Ang Kapurihan ng Tao

March 30, 2016 at 11:26 pm (Reflections)

Kung iisipin, ang kagandahan ng araw ay lalong nakikilala hindi dahil solong-solo niya ito kundi dahil ipinahahayag ito ng mga nakikibahagi sa kagandan ng kanyang liwanag tulad ng buwan, mga planeta, at maging ng lahat ng bagay sa mundo na nasisinagan nito. Ganun din naman, ang karangalan ng Diyos ay lalong tumitingkad kapag nakikibahagi dito ang kanyang mga nilikha. Kaya sa sulat ni San Pablo sa mga Romano ay sinasabi niyang ang mga katangian ng di-nakikitang Diyos ay maliwanag na inihahayag ng kanyang mga ginawa.

Ang lahat ng kagandahang pisikal at espiritwal ay nagpapahayag ng kagandahan ng Diyos. Sa kabila ng katotohanang ito, maraming mga Cristiano ang naiiskandalo sa konsepto ng pagbibigay-papuri sa mga espiritwal na katangian ng mga lingkod ng Diyos. Pakiramdam nila ay naaagawan ng karangalan ang Diyos kapag nabibigyan ng pagkilala ang kabanalan ng ibang tao. May ilan pang lumalampas na sa hangganan ng katwiran sa pagsasabing, “Walang banal at mabuti kundi ang Diyos,” kaya hindi daw dapat tawaging Santo ang sinuman. Mabilis nila itong nasasabi dahil alam nilang si Jesus mismo ang nagsabi na walang mabuti kundi ang Diyos, pero madalas ay nagagamit ito sa maling konteksto. Ang pagiging banal ay tumutukoy sa pagiging eklusibo o konsagrado para sa Diyos o tumutukoy sa pagtataglay ng mga katangiang maka-Diyos. Sa mga Kasulatan mismo ay mababasang ang mga alagad ng Diyos ay banal at tinatawag na banal; halimbawa ay ang “banal na bayan”, “mga banal na apostol” o “mga banal na propeta”. Sinasabi rin ng Panginoon, “Ituring ninyong banal ang pari sapagkat siya ang naghahandog ng pagkain sa akin” (Levitico 21:8). At kahit ang mga anghel ay itinuturing din na banal (Marcos 8:38). Ang pagkilala at pagpaparangal sa mga nilalang dahil sa kanilang kabanalan at mga katangian ay hindi umaagaw sa karangalan ng Diyos kundi lalong nagpapahayag sa kadakilaan nito. Hindi naman mahirap unawain ang katotohanang ito dahil alam natin na sa pangkaraniwang takbo ng mga bagay sa mundo, ang kahusayan ng isang pintor ay nakikita sa kagandahan ng kanyang mga obra; ang isang musikero sa kanyang musika; ang isang manlililok ay sa kanyang mga rebulto, at ang isang inhenyero sa kanyang mga disenyo. Malibang maparangalan ang kahusayan ng mga nilikha, hindi rin mabibigyang-pagkilala ang kahusayan ng lumikha. Tuwing pinupuri natin ang anumang mabuti sa tao, pinupuri natin ang pinagmulan ng kanyang mabubuting katangian. Nagiging inspirasyon din natin ang mga katangiang nakikita natin sa iba dahil ang mga iyon ay lalong nagbibigay-patunay sa isip at puso natin na ang kahusayan at pagiging mabuti ay talagang posible sa kabila ng lahat. Sa mga sulat sa mga Hebreo ay sinasabi, “Alalahanin ninyo ang mga dating namumuno sa inyo, ang mga nagpahayag sa inyo ng salita ng Diyos. Isipin ninyo kung paano sila namuhay, at tularan ninyo ang kanilang pananampalataya sa Diyos” (13:7). Ang tinutukoy dito ay ang mga myembro ng Simbahan na nauna sa atin na makakilala kay Cristo at nauna na rin sa pakikipagtagpo sa Diyos nang harapan. Dapat laging alalahanin at isaalang-alang ang kanilang mabubuting katangian dahil natapos na nila ang paligsahan at tinanggap na nila ang korona. Nararapat lang na ang buhay nila at mabubuting halimbawa ay ipagdiwang. Ang pagpaparangal sa kanila ay pagpaparangal kay Cristo, kung kaninong katawan sila ay mga bahagi.

Kung pagninilayang mabuti, ang dahilan ng pagbaba ng Diyos ay para maitaas ang tao. Ang Anak ng Diyos ay may likas nang dangal at luwalhati kahit sa umpisa pa lang. Wala siyang kailangang patunayan. Hindi rin kailangang ibalik sa kanya ang mga ito dahil wala naman makakakuha sa kanya nito. Sa kabilang banda, “ang Anak ng Tao’y dapat magdanas ng matinding hirap” (Lucas 9:22) para patunayang karapat-dapat siya sa karangalan at kapangyarihang ipagkakaloob sa kanya. Ang pagiging Panginoon ni Jesus habang nasa sinapupunan ni Maria (Lucas 1:43) ay nakaugnay sa kanyang kalikasang Diyos habang ang pagiging Panginoon niya sa muling pagkabuhay ay nakaugnay sa kanyang tagumpay bilang Anak ng Tao. Ang karangalang kinikilala natin sa kanya ay hindi na lang dahil siya ang Anak ng Diyos kundi dahil bagamat nasa laman, nagawa niyang lampasan ang mga kahinaang hindi natin napagtagumpayan. Siya ang kampyon ng mga anak ng tao. Siya ang nagligtas sa ating kalikasan at nagbigay-karangalan sa ating uri. Nararapat lang na tanggapin niya ang pangalang higit sa lahat ng pangalan at kilalanin siya bilang Panginoon. Bagamat sinasamba natin siya bilang Anak ng Diyos, ang pagluhod at pagpupuri sa kanya ng lahat ng nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa ay dahil sa kanyang tagumpay bilang Anak ng Tao. Sa ganitong paraan iniligtas at itinaas ng Diyos ang ating pagkatao, at ang kapurihan natin ang dito ay binibigyan niya ng diin. Kaya habang dumarami ang mga banal na kinikilala ng madla, lalong natutupad ang kalooban ng Diyos.

christ-898330_640

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: