fighting for what they stand for.

Bilang Filipino, dapat mong unawain kung bakit naging bahagi ng kasaysayan ang People Power Revolution. Kung may sapat na isip ka na nung panahong iyon, dapat ay nakilala mo ang katotohanan na ang bansa ay naglakbay mula sa impyerno papunta sa purgatoryo. Hindi perpekto ang bansang ito at ang mga tao, at hindi kailanman magiging, pero ang desperasyon at pagkakaroon ng pag-asa at mapanghahawakang pangarap ay magkaibang bagay. Ang diktaturya ay maka-komunistang pamamahala lalo na kung hindi mabuti ang pagkatao ng mga nasa kapangyarihan. Wala nga tayo sa langit, pero wala na rin tayo sa impyerno; at ito ay dahil sa pakikialam ng Simbahan. Dahil din sa tulong ni John Paul the Great kaya gumuho ang komunismo sa ilang bansa na matagal nang umaalipin sa mga mamamayan. Bilang Filipino ay dapat nauuna ka sa pagtutol sa RH Bill dahil sa maka-komunistang probisyon nito. Bilang Filipino, dapat ay naiintindihan mo na tayo ay nasa bansa kung saan ang pamahalaan ay ang tao — hindi ang mga mambabatas — at ang tungkulin ng Estado ay katawanin at ipagtanggol ang karapatan ng bawat mamamayan mula sa sinapupunan hanggang sa libingan. Dapat mong maintindihan na ang RH Bill ay isang panukalang nagtatangkang labagin nang paulit-ulit ang Batas na saligan ng karapatan ng lahat ng mamamayan.

Bilang Cristiano at bilang Filipino, dapat mong maintindihan na ang paboritong bahagi ng mga tagapagsulong ng RH Bill na “Separation of Church and State” ay hindi naglalayong pagbawalan ang bibig ng Simbahan na magsalita tungkol sa Estado o ang bibig ng Estado na magsalita tungkol sa Simbahan. Hindi dapat kalimutan ng mga kapanalig mo na ang bumalangkas ng Saligang Batas ng Pilipinas ay kapwa mga sekular at mga relihiyoso — hindi mga taong walang pakialam sa isa’t isa kundi nagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba.

Comment 2:

Ang pagsasabing walang karapatan ang Simbahan sa kung ano ang gagawin ng pamahalaan ay tulad na rin ng pagsasabing walang kinalaman ang moralidad — ang pagiging tama o mali — sa mga gawaing ito. Nangangahulugan din na ang mga nasa pamahalaan ay walang sense of morality at walang konsensya, because the Church is appealing to the conscience; hindi nito dinidiktahan ang sinuman sa gobyerno, sa halip ay ipinapaalala sa kanila na sila ay mga tao, iniluklok ng mga tao para sa kapakanan ng mga tao.

Comment 3:

‎”Sa palagay ko po,dahil sa panukalang batas na ito ay tila bumabalik nanaman po ang panahon ng mga Prayle nung panahon ng Kastila.”

Tama ka. Kinitil ng mga opisyal at mga prayle ng Espanya noon ang kalayaan ng mga tao para magsalita at ipagtanggol ang pinaniniwalaan nilang makakabuti sa kanila, at pinarusahan ang sinumang magsasalita laban sa kanilang mga polisiya. Kaya ang taong bayan, sa pamumuno ng mga bayani, ay naghimagsik at nagtagumpay — hindi sila nanahimik at nagsawalang-kibo.

Ito ang pagkakaiba: Tanging ang mga mambabatas at nasa pamahalaan na lang ang nagtatangkang kumitil sa kalayaan ng mga mamamayan para magsalita at ipagtanggol ang pinaniniwalaan nilang makakabuti sa kanila, at sila lang ang nagtatangkang parusahan ang sinumang magsasalita laban sa kanilang mga polisiya. Kaya ang taong bayan, sa pamumuno ng mga obispo, mga pari, mga relihiyoso, at lahat ng may takot sa Diyos, ay naghihimagsik at magtatagumpay — hindi sila nananahimik at nagsasawalang-kibo. Kung ikaw ay Katoliko, subukan mong ikumpara ang RH Bill at ang mga turo ng Simbahan, at hatulan mo kung alin ang kumikilala sa tunay na dignidad at halaga ng tao bilang indibidwal at bilang malayang nilalang.

Comment 4:

“MIND YOUR OWN BUSINESS…” uulitin ko po…”MIND YOUR OWN BUSINESS…”

Let me educate you, then, about your being Christian and about the Church: Mind is your business. Mind is also the Church’s business. So to mind their business means to work with your mind — with everybody’s mind.

“Don’t let yourselves be shaped by the world where you live, but rather be transformed through the renewal of your mind. You must discern the will of God: what is good, what pleases, what is perfect.” -St. Paul

Uulitin ko, MIND IS THEIR BUSINESS.

Sa ibaba ay mga karagdagang komento para sa mas ikalilinaw ng usaping ito:

Bet Dapapac:

“Simula po nung maliit ako, hinubog po ako ng aking ama at ina na lumaki bilang isang mabuting Kristyano at anak ng Diyos. Sa awa ng Diyos ay nadala ko po yun sa aking paglaki hanggang sa ngayon.”

Hindi ito ang ipinapakita ng sarili mong mga salita. Ang isang mabuting Cristiano ay tapat sa kanyang pananampalatayang Cristiano hanggang sa huli, pero ngayon pa lang ay sinasabi mo nang handa ka itong talikuran kapalit ng pagiging makabayan: “Kahit na kapalit po nito ay ang aking pagiging Kristyano o Katoliko.” Kung talagang naiintindihan at sinusundan mo ang mga aral ng Simbahan, malalaman mong ang pagiging mamamayan ng Langit ay laging higit sa pagiging mamamayan ng anumang bansa sa mundo; at kailanman na magkaroon ng hidwaan sa pag-itan nito, hindi na kailangang magdalawang-isip kung alin ang dapat piliin. “Hindi kayo sa mundo kundi hinirang ko kayo mula sa mundo kaya napopoot sa inyo ang mundo” (Juan 15:19).

Bet Dapapac:

“Tinuro rin po sa akin, ang isang napakahalagang bagay na kailanman ay dapat kong isaisip at tandaan. Ang huwag manghimasok sa buhay ng ibang tao, at makialam ng pag-aari o kaya ng buhay ng iba.”

Tatlo lang ang posibilidad dito: mali ang turo ng iyong mga magulang o mali ang pagkaintindi mo dito o hindi talaga galing sa mga magulang mo ang aral na tinutukoy mo kundi nasagap mo na lang sa ibang tao.

Hindi dapat panghimasukan ang buhay ng ibang tao kung ang layunin o resulta ay mapangwasak o wala sa lugar. Ganito ang sinasabi ni Pablo: “…nabalitaan naming patamad-tamad ang ilan sa inyo na hindi nag-aabala kundi nang-aabala” (2 Tesalonica 3:11). “…nakakagawian nila ang pagiging tamad at pangangapitbahay. Hindi lamang mga tamad, kundi mga pakialamera pa at daldalera at kung anu-ano ang sinasabi” (1 Timoteo 5:13). Pero hindi tama ang mawalan ng pakikialam sa kapwa kung hinihingi ito ng pag-ibig at ng sitwasyon. Sinasabi ni Jesus, “Kung nagkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan; at kung makinig siya sa iyo, tinubo mo na ang iyong kapatid. Kung hindi naman siya makinig sa iyo, magsama ka ng dalawa o tatlo para lutasin ang kaso sa pagsaksi ng dalawa o tatlo. Kung tatanggi siyang makinig sa kanila, sabihin ito sa Iglesya; at kung hindi pa rin siya makikinig sa Iglesya, ituring siyang pagano o publikano” (Mateo 18:15-17). At ipinapaalala din ni Juan, “Kung may makakitang magkasala ang kapatid – ang isang kasalanang hindi pa-kamatayan, dumalangin siya at magbibigay-buhay sa tao ang Diyos” (1 Juan 5:16). Ang kawalan ng pakialam ay ang kaaway ng pag-ibig. Sa mga taong walang pakialam sasabihin ni Jesus, “Mga isinumpa, lumayas kayo sa harap ko tungo sa apoy na walang katapusan na inihanda para sa diyablo at sa mga anghel nito! Sapagkat nagutom ako at di ninyo binigyan ng makakain, nauhaw at di ninyo pinainom, naging dayuhan ako at di ninyo pinatuloy, maysakit at nasa bilangguan at di ninyo binisita” (Mateo 25:41-43).

Bet Dapapac:

“Pero, ibang usapan na po yata kung ang mga kaparian po natin at ang Simbahan ay nanghihimasok na sa mga aktibidades ng pamahalaan po natin…”

Nanghihimasok? Anong ibig sabihin nito? Gumagawa ba ng mga planong pang-Estado ang Simbahan? Iniuutos ba ng mga obispo sa gobyerno kung anong mga proyekto ang dapat gawin? Nagiging bahagi ba ng pamahalaang sibil ang pamahalaang eklesyastiko? Kung ganito ang nangyayari, may nagaganap ngang paglabag. Pero kung ang Simbahan ay nagsasalita tungkol sa mga panganib at kamaliang moral na nagaganap sa politika o sa gobyerno, ginagawa niya ang misyon na ibinigay ng kanyang Panginoon: “Kayo ang asin ng mundo. Ngunit kung mawalan ng lasa ang asin, paano pa ito mapaaalat na muli? Wala na itong silbi. Itatapon na lamang at tatapakan ng mga tao. Kayo ang ilaw ng mundo. Hindi maitatago ang lunsod na itinayo sa tuktok ng bundok. Hindi rin sinisindihan ang ilaw para takpan ng kahon, sa halip ay inilalagay ito sa isang lampara at tumatanglaw sa lahat ng nasa bahay” (Mateo 5:13-15).

Bet Dapapac:

“ARTICLE 2 SECTION 6; or Seperation of the Church and State…Yan po ang nakapaloob sa ating Saligang Batas.Nasasaad po dito na WALANG ANUMANG KARAPATAN;ni DI MAARING PANGHIMASUKAN NG SIMBAHAN O KAHIT ANUMANG KASAPI NG SIMBAHAN ang buhay o anumang desisyon aktibidades o hakbangin ng isang indibidwal o ng mismong pamahalaan.”

Napakalayo sa katotohanan ng iyong pagkaunawa dito. Ayon sa Article II Section 6 ng Saligang Batas, “Ang paghihiwalay ng Simbahan at Estado ay hindi maaaring labagin.” Yun na ang katapusan ng nasabing bahagi. Hindi nasasaad dito ang mga salitang binanggit mo. Kaya ang tanong ay ano ba ang ibig sabihin ng “Separation of Church and State”? Kung babalikan ang kasaysayan ng konseptong ito, makikitang ang tunay na layunin nito ay kilalanin ang kalayaang pangrelihiyon at pigilan ang mga mambabatas sa paggawa ng mga polisiya na lalabag sa kalayaang ito. Hindi ito pagpapahayag ng lubos kawalan ng pakialam sa isa’t isa, sa halip ay ipinapakita dito ang pagtatanggol ng Estado sa mga karapatang pangrelihiyon. Sa Article III Section 5 ng Konstitusyon ay sinasabing, “Walang batas ang maaaring balangkasin tungkol sa pagtatayo ng relihiyon, o pagbabawal sa malayang pagsunod dito.” Kung inaakala mong ang Estado ay walang pakialam sa Simbahan, at ang Simbahan ay walang pakialam sa Estado, nagkakamali ka. Sa maraming pagkakataon ay magkatuwang ang Simbahan at ang gobyerno para sa katuparan ng iisang layunin.

Ang relasyong ng Estado at Simbahan ay tulad ng relasyon ng katawan at kaluluwa – ang isa ay nasasakupan ng oras habang ang isa ay walang hanggan, pero walang diborsyo o paghihiwalay maliban sa natura at gawain. Mayroong bagay na magagawa ang katawan na hindi magagawa ng kaluluwa, at mayroong magagawa ang kaluluwa na hindi magagawa ng katawan. Kailangan ng dalawa ang isa’t isa.

Sinasabi mo na ayon sa Konstitusyon ay hindi dapat manghimasok ang mga kasapi ng Simbahan sa mga gawain ng pamahalaan. Nakalimutan mong isaalang-alang (o maaaring hindi mo talaga alam) na halos lahat ng mga tao sa gobyerno ay mga “kasapi” ng isang simbahan. Ibig bang sabihin ay dapat silang tanggalin sa trabaho dahil sinasabi ng batas na hindi pwedeng makialam sa usaping pang-gobyerno ang mga kasapi ng Simbahan? Hindi kaya wala nang matirang tao sa mga opisina ng gobyerno kung ganun?

Bet Dapapac:

“Eh sa mga ginagawa po ng mga taong ito na nasa Simbahan eh, malinaw na paglabag na tinadhana ng Saligang Batas itong mga ginagawa nila eh!”

Dahil mali ang interpretasyon mo sa sinasabi ng Saligang Batas, mali din ang konklusyon mo na ito ay linalabag ng Simbahan. Ang misyon ng Simbahan, bilang liwanag, ay ipahayag ang katotohanan at, bilang asin, huwag manahimik sa gitna ng mga kamalian at inhustisya; at ayon na rin sa Saligang Batas, dapat na malaya itong maisagawa ng Simbahan (Article III Section 5).

Bet Dapapac:

“Kung tutuusin, pwede na silang kasuhan ng gobyerno sa mga ginagawa nila eh!”

Hindi mo alam ang sinasabi mo. Sino ba ang tinutukoy mong “mga taong ito na nasa Simbahan”? Kung ang mga obispo at mga pari, ginagawa lang nila ang hinihingi ng pagiging pastol. Ito ay protektado ng Konstitusyon at hindi tulad ng inaakala mong paglabag sa Konstitusyon. Kung ang tinutukoy mo naman ay lahat ng mananampalataya, ginagawa lang nila ang hinihingi ng pagiging Cristiano, at protektado din sila ng Saligang Batas. Ang totoong lumalabag sa Konstitusyon at sa aral Cristiano ay ang mga taong nagtatangkang busalan ang lahat ng mamamayan; at ang mga Cristianong mambabatas at pribadong indibidwal na mas piniling tumatalikod sa mga aral ni Cristo. Sinasabi ni Jesus sa Simbahan, “Ang nakikinig sa inyo ay nakikinig sa akin, at ang di-tumatanggap sa inyo ay di-tumatanggap sa akin” (Lucas 10:16). Para sa kaalaman ng lahat, ang RH Bill kung nagkataon ay ang unang batas na nagbabawal at magpaparusa sa sinumang gagamit ng kanyang kalayaang magsalita at magpahayag. Kapag nangyari ito, lahat ng mga susunod na batas ay maaari na rin gumamit ng ganitong uri ng paniniil hanggang sa ang bansang ito ay tuluyan na namang maagawan ng kalayaan.

Kaya kung tutuusin…mali ang tuus mo. Tumatahol ka sa maling puno. Ang mga mambabatas mismo ang bumubusabos sa Saligang Batas na para bang walang tunay na halaga ang mga sinasabi nito at ito ay piraso lang ng papel.

Bet Dapapac:

“Kasi kahit mismong mga mamamayan eh bini-brainwash na rin po nila ukol po sa batas na ito.”

Brainwash ba kamo? Kung pagbabasehan ang kaalamang medikal ng napakaraming mga doktor sa Pilipinas at sa ibang bansa, lalabas na ang mga tagapagsulong ng RH Bill – at ang mga taong nasa likod nila – ang nagkasala ng intensyonal na pagbibigay ng maling impormasyon na magdudulot ng kapahamakang medikal sa napakaraming mga babae, at kapahamakang moral sa buong bansa. Ayon sa mga nagsusulong ng RH Bill, ang pagbubuntis ay nagsisimula sa “implantation”, na ibig sabihin ay sa oras na dumikit ang zygote sa pader ng bahay-bata. Pero ayon sa matatapat at matatapang na doktor, kasama na ang Philippine Medical Association, ang simula ng pagbubuntis ay sa “fertilization” o sa pagsasanib ng itlog at binhi. Ang pagsasabing ang pagbubuntis ay nagsisimula sa “implantation” ay isang tuwirang panlilinlang para maitago ang katotohanan na ang ilan sa mga tinatawag na “contraceptives” tulad ng Pill at IUD ay mga “abortifacient”.

Kung bini-brainwash ng Simbahan ang mga mamamayan tungkol sa RH Bill, ibig sabihin ay bini-brainwash din ng PMA ang mga mamamayan tungkol dito. Naniniwala ka bang ginagawa nila ito? Hindi kaya dapat mong itanong sa sarili kung sino nga ba ang may napakalaking dahilan para magsinungaling? Ang Simbahan at ang samahan ng mga doktor ba, o ang mga politiko?

Bet Dapapac:

“Ako po pinanganak po akong Katoliko. At bilang isang Katoliko, obligasyon ko pong sumunod sa mga utos at sakramentong nilaan po ng Diyos sa akin. Pilipino rin po ako,at obligasyon ko po bilang Pilipino na pangalagaan ang mga mamamayan at ang bansang nagpalaki at nag-aruga po sa akin.”

Mali ka, dahil walang sinuman ang ipinanganak na Katoliko. Pero tama ka na bilang Katoliko ay obligasyon mong sumunod sa Diyos sa pamamagitan ng paninindigan sa pananampalatayang Katoliko. Pero tulad na rin ng sinabi mo, wala kang balak ipagpalit ang pagiging makabayan sa pagiging Cristiano. Ang masakit nga lang niyan ay hindi mo talaga ipinagpapalit si Cristo sa iyong bansa kundi sa iyong kawalan ng alam. Dalawang beses mong ipinapahamak ang iyong sarili, dahil sa kabila ng pagtalikod mo sa Diyos ay hindi rin kikilalanin ng bansa ang iyong pagiging makabayan dahil mali ang batayan mo nito. Ang tanging kikilala lang sa iyo ay ang mga ignorante, kung hindi man mga sinungaling, na mambabatas na nagsusulong ng RH Bill.

Bet Dapapac:

“Sa palagay ko po, dahil sa panukalang batas na ito ay tila bumabalik nanaman po ang panahon ng mga Prayle nung panahon ng Kastila.Kung saan dinidiktahan po nila ang kung anumang gawin ng pamahalaan.”

Eksakto ang pagkakasabi mo. Dahil ang panukalang batas na ito mismo ang magiging lakas ng mga makabagong prayle – hindi ang mga pari kundi ang mga mambabatas – para diktahan ang pamahalaan at abusuhin ang mga mamamayan.

Bet Dapapac:

“Kesyo tinatakot ang mga mambabatas na susuporta sa RH Bill,gagawing ex-komunikado ang lahat ng magpapahayag ng suporta dito, kesyo hihingi ng panawagan sa lahat ng mamamayan na gumawa ng public disobedience.”

Tinatakot nga ba ng Simbahan ang mga mambabatas o tinatakot ng mga mambabatas ang mga mamamayan? May nabasa ka ba o narinig mula mismo sa isang obispo na kumakatawan sa Simbahan tungkol sa sinasabi mong pananakot? Wala. Dahil nagmula lang ang konklusyong ito sa media. Sabihin man o hindi ng mga obispo ang tungkol sa posibilidad ng pagtitiwalag, ito ay batas na ng Simbahan – walang magagawa ang sinumang obispo sa Pilipinas para baguhin ang posibilidad na ito. Mangyayari ang dapat mangyari, sa ayaw o sa gusto ng mga obispo dahil tagapagpatupad lang sila ng batas at hindi sila mismo ang batas.

Ang civil disobedience na sinasabi mo, kung ikaw ay Cristiano, ay maaaring maging tungkulin mo sa mga piling pagkakataon. Hindi ito kapritso o “tantrum” ng mga obispo, ito ay indibidwal na pasya ng mga tagasunod ni Cristo. Kung isasabatas ang RH Bill, hinihingi ng Cristianong prinsipyo at konsensya na ang mga tapat sa Diyos ay hindi dapat sumunod dito. Pero sa awa ng Diyos, ang RH Bill ay hindi maisasabatas dahil labag ito sa mismong Batas ng Bansa.

Sa kabilang banda, ang mga tagapagsulong ng panukalang ito ang may deretsahang intensyon na takutin at parusahan ang sinumang magsasalita man lang laban dito. Parurusahan ang mga taong susunod sa kanilang konsensya, pamantayang moral, prinsipyong propesyonal, at relihiyon. Sino ngayon ang “mga abusadong Kastilang prayle”? Kulang na nga lang tawaging prayle ang mga mambabatas na ito dahil tinatangka nilang panghimasukan ang mga usaping pangrelihiyon.

Bet Dapapac:

“Payo ko naman po sa gobyerno,lalo na po sa mga mambabatas natin na nagsusulong ng batas na ito na dapat banatan nyo rin po ang mga ito na pilit na pinapakelaman ang inyo pong trabaho.Di po ba?Para patas naman po.”

Muli, ang mga mambabatas ay hindi ang gobyerno, at alam ng gobyerno na walang panghihimasok na ginagawa ang Simbahan sa trabaho ng pamahalaan. Labag din sa batas ng Simbahan na ang mga kleriko ay magkaroon ng direkta o indirektang pag-uutos sa sinumang Katoliko tungkol sa dapat niyang gawin bilang opisyal ng gobyerno.

Sa personal kong palagay, hindi makakapagsalita nang deretsahan ang mga mambabatas na ito laban sa ginagawa ng Simbahan dahil alam nilang hindi sila susuportahan ng Saligang Batas tungkol dito, at dahil din alam nilang sila ang may ginagawa nang pailalim.

Bet Dapapac:

“Sabihin nyo rin po sa mga paring yan na imbis na pakelaman po kayong mga mambabatas sa trabaho ninyo, eh asikasuhin na lamang po nila yung bumabagsak na moralidad na mga Pilipino. Pati na rin po yung kaliwat kanang pagbubuntis ng mga kabataan na pabata ng pabata.”

Maling-mali ang iyong mungkahi kung ito ay para sa mga mambabatas. Dahil kung sasabihin nila sa mga pari na asikasuhin nila ang bumabagsak na moralidad ng mga Filipino, ang sagot na matatanggap nila ay, “Yun nga ang ginagawa namin.” Ang RH Bill ay nagtutulak sa pagsamba sa katawan at sa sex – isang dahilan ng mabilis at tuloy-tuloy na pagbagsak ng moralidad ng napakaraming indibidwal na Filipino. Ginagawa ng mga pari at ng mga tapat ng Katoliko ang iminungkahi mo, kaya sa loob ng mahigit isang dekada na ngayon ay patuloy na tinututulan ang panukalang ito.

Bet Dapapac:

“At kaysa makisali sila dito sa isyu na ito, ay magturo na lang po sila ng mga aral at salita ng Diyos. Lalung lalo na po eh, sunud sunod ang mga kalamidad at kaguluhan na nagaganap sa mundo, eh di hamak na maskelangan naman po ng mga tao iyon di ba?”

Muli, makakaasa kang ginagawa nila ito. Ganun pa man, ang sumasalungat sa ipinaglalaban mo ay ang sarili mong obserbasyon na sunod-sunod ang mga kalamidad at kaguluhan na nagaganap sa mundo. Ang pagiging batas ba ng RH Bill ba ay may maitutulong sa pagharap sa mga kalamidad at kaguluhang ito? Sa gitna ng kabi-kabilang kamatayan sa iba’t ibang panig ng bansa, mapapalitan ba ang ating populasyon sa pamamagitan ng contraceptives? Magpapadala ba ito ng relief goods sa mga nasalanta ng kalamidad? Ano ang laman ng mga bag na ipadadala nito, condom, pill, at IUD habang ang mga biktima ay walang makain o maisuot man lang? Pwede ba nilang gamiting panlamig ang condom? Maitatawid ba sila ng pill mula sa gutom? Mabibigyan ba sila ng bagong kabuhayan sa pamamagitan ng IUD? Ang kabaligtaran ang totoo. Mag-uubos ito ng bilyon-bilyong piso na aagawin mula sa mga biktima ng iba’t ibang pangyayari kaya marami sa kanila ay mamamatay habang ang pill at IUD naman ay patuloy din na pumapatay ng mga sanggol sa iba’t ibang panig ng bansa. Nalalarawan mo ba kung anong kinabukasan ang naghihintay sa atin?

Totoong nagtatangkang bumalik ang mga pang-aabuso ng nakaraang kasaysayan, at ito ay sa pamamagitan ng sapilitang pagpapasa ng panukalang batas na ito. Sa Estados Unidos kung saan nagmumula ang mga lasong ito, makikita sa video ang mga resulta ng tinatawag nilang Reproductive Health Policy.

2 Comments

  1. Axel said,

    Hello po. Just wanna ask if based po dito sa sagot ninyo, you’re defending on PRO SIDE which is dapat MANGIELAM ang simbahan sa pamahalaan, right? Walang halos bias, pwede niyo po bang i-defend sa akin na dapat HINDI makielam ang simbahan? bale po, I’m asking tyour opinion to ANTI SIDE naman po. Thank you so much!

    • vanillae said,

      I’m on the pro-life side, not the pro-RH side. Hindi ko sinasabi na dapat makialam ang Simbahan sa gawain ng gobyerno bilang gobyerno; ang sinasabi ko ay tungkulin ng Simbahan na iwasto ang mali, at ipagtanggol ang katotohanan sa pamamagitan ng pagtutol sa kasinungalingan. Ang RH Bill ay isa sa mga kasinungalingang ito na dapat salansangin ng lahat ng kumikilala sa katotohanan; hindi lamang ang Simbahan.

      I cannot give my opinion as a pro-RH because I am not one with them, although pwede kong sabihin kung ano ang stand nila base sa kanilang mga argumento. Ang totoo, walang ibang basehan ang mga pro-RH para sipain ang Simbahan palayo sa kanila kundi ang kini-claim nilang “separation of Church and State” na hindi naman nila naiintindihan. Ironically, sinasabi nilang dapat gawin ng Simbahan ang trabaho nito at hayaan ang gobyerno na gawin ang trabaho nito. Nagbubulag-bulagan sila sa katotohanan na ang pagtutol ng Simbahan sa RH Bill ay bahagi ng kanyang trabaho bilang sandigan ng katotohanan. Parurusahan ng Diyos ang buong Simbahan — mga pari at mga mananampalataya — kung mananahimik sila sa gitna ng mga bantang kitilin ang katotohanan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: