Kasiguruhan ng Kaligtasan

May kasiguruhan sa katotohanang kung nasaan ang katawan ay naroon ang ulo; at kung paanong si Jesus ay umakyat sa langit, ang kanyang Simbahan ay siguradong makakasama niya. Hindi nangangapa sa kawalan ang mga alagad ni Jesus, sa halip ay “tumatakbo patungo sa isang tiyak na hangganan” (1 Co 9:26). Walang kabuluhan ang paniniwala kung ang pinaniniwalaan ay hindi pala maaasahan. Tapat ang nagsabing “Babalik ako at isasama kayo sa kinaroroonan ko” (Jn 14:3).
Pero sino ba ang may kasiguruhan? Ang mga taong naniniwalang pinatawad na sila ng Diyos? Ang mga tumanggap kay Jesus bilang Panginoon at personal na Tagapagligtas? Ang mga myembro ng Simbahan?

Totoo, ang nagsisi at humingi ng tawad sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus ay pinatawad nga at naging malaya upang hindi na paalipin sa kasalanan; pero kung ang pinatawad ay muling bumalik sa pagpapaalipin sa kasalanan, muli nga siyang maaalipin (R 6:16) at hindi malaya ang isang alipin. Kaya bilang paghamon at pagbibigay-linaw sa kaisipan ng malalabo pang mangatwiran, sinabi ni Pablo, “Maaari ko ring sabihin, ‘ Malaya akong gumawa ng kahit ano,’ ngunit hindi ako paaalipin sa anumang bagay” (1 Co 6:13). Ibig bang sabihin ay hindi kayang ipagsanggalang ni Jesus ang mga pinalaya niya? Walang hindi kayang gawin si Jesus para sa kanyang mga tinawag dahil ang lahat ng bagay ay sama-samang gumagawa para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa Diyos (R 8:28). Pero ang kapatawarang tinanggap natin ay hindi nag-aalis ng ating kalayaang pumili kung mananatili tayo sa malayang buhay na ibinigay ng Diyos o muli tayong magpapaalipin sa kasalanan. Kaya ang sulat sa mga Hebreo ay nagbababala sa atin: “Kung matapos nating makilala at tanggapin ang katotohanan ay magpatuloy pa rin tayo sa pagkakasala, wala nang haing maihahandog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan. Wala nang natitira kundi ang nakapangingilabot na paghihintay: ang Paghuhukom at ang nangangalit na apoy na tutupok sa mga kalaban ng Diyos” (He 10:26-27).

May kasiguruhan din ba ang mga nagsasabing tinanggap nila si Jesus sa kanilang buhay bilang Panginoon at personal na Tagapagligtas? Sa talinghaga ng maghahasik, ang batuhan ay lumalarawan sa mga taong buong-galak na tumanggap sa Salita ngunit nanlamig nang dumating ang kahirapan  o pag-uusig. Tinanggap si Jesus at ang kanyang mga salita, ibig bang sabihi’y ligtas pa rin sila kahit tumalikod silang muli sa Diyos? Ang iba nama’y parang dawagan na tumanggap sa Salita, pero naging maibigin sa kayamanan at mapaghangad sa iba pang mga bagay. Mananatili ba silang ligtas kahit nawalan na ng puwang sa kanilang puso ang Salita? Sila ang tinutukoy ni Pablo na dahil sa paghahangad na magkamal ng salapi ay napalayo sa pananampalataya at nasadlak sa paghihirap ng kalooban (1 Tm 6:10). Pinaghaharian pa rin ba sila ng Diyos kahit tumalikod na sila sa pananampalataya sa pamamagitan ng pagwawalang-halaga dito? Isa lang ang maaaring paglingkuran, ang Lumikha o ang linikha; Diyos o kayaman (Mt 6:24) Ang pagsasabing si Jesus ang Panginoon ay hindi kasiguruhan ng kaligtasan: “Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng Langit, kundi yaon lamang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit (Mt 7:21);

Ang pagiging myembro ba ng Simbahan ay kasiguruhan ng kaligtasan? Sina Ananias at Safira sa panahon ng pamamahala ni Pedro ay myembro ng Simbahan hanggang bago sila mamatay. Ang hatol bang kamatayan sa kanilang dalawa ay nangangahulugan ng pagpapabilis ng pagharap nila sa Diyos? Kung siguradong nanatili silang ligtas sa kabila ng kanilang pagkakasala sa Espiritu Santo, hindi na parusa ang bigla nilang kamatayan kundi gantimpala. Ganito rin ang kaso ng mga taong tinutukoy ni Pablo na nangamatay na dahil sa pagkain ng tinapay at pag-inom sa saro ng Panginoon nang hindi nagpapahalaga sa katawan ng Panginoon (1 Co 11:27-30). Sila ay mga taong tumanggap ng kapatawaran, tumanggap kay Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas, at mga myembro ng Simbahan; pero kung tatanungin, ayon sa pagkaunawa natin sa turo ng Biblia, naligtas ba ang mga taong ito? Kung sila ay hindi naligtas dahil nagkasala sila matapos tanggapin si Jesus, nangangahulugan na ang pagtanggap ng kapatawaran, paniniwalang si Jesus ang Panginoon at Tagapagligtas, at ang pagiging myembro ng Simbahan ay hindi kasiguruhan ng kaligtasan. Sa kabilang banda, kung sila naman ay naligtas, nangangahulugan na ang pagkakasala nila ay nagdulot sa kanila ng gantimpalang makasama ang Diyos nang mas maaga. Ligtas ba sila o hindi?

Isang kaso pa ang pagmumulan ng tanong: ang kapatid na taga-Corinto na iniutos ni Pablong ibigay kay Satanas—“Ibigay ninyo siya kay Satanas upang mapahamak ang katawan at nang maligtas ang kanyang espiritu sa Araw ng Panginoon” (1 Co 5:5). Aling araw ng Panginoon ang tinutukoy ni Pablo? Ang araw ng Linggo? Ang araw ng kamatayan ng kapatid? O ang Paghuhukom? Ito ay tumutukoy sa araw ng pagbabalik ni Jesus upang hatulan ang mga buhay at ang mga patay. Ang utos na ito tungkol sa isang kapatid na patuloy na nagkakasala ay nagbigay kasiguruhan sa kanyang kaligtasan pero hindi ito magaganap habang siya ay nasa buhay na ito, o kahit sa kanyang pagpanaw, kundi sa Araw ng Panginoon. Kung hindi pa ganap ang kanyang kaligtasan kahit sa araw ng kamatayan ng kanyang katawan, at hindi rin naman hinatulang mapahamak ang kanyang espiritu, ano ang kanyang kalagayan ngayon? Ang estado ring ito ang tinutukoy ni Jesus kung saan ang kaluluwa ay naliligtas pero hindi sa buhay na ito. Ibig bang sabihi’y mayroon pang pagkakataong magsisi ang mga nasa kabilang buhay na at makatanggap pa ng kapatawaran? Sinasabi ni Pablo na ligtas na ang mga mananampalataya ngunit hindi pa ganap ang kaligtasang ito (R 8:24-25). Ibig bang sabihin ay medyo ligtas pa lang tayo? Hindi, ibig sabihi’y tinanggap na natin ang pangako ng kaligtasan—at tapat ang nangako—pero hindi pa ito nagaganap dahil wala pa tayo sa harapan ng Diyos. Halimbawang ang sinakyang barko ng isang tao ay nagsimulang lumubog, masasabi niya nang may kasiguruhan na siya ay nasa panganib at nangangailangan ng tagapagligtas. Kung makalipas ang ilang sandali ay matanggap ng taong ito ang balita na parating na ang mga magliligtas sa kanila, buong pag-asa niyang masasabi niya sa sarili, “Ligtas na ako,” pero hanggat wala pa siya sa lupa, hindi pa ganap ang kanyang kaligtasan. Ganito rin ang ibig sabihin ni Pablo, at ito rin ang prinsipyo ng kaligtasang tinutukoy ni Jesus tungkol sa mga kaluluwang hindi pa humaharap sa Diyos kahit pumanaw na sa buhay na ito. Ang kapatawaran ay hindi nila tinanggap sa kabilang buhay kundi bago pa man sila umalis sa mundo, lamang ay nananatili pa ring hindi ganap ang kanilang kaligtasan dahil wala pa sila sa harap ng Diyos. Bagamat ganap ang pagpapatawad ng Diyos, ang kanilang kasalukuyang kalagayan ang dahilan kung bakit masasabing hindi pa sila napapatawad. Ang pagharap nila sa Diyos ang kapatawarang tinutukoy ni Jesus; ang kaganapan ng kanilang kaligtasan.

Sino, kung ganun, ang makasisiguro sa kanyang kaligtasan? Nagbababala si Pablo sa mga Cristianong nagiging kampante na para bang siguradong-sigurado na sa kanilang kaligtasan: “Kaya nga, mag-ingat ang sinumang nag-aakalang siya’y nakatayo, baka siya mabuwal” (1 Co 10:12). Hindi kailanman nagdudulot ng kaligtasan ang presumpsyon, gaano man kasigurado ang tao sa kanyang inaakala. Ang ganitong mga tao rin ang tinutukoy ni Jesus: “Pagdating ng huling araw, marami ang magsasabi sa akin, ‘Panginoon, nangaral po kami at nagpalayas ng mga demonyo, at gumawa ng mga kababalaghan sa inyong pangalan!’ At sasabihin ko sa kanila, “Kailanma’y hindi ko kayo nakikilala. Lumayo kayo sa akin mga mapaggawa ng masama!’ ” (Mt 7:22-23). Si Pablo mismo ang nagpakita ng halimbawa kung paano dapat magbantay laban sa pagiging kumportable at sigurado: “Pinahihirapan ko ang aking katawan at sinusupil ang sarili, baka pagkatapos kong mangaral sa iba ay ako naman ang itakwil” (1 Co 9:27). Kaya lagi niyang ipinaaalala na pagtrabahuhan ang sariling kaligtasan nang may takot at panginginig (Ph 2:12), at pagsumakitan ang mga bagay na nasa langit (Col 3:1). Makasisiguro lang tayo sa ating kaligtasan kung gagawin nating ang mga bagay na ito, sa gayo’y ang kalooban ng Amang nasa langit. Ang minsang pagtanggap kay Jesus ay hindi kasiguruhan dahil “ang manatiling tapat hanggang wakas ay siyang maliligtas” (Mt 24:13).

11 Comments

  1. Pinor Reformista said,

    Sabi mo: “Ibig bang sabihin ay hindi kayang ipagsanggalang ni Jesus ang mga pinalaya niya? Walang hindi kayang gawin si Jesus para sa kanyang mga tinawag dahil ang lahat ng bagay ay sama-samang gumagawa para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa Diyos (R 8:28). Pero ang kapatawarang tinanggap natin ay hindi nag-aalis ng ating kalayaang pumili kung mananatili tayo sa malayang buhay na ibinigay ng Diyos o muli tayong magpapaalipin sa kasalanan.”

    Tugon ko:
    Samakatuwid, ang pinaka-determiner sa pagtatamo ng Kaligtasan ay ang pagpili/desisyon ng tao, tama po ba?

    • vanillae said,

      Ganito ko iyan sasagutin:
      Ang kaligtasan ay regalo ng Diyos, hindi ito dahil sa ating mga gawa, dahil sa kanilang ang sarili, ang anuman sa ating mga gawa ay walang sariling halaga. Gayunman, ang regalong ito ng kaligtasan ay katulad din ng ibang mga pangkaraniwang regalo: una, ito ay libre; pangalawa, hindi ito ipinipilit kundi nangangailangan ng pagtanggap o pagtugon mula sa rineregaluhan. Ang ating kaligtasan, bagamat libre, ay nangangailangan ng ating sagot at kooperasyon. Hindi ipinipilit ng Diyos sa atin ang ayaw nating tanggapin dahil sa lahat ng pagkakataon ay kinikilala at ginagalang ng Diyos ang ating kalayaang pumili.

      “Kung saan naroon ang Espiritu ng Panginoon, naroroon din ang kalayaan.”

  2. Pinoy Reformista said,

    Maraming salamat po sa pag-tugon, ngunit hindi niyo po sinagot ang aking katanungan. Ang tinatanong ko po sana ay kung tinuturo niyo po ba na ang “FINAL DETERMINER” o ang “FINAL SAY” ng Kaligtasan ay sa tao nakasalalay? Paki-kumpirma po.

    • vanillae said,

      Depende sa gusto mong marining. Kung ang tinutukoy mo ay kung nakasalalay ba sa Diyos ang lahat ng bagay, ang sagot ay oo. Maging ang ating pagtugon at pananampalataya ay biyayang galing sa Diyos. Pero hindi nito inaalis sa atin ang kalayaang magpasya, at ang pasyang ito ang magsasabi kung talagang pakikinabangan natin ang iniaalok na kaligtasan ng Diyos.

      [Kaya nga, mahal na mga kapa¬tid na laging tumatalima sa akin noong kasama ninyo ako, higit pa kayong tuma¬lima ngayong malayo ako, at ganapin ninyo ang inyong pagkaligtas nang may “takot at panginginig.” Fil 2:12] Ito ay nagpapakita ng ating responsibilidad sa ating kaligtasan.

      [Ang Diyos ang gumagawa sa inyo na naisin at gawin ang magbibigay-lugod sa kanya. Fil 2:13] Ang bahaging ito ay nagpapakita ng biyaya ng Diyos sa lahat ng ating mga pagpapasya.

      • Pinoy Reformista said,

        Sang-ayon ako na ang tao ay may kalayaang magpasya, ngunit may limitasyon ang kalayaang ito.

        Ang kalayaang magpasiya ay limitado sa kalikasang taglay ng taong nagpapasiya. Halimbawa, kapag ang isang gutom na leon ay hinainan mo ng dalawang putahe; (1) fruit salad, at (2) sariwang karne, sa tingin mo ano pipiliin niya? Hindi ba’t ang (2) sariwang karne? Ito ay sapagkat ang leon ay likas na “carnivorious”, kaya mas pinasiya niyang piliin ang sariwang karne sa halip na ang fruit salad.

        (Ito’y paglilinaw lang naman)
        _____________

        Balik tayo sa paksa. Sabi niyo po, “at ang pasyang ito ang magsasabi kung talagang pakikinabangan natin ang iniaalok na kaligtasan ng Diyos”. Samakatuwid, ang pinal na tagapagsabi (final say) ng Kaligtasan natin ay ang ating sariling pasya, tama po ba?

      • vanillae said,

        Iisa ang kalikasan ng lahat tao. Ang malayang pagpapasya ang katangiang taglay natin kung bakit sinasabing tayo ay nilikhang kalarawan ng Diyos. Walang limitasyon ang ating kalayaang magpasya, bagamat limitado ang kakayahan nating isakatuparan ang ating mga pasya. Halimbawa ay nagdesisyon akong bumili ng malaking bahay pero kulang ang aking pambili, linilimitahan nito ang aking kakayahang isakatuparan ang aking desisyon. Pero sa usapin ng kaligtasan, walang sinuman o anuman ang makakapigil sa tao para paniwalaan ang pinili niyang paniwalaan, o tanggapin ang pinili niyang tanggapin, lalo na kung ito ay mula sa Diyos.

  3. John Joseph Ras said,

    [Iisa ang kalikasan ng lahat tao.]

    Sang-ayon ako brad. Wika nga ni Pablo sa mga mananampalatayang taga-Efeso, “LIKAS TAYONG MASAMA at nasa ilalim ng hatol ng galit ng Dios, TULAD NG LAHAT” (Efe. 2:3c, Ang Salita ng Buhay).
    ___
    [Walang limitasyon ang ating kalayaang magpasya, bagamat limitado ang kakayahan nating isakatuparan ang ating mga pasya.]

    Mali brad. Pinaliwanag ko na yan, at nagbigay pa ako ng halimbawa. Hindi mo man lang ba ito bibigyang pansin?
    ___
    [Halimbawa ay nagdesisyon akong bumili ng malaking bahay pero kulang ang aking pambili, linilimitahan nito ang aking kakayahang isakatuparan ang aking desisyon.]

    Sang-ayon ako brad. Hindi lahat ng pinaplano natin ay maisasakatuparan natin, malibang ito’y loobin ng Diyos. Sa bandang huli, ang layunin parin ng Diyos ang masusunod. “Many are the plans in the mind of a man, but it is the purpose of the LORD that will stand.” (Prov. 19:21, ESV)
    ___
    [Pero sa usapin ng kaligtasan, walang sinuman o anuman ang makakapigil sa tao para paniwalaan ang pinili niyang paniwalaan, o tanggapin ang pinili niyang tanggapin, lalo na kung ito ay mula sa Diyos.]

    Dapat mong alalahanin brad na ang isang makasalanan ay patay sa kanyang espirituwal na kalagayan (spiritually dead). Sa madaling salita, siya’y walang kakayahang gumawa ng mga [positibong] espirituwal na gawain gaya ng paggawa ng mabuti sa paningin ng Diyos, at pagsampalataya.

    Gaya ng ipinaliwanag ko na, ang pagpapasisya ng isang tao ay limitado sa kalikasang kanyang tinataglay (gaya ng halimbawang ibinigay ko sa itaas tungkol sa isang gutom na leon). Gayundin ang tao. Sapagkat ang tao (matapos ang Pagkahulog) ay LIKAS na Makasalanan at Maka-laman, ang kanyang pagpapasiya ay nakatuon lamang sa mga bagay na may kinalaman sa pagkakasala at mga masasamang pita ng laman. Kaya nga ang wika ng apostol,

    > “Because THE CARNAL MIND is enmity against God: for IT IS NOT SUBJECT TO THE LAW OF GOD, NEITHER INDEED CAN BE. So then they that are in the flesh cannot please God.” (Rom. 8:7-8, KJV).

    Kung gayon, may kakayahan ba ang mga makasalanan na gumawa ng mabuti sa paningin ng Diyos? Wala, sapagkat sila’y “alipin” ng Kasalanan. At yamang mga alipin ng kasalanan, sila’y HIWALAY sa katuwiran.

    > “For when ye were the servants of sin, ye were FREE FROM RIGHTEOUSNESS.” (Rom. 6:20, KJV).

    > “What then? are we better than they? No, in no wise: for we have before proved both Jews and Gentiles, that THEY ARE ALL UNDER SIN; As it is written, There is none righteous, no, not one: There is none that understandeth, THERE IS NONE THAT SEEKETH AFTER GOD. They are all gone out of the way, they are together become unprofitable; THERE IS NONE THAT DOETH GOOD, NO, NOT ONE.” (Rom. 3:9-12, KJV)

    Apat na bagay ang dapat nating bigyang-diin sa Roma 3:9-12,

    1) na ang lahat ng tao ay nasa ilalim ng kasalanan (tal. 9).
    2) na ang mga taong nasa ilalim ng kasalanan ay walang kakayahang umunawa (tal. 11a).
    3) na ang mga taong nasa ilalim ng kasalanan ay hindi humahanap sa Diyos (tal. 11b).
    4)na ang mga taong nasa ilalim ng kasalanan ay walang kakayahang gumawa ng mabuti (tal. 12).

    Iyan ang unibersal na sitwasyon nating lahat sa ating likas na kalagayan. Mayroon tayong kakayahang magpasiya. Ngunit dahil alipin ng kasalanan ang ating kalikasan, ang pagpapasiya natin ay “inclined” lamang sa pagkakasala. Kaya ang wika ng apostol, “THERE IS NONE THAT DOETH GOOD, NO, NOT ONE”.

    • vanillae said,

      Kahit nagkasala ang tao at nagkaroon ng kabulukan, hindi nito napalitan ang kanyang kalikasan bilang kalarawan ng Diyos:
      “Whoever sheds the blood of man, by man shall his blood be shed; for in the image of God has God made man.” (Gn 9:6)
      Sinabi ito ng Diyos hindi bago magkasala ang tao kundi pagkatapos. Bilang kalarawan ng Diyos, ang tao ay nakadisenyo pa rin para gumawa ng mabuti, at sa kalaliman ng kanyang puso, bagamat nalalabuan ng kasalanan, ay hinahanap niya ang mabuti.

      Kung ang tao ay lubos na masama, mangangahulugan na walang kabutihan sa kanya kahit kaunti. Pero hindi ito ang sinasabi ng mga anghel:
      “Glory to God in the highest, and peace to men of good will” (Lk 2:14).
      Totoong nagdanas ng kabulukan tao pero hindi nito tuluyang pinutol ang biyaya ng Diyos sa pag-agos sa kanilang kalikasan upang makatugon sa panawagan ng Diyos na magbalik-loob.

      Tungkol sa kalooban ng Diyos, ito ang sinasabi:
      “This is good and pleasing to God our savior, who wills everyone to be saved and to come to knowledge of the truth.” (1 Tm 2:3-4)
      Kung walang kalayaan ang tao, at kung ang Diyos lang ang nagpapasya kung sino ang sasagot sa panawagan niya, mangangahulugan na linoob niyang hindi maligtas ang iba. At kung walang totoong “sariling pasya” ang tao kundi ang nagmumula sa Diyos, hindi magiging makatotohanan si Pablo sa pagsasabing, “ganapin ninyo ang inyong pagkaligtas nang may “takot at panginginig.” (Fil 2:12).

      Alam ko kung saan ka nagmumula. Impluwensya ni John Calvin ang nasa iyo ngayon. Inaakala niya na ang tao ay walang totoong “sariling pasya” dahil ang Diyos ang pumipili kung sino ang maliligtas at sino ang hindi. Pero tulad ng sinasabi ni Pablo, kalooban ng Diyos na maligtas ang lahat — nasa tao na ang pasya kung gugustuhin niya rin ang gusto ng Diyos.

      • John Joseph Ras said,

        [Kung ang tao ay lubos na masama, mangangahulugan na walang kabutihan sa kanya kahit kaunti.]

        Kung gayon, paano niyo po ipaliliwanag ang talatang ito?

        > “For I know that NOTHING GOOD dwells in me, that is, in my flesh” (Rom 7:18)

        At mayroon bang masamang puno na magbubunga ng mabuting bunga? (Mat. 7:18; Luk. 6:47). Sabi nga ng Kasulatan,

        > “Who can bring a clean thing out of an unclean? THERE IS NOT ONE.” (Job. 14:4)

        Bawat bahagi ng tao: puso, isipan, kalooban, espiritu, at kaluluwa, ay sakop ng kapangyarihan ng Kasalanan. At paano na ang mga talatang nauna ko nang ibinigay? Ibabaon na lamang natin sa limot?
        ____

        [Pero hindi ito ang sinasabi ng mga anghel:
        “Glory to God in the highest, and peace to men of good will” (Lk 2:14).]

        Mali brad. Hindi sinasabi ng anghel sa talatang yan na ang tao ay likas na mabuti taliwas sa nakasaad sa Efeso 2:3 (na hindi mo man lang pinansin). Hindi yan ang ibig sabihin ng salitang “good will” sa talata. Bagkus ang patungkol ito sa “kagandahang loob” ng Diyos sa sinumang taong kanyang kinalulugdan niya. Ganito ang rendisyon sa ESV,

        “Glory to God in the highest, and on earth peace among those with whom he is pleased!”

        Na masasabi kong may kasiguruhan na may kinalaman sa paghirang ng Diyos na nakasaad sa Roma 9:15,

        > “I will have mercy on whom I have mercy, and I will have compassion on whom I have compassion.” So then it depends not on human will or exertion, but on God, who has mercy.” (Rom. 9:15-16)
        _____

        [Tungkol sa kalooban ng Diyos, ito ang sinasabi:
        “This is good and pleasing to God our savior, who wills everyone to be saved and to come to knowledge of the truth.” (1 Tm 2:3-4). Kung walang kalayaan ang tao, at kung ang Diyos lang ang nagpapasya kung sino ang sasagot sa panawagan niya, mangangahulugan na linoob niyang hindi maligtas ang iba.]

        Paano mo ipaliliwanag ang Roma 9:10-24 kung saan isinalaysay ni Pablo ang pagka-Soberano ng Diyos sa kanyang paghirang at pagtatakuwil?
        _____

        [At kung walang totoong “sariling pasya” ang tao kundi ang nagmumula sa Diyos, hindi magiging makatotohanan si Pablo sa pagsasabing, “ganapin ninyo ang inyong pagkaligtas nang may “takot at panginginig.” (Fil 2:12).]

        Una sa lahat brad, sino ba ang nagsabing ang tao ay walang TOTOONG SARILING PASYA?
        _____

        [Alam ko kung saan ka nagmumula. Impluwensya ni John Calvin ang nasa iyo ngayon.]

        Mali brad. Sa talakayan nating ito, kung mapapansin mo, ay wala akong sinistas na anumang salita o pahayag mula kay Calvin. Bagkus, ang patotoo lamang ng banal na Kasulatan ang ipinamamanhik ko sa iyo.

        Maaaring marami kaming pagkakatulad ni Calvin hinggil sa paksang ito, ngunit hindi sa lahat ng bagay.
        _____

        [Inaakala niya na ang tao ay walang totoong “sariling pasya” dahil ang Diyos ang pumipili kung sino ang maliligtas at sino ang hindi

        Ikaw ang nagkakamali ng akala hinggil sa pinaniniwalaan ni Calvin brad. Basahin mo itong paskil ko sa aking blog kung saan ipinaliwanag ko ang tungkol sa bagay na iyan,

        http://pinoyreformista.blogspot.com/2010/02/naniniwala-si-calvin-sa-free-will.html

  4. mayanne0411 said,

    bro, maraming salamat sa pagpapaliwanag mo sa mga bagay tungkol sa pananampalatayang Katoliko. pwede ko bang iprint ang ilan sa mga pinaliwanag mo tulad ng laging tinutuligsa ng mga ibang sekta, tungkol sa rebulto at para maikalat ko ito sa aming pamayanan. salamat bro.

    • vanillae said,

      Natutuwa akong marinig na gusto mong ibahagi ang katotohanan sa iyong komunidad. Kagalakan kong maging bahagi ng mabuti mong hangarin. Maaari mong ipalimbag ang alinman sa mga artikulo dito kung sa tingin mo ay makakatulong. Hiling ko lang ay laging buong titulo ang ma-imprenta para maiwasan ang maling pag-unawa. Kung sakali man na isang bahagi lang talaga ang kailangan — “quote” — sa paraan sana na hindi maaaring masamain ng mga mahilig sa pagtatalo.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: