Ang nagkasala ang dapat mamatay.

December 31, 2014 at 9:45 am (Doctrinal) (, , , , , )

Hinihingi ng katarungan na kung sino ang nagkasala ay siya dapat ang maparusahan. Sa pamamagitan ni Propeta Ezekiel ay sinabi ng Panginoon,

Ang nagkasala ang dapat mamatay. Hindi papananagutin ang anak sa pagkakasala ng ama, ni ang ama sa pagkakasala ng anak.

Pero alam natin na si Cristo ay namatay dahil sa ating mga kasalanan, at tila hindi ito umaayon sa hinihingi ng katarungan. Paano ito naging posible?

Dapat nating maunawaan ang katotohanang iisang Tao lang ang ginawa ng Diyos, at tinawag niya itong Adan na ang ibig sabihin nga ay Tao. Si Eba ay hindi panibagong Tao na walang kinalaman kay Adan kundi bahagi ng kanya mismong katawan. Nasa katawan na ni Adan si Eba bago pa man siya bigyan ng sariling kaluluwa o persona. Sina Adan at Eba, bagamat dalawang persona ay iisang katawan. Ganun din naman, ang lahat ng mga taong isinilang, gaano man tayo karami ay nagmula rin kay Adan at hindi nilikhang bukod sa kaniya. Ito ay dahil nilikha tayong kawangis ng Diyos. Ang iisang Diyos ay may tatlong Persona. Ang Ama ang pinagmulan ng lahat, ang Anak ay isinilang ng Ama mula sa kawalang-hanggan, habang ang Espiritu Santo ay nagmula sa Ama at sa Anak. Si Adan ang pinagmulan ng lahat ng tao, si Eba ay direktang nagmula kay Adan, at ang lahat ng mga sumunod ay nagmula sa kanilang dalawa. Kung paanong nananatiling iisa ang Diyos, nananatili rin iisa ang Tao bagamat maraming persona.

Kaya nilikha ng Diyos ang tao na kanyang larawan; larawan ng Diyos, siya ay kanyang nilikha; nilikha niya silang lalaki at babae.

Dahil dito kaya naging posible para sa Anak ng Diyos na mamatay para sa mga nagkasala. Ang ikalawang Persona ng Diyos ay naging isang Persona ng Tao. Sa kanyang pagiging Anak ng Tao, siya ay naging makasalanan sa harap ng Diyos: “Ginawa siya ng Diyos na parang kasala­nan” (2 Corinto 5:21). Bagamat walang ginawang kasalanan, siya ay itinuring na nagkasala dahil naging bahagi siya ng makasalanang Adan, at dahil doon ay nararapat na mamatay: “Namamatay ang lahat na sumakay-Adan” (1 Corinto 15:22). Kung si Jesus ay nilikhang tao na hiwalay kay Adan, hindi magiging makatarungan ang Diyos sa pagtanggap sa pag-aalay niya ng buhay, Pero dahil ang Anak ng Diyos at ang nagkasalang Adan ay naging iisang kalikasan, ang kamatayan ni Cristo ay naging kamatayan ni Adan at naibigay nito ang hinihingi ng katarungan.

Advertisements

Permalink 1 Comment

Present ba si Jesus sa Christmas Party ninyo?

December 22, 2014 at 7:55 pm (Commentary, Thoughts) (, , , , )

Mali bang magkaroon ng Christmas party? Kung maling ipagdiwang ang pagkakatawang-tao ng Diyos at pananahan niya sa piling natin, magiging mali talaga ang Christmas party. Sa kabaligtaran, ang kawalan ng pakialam sa katotohanang ng kanyang pagsilang ang siyang mali. Ang malungkot na katotohanan lang ay nag-o-organize tayo ng mga Christmas party pero hindi para sa tamang dahilan. Totoo ang sitwasyong ito sa ating mga Pilipino na nasanay na lang na may Pasko. Para sa marami sa atin, ito ay araw ng mga bata; para sa iba, ito ay panahon ng pagbibigayan. May mga nagsasabi din na ito ay kaarawan ni Jesus. Pero pagdating ng mismong event, walang Jesus na naririnig. Walang nagsasalita tungkol sa kanya. Walang nagdarasal at nagpapasalamat para sa magaganap na pagdiriwang at para sa dahilan ng pagdiriwang.

Ano nga bang halaga ng pagsilang ni Jesus? Una ay dapat nating alamin at alalahanin na si Jesus ay hindi pangkaraniwang tao. Siya ang dahilan ng pag-iral nating lahat; ng mga bagay na nakikita at di-nakikita. Siya ang simula at kahihinatnan ng buhay natin. Siya ang Makapangyarihang Diyos na noong una ay hindi posibleng makita; walang simula at walang katapusan; ang pinagmumulan ng lahat ng mayroon tayo ngayon, kasama na ang sarili nating buhay at kasiyahan. Siya ang nagbibigay sa atin ng lakas, ang nagkakaloob ng pagkain natin araw-araw, ang nagdadala sa atin sa dapat natin patunguhan, ang dahilan kung bakit may kaaliwan sa kabila ng mga suliranin.

Pangalawang higit nating dapat malaman at pasalamatan ay ang katotohanang naging tao ang Diyos para ibalik ang buhay na nawala sa atin bunga ng sarili nating kasalanan. Kung hindi nagkatawang-tao si Jesus, bawat isa sa atin ay nakatakdang gugulin sa walang-hanggang kaparusahan ang kanyang pag-iral. Ang parusang tinanggap niya, ang mga hampas at sugat na natamo niya, ang pagkapako sa kaniya sa krus at ang kahiya-hiya niyang kamatayan ay sentensya na dapat ay para sa atin. Isinilang siya at nabuhay sa mundo para mamatay. Habang tayo dito sa mundo ay laging naghahanap ng ginhawa at nagrereklamo sa discomfort, ang Hari ng langit at lupa ay nakibahagi sa ating abang kalagayan at inako ang lahat ng sakit at pagdurusa na tayo dapat ang magdaranas.

Kung mayroon man buhay na higit na dapat ipagdiwang at pagnilayan, iyon ay ang buhay ni Jesus na Hari nating lahat: ang kanyang pagsilang, pakikisalamuha sa tao, pangangaral, pagbibigay ng perpektong halimbawa,  pagpapakasakit, kamatayan, at muling pagkabuhay. Lahat ng ito ay naganap dahil sa sobra-sobrang pagmamahal niya sa tao. Ang salitang “sobra-sobra” sa kontekstong ito ay hindi eksaherasyon kundi katotohanan. Tanging ang Diyos ang totoong nag-uumapaw sa pag-ibig, ano pa’t iniwan niya ang karangalan ng pagiging Diyos at naging alipin para lang hindi tuluyang mawala ang tao. Huwag sanang mangyari na magdiwang tayo ng Pasko na wala si Cristo

Permalink Leave a Comment

Ipinagbabawal ba ang pag-aasawa at ilang uri ng pagkain?

December 12, 2014 at 6:55 pm (Apologetics)

Hindi man kapatol-patol ang kababawan ng mga nagsasabing ang Simbahang Katoliko ang tinutukoy sa sulat ni Apostol Pablo kay Timoteo, sasagutin  ko ito alang-alang sa mga taong posibleng malinlang ng ganitong mga pahayag. Ganito ang sinasabi sa sulat (1 Timoteo 4:1-3):

Maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa mga huling pana­hon, may tatalikod sa pananampalataya upang sumunod sa mga espiritung mapanlinlang at sa mga aral ng demonyo. Manggagaling ang mga aral na ito sa mga taong mapagkunwari na tinatakan ng apoy sa kanilang kalooban. Ipagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang pagkain na nilikha ng Diyos para tanggapin at ipagpasalamat ng mga naniniwala at nakakakilala sa katoto­hanan.

Kailan ba ang tinutukoy na mga huling araw? Ganito ang sinasabi ni Apostol Juan: “Minamahal na mga anak, ito ang huling oras. Natutuhan ninyo na lilitaw ang Anti-Kristo at maraming antikristo ang nakita na. Sa gayon alam natin na ito ang huling oras” (1 Juan 2:18). Sa sulat sa Hebreo ay ganito naman ang sinasabi: “Noong una, nagsalita ang Diyos sa ating mga ninuno sa tulong ng mga propeta sa baha-bahagi at sari-saring paraan, ngunit ngayon sa mga huling araw, nagsa­lita siya sa atin sa pamamagitan ng Anak” (Hebreo 1:2). Sa kontekstong ng mga pahayag na ito ay makikita na ang simula ng “mga huling araw” ay minarkahan ng pagdating ng Anak ng Tao. Ito ay magtatapos sa muling pagbalik ng Panginoon bilang Hukom. Sinumang mag-angkin ng pagiging huling sugo o mensahero ng Diyos, at magpahiwatig na ang kanyang pagdating sa mundo ay simula ng mga huling araw, ay umaangkin sa posisyon ni Cristo mismo. Siya ay sinungaling at anti-Cristo.

May mga tumalikod ba sa pananampalataya kahit noong panahon pa lang ng mga apostol? Oo. Kaya sinabi ni Apostol Juan na “maraming antikristo ang nakita na”. Ang mga katulad nila ang tinutukoy ni Apostol Pablo na lilitaw pa sa mga susunod na panahon. Isa sa mga kilalang heretikong sekta na lumitaw pagkatapos ng panahon ng mga apostol ay ang Marcionismo. Ipinagbabawal nito sa mga myembro ang pag-aasawa. Tanging mga walang asawa ang binibinyagan niya, at ang iba ay nananatiling katekumeno. Ito ay dahil, para kay Marcion, ang materyal na bagay at ang laman ay kahamak-hamak at nagmula sa mababang diyos o “demiurge”.

Sa kabilang banda, ang celibacy o di pag-aasawa ay hindi hinihingi ng pagiging Katoliko. Ang mga may asawa ay dapat mananatiling may asawa, at ang walang asawa ay maaaring mag-asawa ayon sa kagustuhan nila, kung sila ay nasa wastong edad at kalagayan. Bukod pa roon, kinikilala ng Simbahang Katoliko ang katotohanang ang pag-aasawa ay itinaas ni Cristo sa dignidad ng sakramento. Ibig sabihin ay may espesyal na grasyang dumadaloy sa buhay ng lalaki at babae dahil sa kanilang kasal. Ang biyayang ito ay tumutulong sa kanila para magawa nang may buong kabanalan — naaayon sa kalooban ng Diyos — ang kanilang mga tungkulin bilang mag-asawa at mga magulang. Kaya kung iisipin ay kakatwa ang ibinibintang ng mga bagong litaw na sekta laban sa apostolikong Simbahan na pinili nilang huwag kilalanin.

Ang di pag-aasawa ng mga pari, mga madre, at mga nabibilang sa relihiyosong orden ay hindi iniutos sa kanila kundi kusang-loob nilang panata alang-alang sa Kaharian ng Diyos. Tulad ng kasal, ang pagpili sa ganitong estado ng buhay ay di dapat ipinilit kundi bunga ng personal at malayang desisyon. Hindi ito maituturing na pagbabawal. Ang totoo, kinikilala ni Jesus ang kabayanihang ito: “May iba ring tuma­likod sa pag-aasa­wa alang-alang sa kaha­rian ng Langit.” At siya mismo ang nagbigay ng panuntunan tungkol sa ganitong pagpapasya: “Tanggapin ito ng puwe­deng tumanggap” (Mateo 19:12). Si Pablo naman ang nagpaliwanag tungkol sa praktikalidad ng di pag-aasawa: “Mga bagay ng Panginoon ang inaalaala ng wa­lang asawa at kung paano niya bibigyang-kasi­yahan ang Panginoon. Mga bagay ng mundo naman ang inaalaala ng may-asawa at kung paano niya bibigyang-kasiyahan ang asawa, at siya’y nahahati” (1 Corinto 7:32). Sa bandang huli ay sinabi niyang mas mabuti ang pinili ng hindi nag-aasawa.

Tungkol naman sa pagkain, gaano man kakatwa ang mga argumento ay hindi nagdadalawang-isip na magbuka ng bibig ang mga nagsasabing ang Simbahang Katoliko daw ang tinutukoy ni Apostol Pablo na nagbabawal sa ilang uri ng pagkain. Una sa lahat, ang Simbahan ay walang ipinagbabawal na anumang uri ng pagkain. Ang totoo pa nga niyan, marami sa mga nagtatapon ng akusasyong ito ay sila talagang hindi pinahihintulutang kumain na ayon sa gusto nilang kainin. Ang pagbabawal na ito ay may kinalaman sa pagtuturing sa ilang pagkain bilang marumi. Nangangahulugang walang anumang araw na pinapayagang kainin ang anumang ipinagbabawal. Ang isang halimbawa nito sa panahon natin ay yung mga nagbabawal sa mga myembro na kumain ng anumang luto ng dugo, gamit ang desisyon ng Konsilyo ng Jerusalem para bigyang-katwiran ang kanilang pagbabawal. Si Pablo na rin ang nagsabi na ang mga kinakain natin ay “nilikha ng Diyos para tanggapin at ipagpasalamat ng mga naniniwala at nakakakilala sa katoto­hanan.” Ang pag-ampon ng Batas Judio, tungkol sa pagkain, para sa mga Cristianong Hentil ay hinihingi lamang ng pagkakataon, “sapagkat noon pa mang una’y itinuturo na si Moises sa bawat lunsod at ipinahahayag sa mga sinagoga tuwing Araw ng Pahinga” (Gawa 15:21). Ang iniiwasan ng utos na ito mula sa mga apostol at matatanda ay ang pagkatisod ng mga Cristianong Judio na maaaring maiskandalo kung makikita nila ang mga Hentil na kumakain ng mga pagkaing may kaugnayan sa pagsamba sa diyos-diyosan. Tungkol dito, ang prinsipyo ng Apostol Pablo ay, “Kung pagkain ang maka­kapag­pa­tumba sa aking kapatid, kailanma’y di ako kakain ng karne upang huwag matisod ang aking kapatid” (1 Corinto 8:13). Ang paninindigang ito ay walang kinalaman sa kung dapat ba o hindi dapat kainin ang isang pagkain, kundi alang-alang sa pag-ibig sa kapatid. Alam ni Pablo na “hindi pagkain ang naglalapit sa atin sa Diyos” (1 Corinto 8:8), tulad din naman ni Jesus na nagsabing, “Hindi ang pumapasok sa bibig ang nakapagpaparumi sa tao kundi ang lumalabas sa bibig ang naka­pagpaparumi sa tao.” (Mateo 15:11).

Ang abstinence o di pagkain ng karne tuwing Kuwaresma, Byernes Santo, at lahat ng Byernes ng taon maliban kung may kapistahan, ay isang uri ng penance o paglimot sa sarili. Layunin nitong bigyang-karangalan ang paghihirap ng Panginoon sa Krus ng kaligtasan, at magbayad-puri sa sariling mga kasalanan at sa kasalanan ng mundo. May mga nagsasabing sapat na ang pagpapakasakit at kamatayan ni Jesus, kaya hindi na kailangang magpakasakit pa ang kanyang mga tagasunod. Pero matatawag bang “tagasunod” ang hindi tumutulad sa sinusundan? Sinabi ni Jesus, “Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sa­pagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang mawa­walan nito ngunit ang naghahangad na mawa­lan ng sarili alang-alang sa akin ang makaka­tagpo nito” (Mateo 16:24-25). Si Jesus ay nagtakwil ng kanyang sarili at tinanggap ang krus — ang paghihirap at kamatayan — kaya dapat lang na ito rin ang gawin ng mga susunod sa kanya. Sa ganung paraan lang matatagpuan ng tao ang kanyang sarili.

Ito ang leksyon na nakuha natin sa palaro, ayon kay Apostol Pablo: “Kung may karera, tuma­takbo ang lahat ngunit iisa ang nag­kakamit ng premyo. Kaya nga tumakbo kayo upang magkamit. Lubu­sang nagpipigil sa sarili ang atletang nagpupunyagi alang-alang sa koronang nalalaos; at di-nalalaos naman ang maka­kamtan natin. Hinihigpitan ko ang aking katawan at inaalipin ko ito at baka naman ako pang nangaral sa iba ang bumagsak.” (1 Corinto 9:24-25.27). Ganito naman ang sinasabi ni Pablo sa mga taong kaaway ng Krus na ayaw sumunod sa pagpapakasakit ni Cristo, sa halip ay nagsasabing hindi ito kailangan: “Papunta sila sa kapa­ha­makan: ang tiyan nila ang kanilang diyos” (Filipos 3:19). Hindi sumasang-ayon si Apostol Pablo sa sinasabi nilang sapat na ang pagpapakasakit ni Cristo at wala na silang kailangang gawin. Ayon sa Apostol, “Ang kulang sa mga paghihirap ni Kristo ay pinu­punan ko sa aking laman alang-alang sa kanyang katawan, ang Iglesya” (Colossas 1:24).

Hindi bunga ng kababawan o pagiging gaya-gaya ang mga disiplina ng Simbahan, ito ay minana niya sa mga apostol at mas pinagbubuti habang lumilipas ang mga panahon.

Permalink Leave a Comment