Ipinagbabawal ba ang pag-aasawa at ilang uri ng pagkain?

December 12, 2014 at 6:55 pm (Apologetics)

Hindi man kapatol-patol ang kababawan ng mga nagsasabing ang Simbahang Katoliko ang tinutukoy sa sulat ni Apostol Pablo kay Timoteo, sasagutin  ko ito alang-alang sa mga taong posibleng malinlang ng ganitong mga pahayag. Ganito ang sinasabi sa sulat (1 Timoteo 4:1-3):

Maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa mga huling pana­hon, may tatalikod sa pananampalataya upang sumunod sa mga espiritung mapanlinlang at sa mga aral ng demonyo. Manggagaling ang mga aral na ito sa mga taong mapagkunwari na tinatakan ng apoy sa kanilang kalooban. Ipagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang pagkain na nilikha ng Diyos para tanggapin at ipagpasalamat ng mga naniniwala at nakakakilala sa katoto­hanan.

Kailan ba ang tinutukoy na mga huling araw? Ganito ang sinasabi ni Apostol Juan: “Minamahal na mga anak, ito ang huling oras. Natutuhan ninyo na lilitaw ang Anti-Kristo at maraming antikristo ang nakita na. Sa gayon alam natin na ito ang huling oras” (1 Juan 2:18). Sa sulat sa Hebreo ay ganito naman ang sinasabi: “Noong una, nagsalita ang Diyos sa ating mga ninuno sa tulong ng mga propeta sa baha-bahagi at sari-saring paraan, ngunit ngayon sa mga huling araw, nagsa­lita siya sa atin sa pamamagitan ng Anak” (Hebreo 1:2). Sa kontekstong ng mga pahayag na ito ay makikita na ang simula ng “mga huling araw” ay minarkahan ng pagdating ng Anak ng Tao. Ito ay magtatapos sa muling pagbalik ng Panginoon bilang Hukom. Sinumang mag-angkin ng pagiging huling sugo o mensahero ng Diyos, at magpahiwatig na ang kanyang pagdating sa mundo ay simula ng mga huling araw, ay umaangkin sa posisyon ni Cristo mismo. Siya ay sinungaling at anti-Cristo.

May mga tumalikod ba sa pananampalataya kahit noong panahon pa lang ng mga apostol? Oo. Kaya sinabi ni Apostol Juan na “maraming antikristo ang nakita na”. Ang mga katulad nila ang tinutukoy ni Apostol Pablo na lilitaw pa sa mga susunod na panahon. Isa sa mga kilalang heretikong sekta na lumitaw pagkatapos ng panahon ng mga apostol ay ang Marcionismo. Ipinagbabawal nito sa mga myembro ang pag-aasawa. Tanging mga walang asawa ang binibinyagan niya, at ang iba ay nananatiling katekumeno. Ito ay dahil, para kay Marcion, ang materyal na bagay at ang laman ay kahamak-hamak at nagmula sa mababang diyos o “demiurge”.

Sa kabilang banda, ang celibacy o di pag-aasawa ay hindi hinihingi ng pagiging Katoliko. Ang mga may asawa ay dapat mananatiling may asawa, at ang walang asawa ay maaaring mag-asawa ayon sa kagustuhan nila, kung sila ay nasa wastong edad at kalagayan. Bukod pa roon, kinikilala ng Simbahang Katoliko ang katotohanang ang pag-aasawa ay itinaas ni Cristo sa dignidad ng sakramento. Ibig sabihin ay may espesyal na grasyang dumadaloy sa buhay ng lalaki at babae dahil sa kanilang kasal. Ang biyayang ito ay tumutulong sa kanila para magawa nang may buong kabanalan — naaayon sa kalooban ng Diyos — ang kanilang mga tungkulin bilang mag-asawa at mga magulang. Kaya kung iisipin ay kakatwa ang ibinibintang ng mga bagong litaw na sekta laban sa apostolikong Simbahan na pinili nilang huwag kilalanin.

Ang di pag-aasawa ng mga pari, mga madre, at mga nabibilang sa relihiyosong orden ay hindi iniutos sa kanila kundi kusang-loob nilang panata alang-alang sa Kaharian ng Diyos. Tulad ng kasal, ang pagpili sa ganitong estado ng buhay ay di dapat ipinilit kundi bunga ng personal at malayang desisyon. Hindi ito maituturing na pagbabawal. Ang totoo, kinikilala ni Jesus ang kabayanihang ito: “May iba ring tuma­likod sa pag-aasa­wa alang-alang sa kaha­rian ng Langit.” At siya mismo ang nagbigay ng panuntunan tungkol sa ganitong pagpapasya: “Tanggapin ito ng puwe­deng tumanggap” (Mateo 19:12). Si Pablo naman ang nagpaliwanag tungkol sa praktikalidad ng di pag-aasawa: “Mga bagay ng Panginoon ang inaalaala ng wa­lang asawa at kung paano niya bibigyang-kasi­yahan ang Panginoon. Mga bagay ng mundo naman ang inaalaala ng may-asawa at kung paano niya bibigyang-kasiyahan ang asawa, at siya’y nahahati” (1 Corinto 7:32). Sa bandang huli ay sinabi niyang mas mabuti ang pinili ng hindi nag-aasawa.

Tungkol naman sa pagkain, gaano man kakatwa ang mga argumento ay hindi nagdadalawang-isip na magbuka ng bibig ang mga nagsasabing ang Simbahang Katoliko daw ang tinutukoy ni Apostol Pablo na nagbabawal sa ilang uri ng pagkain. Una sa lahat, ang Simbahan ay walang ipinagbabawal na anumang uri ng pagkain. Ang totoo pa nga niyan, marami sa mga nagtatapon ng akusasyong ito ay sila talagang hindi pinahihintulutang kumain na ayon sa gusto nilang kainin. Ang pagbabawal na ito ay may kinalaman sa pagtuturing sa ilang pagkain bilang marumi. Nangangahulugang walang anumang araw na pinapayagang kainin ang anumang ipinagbabawal. Ang isang halimbawa nito sa panahon natin ay yung mga nagbabawal sa mga myembro na kumain ng anumang luto ng dugo, gamit ang desisyon ng Konsilyo ng Jerusalem para bigyang-katwiran ang kanilang pagbabawal. Si Pablo na rin ang nagsabi na ang mga kinakain natin ay “nilikha ng Diyos para tanggapin at ipagpasalamat ng mga naniniwala at nakakakilala sa katoto­hanan.” Ang pag-ampon ng Batas Judio, tungkol sa pagkain, para sa mga Cristianong Hentil ay hinihingi lamang ng pagkakataon, “sapagkat noon pa mang una’y itinuturo na si Moises sa bawat lunsod at ipinahahayag sa mga sinagoga tuwing Araw ng Pahinga” (Gawa 15:21). Ang iniiwasan ng utos na ito mula sa mga apostol at matatanda ay ang pagkatisod ng mga Cristianong Judio na maaaring maiskandalo kung makikita nila ang mga Hentil na kumakain ng mga pagkaing may kaugnayan sa pagsamba sa diyos-diyosan. Tungkol dito, ang prinsipyo ng Apostol Pablo ay, “Kung pagkain ang maka­kapag­pa­tumba sa aking kapatid, kailanma’y di ako kakain ng karne upang huwag matisod ang aking kapatid” (1 Corinto 8:13). Ang paninindigang ito ay walang kinalaman sa kung dapat ba o hindi dapat kainin ang isang pagkain, kundi alang-alang sa pag-ibig sa kapatid. Alam ni Pablo na “hindi pagkain ang naglalapit sa atin sa Diyos” (1 Corinto 8:8), tulad din naman ni Jesus na nagsabing, “Hindi ang pumapasok sa bibig ang nakapagpaparumi sa tao kundi ang lumalabas sa bibig ang naka­pagpaparumi sa tao.” (Mateo 15:11).

Ang abstinence o di pagkain ng karne tuwing Kuwaresma, Byernes Santo, at lahat ng Byernes ng taon maliban kung may kapistahan, ay isang uri ng penance o paglimot sa sarili. Layunin nitong bigyang-karangalan ang paghihirap ng Panginoon sa Krus ng kaligtasan, at magbayad-puri sa sariling mga kasalanan at sa kasalanan ng mundo. May mga nagsasabing sapat na ang pagpapakasakit at kamatayan ni Jesus, kaya hindi na kailangang magpakasakit pa ang kanyang mga tagasunod. Pero matatawag bang “tagasunod” ang hindi tumutulad sa sinusundan? Sinabi ni Jesus, “Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sa­pagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang mawa­walan nito ngunit ang naghahangad na mawa­lan ng sarili alang-alang sa akin ang makaka­tagpo nito” (Mateo 16:24-25). Si Jesus ay nagtakwil ng kanyang sarili at tinanggap ang krus — ang paghihirap at kamatayan — kaya dapat lang na ito rin ang gawin ng mga susunod sa kanya. Sa ganung paraan lang matatagpuan ng tao ang kanyang sarili.

Ito ang leksyon na nakuha natin sa palaro, ayon kay Apostol Pablo: “Kung may karera, tuma­takbo ang lahat ngunit iisa ang nag­kakamit ng premyo. Kaya nga tumakbo kayo upang magkamit. Lubu­sang nagpipigil sa sarili ang atletang nagpupunyagi alang-alang sa koronang nalalaos; at di-nalalaos naman ang maka­kamtan natin. Hinihigpitan ko ang aking katawan at inaalipin ko ito at baka naman ako pang nangaral sa iba ang bumagsak.” (1 Corinto 9:24-25.27). Ganito naman ang sinasabi ni Pablo sa mga taong kaaway ng Krus na ayaw sumunod sa pagpapakasakit ni Cristo, sa halip ay nagsasabing hindi ito kailangan: “Papunta sila sa kapa­ha­makan: ang tiyan nila ang kanilang diyos” (Filipos 3:19). Hindi sumasang-ayon si Apostol Pablo sa sinasabi nilang sapat na ang pagpapakasakit ni Cristo at wala na silang kailangang gawin. Ayon sa Apostol, “Ang kulang sa mga paghihirap ni Kristo ay pinu­punan ko sa aking laman alang-alang sa kanyang katawan, ang Iglesya” (Colossas 1:24).

Hindi bunga ng kababawan o pagiging gaya-gaya ang mga disiplina ng Simbahan, ito ay minana niya sa mga apostol at mas pinagbubuti habang lumilipas ang mga panahon.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: