Salamat sa wala pa!

September 6, 2011 at 1:39 pm (Life, Thoughts)

Bakit kailangan nating magpasalamat para sa hindi pa natin natatanggap? Ang dahilan ay may tatlong bahagi, at ito ay ang mga sumusunod na paniniwalang Cristiano:

1. Ang Diyos ay pag-ibig.
2. Ang Diyos ay makapangyarihan.
3. Ang Diyos ay walang-hanggan.

Ang Diyos ay pag-ibig. Alam ng Diyos kung ano ang pinakamabuti para sa kanyang minamahal dahil ang lahat ng kanyang pagkilos ay dahil sa pag-ibig. Walang sinuman ang makapagsasabi na may kasalanan o pagkukulang man lang sa kanila ang Diyos, dahil bukod sa walang karapatan ang tao na humingi mula sa kanyang Manlilikha na para bang siya ay utusan niya, ang Diyos ay kusang nagkakaloob nang higit pa sa kayang hingin at naisin ng tao para sa kanyang sarili. Walang masamang nagmumula sa Diyos ng pag-ibig; lahat ay bilang pagpaparanas ng pagmamahal. Anuman ang ipahintulot ng Diyos na ating tanggapin at maranasan, ito ay bunga ng kanyang pag-ibig sa atin, at tiyak itong makabubuti kung atin lang kikilalanin ang tunay na kalikasan nito.

Ang Diyos ay makapangyarihan. Anuman ang loobin ng Diyos, ito ay nangyayari. Hindi siya tulad ng tao na bagamat maraming mabubuting intensyon ay madalas na walang kakayahang isakatuparan ang mga ito. 

Ang Diyos ay walang-hanggan. Sa mundo nating mga tao ay may oras at panahon; mayroong kahapon, bukas, at ngayon. Para sa Diyos, ang lahat ng panahon ay ngayon. Hindi siya lumikha “kanina” at magpapahinga “mamaya”. Kung sinasabi man na siya ay lumikha at nagpahinga, ginawa niya iyon sa iisang pagkakataon. Ito ay dahil wala siyang simula at katapusan; lagi lang siyang umiiral. Kaya niya tinatawag ang sarili na Ako Nga — I am He, the One who always exists. Mahirap man mahawakan ng isip ng tao ang konsepto ng kawalang-hanggan, ito ang katotohanan ng Diyos. Pero hindi rin naman ito napakaimposible para sa tao, dahil kahit ang pisikal na agham ay nagsasabing ang enerhiya ay walang simula kundi palagiang umiiral. 

At dahil sa Diyos ay wala ang konsepto ng panahon, lahat ng ginawa, ginagawa, at gagawin niya ay naganap, nagaganap, at magaganap sa iisang pagkakataon. Hindi pa man natin hinihingi ang isang pabor mula sa kanya, nagawa na niya ito, dahil nga tapos na niyang gawin ang lahat bagamat patuloy niya itong ginagawa sa kasalukuyan. Lahat ng dapat mong matanggap ay naibigay na niya, bagamat hindi mo pa natatanggap. Hindi ibig sabihin noon ay walang halaga ang pagdadasal. Habang tayo ay nananalangin, ang Diyos ay nakikinig at binibiyayaan tayo ayon sa kanyang kalooban, ang ginawa niyang pagsagot sa ating mga pagsamo ay nangyari na bago pa man natin ito isiping gawin, pero ginawa niya rin ito habang at pagkatapos ng ating panalangin. Kaya sinabi ni Jesus, “Anuman ang hingin ninyo sa pana­langin, sumampalataya kayo na natang­gap na ninyo at tatang­gapin ninyo.” Ito ay dahil naibigay na ng Diyos ang lahat ng dapat niyang ibigay sa atin. 

Ito ang mga dahilan kung bakit dapat nating pasalamatan ang hindi pa man natin natatanggap. Una, alam natin na gusto ng Diyos kung ano ang pinakamabuti para sa atin. Hindi na mahalaga kung ito ba ay naisip nating hingin o hindi; hindi na mahalaga kung umaayon ba o sumasalungat ito sa gusto nating hingin. Ang mahalaga ay ito ang kalooban ng Diyos at makasisiguro tayong maraming ulit na higit itong makabubuti para sa atin. Tama si San Pablo sa pagsasabing hindi tayo marunong manalangin nang tama, dahil hindi natin alam kung ano ang totoong makakabuti sa atin, pero ang espiritu na nakakikilala sa atin ang siyang tumutulong para itaas sa Diyos ang totoong laman ng ating puso. 

Ikalawa, ang dalisay nating panalangin ay laging pinakikinggan ng Diyos at may kakayahan siyang ipagkaloob ang lahat ng ito sa atin. Kaya sa saling Ingles ay may isang taong nagsabi kay Jesus, “Lord, if you will, you can…” “Kung gusto mo, magagawa mo.” At kung bukas tayo sa kalooban ng Diyos, hindi niya lang gugustuhing ipagkaloob ang hinihingi natin, gagawin niya ito. Tulad ng sagot niya sa nasabing tao, maririnig din natin ang sagot ni Jesus: “Gusto ko.” 

Ikatlo, dahil ang Diyos ay walang-hanggan, alam natin naibigay na niya sa atin ang lahat ng linoob niyang tanggapin natin. Dahil sa katotohanang ito kaya natin nagagawang manalangin nang may pananampalataya. Kung ang ating hinihingi ay naayon sa kanyang kalooban, sigurado na tayong ito ay ating matatanggap sa panahon ng Diyos. Kung hindi niya naman ito kalooban, nakasisiguro tayong mas mabuti pa dito ang matatanggap natin. 

Walang dahilan para isipin nating tayo ay pinagkaitan o hindi pinakikinggan ng Diyos. Sa napakaraming pagkakataon, tayo ang hindi nakikinig sa kanya dahil gusto nating ipilit ang gusto natin, na para bang lagi tayong mas magaling sa Diyos at siya ang laging may maling desisyon. Ang Diyos ay may sariling panahon o “timetable”. Kung mayroon man siyang ibibigay, hindi natin maaasahang matatanggap natin ito sa oras na gusto natin, pero makasisiguro tayo sa pagdating nito. Tulad nito ay isang kamag-anak na nasa ibang bansa na nagsabing, “Naipadala ko na.” Sa pagkakataong iyon, masasabi nating naibigay na niya ang dapat niyang ibigay, hindi pa nga lang natin natatanggap. “On the way,” sabi nga. Hindi naman tama na sabihin sa kanya, “Saka na ako magpapasalamat pag natanggap ko na yung package.” Nagpapasalamat na tayo sa nagbigay kahit wala pa. Ito ay dahil alam nating nagawa na niya ang bahagi niya. Ganun din ang Diyos. Mula sa kawalang-panahon ay naibigay na niya ang lahat ng nakatakda nating matanggap, bagamat sa mundo ng panahon ay hindi pa natin ito natatanggap. Tama lang na pasalamatan natin ang Diyos para sa mga bagay na wala pa dahil alam nating nagawa na niya ang kanyang bahagi.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: