Tunay na Pagkain o Maihahalintulad sa Tunay na Pagkain?

January 26, 2014 at 2:53 pm (Doctrinal) (, , )

Bilang paumpisa, hayaan nating si Jesus mismo ang magsabi nito mula sa sarili niyang bibig:

Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin.

Talaga bang pagkain ang laman ni Jesus, na pwedeng isubo, nguyain, at lunukin, at maging bahagi ng sarili nating katawan gaya ng pangkaraniwang pagkain? Hindi ito isang surpresa sa isip ng isang mananampalatayang Katoliko dahil nauunawaan niya ang paghahangad ng Diyos na makipag-isa sa bawat isa. Hindi Siya nag-alangan na maging tao para lang tubusin ang tao. Hindi rin Siya tumigil doon, sa halip ay ibinigay ang sarili bilang pagkain. Ito ay dahil ang pagkain ay nagiging bahagi ng kumakain dito. Sa ganung paraan, si Jesus ay nagiging bahagi ng ating katawan habang ang biyaya ng buhay na dulot Niya ay tinatanggap din natin sa pamamagitan ng pagkain ng parehong laman. Dahil din sa pakikibahagi natin sa iisang Katawan ni Cristo sa anyong tinapay, tayo ay nagiging mga bahagi ng Kanyang Katawang Mistiko, at tayong lahat ay nagiging isang Katawan. Ito mismo ang dalangin ni Jesus nung sinabi niya:

Ama, maging isa nawa silang lahat. Kung paanong ikaw ay nasa akin at ako’y nasa iyo, gayundin naman, maging isa nawa sila sa atin.

Si Jesus ang tunay na Tinapay na nagmula sa langit, at hindi siya nagbibiro o nagsasalita sa simbolikong paraan tungkol dito. Binigyan Niya ito ng diin bilang pagpapahayag kung gaano ito kaseryoso at kaimportante.

Pakatandaan ninyo: malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay.

Hindi ilalagay ni Jesus ang buhay ng sinuman sa panganib dahil sa pagpapahula kung ang sinasabi Niya ay dapat tanggapin sa literal nitong kahulugan o sa ibang “maaaring” kahulugan nito. Mula pa sa Lumang Tipan hanggang bago Siya bumalik sa Ama ay ipinakita ng Diyos kung gaano kahalaga ang laman ng Anak ng Tao bilang pagkain.

Si Jesus ay pari ayon sa pagkapari ni Melkisedek, at bahagi ng linyang ito ang pag-aalay ng tinapay at alak na lubusang matutupad sa pag-aalay ng Katawan at Dugo ni Cristo sa bawat Eukaristiya. Ang tinapay at alak ni Jesus ang inilalarawan ng tinapay at alak ni Melkisedek. Ito ang pinagtutularan, ang orihinal (archetype), ang mismong bagay na walang ibang tinutukoy kundi ang kanyang sarili. Ang tinapay at alak na tinatanggap sa Eukaristiya ay hindi naglalarawan kay Jesus o sa kanyang paghihirap kundi si Jesus mismo. Ito ang dahilan kung bakit sinasamba ang Banal na Eukaristiya sa bawat tabernakulo at sa pagtanggap nito sa Komunyon. Hindi ito katulad ng mga imahe ni Jesus, dahil ito mismo si Jesus — ang Tinapay na bumaba mula sa langit, na sinimbolo rin ng manna sa panahon ni Moises.

Ang Paskwa at ang Pista ng Tinapay na Walang Lebadura ay tumuturo din kay Jesus na siyang Tinapay. Iniutos ni Yahweh na ipagdiwang ito hanggang sa katapusan ng panahon. Ang katuparan ng Paskwa ay ang pagdiriwang ng Eukaristiya, kung saan iniaalay ang tunay na Kordero at kinakain ang tunay na Tinapay. Ang Lumang Tipan ay anino lamang ng darating, at si Jesus ang katuparan nito.

Ang pangalang Betlehem kung saan isinilang si Jesus ay nangangahulugang “Tahanan ng Tinapay”, at hindi ito nagkataon lang. Sina Jose at Maria ay taga-Nasaret pero si Maria ay inabutan ng panganganak sa Betlehem. Sa gayon ay natupad ang propesiya ni Propeta Mikas:

Ngunit kahit na pinakamaliit ka, Betlehem Efrata, sa mga angkan ng Juda, mula sa iyo ko ibabangon ang siyang mamumuno sa Israel.

Bahagi ng plano ng Diyos na ang Tinapay na mula sa langit ay maisilang sa Tahanan ng Tinapay. Ito ay upang bigyang-diin at patotoo na Siya ang tunay na Tinapay na dapat kainin ng mga magkakaroon ng buhay. Hindi Siya sinisimbolo ng tinapay kundi Siya mismo ang Tinapay.

Hindi humingi ng paumanhin si Jesus, o itinama man ang pagkaunawa ng Kanyang mga tagapakinig, noong sinabi Niya sa kanilang, “Ang sinumang kumakain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin.” Tama ang pagkaunawa nila, pero hindi ito matanggap ng kanilang katwiran. Iyon ay dahil hindi nila magawang maniwala nang lampas sa kaya nilang isipin o panghawakan. Ang konsepto ng pagkain sa laman ng isang tao ay lumalabag sa katwiran, at dahil hindi buo ang kanilang pananalig kay Jesus kaya hindi nila mapanghawakan ang katotohanan ng sinasabi Niya. Hindi naghabol o nagpaliwanag si Jesus sa mga naiskandalo sa kanyang mga salita. Sa halip ay kinuwestyon Niya ang kanilang pananampalataya: “Gaano pa kaya kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng Tao papunta sa dati niyang kinaroroonan?” Katulad ng pagkain sa laman ng Anak ng Tao, ang Kanyang pag-akyat sa Ama ay mahirap mahawakan ng isip. Kung sa sinabi pa lang Niya ngayon ay hindi na sila makapaniwala, gaano pa kaya sa mga susunod na mangyayari?

Isa si Judas Iscariote sa mga naiskandalo at nawalan ng pananalig kay Jesus dahil sa katuruang ito. Ang totoo, ito lamang ang nag-iisang doktrina ni Jesus na nagdulot ng pagkawala ng malaking bahagi ng Kanyang mga tagasunod. Hindi dahil nagkamali sila ng pagkaunawa, kundi dahil di talaga nila magawang maniwala dito. Malamang na ang marami sa kanila ay umalis na galit na galit dahil “naloko” sila at ngayon lang nila nahalata. Hindi malayong mangyari na marami sa mga galit na sumisigaw ng “Ipako siya sa krus,” ay dating mga sumusunod sa kanya. Hindi na nakakagulat ang galit nila kay Jesus dahil pakiramdam nila ay nauto sila, at dahil nag-invest sila sa Kanya ng panahon at pag-asa para lang makarinig ng kalokohan sa bandang huli.

Bago ginawa ni Judas ang “dapat” niyang gawin ay tinanggap niya muna at kinain ang tinapay na isinawsaw sa alak mula kay Jesus. Pagkatapos nito ay agad siyang umalis para isagawa ang kanyang plano. Mababasa natin na, “nang matanggap ni Judas ang tinapay, pumasok sa kanya si Satanas.” Ipinapakita nito ang pakikipag-isa ni Judas kay Satanas dahil sa hindi niya pagkilala sa Katawan ng Panginoon. Dito tayo binibigyang babala ni San Pablo:

Kaya siyasatin ng tao ang kan­yang sarili bago kumain ng tinapay at uminom sa kalis. Kung hindi, kina­kain niya at iniinom ang kanyang sariling hatol sa di niya pagkilala sa Katawan. Ito ang dahilan kayat mara­­mi sa inyo ang mahi­hina, at masasaktin, at ma­rami na rin ang humi­himlay.

Sa kwento ng dalawang disipulo na nanggaling sa Emmaus, binibigyang-diin din ng kasaysayan at ng Ebanghelista kung saang bahagi ng pakikipag-usap nila kay Jesus nabuksan ang kanilang mga mata para makilala Siya. Matagal nila Siyang kausap, at ipinaliwanag pa Niya sa kanila ang mga Kasulatan, “simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta,” pero hindi nila Siya doon nakilala.

Nang siya’y kasalo na nila sa pagkain, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos; pagkatapos, pinagpira-piraso iyon at ibinigay sa kanila. Noon nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila si Jesus, subalit siya’y biglang nawala sa kanilang paningin.

Ang pagkakilala nila at hindi pagkakilala kay Jesus ay hindi resulta ng mahinang mata o mahinang memorya. Sa umpisa pa lang ay sinabi na ng sumulat na, “siya’y hindi nila nakilala na para bang natatakpan ang kanilang mga mata.” At sa bandang huli ay sinuguro ni San Lukas na mahahagip ng bumabasa ang kanyang punto nung sinabi niyang, “Noon nabuksan ang kanilang mga mata.” Ang salitang “noon” ay tumutukoy sa pagpipira-piraso ni Jesus sa tinapay at pagbibigay sa kanila. Sa madaling salita, nakilala nila Siya sa paghahati-hati ng tinapay. Nandun Siya at doon may nangyayaring himala. [Isa pang paghahanda para ituro ang doktrina ng Eukaristia ay ang pagpaparami ng tinapay.]

Dito rin natin nakikita, nakikilala, at tinatanggap si Jesus — sa pagpipira-piraso ng tinapay o sa Eukaristiya. Nauunawaan natin ang tinapay at alak dito ay hindi lamang simbolo ng katawan at dugo ni Cristo, kundi si Cristo mismo — ang tunay na Pagkaing nagmula sa langit.

Sa mas marami pang bahagi ng Kasulatan at sa katuruan ng mga Ama ng Simbahan ay makikita natin kung gaano kadakila ang katotohanang ito.

Permalink 1 Comment

Banal na Eukaristiya at Sakripisyo sa Krus

January 23, 2014 at 12:35 am (Doctrinal) (, , , , )

Halos lahat ng di-Katolikong Cristiano ay nagkakamali sa pag-unawa tungkol sa relasyon ng Banal na Eukaristiya o Misa at ng Sakripisyo sa Krus ng Kalbaryo. Inaakala nilang ang Misa ay isang dagdag na aral ng Simbahan na lumalabag sa konsepto ng pagliligtas ni Jesucristo sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa Krus nang minsanan para sa lahat.

Hindi natin mapipilit ang iba na maniwala sa ating sasabihin dahil ang paniniwala ay madalas na mahirap baguhin. Ang taong nagtatangkang tumalikod sa sariling paniniwala ay dumadaan sa kamatayan ng sarili. Ito ay hindi isang madaling karanasan, at hindi rin madadaan sa pilit. Ganun pa man, bilang mga Katoliko, kailangan nating itama kung anuman ang hindi wasto sa personal nating paniniwala, dahil iisa lang ang katotohanan at kailangan nating maging tapat dito sa lahat ng oras. Alam natin kung saan matatagpuan ang katotohanan dahil iisa lang ang Simbahan na siyang haligi at saligan nito.

Ang pasyon o pagpapakasakit ng Panginoon, ang kanyang kamatayan, at muling pagkabuhay ay isang kaganapan sa dimensyon ng panahon at lugar. Minsanan lang itong nangyari at hindi na kailangang ulitin pa. Ito ang pinaniniwalaan natin, hindi lang dahil sinabi ng mga Apostol, kundi dahil alam natin na ang Diyos ay walang-hanggan at ang pagka-Diyos ni Jesus ay kumikilos sa kawalang-hanggan. Ang pagpapakasakit na kanyang ginawa, bagamat nasasakupan ng panahon, ay patuloy na nagaganap sa harapan ng Diyos na siyang Hukom ng lahat. Anupa’t si Jesus ay nakikita sa langit bilang, “isang Korderong nakatayo na ang anyo ay tulad sa pinatay na.” Bagamat buhay, patuloy niyang iniaalay ang sarili bilang pinatay na tupa. Hindi masusukat ng isip ang ganitong pag-ibig sa atin ng Diyos, pero ang magagawa na lang natin ay magpasalamat sa lahat ng oras at pagkakataon. Kung si Jesus ay hindi Diyos, maging ang sarili niya ay hindi niya magagawang iligtas mula sa kasalanan. Pero dahil siya ay Diyos, nagawa niyang ialay ang kanyang kabuuan, hindi bilang Diyos sa harapan ng Ama, kundi bilang kasalanan para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan.

Ang Banal na Eukaristiya ay Sakramentong itinatag ni Jesus sa huling hapunan bago siya pumasok sa Kanyang pasyon. Ito ang kaganapan ng hula ni Propeta Malakias: “At ngayon, mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw, dinadakila ng mga bansa ang aking Pangalan. Kahit saa’y nasusunog ang insenso bilang dalisay na alay sa aking Pangalan.” Walang ibang dalisay at katanggap-tanggap na alay kundi ang pag-aalay ni Jesucristo ng Kanyang sariling buhay. Hindi ito mahihigitan ng anumang panalangin at papuri ng pinakabanal na tao. Bagamat minsanan lang nangyari ang kamatayan ni Jesus, ito ay nagaganap “mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw” at sa lahat ng bansa. Iyon ay sa pamamagitan ng Banal na Eukaristiya, kung saan ang Sakripisyo ni Jesus ay naisasangayon o dinadala sa kasalukuyan mula sa kawalang-hanggan. Ang paring nangunguna sa pag-aalay ng Sakripisyo ay kumakatawan kay Jesus na siya ring nagsilbing Dakilang Saserdote habang iniaalay ang Kanyang sarili sa Krus na altar. Sa pamamagitan din ng Eukaristiya natutupad ang sinabi ni Jesus na, “sasambahin ninyo ang Ama hindi na sa bundok na ito o sa Jerusalem,” dahil ang pinakamataas na uri ng pagsamba sa paningin ng Diyos ay magaganap sa lahat ng bansang naghahandog ng Sakripisyo ni Jesus. Dito natin mauunawaan na kailangang gawin araw-araw ang pag-aalay na ito, hindi bilang pag-uulit kundi bilang pagsasangayon. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ng Panginoon, “Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” At ipinaliwanag sa atin ni Apostol Pablo kung bakit natin ito dapat gawin: “Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kopang ito, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang muling pagparito.” Ang pagpapahayag na ito ang tinatawag nating “pagsasangayon”. Hindi ito katulad ng pag-alala o pagbabalik sa isip ng isang nakalipas na pangyayari; ito ay isang aktwal na karanasan ng katotohanan. Sa pakikibahagi sa Eukaristiya ay totoong iniaalay natin si Jesus sa Ama kung paanong inialay Niya ang sarili sa Kalbaryo. “Ganyan ang uri ng pagsambang ninanais ng Ama,” at hindi natin ito kailangang gawin sa Jerusalem o sa bundok ng mga Samaritano. Ito ang ginagawa ng mga Cristiano mula pa noong panahon ng mga Apostol, kung saan “araw-araw silang nagsasama-sama nang matagal sa Templo, at sa kanilang mga tahanan din sa paghahati ng tinapay.” Sa pamamagitan nito, dinadakila ng mga bansa ang pangalan ng Diyos.

Sa huli, tanging sa Eukaristiya lamang maaaring matupad ng isang disipulo ang turo ng Panginoon tungkol sa pagkain sa Kanyang laman na siyang tunay na Tinapay na nagmula sa langit. Tungkol dito ay sinabi Niya, “Pakatandaan ninyo: malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay…Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin.” Alam ni Jesus na marami ang maiiskandalo dahil sa katotohanang ito, pero hindi siya pwedeng magsinungaling para sa kanila. Sila ang kailangang mamili kung tatanggapin nila nang buo ang mga salita ng Panginoon o mas pipiliin nilang hindi maniwala.

Permalink Leave a Comment