Good Friday

March 25, 2016 at 10:39 pm (Commentary)

Three o’clock in the first Good Friday afternoon, the creatures destroyed the Creator, the author of life died, but that is in order to overcome death once and for all.

Today, in a special way, we commemorate and hope to experience the reality of this mystery. God love humanity so much that in order to save man, He, in the Person of the Son, assumed humanity for himself so that he may bear in his body and in his spirit the punishment for man’s sin. That is something we would not be able to grasp and appreciate fully until we see God face to face.

lamb cross

Image: Credit to the owner

Permalink Leave a Comment

Maundy Thursday

March 24, 2016 at 4:49 pm (Commentary)

It was on the first Maundy Thursday, the day before Christ died on the cross, that Jesus instituted the Sacrament of Holy Order (ministerial priesthood) and the Sacrament of the Eucharist. On that day, Christ gave, in the form of bread and wine, his real flesh to eat and his real blood to drink. He did not do this without first making it clear to his disciples that he is the true bread from heaven, declaring solemnly that “unless you eat the flesh of the Son of Man and drink His blood, you have no life in yourselves. He who eats My flesh and drinks My blood has eternal life, and I will raise him up on the last day” (John 6:53-54).

In that institution, Jesus replaced the Passover bread with the True Bread and the Passover lamb with the Lamb of God, who is not to be sacrificed daily or yearly but has rather been offered to the Father, eternally, at the Altar of the Cross.

Before the introduction of the Eucharistic Sacrifice, the Jews have been worshiping God in the Temple by offering two lambs every day, morning and evening, and by offering the Paschal Lamb on the eve of Passover every year. When Christ came, he said, “The hour is coming in which neither in this mountain nor in Jerusalem will you worship the Father” (John 4:21). Jesus was referring to the fulfillment of Malachi’s words through whom the Lord says, “From the rising of the sun even to its setting, My name will be great among the nations, and in every place incense is going to be offered to My name, and a grain offering that is pure; for My name will be great among the nations” (Malachi 1:11). There is no pure offering in the sight of God than that of Christ himself, and the only way to do it in every place on earth, from the rising of the sun to its setting, is through the Sacrament of the Eucharist where the eternal Sacrifice is being brought in time and in space.

This is a mystery that we will continually appreciate, meditate on, and benefit from, until we reach heaven.

 

433px-Ghent_Altarpiece_D_-_Adoration_of_the_Lamb_2

Permalink Leave a Comment

Mga Anti-Katoliko sa Pagbisita ng Santo Papa

January 25, 2015 at 12:29 am (Commentary) (, , )

Ang mga salita ng Diyos na nasa Biblia ay para sa lalong ikamumulat ng mata, at ikalalalim ng pananampalataya, ng mga tagasunod ni Cristo. Pero isa rin malungkot na katotohanan na ang parehong mga salita ng Diyos ay lalong bumubulag at nagpapatigas sa puso ng mga taong nag-aangkin ng pagkakilala sa Diyos pero hindi nakabukas ang puso sa katotohanan. Ganito ang sitwasyon ng mga Pariseo sa panahon ni Jesus, at ito rin kalagayan ng marami ngayon, na nag-aakalang hawak nila ang katotohanan dahil mayroon silang alam tungkol sa mga Kasulatan – mga kapitulo at mga bersikulo ng Biblia na madalas pa nga ay ipinagyayabang at ginagamit para hatulan ang kapwa. Katulad ng mga Pariseo, nananangan din sila sa mga “nasusulat” dahil naniniwala silang doon ay mayroon silang buhay na walang hanggan.

Wala silang pakialam kung mabuting tao ka o kung napakalaki ng ambag mo sa lipunan at sa Cristianong komunidad; basta hindi ka nila kapanalig, masamang tao ka. Sa kabila ng pagtawag nila sa sarili na mga Cristiano, tuwiran nilang pinasisinungalingan ang mga kabutihang hayagan nilang nakikita sa iba. At sa halip ay inaakusahan nila ng kasamaan ang mga taong nakikita nilang puno ng kabutihan. Tungkol sa kanila ang babala ni Jesus nang sabihin niya, “Patatawarin ang mga anak ng tao sa lahat – sa kani­lang mga kasalanan at pati sa kanilang mga paglait sa Diyos kahit na marami man ang mga paglait nila sa Diyos. Ngunit kung may magsalita laban sa Espiritu Santo, kailanma’y di siya mapa­patawad; kasalanang walang hanggan ang nasa kanya.” Ang tinutukoy ni Jesus ay ang mga taong mas pinipiling ipikit ang mga mata sa hayag na pagkilos ng Diyos sa isang mabuting tao, kaysa mapasinungalingan nito ang mga mali nilang paniniwala at asal.

Lumabas sa publiko ang mga katulad nila noong dumating si Pope Francis sa Pilipinas para sa kanyang pastoral visit. Sa kabila ng mainit na pagtanggap ng milyon-milyong mga Pilipino sa kanilang bisita, at pakikipagpalitan sa kaniya ng kabutihan at pagmamahal, may ilang mga indibidwal na nagsabing sila ay tunay na “Cristiano” kaya hindi sila makikiisa sa kaganapang iyon. Sa halip, ang hawak nila ay kabi-kabilang akusasyon at insulto na ibinabato sa Santo Papa at sa Simbahang Katoliko habang ang lahat ay inspirado sa presensya at mga salita ng itinuturing na Tatay at Lolo ng mga mananampalataya.

Sa susunod na bahagi ay makikita ang mga halimbawa ng kanilang mga sinasabi, at ang komento ko tungkol sa mga ito:

  1. “Siguradong pagdating ng Papa nila, yun ang sasambahin nila.”
    Dahil sa mainit na pagtanggap ng mga Pilipino kay Pope Francis, sinamantala ng mga taong galit sa Simbahan na gamitin ang pagkakataon para sabihing ang Simbahang Katoliko ay hindi kay Cristo dahil ito ay sumasamba sa mga diyos-diyosan at sa tao, hindi sa Diyos.Komento ko: Alam ng mga Katoliko na iisa lang ang Diyos, at siya lang ang dapat sambahin. Ang pagmamahal ng mga Katoliko sa Santo Papa ay bunga ng pagkakilala kung sino siya sa Simbahan. Siya ang kinatawan ni Cristo sa lupa, ang nasa luklukan ni Pedro, ang may hawak ng mga susi ng langit, ang tagapagkaisa ng buong Simbahan, ang tapagpalakas sa mga kapatid, ang tagapangalaga at tagapagpakain ng matatanda at mga batang tupa. Bukod doon, ang kasalukuyang Papa ay sadyang kaibig-ibig dahil sa kanyang kababaang-loob, malawak na karunungan, katapangan, pagkamaunawain at maawain, pagmamalasakit, pagkamasayahin, at kasigasigan sa gawain ng Paginoon, sa kabila ng edad at kondisyong medikal. Kung papansinin, ang pagiging apostol ni Pablo, ang kanyang kapangyarihan, ang karunungan at kababaang-loob, ang kanyang pagmamalasakit, at pagiging masigasig sa kanyang misyon ang siya rin dahilan kung bakit mataas ang pagtingin at malalim ang pagmamahal sa kanya ng mga mananampalataya.

    Posible din kaya na maakusahan ang mga taga-sunod ni Pablo ng pagsamba sa kanya? Pwede. Si Pablo mismo ang nagsabi tungkol sa kanila: “Talagang mapapatunayan ko sa inyo na kung maaari lamang ay dinukit na ninyo ang inyong mga mata at ibinigay sa akin” (Galasya 4:15b). Minasama ba ito ng Apostol? Hindi. Hindi niya sinabing, “Halos sinasamba nyo na ako, dapat ay kay Cristo nyo ituon ang paningin nyo.” Sa halip, ang tanong pa ni Pablo sa kanila ay, “Nasaan na ang kaligayahang ito?” (Galasya 4:15a). Hindi niya rin sinabing, “Huwag ako ang tularan nyo kundi si Cristo.” Sa halip ay sinabi niya, “Nagsusumamo ako sa inyo, tularan ninyo ako” (1 Corinto 4:16). Ito ay hindi pag-angkin sa karangalang para kay Cristo kundi pagbibigay ng halimbawa at lakas ng loob sa mga kapatid. Ito mismo ang tinanggap natin mula sa kasalukuyang Santo Papa.

  2. “Sabi nung ibang mga Katoliko, pag nagsasalita daw ang Papa, para na rin daw ang Diyos ang nakikipag-usap sa kanila. Ano yun, lokohan?”Komento ko: Sa halip na katapatan ay parang kapaitan ang nase-sense ko sa mga nariniggan ko nito. Ano bang big deal kung makita ng mga tao ang Diyos sa katauhan ng kapwa nila dahil sa pagiging banal nito at dahil sa katotohanang kanyang ipinapahayag? Bukod sa personal na kabanalan ni Pope Francis, ang binibigyang-paggalang natin ay ang kanyang posisyon bilang kahalili ni Apostol Pedro. At hindi lang naman siya, kundi lahat ng mga obispo. Dahil nauunawaan natin ang papel nila sa Simbahan. Si Apostol Pablo na mismo ang nagsabi: “Mga embahador kami sa ngalan ni Kristo na wari bang ang Diyos ay tumatawag sa inyo sa aming bibig” (1 Corinto 5:20). O sa ibang salita ay “parang ang Diyos na rin ang namamanhik sa inyo sa pamamagitan namin.”
  3. “Madaanan lang daw ng Papa nila, grasya na! Wala yan sa Biblia!”Komento ko: Nakakagulat ang lakas ng loob nilang magsabi na walang ganito o ganyan sa Biblia samantalang evident naman na kakapirasong bahagi ng Biblia ang alam nila, at malamang ay hindi pa malinis ang pagkakaunawa dahil una nilang narinig ang mga iyon sa iba pang mga anti-Katoliko din.Ang totoo, hindi naman talaga bago sa mga tao ang paniniwalang kahit madaanan lang sila ng isang banal na alagad ng Diyos ay tumatanggap na rin sila ng grasya. Natural ito sa tao, at hindi ito pamahiin.

    Ang pagpapakita ng paggalang at nararapat na pagtrato sa mga tao ng Diyos ay may gantimpala. Mababasa natin ang sinabi ni Jesus tungkol dito: “Kung may tumanggap sa isang propeta dahil propeta ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang propeta; kung may tumanggap sa isang mabuting tao dahil marangal ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang mabuting tao. Kung may magpainom ng malamig na tubig sa isa sa maliliit na ito dahil sa alagad ko ito, sinasabi kong hindi siya mananatiling walang gantimpala” (Mateo 10:41-42).

    Kung totoo ito sa mga propeta, sa mabubuting tao, at sa iba pang mga alagad ni Jesus, lalo na sa kinatawan ni Cristo sa lupa. Ang paggalang at pagtitiwala ng mga nag-abang na makita si Pope Francis ay katulad ng sa mga taong nag-abang sa pagdaan ni Apostol Pedro sa kanilang harapan. Sinasabi sa Mga Gawa: “Kaya inilalabas ang mga maysakit sa mga lansangan, nakahiga sa mga katre at banig, sa pag-asang madaanan sana ng kahit anino man lang ni Pedro ang mga ito” (Mga Gawa 5:15). Sinasabi rin sa bahaging ito ng Kasulatan na dumayo pa ang maraming mga taong nagmula sa kalapit na mga bayan. Alam nating ang malapit noon ay hindi katulad ng malapit ngayon. Kinailangan nilang magpagod para lang makita si Pedro. Dahil alam nila na mapadaan man lang siya malapit sa kinatatayuan nila ay makakatanggap na sila ng grasya.

  4. “Bakit hindi napagaling ng Papa yung mga may sakit kahit na pinatungan niya ng kamay?”
    Komento ko: Ito ang lumalabas na bagong argumento kapag nagugulat at napapahiya ang mga anti-Katoliko sa patunay na ibinibigay ng Mga Gawa 5:15. Si Pedro daw ay nakakapagpagaling habang ang Papa ay hindi.

    Una sa lahat, ang milagro ay hindi utang ng Diyos kaninuman. Pagagalingin niya ang sinumang ibig niya, sa paraang pinili niya, at sa sarili niyang dahilan. Hindi basehan ang kabanalan ng tao para gumawa ng milagro ang Diyos sa pamamagitan niya. Hindi rin naman basehan ng pagiging banal ang kakayahang gumawa ng himala. Kahit ang kampon ng demonyo ay maaaring magpakita ng kapangyarihang hindi natural sa tao. Kaya sinasabi ni Jesus, “Huwag kayong humatol ayon sa panlabas na anyo kundi maging makatarungan ang inyong paghuhukom” (Juan 7:24).

    Pangalawa, ang mga himala ay hindi ipinagkakaloob ng Diyos para sa makalupang dahilan lamang. Kung talagang gusto niyang pagalingin ang lahat ng may sakit sa pamamagitan ng himala, magagawa niya iyon sa isang iglap lang. Pero hindi ito ginagawa ng Diyos dahil may mas mataas siyang layunin sa pagpili kung kailan at sa paanong paraan makikita ng tao ang mga gawa ng Diyos na lampas sa natural na kaayusan.

    Pangatlo, kung himala lang ang hinahanap ng mundo para magpatotoo sa pagkilos ng Diyos sa Simbahan, maraming-maraming kaso ng mga milagro ang maaari nilang makita. Nandyan ang mga himalang Eukaristiko, ang mga katawang di-nabubulok, ang paggaling ng mga may sakit sa pamamagitan ng pagluhog sa mga banal ng Diyos, at iba pa.

    Pang-apat, ang mga himala ay hindi para pagbigyan lang ang kababawan ng mga tao tulad ng ipinakita ni Herodes na matamang naghintay na magpakita ng mga tanda si Jesus. Tanging ang mga nasa kapangyarihan ang may dahilan para humingi ng mga tanda. Ang autoridad ng Simbahan ay nakikita rin sa paghingi ng ganitong mga tanda. Isang halimbawa ay ang paghingi ng obispo ni San Juan Diego ng tanda mula sa babaeng nagpapakita sa kanya. Pero ang pinakapangkaraniwang tanda na hinihingi ng Simbahan mula sa Diyos mismo ay ang mga milagrong magkukumpirma na ang isang pumanaw ay karapat-dapat sa titulong Beato o Santo.

    Panglima, hindi bumisita si Pope Francis sa Pilipinas para magpakita ng mga milagro ng paggaling ng mga may karamdamang pangkatawan. Ang pagdating niya ay para gawin ang kanyang tungkulin na pakanin ang mga kordero, “makigalak sa mga nagagalak, makitangis sa mga tumatangis” (Roma 12:15), at aliwin ang bayan ng Panginoon. Ang puso ng mga tao ang higit niyang gustong pagalingin, at ito ang himalang hinihingi niya sa Diyos.

  5. “Bakit hindi mapagaling ng Papa ang sarili niyang sakit kung talagang banal siya?”
    Komento ko: Ang ganitong klaseng tanong ay nag-uugat sa kamangmangan at kayabangan. Sa mga taong may ganitong estado ng puso ay sinabi ni Jesus, “Tiyak na babanggitin ninyo sa akin ang kasabihang: ‘Manggagamot, pagalingin mo ang iyong sarili!” (Lucas 4:23).Ang mga banal ng Diyos ay mga tao din na nagkakasakit tulad ng iba. Hindi sila nagiging Diyos o anghel. Kung ang kawalan ng pisikal na karamdaman o kapansanan ang basehan ng kabanalan, mangangahulugang si Apostol Pablo ay hindi banal dahil kahit tatlong beses niyang ipinagdasal ang iniinda niya sa katawan ay hindi siya napagbigyan. Sa halip, sinagot siya ng Panginoon: “Sapat na sa iyo ang biyaya ko; guma­ganap nga sa kahinaan ang bisa ng aking kapang­yarihan” (2 Corinto 12:9). Sa mga taga-Galasya ay sinabi rin ni Pablo, “Alam ninyo na may karam­daman ako sa katawan nang mag-ebang­helyo ako sa inyo noong una” (Galasya 4:13).

    Tao pa rin ang mga alagad ni Jesus, at anuman ang kondisyon nila, buong-puso nilang itong iniaalay sa Diyos.

  6. “’Do not call anyone on earth your father; for One is your Father, He who is in heaven,’ tapos Holy Father pa ang tawag sa Papa. Walang taong holy, Diyos lang ang holy.”
    Komento ko: Mahabang usapin ito na laging makikita sa mga forum, lalo na nung nasa Pilipinas si Pope Francis. Kahit mga atheist na hindi naniniwala sa Biblia ay gumagamit sa argumentong ito – may masabi lang.Sinasabi nilang MALINAW daw na nakasulat sa Biblia na hindi dapat tawaging “Father” ang SINUMAN SA LUPA, pero kapag sinabi mo sa kanila na ang literal na pagtrato dito ay mangangahulugan ng hindi pagtawag ng “Tatay” o “Ama” sa mga biological father, bigla silang magkakaroon ng EXEMPTION sa sinasabi nilang MALINAW, at sasabihing SPIRITUAL FATHER ang tinutukoy ni Jesus – hindi na SINUMAN SA LUPA. Doon pa lang ay tapos na dapat ang pagtatalo dahil sa inconsistency. Pero syempre, hindi sila magpapatalo.

    Unang tanong, mali nga bang ituring na spiritual father ang sinuman sa lupa? Syempre, hindi. Si Apostol Pablo mismo ay nagsasabi na siya ang ama ng mga Cristiano sa Corinto dahil isinilang niya sila sa pamamagitan ng Ebanghelyo: “Pagkat kahiman sampung-libo ang umaakay sa inyo kay Kristo, hindi naman marami ang ama. At ako ang nagsilang sa inyo kay Kristo Jesus sa pamamagitan ng ebanghelyo” (1 Corinto 4:15). Sa sulat niya kay Filemon ay sinabi ni Pablo: “Oo, si Pablo, na matandang tao, at ngayo’y isa ring bilanggo para kay Kristo Jesus ang nagsusumamo sa iyo para sa aking anak, na naging akin sa pagk­a­ka­­bilanggo ko, si One­simo” (Filemon 10). Sa sulat para sa mga taga-Galasya ay mababasa: “Mga anak, muli akong naghihirap na parang nanganganak hang­gang sa mahu­bog sa inyo si Kristo!” (Galasya 4:19).

    Pangalawang tanong, ang Diyos nga lang ba ang banal ayon sa Biblia? Magbukas tayo ng ilang pahina kahit sa Bagong Tipan lang. Sa awit ni Zacarias ay sinasabi, “…ayon sa ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng mga banal niyang propeta…” (Lucas 1:70).Sa sulat ni Pablo sa mga taga-Efeso ay ganito ang pagbati niya: “Bati ni Pablo na apostol ni Jesucristo sa kagustuhan ng Diyos, sa mga banal at matapat kay Jesucristo na nasa Efeso…” Ganito bumabati si Pablo SA MGA BANAL.Isa pang halimbawa nito ay ang sulat sa mga taga-Colosas: “Bati ni Pablo – na apostol ni Kristo Jesus sa kagustuhan ng Diyos – at ni Kapatid Timoteo, sa mga banal at tapat na Kristiyanong kapatid sa Colosas…”Tinawag din ni Pablo na banal ang mga apostol, at kasama siya dun: “Hindi pa ito ipinahahayag sa mga tao sa lumipas na panahon, kundi sa espiritu ito ibinunyag ngayon sa banal niyang mga apostol at mga propeta” (Efeso 3:5).

    Bukod sa tao, may mga anghel din na banal. Isinalaysay ng mga tauhan ni Cornelius kay Pedro ang naging pangitain ng kapitan: “Sinabihan siya ng isang banal na anghel na papuntahin ka sa bahay niya para marinig ang iyong sasa­bihin” (Gawa 10:22).

    Ang Simbahang Katoliko ay di tulad ng ibang mga simbahan na tinangka lang itulad sa mga nababasa sa Kasulatan. Sa halip, ito mismo ang Simbahang inilalarawan sa mga Kasulatan, simula pa sa Lumang Tipan hanggang sa Bagong Tipan. Ang pagtawag ng “Santo Papa” sa mga kahalili ni Apostol Pedro ay hindi isang pagtatangkang gayahin ang nasa Biblia kundi resulta ng natural na ebolusyon at pagkakilala ng Simbahan sa sarili. Ang tungkuling iniatang ng Panginoon kay Pedro at sa kanyang mga kahalili ay inilalarawan ni Propeta Isaias at itinuturo ng Espiritu Santo sa Simbahan.

    Daramtan ko siya ng iyong damit,
    isusuot sa kanya ang iyong pamigkis,
    isasalin sa kanya ang iyong kapangyarihan,
    at siya’y magiging isang ama
    para sa mga taga-Jerusalem at sa bayan ng Juda.

    Ilalagay ko sa kanyang balikat
    ang susi ng Bahay ni David:
    sa buksan niya’y walang makapagsasara,
    sa sarhan niya’y walang makapagbubukas.

    Sa bisa ng tungkuling ipinagkaloob kay Pedro, siya ay naging Ama ng mga Cristiano, at ang kanyang tungkulin ay banal dahil nagmula ito kay Cristo mismo. Bagamat hayag ang personal na kabanalan ng kasalukuyang Santo Papa, ang kanyang titulong “His Holiness” at “Holy Father” ay nakaugnay sa kanyang opisina, sa halip na sa sariling estado ng kabanalan. Hindi naman ito mahirap ma-realize para sa mga taong may malawak na kaalaman at kaisipan. Ang tawag sa mga titulong ito ay “honorific title”. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang titulo ng Presidente ng Pilipinas: “His Excellency” na hindi naman nangangahulugang excellent talaga ang taong tinutukoy. Marami din sa mga tinatawag nating “Honorable” ay hindi naman talaga honorable. Iba ang karangalan ng opisina kaysa sa personal na karangalan ng mga humahawak ng tungkuling iyon.

  7. “Tinatawag ninyong Vicar of Christ ang Papa nyo. Ang ibig sabihin ng vicar ay kapalit. Hindi pwedeng palitan si Cristo: “Hindi puwedeng mailagay ang isang naiibang pundasyon maliban sa nailagay na, si Jesucristo’ (1 Corinto 3:11).”
    Komento ko: Ito ang isa sa mga no-brainer na isyu. Ayon sa paggamit ng Simbahan, ang salitang vicar ay nangangahulugang “kinatawan”, hindi “kapalit” o “kahalili”. Pinaghalo ng mga anti-Katoliko ang pagkatawan ni Pedro kay Cristo at ang paghalili ng Santo Papa kay Pedro. Ipinipilit nila na ang Vicar of Christ ay nangangahulugang “kapalit ni Cristo”. Logically, dahil ang Simbahan ang gumagamit ng salita, ito rin ang nakakaunawa sa ibig nitong ipakahulugan. Alam ng mga Katoliko na hindi kailanman mapapalitan si Cristo bilang ulo ng kanyang Simbahan.

    Sa kabilang banda, ang pagkatawan ni Pedro kay Jesus ay nagmula sa utos ng Panginoon mismo noong sinabi niya sa kanya: “Pakanin mo ang aking mga kordero…Ipastol ang aking mga tupa…Pakanin mo ang aking mga tupa” (Juan 21:15-17). Alam nating si Jesus ang Mabuting Pastol, at ang mga gawaing ibinilin niya ay sarili niyang gawain. Katunayan, sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Ezekiel: “Ako mismo ang mag-aalaga sa aking mga tupa at pagpapahingahin ko sila” (Ezekiel 34:15). Ibig sabihin, kahit inihabilin ni Jesus kay Pedro ang pagiging Pastol ng lahat, ang Panginoon pa rin mismo ang nag-aalaga sa kanyang mga tupa sa pamamagitan ng kanyang pinagkatiwalaan.Ang unang tungkuling iniatang kay Apostol Pedro ay ang pagtuturo at pagpapaunlad sa buhay-pananampalataya ng lahat ng taga-sunod ni Jesus. Ang pangalawa ay ang pangangalaga sa kaisahan ng mga kapwa apostol at obispo. Ang pangatlo ay ang pagkakaloob rin ng para sa ikauunlad ng pananampalataya ng ibang mga apostol at mga obispo, na siyang mga kahalili nila. Sa unang tungkulin ay kabahagi ni Pedro ang lahat ng mga apostol. Ang ikalawa at ikatlo ay para sa kanya lamang. Binanggit rin ni Jesus sa kanya ang tungkol sa tungkuling ito sa ibang pagkakataon: “Simon, Simon, hiningi ni Satanas na salain kayong tulad ng trigo pero ipinagdasal kita nang di bumagsak ang iyong pananampalataya. At pagbabalik-loob mo naman, patatatagin mo ang iyong mga kapatid” (Lucas 22:31-32).

  8. “Bakit kailangan ng mga sundalo? Ibig sabihin ay walang pananampalataya sa Diyos o kaya ay hindi talaga ililigtas ng Diyos.”
    Komento ko: Ang Vatican City ay isang estado, hindi ito malaking simbahan. Tulad ng ibang mga estado sa mundo, kailangan nito ng seguridad laban sa mga nagbabalak na gumawa ng masama sa lugar at, lalo na, sa kasalukuyang Head of State – ang Santo Papa.Kung sinasabi ng mga anti-Katoliko na kawalan ng pananampalataya ang pangangailangan ng Papa sa proteksyon ng tao, mangangahulugang walang pananampalataya si Pablo dahil tumatakas siya sa mga gustong pumatay sa kanya, at sa tulong din ng mga tao. Noong siya ay nasa Damasco, nakarating sa kaalaman ni Pablo na pinagtangkaan ng mga Judio ang buhay niya kaya “inihugos siya ng mga alagad sa isang kaing sa kabila ng pader” (Mga Gawa 9:25). Pagkagaling doon ay nangaral naman siya sa Jerusalem. Nakipag-usap din siya at naki­pagtalo sa mga Helenista, ngunit tinangka ng mga iyon na patayin siya. Nang malaman ito ng mga kapatid, dinala nila siya sa Cesarea, at pinauwi sa Tarso” (Mga Gawa 9:29-30).

    Kung mapahamak ba ang isang tao, ito ay nangangahulugang hindi siya iniligtas ng Diyos? Kung ganun ang paniniwala ng mga “Cristiano daw” na walang-sawang bumabato sa Simbahan, kailangan din nilang tanggapin na pinabayaan ng Diyos ang mga apostol na naging martir, pati na rin si Cristo na hindi nakaligtas sa mga Judio at mga Romano.

Hindi titigil ang mga anti-Katoliko sa pagbabato ng mga akusasyon sa Simbahan, kahit na puro kababawan lang, pero kahit kailan ay hindi nila mapasisinungalingan ang katotohanan. Lalabas lang lagi silang katawa-tawa. Dapat silang makinig sa payo at babala ni Gamaliel: “Kung sa tao lamang galing ang balak at kilu­sang ito, tiyak na mawawala ito; ngunit kung mula ito sa Diyos, hindi ninyo sila mapaghihiwa-hiwalay; at baka kalabanin pa ninyo ang Diyos” (Mga Gawa 5:38-39) Dapat nilang ma-realize na masyado nang mahaba ang 2000 taon na paghihintay sa pagkawala ng “kilusang ito”.

Permalink 1 Comment

Maging handa kayong sumagot…

January 14, 2015 at 12:28 pm (Commentary) (, , , , , )

Mas malaki  ang populasyon ng mga binyagang Katoliko sa bansa kumpara sa ibang mga relihiyon at mga denominasyong Cristiano, pero napakaliit lang ng bilang ng mga mananampalatayang nakauunawa sa mga totoong turo ng Simbahan at nakahandang magsalita tungkol dito tuwing hinihingi ng pagkakataon. Maraming dahilan kung bakit ganoon ang sitwasyon ng ating pananampalataya, pero ang mahalaga ay matulungan natin ang isa’t isa na pag-alabin ang ating paghahangad na makaunawa, dahil ang pananampalatayang walang pagkaunawa ay isang bulag na pananampalataya, at hindi ito ang nais ng Diyos mula sa atin. Tungkulin natin bilang mga Cristiano na maging handang sumaksi sa ating pananampalataya.

“Maging handa nawa kayong sumagot sa sinumang nagtatanong tungkol sa inyong pag-asa, siyempre nang may kaunawaan at pitagan” (1 Pedro 3:15).

Kung iisipin kasi, paano natin masasabing tayo ay nananampalataya kung hindi naman natin naiintindihan ang ating naririnig; kung hindi naman tama ang pakahulugan natin sa ating mga ginagawa? At isa pang hindi mabuti ay dumarami ang bilang ng mga Katolikong madaling natatangay ng iba’t ibang mga doktrina dahil nga sa kawalan ng tama at sapat ng kaalaman.

Iisa ang Diyos at iisa ang katotohanan. Bilang mga Katoliko ay hindi tayo naniniwalang maaaring magkanya-kanya tayo ng pagbibigay-kahulugan sa mga nakasulat na salita ng Diyos. Nagbabala si Apostol Pedro laban sa kaisipan na ang mga Kasulatan ay pwedeng unawain sa pribadong paraan nang hindi isinasaalang-alang ang kabuuan ng mga aral ng Diyos na inihabilin niya sa kanyang Simbahan.

“Maha­lagang malaman ninyo ito: walang propesiya sa Kasulatan na maipaliliwanag sa sariling paraan. Sa­­pag­kat hindi nagmula sa kalooban ng tao ang prope­siya kundi nagsalita ang mga tao ng Diyos sa pagbunsod sa kanila ng Espiritu Santo” (2 Pedro 1:20-21).

Ang tapat at matalinong Katoliko ay hindi madadala ng mga argumentong tulad ng, “Hindi ka maililigtas ng relihiyon mo at simbahan, si Jesus lang ang makapagliligtas sayo.” Alam nating si Jesus lang ang Tagapagligtas ng sangnilikha pero ang katubusan ng tao ay sa pamamagitan ng Simbahan ng Diyos.

Dapat din maintindihan ng mga mananampalataya na iisa lang ang Panginoon, iisa ang Pananampalataya, at iisa ang Binyag (Efeso 4:5), kaya hindi ito dapat ituring na maaaring matagpuan sa lahat ng mga nag-aangkin ng pagiging simbahan. Iisa lang ang Simbahang itinatag kay Pedro, kaya kung nasaan ang kahalili ni Pedro ay naroon ang tunay na Simbahan ni Cristo. Hindi kailangang maligaw ninuman kung nakaharap na sa kanya ang Simbahan at talagang hinahanap niya ito. Nagbabala si Pablo na mag-ingat sa mga gumagawa ng sekta:

“Isinasamo ko sa inyo, mga kapatid, na mag-ingat kayo sa mga gumagawa ng mga pagkakawatak-watak at iskandalo sa pangangaral sa inyo ng mga bagay na taliwas sa inyong natutuhan. Iwasan ninyo sila.” (Roma 16:17)

Tungkulin nating mga Katoliko na kilalanin ang Pananampalataya ng Simbahan, dahil ang pagiging ignorante dito ay pagiging ignorante tungkol kay Cristo, at ito ay maituturing na hindi tamang paraan ng pamumuhay bilang Cristiano.

Permalink 1 Comment

Present ba si Jesus sa Christmas Party ninyo?

December 22, 2014 at 7:55 pm (Commentary, Thoughts) (, , , , )

Mali bang magkaroon ng Christmas party? Kung maling ipagdiwang ang pagkakatawang-tao ng Diyos at pananahan niya sa piling natin, magiging mali talaga ang Christmas party. Sa kabaligtaran, ang kawalan ng pakialam sa katotohanang ng kanyang pagsilang ang siyang mali. Ang malungkot na katotohanan lang ay nag-o-organize tayo ng mga Christmas party pero hindi para sa tamang dahilan. Totoo ang sitwasyong ito sa ating mga Pilipino na nasanay na lang na may Pasko. Para sa marami sa atin, ito ay araw ng mga bata; para sa iba, ito ay panahon ng pagbibigayan. May mga nagsasabi din na ito ay kaarawan ni Jesus. Pero pagdating ng mismong event, walang Jesus na naririnig. Walang nagsasalita tungkol sa kanya. Walang nagdarasal at nagpapasalamat para sa magaganap na pagdiriwang at para sa dahilan ng pagdiriwang.

Ano nga bang halaga ng pagsilang ni Jesus? Una ay dapat nating alamin at alalahanin na si Jesus ay hindi pangkaraniwang tao. Siya ang dahilan ng pag-iral nating lahat; ng mga bagay na nakikita at di-nakikita. Siya ang simula at kahihinatnan ng buhay natin. Siya ang Makapangyarihang Diyos na noong una ay hindi posibleng makita; walang simula at walang katapusan; ang pinagmumulan ng lahat ng mayroon tayo ngayon, kasama na ang sarili nating buhay at kasiyahan. Siya ang nagbibigay sa atin ng lakas, ang nagkakaloob ng pagkain natin araw-araw, ang nagdadala sa atin sa dapat natin patunguhan, ang dahilan kung bakit may kaaliwan sa kabila ng mga suliranin.

Pangalawang higit nating dapat malaman at pasalamatan ay ang katotohanang naging tao ang Diyos para ibalik ang buhay na nawala sa atin bunga ng sarili nating kasalanan. Kung hindi nagkatawang-tao si Jesus, bawat isa sa atin ay nakatakdang gugulin sa walang-hanggang kaparusahan ang kanyang pag-iral. Ang parusang tinanggap niya, ang mga hampas at sugat na natamo niya, ang pagkapako sa kaniya sa krus at ang kahiya-hiya niyang kamatayan ay sentensya na dapat ay para sa atin. Isinilang siya at nabuhay sa mundo para mamatay. Habang tayo dito sa mundo ay laging naghahanap ng ginhawa at nagrereklamo sa discomfort, ang Hari ng langit at lupa ay nakibahagi sa ating abang kalagayan at inako ang lahat ng sakit at pagdurusa na tayo dapat ang magdaranas.

Kung mayroon man buhay na higit na dapat ipagdiwang at pagnilayan, iyon ay ang buhay ni Jesus na Hari nating lahat: ang kanyang pagsilang, pakikisalamuha sa tao, pangangaral, pagbibigay ng perpektong halimbawa,  pagpapakasakit, kamatayan, at muling pagkabuhay. Lahat ng ito ay naganap dahil sa sobra-sobrang pagmamahal niya sa tao. Ang salitang “sobra-sobra” sa kontekstong ito ay hindi eksaherasyon kundi katotohanan. Tanging ang Diyos ang totoong nag-uumapaw sa pag-ibig, ano pa’t iniwan niya ang karangalan ng pagiging Diyos at naging alipin para lang hindi tuluyang mawala ang tao. Huwag sanang mangyari na magdiwang tayo ng Pasko na wala si Cristo

Permalink Leave a Comment

“Hindi Lahat ng Filipino ay Katoliko”

May 28, 2013 at 1:46 pm (Commentary, My Take)

Tuwing nagpoprotesta ang mga Katoliko tungkol sa mga panukalang nagbabanta o lumalabag sa kanilang pananampalataya, nagwawalang-bahala sa kanilang pagpapahalaga, at sumusugat sa kanilang konsensya, ang laging sigaw ng kalabang panig ay, “Hindi nila pwedeng i-impose sa iba ang paniniwala nila dahil hindi lahat ng Filipino ay mga Katoliko.” Sa pandinig ng ilan, ito ay napakapraktikal na sagot; pero ang totoo, tuso ito at mapanlinlang. Pinapapaniwala nito ang ignoranteng publiko na ang ginagawa ng mga Katoliko ay isang pagpipilit ng “Katolikong moralidad” sa konsensya ng lahat, at paglabag sa kanilang karapatang mamuhay ayon sa kanilang sariling paniniwala. Pinalalabas nilang pambabraso ang pagtutol na ginagawa ng mga Katoliko, habang ang totoo ay dinidepensahan lang nila ang kanilang sarili mula sa mga pwersa na sila talagang nagtatangkang ipilit sa lahat ang kanilang paniniwala. Ang mga pwersang ito ang totoong nasa opensa. Gusto nilang katayin ang Simbahang Katoliko, at kapag sumisigaw siya ng “injustice”, dahil sa ginagawa sa kanya, ang mabilis na tugon ng kaaway ay “bullying”. Ang katulad nito ay isang kaso kung saan ang isang batang babae ay tinatangkang halayin, at tuwing ipnagtatanggol niya ang sarili ay inaakusahan siya ng kriminal ng kalapastanganan sa nakatatanda, at ang lahat ay sumasang-ayon. Para sa nakatatandang kriminal at sa mga saksi, hindi dapat ipilit sa lahat ang pamantayang moral ng batang biktima dahil hindi lahat ay katulad niya. Kakatwa man, pero ang batang sapilitang pinagagawa ng labag sa kanyang kalooban ay siya ngayong inaakusahan ng pamimilit dahil sa kanyang pagtanggi.

Tila napakalawak at napakalalim ng kadilimang bumabalot sa kaisipan ng ilang mga Filipino, habang ang iba naman ay nananatiling lito at hindi malaman kung paano hahatulan ang mga sitwasyon. Maaaring walang karapatan ang mga Katoliko na ipilit sa iba ang kanilang prinsipyo at paniniwala, pero hindi nangangahulugan na may karaptan ang mga di-Katoliko na pasunurin sila sa mga pamantayang lumalabag sa kanilang pananampalataya. Totoong hindi lahat ng Filipino ay Katoliko, pero sapat na ang katotohanan, na may mga Filipinong Katoliko, para hindi magkaroon ng batas sibil na tumatapak sa karapatan ng mga Katoliko. Hindi na kailangang sabihin pa ang katotohanang pinakamaraming bilang ng mga Filipino ay Katoliko. Walang totoong bisa ang batas na gagamit sa buwis ng mga mamamayang Katoliko para suportahan ang mga programang lumalabag sa kanilang konsensya; ang batas na pumipilit sa isang Katolikong manggagamot na gumawa o magpayo ng isang aktong labag sa kanyang pamantayang moral at propesyonal; ang batas na humihingi sa isang nagpapatrabahong Katoliko na magbigay ng mga partikular na uri ng serbisyo at benepisyo sa kanyang mga manggagawa kahit na ito ay mangahulugan sa kanya ng pagkakasala; dahil ang mga ito ay labag sa kanyang likas at konstitusyunal na karapatan bilang tao at bilang Filipino na mamuhay ng naaayon sa kanyang paniniwalang pangrelihiyon. Hindi lamang ito totoo para sa mga Katoliko kundi sa bawat isang Filipino, dahil sa usaping ito, ang karaptan ng isa ay karapatan ng lahat.

Permalink Leave a Comment

Divorce Naman

January 18, 2013 at 8:50 pm (Commentary, Doctrinal, Moral)

Pagkatapos ng Reproductive Health Bill, atat na ang mga “death culture” lawmaker na pagdebatihan at isabatas ang diborsyo sa bansa. Hindi na ito bago sa pandinig ng mga pro-life group, dahil sa umpisa pa lang ay bistado na ang intensyon ng mga nasa likod nito. Kailangan lang nilang maipilit ang RH law sa isang bansa, at ito na ang magsisilbing pinto para maipasok ang mga polisiyang gusto nilang ipatupad sa lahat. Sa kaso ng Pilipinas, pinakamadaling isulong ang divorce dahil mas madaling manipulahin ang damdamin ng mga Filipino tungkol sa mga relasyon. Sunod dito ay homosexuality at abortion. Siguro ay magiging panghuli na sa priority ng mga mambabatas na ito ang euthanasia o pagpatay sa mga may sakit. Asahan na rin na kung tuluyang maipatutupad ang RH Bill ay magkakaroon tayo ng kultura kung saan ang pagkakaroon ng higit sa dalawang anak ay magiging kahiya-hiyang estado, at ang fertility ng mga babae at lalaki ay susubukang kontrolin ng gobyerno sa paraang totalitarian.

Women’s Right and Women Empowerment
Ang divorce, tulad ng “reproductive health” at abortion, ay isinusulong sa ngalan ng women’s rights at ng women empowerment—mga katagang may positibong tunog pero negatibo ang intensyon at epekto. Ang human rights ay karapatang likas ng tao—babae man o lalaki. Ang paglikha at pagamit ng salitang “women’s rights” ay hindi totoong nagsusulong sa karapatan ng kababaihan, sa halip ay humahati sa natural na pagkakaisa ng mga lalaki at mga babae bilang myembro ng sangkatauhan. Idinadahilan ng mga feminist, at ng mga may simpatya sa kanila, na ang lipunan ay kumikilala lamang sa mga lalaki at nagwawalang-bahala sa mga babae bilang mga tao, kung kaya hindi lubusang nare-recognize ang kanilang karapatan. Ganun pa man, sa ganoong sitwasyon, ang problema ay wala sa pagkilala ng karapatan kundi sa pagkilala ng kalikasan. Ang pagsasabing ang mga babae ay may mga karapatang bukod o iba kaysa sa likas na mga karapatang pantao ay pagsasabi na rin na sila ay hindi bahagi ng sangkatauhan. Ito ay salungat sa mismong layunin ng kanilang pakikipaglaban. Kung ang problema ay iniitsapwera ka ng lipunan na parang hindi ka katulad ng iba, bakit ka gagawa ng hakbang na lalong magbubukod sa iyo sa iba? Hindi ba’t ang layunin ay maipakita sa lahat na ang mga babae ay kasintao rin ng lahat ng tao? Kung mag-iimbento tayo ng mga “karapatan” na espesyal para sa kababaihan, parang tayo na rin ang nagsabi na iba ang human rights sa women’s rights—iba ang tao kaysa sa babae. Kasunod niyan, agresibo na rin isusulong ang LGBT rights o ang mga karapatang pang-bakla, tomboy, bisexual, at transgender. Ang mangyayari ay magkakaroon ng mga karapatan para sa tatlong grupo ng mga nilalang: human rights, women’s rights, at LGBT rights. Ang layunin natin ay kilalanin ang pagiging tao ng bawat tao, sila man ay lalaki, babae, bakla o tomboy; pero dahil sa walang katapusang pag-iimbento ng mga tinatawag na “karapatan”, lalo lang nagiging iba ang dati nang itinuturing na iba. Ang pagkakaiba lang ngayon ay mas kinikilala na ang mga tinatawag nilang “karapatan” pero iba pa rin sila. Parang walang pinagkaiba sa mundo ng M.I.B. kung saan malayang nakikipamuhay ang mga alien at kinikilala ang kanilang mga karapatan, pero sa pagkilalang ito ay hindi sila nagiging mga tao; sila ay mga alien pa rin na may mga karapatang iginagalang ng mga tao. Sa pagkakaroon ng women’s rights at LGBT rights, sino na lang ang walang special rights? Ang mga lalaki. Ibig sabihin, sa kanila yung human rights. Sila lang ang tao. Kaya nahati na tayo sa apat na kalikasan: tao, babae, sirena, at t-bird—o baka meron pang iba. Mabuti nga sa Pilipinas dahil maraming mga babae at lalaki na tao ang tingin sa mga babae; di tulad sa ibang lugar na mapababae o mapalalaki ay sanay na sa kultura at indibidwal na pananaw na ang mga babae ay mas mababang uri. Kung lubusan natin ipapasok sa ating bansa ang ideolohiya ng mga feminist, lalo lang magiging malala ang pagkakahati-hati sa ating lipunan sa pag-itan ng mga makababae at mga makalalaki.

Kaagapay ng women’s rights ay ang tinatawag na women empowerment. Mabuti sana ito dahil kinikilala nito ang potensyal ng sangkababaihan, pero dahil madalas ay may impluwensya ng mga feminist ang pakahulugan at aplikasyon nito, ito ay nagiging makasarili at hindi makatao. Alam natin na anumang hindi makatao ay hindi totoong makababae dahil ang ating kababaihan ay mga tao din. Anumang lumalabag sa karapatang pantao ay lumalabag din sa karapatan ng mga babae. Ang totoong empowerment ay naaayon sa likas na kakanyahan ng isang indibidwal at ito ay dapat na may positibong epekto tulad ng paghasa ng talento at mga kakayahan. Hindi kasali dito ang pagmanipula sa fertility, pagpatay sa mga batang nasa sinapupunan, at ang pagwasak ng pamilya o relasyong mag-asawa. Walang sinuman ang may likas na karapatang gawin ang mga ito dahil labag ito sa karapatang pantao at sinisira nito ang lipunan na nakasalig sa bawat pamilya.

Natural Law
May mga bagay na alam nating hindi kayang sakupin ng kapangyarihan ng tao tulad ng mga batas ng kalikasan. Mapapahamak ang sinumang magwawalang-bahala sa “batas ng gravity” dahil hindi niya alintana kung anong mangyayari sa kanya kapag lumabas siya sa bintana ng ika-20 palapag at maglakad sa hangin. Maaari niyang balewalain o subukang labagin ang batas na ito pero ang konsekwensya nito ay mananatili at hindi magbabago. Hindi man kilalanin ng tao na ang apoy ay nakakasunog, walang magbabago sa apoy at sa epekto nito. Masusunog pa rin ang balat o laman ng taong masisilaban nito. May kakayahan tayong gamitin ang mga bagay sa mundo pero kailangan nating manatili sa hangganan ng mga batas na sumasakop sa mga ito. Ganito rin ang kasal. Ang lalaki at babae ang nagkakasal sa kanilang sarili pero hindi nangangahulugang ito ay sa pag-itan lamang nilang dalawa. Katunayan, walang bisa ang pag-iisang-dibdib kung walang saksi. Hindi rin maaaring kung sino-sino lang ang sumaksi sa aktong ito. Siya ay dapat na may kaukulang kapangyarihan na kinikilala o ibinigay ng Estado o ng relihiyong kinaaaniban ng magpapakasal. Ang kapangyarihang ito ay hindi nagmula sa mismong relihiyon o Estado; ito ay nagmula sa Diyos na nagtakda ng saligang batas para sa lahat, at ipinamamahala sa human authorities. Hindi ito kapritso lamang ng mga Ama ng bansa o ng mga mambabatas, sa halip ay pagkilala sa mas mataas na Kapangyarihan na sumasakop sa lahat. Sa ating bansa, ang pagkilalang ito ay pinatutunayan ng mga paunang salita sa ating Saligang Batas.

Ayon sa pagkilala ng Estado sa batas ng kalikasan, ang pag-aasawa o kasal ay isang institusyon na hindi maaaring labagin at hindi rin malulusaw, maliban ng kamatayan. Hindi maaaring labagin. Ibig sabihin ay walang anumang akto o batas na maaaring gawin ang sinuman kung ito ay salungat sa likas na kalagayan at kahulugan ng pag-aasawa. Ang kasal ay tumutukoy sa pag-iisa (union) ng isang lalaki at isang babaeng nagmamahalan at bukas sa pagtatatag ng isang pamilya. Dito ay nangangako ang magkapareha ayon sa kanilang paniniwala na sila ay mananatiling isa hanggang sa paghiwalayin sila ng kamatayan—“till death do us part”—kung kailan ang kontrata o kasunduan ay kusang nawawalan ng bisa. At obviously, salungat sa paniniwalang ito ang konsepto ng diborsyo, kung saan pinawawalang-bisa sa kapangyarihan ng tao ang isang balidong kontrata na pinagtibay ng batas natural. Ang ganitong akto ay katulad ng pagsunggab o paglangoy sa naglalagablab na apoy. Ito ay isang pagtatangkang baguhin ang kalikasan ng isang bagay na lampas sa nasasakupan ng tao.

Maaaring may isang mapagmarunong na magsasabing, “Kayang labagin at paglalangan ng tao ang kalikasan, anupa’t nagagawa niyang lumipad sa kabila ng batas na nagsasabing ang lahat ng inihahagis pataas ay walang ibang pupuntahan kundi sa ibaba.” Ganitong mag-isip ang ilang mga nagsasabing sila ay “scientific people”. Hindi naiisip ng mga taong ito na ang mga formula at mga law na sinusundan ng mga imbentor at siyentista ay hindi nagmula sa kanilang sarili kundi natuklasan lamang nila. Ang batas ng Pisika, halimbawa, ay kalipunan ng mga batas natural na may kinalaman sa pagkilos ng mga bagay. Ito ay mga batas ng kalikasan at hindi mga batas na nilikha ng tao. Natural lang na magawang lumipad ng tao kung alam niya ang mga batas sa paglipad. Hindi ito paglabas sa nasasakupan ng batas. Hindi nangangahulugan na ang tao ay maaaring maging “above the Law”. Gravity is inviolable, and so is marriage.

Divorce and Practicality
Mayroon lang iisang malaking argumento ang mga nagsusulong ng diborsyo sa Pilipinas, at ito ay ang paniniwala nilang may mga kasal (pagsasamang mag-asawa) na hindi na maaaring kumpunihin. May katotohanan rin sa argumentong ito, dahil may mga taong hindi talaga nakahandang pagbutihin ang sarili o ang anumang bagay sa kanyang paligid. Ganun pa man, hindi natin maaaring isulat ang mga batas ng bansa ayon sa idinidikta ng ating emosyon o para lamang sa mabilisang remedyo kahit na labagin nito ang ating kalikasang tao at ang batas natural na sumasakop dito. Ang pag-atake sa natural na layunin ng mga bagay ay hindi kailanman magbibigay sa atin ng totoong pakinabang.

Ganito ang paulit-ulit nating maririnig mula sa mga nagtutulak ng diborsyo sa Pilipinas:

“Mas masama sa bata na nakikita niya araw-araw nagbubugbugan yung kanyang mga magulang.”

“Maraming factors sa ating lipunan na nag-uukok at nagwawasak na ng pamilya. Kaya yung sa mga pamilyang ang tingin natin ay nagkakaroon na ng hindi pagkakaunawaan, nagkakaroon na ng life threatening situation lalo na sa kababaihan, dapat may remedy sila na makakaalis sila sa ganung sitwasyon.”

Gamit ang mga argumentong ito ay sinasabi nilang kailangang magkaroon ng diborsyo sa ating bansa. Para sa ilang mga Filipinong mag-asawa, na nasa nakakapagod at di-pamilyar na mga sitwasyon, ang mga argumentong patungo sa diborsyo ay mukhang makatwiran at katanggap-tanggap, lalo na kung ito ay nagmula sa bibig ng mga taong atat na atat paghiwalayin ang mga mag-asawa at ang mga pamilya.

Ganun pa man, ang unang tanong ay gaano ba kapraktikal ang diborsyo? Ito ba ay magbibigay ng kasiguruhang mapapabuti ang dalawang partido at ang kanilang mga anak? Ang mga gulo at sigalot ba sa unang kasal ay hindi na mauulit sa ikalawang kasal? Wala na bang magiging ikatlo, ikaapat, at ikalimang kasal? Kung sinasabi ng bawat partido na nagkamali sila ng napiling mapangasawa, hindi na ba sila magkakamali sa susunod?

Ayon sa panukalang Divorce Bill, walang limitasyon ang bilang ng paghahain at pagproseso ng diborsyo. Hindi ba’t ipinakikita lang nito ang realidad na hindi nangangahulugang titigil na sa pagkakamali ang isang indibidwal sa ikalawang ulit niyang pagpapakasal? Dahil kung mayroong ganung kasiguruhan, hindi na kailangan ang ikalawa, ikatlo o higit pang bilang ng pakikipagdiborsyo.

Ibig bang sabihin ay dapat tiisin na lang ang masamang sitwasyon ng mag-asawa? May kanya-kanyang paraan tayo ng pag-aayos sa ating mga problema, pero hindi kasama doon ang pagpapakita ng kawalan ng pakialam at ang pagtakas sa sitwasyon. Hindi kusang mawawala ang anumang problema sa pamamagitan lamang ng pagpapanggap na hindi ito umiiral—na okay ang lahat. Hindi rin ito masosolusyunan sa pamamagitan ng pag-iisip na wala na itong pag-asa. “Ang umaayaw ay hindi nagwawagi,” sabi nga. Maraming paraan para ayusin ang pagsasama ng mag-asawa; ang diborsyo ay hindi isa sa mga iyon, dahil wala itong naaayos. Para sa lahat ng uri ng suliraning unti-unting sumisira o nakasira na sa samahang mag-asawa, maaari nilang subukan ang programa ng Retrovaile. Hindi na dapat pang hintayin na dumating sa puntong pagod na ang magkabilang panig, at wala nang maisip na paraan kundi isuko ang relasyon.

Kung talagang hinihingi ng pagkakataon ang agarang paghihiwalay, hindi ito ipinagbabawal ng batas. Anumang oras, sa anumang dahilan, ay maaaring umalis ang isa sa mag-asawa para bigyan ng panahon at espasyo ang isa’t isa. Ang hindi pagkakasundo sa ganitong areglo ay maaari din idaan sa legal na paraan tulad ng kung sino ang mananatili sa bahay at kung kanino maiiwan ang mga anak. Kung mayroon namang pagbabanta mula sa partidong ayaw makipaghiwalay, pwede rin itong ihingi ng tulong sa punong-barangay o sa pulisya. Kung pagkatapos ang mga counseling ay wala na talagang balak magsama ang mag-asawa—nagkapatawaran man o hindi—isasampa ang kaso ng legal separation para ideklara ng batas na sila ay nagkasundong maghiwalay at may mga kondisyong susundin.

Dahil doon, wala nang dahilan para sabihing “nagbubugbugan” pa ang mag-asawa, o nakikita ng mga anak na araw-araw silang nag-aaway, o na ang pamilya ay nagkakaroon ng “life-threatening situation”. Ganun pa man, ang mag-asawa ay mananatiling kasal sa isa’t isa dahil ang bigkis na nagbuklod sa kanila ay hindi na sakop ng kapangyarihan ng tao. Walang sinuman ang may karapatan o autoridad na magpawalang-bisa ng isang balidong kasal. Lahat ng diborsyo o paglusaw sa bisa ng kasal ay ilusyon lamang. Ang katulad nito ay ang pagpapawalang-sala ng masamang hukom sa isang kriminal na gumawa ng krimen sa harap ng isang batalyong saksi. Sa madaling salita, ito ay isang malaki at garapalang paglolokohan lamang, na hindi kailanman magiging totoo o magkakaroon ng bisa.

Playing the Catholic Card
“Ang Simbahan ay may annulment of marriage din.”

“Karamihan sa mga pabor sa divorce ay Katoliko.”

“Kahit sa Italy kung nasaan ang Vatican, may divorce.”

Panis at nabubulok na ang istilo ng mga samahang malisyosong nagsusulong ng “kultura ng kamatayan”. Noong RH Bill ang nasa kainitan ng debate, ganito rin ang mga linyang narinig natin sa mga nagtutulak nito: “Pinapayagan din ng Simbahan ang ‘natural contraception,’” “Pinakamalaking porsyento ng pabor sa RH Bill ay mga Katoliko,” “Sa panahon ni Benedict XVI ay naging maluwag na ang Simbahan sa pagamit ng condom sa mga piling pagkakataon.” Ganyang tema din ang gagamitin nila sa mga susunod nilang agenda. Nagsimula pa kay Margaret Sanger at sa NARAL ang ganyang taktika, at simbaho na ng basura, pero yan pa rin ang ginagamit ng mga taong ito dahil sa maraming pagkakataon ay epektibo pa rin ito. Pero epektibo man o hindi, nananatili itong kasinungalingan at desperadong pagpupumilit na paniwalain ang marami na ang mali ay nagiging tama minsan, depende sa sitwasyon.

Walang kapangyarihan ang Simbahan, o ang sinuman, na ipawalang-bisa ang kasal na likas na may bisa. Ang tanging pwedeng gawin ng pamunuan ng Simbahan ay ideklarang walang bisa ang kasal na talagang walang bisa sa umpisa pa, o kaya ay nawalan na ng bisa dahil ang isang partidong matagal nang nawawala ay inaakalang patay na.

Ang pag-ayon ng sinumang Katoliko, kaunti man o marami, ay walang kinalaman sa kawastuhan ng katuruang Katoliko. Maniwala man ang lahat ng tao na ang isa at isa ay tatlo, mananatili pa rin itong dalawa. Hindi ang tao ang pinagmumulan ng katotohanan. Ang tangi niyang magagawa ay tuklasin at gamitin ito, pero hindi niya ito mababago.

Wala rin kinalaman ang lokasyon ng Vatican sa katuruan ng Simbahan tungkol sa diborsyo. Si Lot na pamangkin ni Abraham ay nakatira sa gitna ng mga taong isinumpa dahil sa walang kapantay nilang pagkamakasalanan, pero hindi iyon nangangahulugan na sumasang-ayon si Lot sa paraan ng kanilang pamumuhay. Ipinauna na ni Jesus na ang mga Cristiano ay mamumuhay na parang mga tupa sa piling ng mga asong lobo.

Christian Teaching on Divorce
“Hindi ba masama sa paningin ng Diyos ang diborsyo?” Ito ang tanong sa isang Protestanteng pastor (o baka pastor-pastoran lang) tungkol sa isyu ng divorce. Ang mabilis na sagot na pastor ay, “Ang masama ay yung nagpapatayan kayong mag-asawa at nakikita pa ng mga anak.” Wala naman nagsasabing hindi yun masama, pero hindi naman iyon ang itinatanong. Ang tanong ay kung masama ba sa paningin ng Diyos ang diborsyo—oo o hindi lang ang sagot. Sa tanong na, “Kasalanan ba ang paggamit ng contraceptives,” ang sagot ng mga pro-RH na Protestanteng pastor ay, “Mas malaking kasalanan yung magsisilang ka ng sanggol na hindi mo kayang buhayin.” Wala naman nagsasabing mabuti iyon, pero ang tanong ay tungkol sa moralidad ng contraception.

Kahit anong manipulasyon ang gawin sa pagsagot tungkol sa katuruan ni Cristo, hindi magbabago ang katotohanan. Pwedeng dayain ng tao ang kanyang sarili pero hindi niya pwedeng dayain ang Diyos. Ikinakatwiran din ng mga nagkukunwaring tagapag-akay sa Diyos na may diborsyo na sa lumang tipan pa lamang. Ipinapakita lamang nito kung gaano kaignorante ang mga taong ito tungkol sa kalooban ng Diyos.

Ang kasal ay kasunduan sa pag-itan ng isang lalaki at isang babae ni sinasaksihan at pinagtitibay ng Diyos. Lahat ng pangako at panatang ginagawa natin ay hindi lamang natin sinasabi sa ating sarili o sa ibang tao; ginagawa natin ito sa harapan ng Diyos na nakakakita ng lahat. Ang pagtataksil o hindi pagtupad sa mga pangakong ito ay nangangahulugan ng paghamak sa pag-iral, presensya, at karangalan ng Diyos. Dahil dito kaya sinabi ni Propeta Malakias na ang Diyos ay galit sa diborsyo, at ito ay itinuturing niyang karahasan laban sa babaeng asawa. Hindi mangmang ang Diyos, at alam niya ang sinasabi niya. Ang mga taong nagmamarunong at nagtatangkang manipulahin ang salita ng Diyos ay silang mga mangmang at hangal. Ang katulad nila ay ang mga Pariseo na nag-aakalang si Moises ay gumawa ng batas na pumapabor sa diborsyo.

Sa harap ng lahat ay lininaw ni Jesus na gumawa si Moises ng batas tungkol sa diborsyo, hindi para ipahiwatig na ito ay katanggap-tanggap sa Diyos, sa halip ay para kontrolin ang pagiging talamak nito sa kanyang panahon. Sinabi ni Jesus, “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya pinayagan kayong diborsiyuhin ang inyong mga asawa.” Bago iyon ay ipinaalala niya sa kanila ang kalikasan at layunin ng kasal: “Sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at sinabi rin nitong iiwanan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at pipisan sa kanyang asawa, at magiging iisang katawan ang dalawa? Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang; kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.”

Malinaw ang sinabi ni Jesus: “Huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.” At malinaw din ang babala ni Propeta Malakias: “Ang Diyos ay galit sa diborsyo.” Paikut-ikutin man ng mga mangmang ang aral ng Biblia tungkol sa paghihiwalay, sa pagsasabing, “Ito at iyan ang masama,” walang magbabago. Ipinapahamak lang nila ang kanilang sarili dahil sa pagsasabi nilang ang Diyos ay sinungaling at sa pag-aakalang pwede nila siyang malinlang.

Permalink Leave a Comment

Nag-iisang Bansa na Walang Diborsyo

October 12, 2011 at 1:41 pm (Commentary)

Nakakalungkot makita na may ilang mga grupo na pilit kinukondisyon ang isip ng mga Filipino na ang kawalan ng diborsyo sa bansa ay isang nakakahiyang katotohanan. Ito daw ay dahil tayo na lang sa buong mundo (bukod sa Vatican City) ang walang batas tungkol sa diborsyo. Ang totoo ay may batas tayo tungkol sa diborsyo, at sinasabi dito na hindi ito pinapayagan sa ating bansa, maliban kung ang usapin ay mas matimbang sa batas pangrelihiyon ng isang indibidwal tulad ng sa mga Muslim.

Kahit sabihin na ang batas ng Pilipinas ay hindi Cristiano, ang pagpapahalaga o values ng mga Filipino ay nakalinya sa pagiging Cristiano kaya hindi tamang lasunin ng kung sino-sino ang ating isipan tungkol sa usapin ng kasal o pag-aasawa dahil inaari natin itong isang mabuting pamana ng ating mga magulang. Kahit mangyari na magkaroon ng matinding polusyon ang ating kultura dahil sa pananakop ng ibang lahi sa ating kaisipan, mananatili para sa atin ang katotohanan na ang pagkilala natin sa kasal bilang mga Filipino ay tulad ng pagkilala dito ng mga tunay na Cristiano sa buong mundo.

Dahil dito, dapat nating ipagmalaki, at hindi ikahiya — tulad ng gustong mangyari ng ilang makasariling mga tao — ang paninindigan at pagtatanggol natin sa institusyon ng pag-aasawa. Alam natin, bilang mga Cristiano, na ang Diyos ay galit sa diborsyo, at wala itong puwang sa puso ng mga taong nakakikilala sa kanilang Lumikha.

Permalink Leave a Comment

Ang RH Bill at ang mga Katoliko

June 15, 2011 at 1:34 pm (Commentary, Doctrinal, Moral)

“Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi nagtitipong kasama ko ay nagpapangalat” (Lucas 11:23).

 Tayo ay mga Cristiano hindi lamang isang araw sa isang linggo, kundi sa lahat ng araw, oras, at pagkakataon. Hindi mahalaga kung ikaw ay politiko, may-bahay, basurero, kasambahay, driver, abogado o ano pa man; bilang binyagang Katoliko, tungkulin nating mamuhay nang naaayon sa mga utos ni Jesus at maging kabahagi ng kanyang gawaing pagliligtas. Nagbabala si Cristo na ang Cristianong walang pakialam at pakikibahagi sa mga gawain kanyang Panginoon ay nagiging pabigat at nagkakasala. Sa usapin ng RH Bill, hindi pwedeng “no comment” tayo, dahil alam natin na kung hindi ito mabuti, ito ay masama, at hindi tayo maaaring manahimik sa gitna ng kasamaang ito. Bilang Cristiano, tayo ay tinawag upang makibahagi sa pagsusulong ng katotohanan, kalayaan, at katarungan dahil sa ganitong paraan natin maipakikilala ang Diyos sa lahat. Sa kabilang banda, ang pananahimik at pagpapadala sa maling agos ay tulad din ng pagsasabing, “Wala na tayong pag-asa dahil walang Diyos…bahala na!” Ito ay pag-insulto sa pag-ibig ng Diyos na tumawag sa atin para makibahagi sa kanyang kaganapan. Sa gitna ng kaguluhang at pagkakabaha-bahaging dulot ng RH Bill, kailangan natin manindigan at magkaroon ng panig. Hindi natin gustong marinig mula kay Jesus sa huling araw: “Alam ko ang iyong mga gawa. Hindi ka malamig ni mainit man. Higit na mabuti kung malamig o mainit ka. Ngunit maligamgam ka at hindi malamig ni mainit, kaya isusuka kita sa aking bibig” (Pahayag 3:15-16).

“Sumasampalataya ako…sa banal na Simbahang Katolika…”

Bilang mga Katoliko, ipinahahayag natin ang ating paniniwala sa mga turo ng Simbahang Katolika bilang institusyon na walang ibang nagtatag kundi si Jesus. Pinanampalatayanan natin na ang Iglesyang ito ay ang “haligi at saligan ng katotohanan” (1 Timoteo 3:15), at “ang pintuan ng daigdig ng mga patay ay hindi magtatagumpay laban sa kanya” (Mateo 16:18). Naniniwala tayong ang kanyang mga turo tungkol sa pananampalataya at moralidad ay walang pagkakamali, libo-libong taon man ang lumipas. Tatangkain ng Masama na iligaw ang marami patungo sa mga maling turo, pero hanggang sa huli ay mananatiling tapat ang Esposa ni Cristo – ang Simbahan. Kaya bilang paalaala at babala sa ating lahat, hindi tayo dapat maligaw sa ibang simbahan, kahit pa ito ay nagtataglay ng pangalang “katoliko”. Hindi ganap na basehan ang presensya ng isang obispo o grupo ng mga obispo para masabing sila ay kumakatawan sa Simbahan. Ang kolehiyo, halimbawa, ng mga obispo sa Amerika at sa Canada ay hindi na kumakatawan sa kaganapan ng pananampalatayang Katoliko, at hindi na ganap na kaisa ng  Simbahan. Matatagpuan ang tunay na Simbahan, at ang dalisay na katuruan, kung nasaan ang batong kinatatayuan nito. Kaya may kasabihang, “Ubi Petris, ibi Ecclesia” – Kung nasaan si Pedro, naroon ang Simbahan. Ang tunay na Simbahan ay tumutukoy sa kalipunan ng mga obispo, pari, at mga mananampalataya na may lubos na pakikipag-isa sa Santo Papa. Sinumang Katoliko na tahasang sumasalungat sa sinasampalatayanan ng buong sambahayan ng Diyos ay nagtatakwil sa kanyang sarili bilang Cristiano.

Hindi maitatanggi ang kapintasan ng mga mananampalatayang layko at pari, yayamang sila ay mga tao pa rin. Dahil dito, ang Simbahan ay inaakusahan ng pagiging mapagkunwari. Gayunman, ang bintang na ito ay nagmumula sa kawalan ng alam. Ang Simbahan, bagamat banal dahil sa presensya at pagpuspos ng Espiritu Santo, ay binubuo ng mga taong hindi perpekto. Alam ni Jesus na ang Simbahan ay may bahaging-tao, at marami sa mga kasapi nito ay hindi magiging tapat – gaya ni Judas Iscariote; ang iba naman ay paminsan-minsang maduduwag – tulad ni Pedro at ng mga apostol; habang ang iba ay maiiskandalo sa kanilang makikita at tuluyan nang hihiwalay. Hindi dapat mangyari sa atin ang alinman sa mga ito. Si Cristo lamang ang daan, katotohanan, at buhay, at iisa lang din ang Simbahang itinatag niya sa bato. Sa gitna ng mga iskandalo at mga kontrobersya, dapat nating alalahanin ang tanong ni Pedro, “Panginoon, kanino kami pupunta?” (Juan 6:68) dahil “walang Diyos maliban sa isa” (1 Corinto 8:4). Hindi dahilan ang kasalanan o kahinaan ng mga myembro ng Simbahan para pagdudahan, salungatin, at itakwil natin ito. Hindi ito lipunan ng mga taong hindi marunong magkamali, at kahit na umalis ka dito at bumalik, hindi pa rin mababawasan o madadagdagan ang mga perpektong tao dito dahil tulad mo, ang mga nandito ay may kanya-kanyang antas ng kahinaan.

Dapat ipako natin ang paningin sa mga turo ng Simbahan, sa halip na sa mga bagay na hindi nasusunod ng mga myembro nito. Titigan natin ang kasaysayan ng mga taong tinanghal na kagalang-galang, pinagpala, at banal, sa halip na ubusin ang oras, lakas, at diwa ng pag-asa sa pamimintas sa kakulangan ng iba. Tayo ay mga handog sa loob ng templo na bagamat may karumihan ay walang kakayahang dungisan ang altar. Ang altar na ito ang dumadalisay sa atin, at hindi tayo o sinuman ang makapagpaparumi dito. Kahit ano pa ang kahinaan ng mga namumuno sa Simbahan, hindi nito mababago ang katotohanan na ang boses ng Simbahan ay ang boses ng Diyos. Kaya nagbabala si Jesus tungkol dito: “Ang nakikinig sa inyo ay nakikinig sa akin, at ang di-tumatanggap sa inyo ay di-tumatanggap sa akin” (Lucas 10:16). Hindi natin ito pwedeng pasinungalingan dahil lang ayaw nating sumang-ayon sa turo, pamantayan, at disiplina ng Simbahan.

“Ang bawat tao’y dapat pasakop sa mga pinuno ng pamahalaan” (Roma 13:1).

Sa pangkalahatan, ang gobyerno ay ibinigay ng Diyos para sa ikabubuti ng tao. Ito ang namamahala sa pagpapatakbo ng isang bansa o bayan, sa paggawa at pagpapatupad ng batas, sa kaban ng yaman, at sa mga pangangailangan ng komunidad. Ang pagpapasakop sa pamahalaan ay pakikiisa sa layunin nitong tulungan ang bawat mamamayan na maging produktibo at mabuting kasapi ng lipunan. Kaya nga, kung pinoprotektahan ng Estado ang kalayaang pangrelihiyon, itinuturo naman ng Simbahan ang paggalang sa pamahalaan dahil ito ang kalooban ng Diyos.

“Wala kang anumang kapangyarihan sa akin kung hindi ito ibinigay sa iyo mula sa itaas” (Juan 19:11).

Bagamat ang pamahalaan ay may kapangyarihan sa mga nasasakupan nito, ang kapangyarihang ito ay hindi ganap at hindi nagmumula sa sarili. Ang Saligang Batas ng Pilipinas ay kumikilala sa katotohanang ito at ipinahahayag nito sa panimulang bahagi: “Kami, ang nakapangyayaring sambayanang Pilipino, na humihingi ng tulong sa Makapangyarihang Diyos…” Kinikilala nito ang katotohanan na ang kapangyarihan ng Estado ay nagmumula sa Diyos at hindi ito dapat gamitin para para labagin ang batas ng Diyos mismo.

“Kayo na ang humatol kung ano ang tama sa paningin ng Diyos: ang sumunod sa inyo o sumunod sa Diyos?” (Gawa 4:19)

Makikita natin sa kasaysayan na may mga pagkakataong nakakalimutan ng gobyerno ang pinagmulan at tungkulin nito, kung kaya minsan ay ang Diyos mismo ang kanilang kinakalaban. Sa ganitong mga pagkakataon, magiging kasalanan para sa ating mga Cristiano ang pag-ayon sa pamahalaan dahil nangangahulugan ito ng pagsalungat sa Diyos.

“Hindi maaaring di namin ipahayag ang aming nakita at narinig” (Gawa 4:20).

Tungkulin ng bawat tao na magsabi ng totoo at mamuhay sa katotohanan. Misyon naman ng Simbahan na ipahayag ang tinanggap nitong katotohanan, at tutulan, salungatin, at itama ang anumang kasinungalingan tungkol sa Diyos, sa tao, at sa relasyon ng tao sa Diyos. Ang pananahimik sa gitna ng mga kasinungalingan ay pagtataksil sa tungkuling iniatang ni Jesus na ipangaral ang katotohanan at palayain ang mundo sa pamamagitan nito. Sa liwanag ng Espiritu Santo at ng dalawang-libong taong karunungan ng Simbahan, nakikita natin ang malaking kasinungalingan sa likod ng mapalamuting mga pananalita ng RH Bill. Madali nitong napapaniwala ang karamihan dahil hindi madaling makita ang mga panlilinlang nito. “Pero taglay natin ang isip ni Cristo” (1 Co 2:16) kaya nakikilala natin ang katotohanan at ang kabaligtaran nito saanman natin ito masalubong. Ang pagsalungat at pagbibigay-babala laban sa ganitong panlilinlang at kapahamakan ay pananagutan natin sa Diyos at sa ating kapwa. Kahit ang Cristianong walang kakayahang gamitin ang pisikal na dila para magsalita ay hindi pinapayagang manahimik sa ganitong pagkakataon.

“Ang ahas ang pinakatuso sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoon” (Genesis 3:1).

Sa huli, dapat mag-ingat ang bawat Cristiano laban sa maling akala na siya ay sapat na sa kanyang sarili. Mas tuso si Satanas kaysa sa sinumang tao dito sa lupa. Ang pagkahulog nina Adan at Eba sa bitag ng Masama ay larawan ng sarili nating pagkahulog. Walang sinuman ang maaaring magsabing, “Kung ako ang unang tao, hindi ako malilinlang ng ahas ,” dahil hindi ito totoo. Si Satanas ang dating Lucifer (tagapagdala ng liwanag) kaya taglay niya ang napakataas na antas ng kaalaman at talino na ngayon ay ginagamit niya para ipahamak ang lahat ng taong pwede niyang linlangin. (Magtataka ka pa ba na maraming “matatalino” ang manloloko?) Hindi dapat akalain ninuman na kaya niyang pagtagumpayan ang Masama sa sarili niyang lakas at kakayahan. “Kaya mag-ingat ang may akalang matatag na siya, at baka madapa” (1 Corinto 10:12). “Si Cristo’y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi” (1 Corinto 12:12), hindi dapat ihiwalay ng isang mananampalataya ang kanyang sarili dito. Kailangan ng bawat Katoliko ang karunungan at lakas ng buong Simbahan. Ang pagsalungat, at lalo na ang pagtuligsa, sa mga turo nito ay tanda ng siguradong kamalian.

Permalink Leave a Comment

Mga Dapat Mong Malaman Tungkol Sa RH Bill

May 2, 2011 at 1:02 pm (Commentary)

  1. Ang salitang “reproductive health” ay binigyan ng pangkalahatang pakahulugan ng United Nations, at deretsahang sinasabi ng Amerika na kasama sa reproductive healthcare ang aborsyon. Kaya saanman sa mundo may batas na sumusuporta sa “reproductive healthcare” ng UN, hindi maihihiwalay dito ang aborsyon.
  2. Ang konsepto at pagsasabatas ng reproductive healthcare, ayon sa pakahulugan ng RH Bill, ay labag sa Saligang Batas ng Pilipinas, unang-una na dahil ilegal ang aborsyon sa ating bansa. Pero hindi pa yun dun natatapos.
  3. Desperado ang mga sumulat ng bersyon ng RH Bill para sa Pilipinas kaya hindi sila nagdalawang-isip na labagin ang karapatan ng mga pamilya at mga samahang pampamilya na makibahagi sa pagbabalangkas at pagpapatupad ng mga polisiya na may kinalaman sa kanila. Tungkulin ng Estado na ang karapatang ito ay ipagtanggol (Art XV, Sec 3, Par 4 of Constitution). Hindi rin sila natakot na matawag na maka-komunista sa pagpapanukala ng batas na lalabag sa kalayaan ng pananalita at pagpapahayag na pinoprotektahan ng Saligang Batas (Art III, Sec 4).
  4. Ang Reproductive Health Bill ay hindi tungkol sa reproduction kundi sa pagsugpo dito. Ang pangunahing layunin nito ay pigilan ang pagdadalantao ninuman hanggang maaari; kumbinsihin ang lahat na ang “tamang bilang” ng anak ay dalawa sa bawat mag-asawa (o partners); at doktrinahan ang mga susunod na henerasyon mula sa Grade 5 hanggang fourth year sa high school para mawala na sa kamalayan ng mga susunod na dalawa hanggang tatlong henerasyon ang ideya ng malaking pamilya, at tuluyan na itong maging “imoral” sa paningin ng lipunan. Mind conditioning at brainwashing ang laro ng RH Bill.
  5. Ang Reproductive Health Bill ay hindi tungkol sa health. Wala itong pakialam sa anumang panandalian at pangmatagalang panganib ng mga kontraseptibong pamamaraan na isinusulong nito. Kahit ano pa ang sapitin ng mga babae at mga sanggol sa sinapupunan, ang mahalaga sa mga may-akda ay magkaroon ng patuloy na pagbili ng mga contraceptive dahil ito ay tungkol sa “budget”. Sa halip na ang libre, ligtas, at epektibong Billing’s Ovulation Method na kinikilala ng World Health Organization ang isulong ng RH Bill, ipinagpipilitan nito ang mapanganib, hindi laging epektibo, maaaring makamatay, at may bayad na contraceptives. Bakit kaya?
  6. Ang Reproductive Health Bill ay hindi tungkol sa reproduction at hindi rin tungkol sa health; ito ay tungkol sa bill — sa perang magpapatupad dito. Tungkol ito sa billions of peso bill.
  7. Ang idealismo ng pagkakaroon ng dalawang anak lamang sa bawat tahanan ay lumalabag sa autonomiya ng pamilya, at sa karapatan nitong mabuo nang naaayon sa kanilang paniniwalang pangrelihiyon (Art XV, Sec 3, Par 1). Sa pamamagitan ng RH Bill, ang gobyerno ay magiging tagakumbinsi ng mamamayan na ang pagkakaroon ng higit sa dalawang anak ay nangangahulugan ng hindi pakikiisa sa layunin ng pamahalaan na paunlarin ang bansa. Dahil dito, ang pamilyang mayroong higit sa apat na myembro ay maituturing na pabigat sa lipunan.
  8. Tungkulin ng Estado na tulungan ang pamilyang Filipino na patatagin ang pagsasama at pagiging buo nito (Art XV, Sec 1), pero sa kabaligtaran, gusto itong wasakin ng RH Bill sa pamamagitan ng pagsasabing ang mga magulang ay walang pakialam sa mga usapin at desisyong sekswal ng kanilang mga anak, kahit pa ang mga ito ay menor de edad; at ang mag-asawa ay walang pakialam sa isa’t isa pagdating sa mga usaping reproduktibo at kontraseptibo. Hinahamak nito ang konsepto ng conjugal decision making, parental consent, at family decision.
  9. Ang promosyon ng contraceptives, lalo pa kung ito ay inisyatibo ng pamahalaan, ay lumalabag sa karapatan ng ina at ng sanggol na maipagtanggol ng Estado ang kanilang buhay at kalusugan (Art II, Sec 12). Alam ng mga doktor na ang ilang mga kontraseptibo ay maaaring magdulot ng malubhang mga kondisyon sa babae, at inamin mismo ng Philippine Medical Association na ang birth control pill at ang IUD ay maaaring maging sanhi ng aborsyon. Sa kabila nito, ang mga tagapagsulong ng RH Bill ay hindi nagpapakita na anumang pakialam.
  10. Ipinagpipilitan ng mga tagapagsulong ng RH Bill na ang Simbahan ay nakikialam sa usaping pang-Estado dahil sa mariin nitong pagtutol sa panukalang batas, pero hindi nila binabato ng parehong bintang ang mga relihiyon at sektang umaayon sa kanila tulad ng INC at ibang mga Protestante.
  11. Layunin ng mga sumulat ng RH Bill na agawin mula sa mga magulang ang tungkulin at karapatang magturo sa mga anak ng tungkol sa moralidad ng mga sekswal na gawain; at agawin mula sa Simbahan ang nasasakupan ng relihiyon tulad ng paghubog ng konsensya.
  12. Ang RH Bill ay may dalawang mukha na nagpapahayag ng pagsasalungatan.
    Halimbawa: [1] Sinasabing ito ay pro-choice…pero layunin nitong pilitin ang mga manggagamot na labagin ang kanilang konsensya at sinumpaang tungkulin; ang mga magulang na isuko sa Estado ang kanilang mga karapatan; ang mga amo na ipagwalang-bahala ang kanilang mga paniniwala; ang mga estudyante na paniwalaan ang mga bagay na salungat sa kanilang kinamulatan; ang Simbahan na huwag gawin ang kanyang misyon; ang lahat ng mamamayan na manahimik sa kabila ng naghihimagsik na kalooban; at ang mga sanggol sa sinapupunan na huwag nang ituloy ang buhay. [2] Sinasabi ng RH Bill na kung inaakala ng isang doktor na ang ipinagagawa sa kanya ay masama, pwede niya itong tanggihan basta maghahanap siya ng ibang doktor na gagawa nito para sa kanya. Ibig sabihin, kung pinagnanakaw ka, pwede mong hindi gawin basta siguruhin mong may ibang magnanakaw para sa iyo. [3] Sinasabing ito ay makatutulong sa pagliit ng bilang ng mga kaso ng aborsyon… pero kasama sa mga programa nito ang promosyon ng paggamit ng mga kontraseptibong maaaring maging sanhi ng aborsyon. [4] Isinusulong daw ng RH Bill nang walang diskriminasyon kapwa ang natural family planning at ang artificial contraception…pero bilyong piso ang itinatakda nito para sa mga kontraseptibo, at halos dito na umiikot ang buod ng panukala, samantalang ang NFP ay binanggit lamang para sa paimbabaw na pagpapakita ng balanse o ng tinatawag nilang “choice”.
  13. Ang RH Bill ay hindi tungkol sa responsible parenthood kundi sa paggawa ng anumang posibleng paraan para takasan ang natural na konsikwensya ng isang akto. Ito ay tulad ng pagsasabing, “Ang responsableng estudyante ay hindi nagpapahuli pag nangongopya.” Sinasabi nitong mas responsable ang pagiging tapat, PERO kung hindi maiiwasang mandaya, huwag na lang magpapahuli. Ayon sa RH Bill, “Pinakamabuting solusyon ang pagpipigil sa sarili, pero kung hindi kayang pigilan ang sarili, basta huwag mabubuntis.”
    Kailan pa naging katanggap-tanggap na dahilan ang kawalan ng kakayahang pigilan ang sarili? Ganito ba talaga kababa ang pagtingin nila sa tao? Maaabswelto ba ang isang rapist sa dahilang hindi niya napigilan ang sarili?
  14. Ang RH Bill ay mapanghimasok, walang respeto sa autonomiya ng pamilya, at maka-komunista. Pinanghihimasukan nito ang pagiging magulang; di kinikilala ang karapatan ng pamilya na magpasya nang walang anumang hindi imbitadong impluwensya mula sa gobyerno; at ipinipilit nang may kasamang pananakot ang mga desisyon na hindi dapat sinasakupan at pinakikialaman ng Estado.
  15. Ang RH Bill ang totoong lumalabag sa “separation of Church and State,” dahil tinatangka nitong ibigay sa Estado ang gawaing dapat ay sa Simbahan.
  16. Binabalewala ng mga tagapagsulong ng RH Bill ang sinasabi ng maraming mga ekonomista, doktor, psychologist, bioethicist, mga relihiyoso, mga pilosopo, at iba pang mga eksperto tungkol sa kamalian ng panukala. Nakalimutan ng mga mambabatas na hindi nila karapatan at tungkulin na ipagpilitan ang mga panukalang tinututulan ng mga mas nakauunawa kaysa sa kanila.
  17. Ang sumulat ng RH Bill ay mga banyaga kaya wala itong paggalang sa maka-Pilipinong pagpapahalaga. Nagkataon lang na ilegal ang aborsyon sa Pilipinas kaya hindi nila ito hayagang isinama sa panukala, pero ang parehong mga may-akda nito ay naniniwala sa “pangangailangan” ng aborsyon. Ang paborito nilang laro ay “political/legal manipulation” at “propaganda”.
  18. Inampon ng RH Bill ang kasinungalingang medikal na nagsasabing ang “conception” ay tumutukoy sa proseso kung saan ang embryo ay kumakapit sa matres (implantation), at hindi sa oras ng pagtatagpo ng sperm cell at egg cell (fertilization). Ginawa nila ito upang pasinungalingan na ang birth control pill at ang IUD ay pumapatay ng tao sa pamamagitan ng aborsyon.

Permalink Leave a Comment

Next page »