Masarap Nga Ba ang Bawal?

Ang salitang “bawal” ay tumutukoy sa mga bagay na lampas sa hangganganan ng ating karapatan, o sa mga gawaing walang kapahintulutan. Ito rin ay tumutukoy sa limitasyong itinakda ng isang autoridad sa kanyang nasasakupan. Halimbawa, ang mga magulang ay nagtatakda ng kung hanggang saan lamang ang maaaring gawin ng mga anak na nasa kanilang pangangalaga. Kung ang pahintulot, halimbawa, na ibinigay ng isang ama sa kanyang anak para manatili sa labas ng bahay ay hanggang alas-9 ng gabi, ibig sabihin ay bawal nang lumabas mula sa oras na iyon hanggang sa sumikat ang araw kinabukasan. Ang halimbawang ito ay isang pagtatakdang ginawa sa positibong paraan. Ang negatibong paraan ay ang kabaligtaran; deretsahan itong nagpapahayag ng hangganan at kadalasang nag-uumpisa sa salitang “bawal”, “huwag”, “hindi pwede”; tulad ng “bawal ang pork”, o kaya ay “huwag kang papatay”, o kaya ay “hindi pwedeng daanan”. Hindi lahat ng bawal ay masama dahil minsan, ang ipinagbabawal ay siya pang mabuti at dapat gawin; halimbawa ay kapag iniutos ng isang presidente na hindi pwedeng magdasal ang mga mamamayan.

Gayunman, ang batas ng Diyos ay hindi katulad ng sa tao; ang mga ito ay pawang matuwid at ang may-akda nito ay makatarungang humatol. Kung ang Diyos ay nagbibigay ng gantimpala sa mabuti at nagpaparusa sa masama, bakit parang mas masarap magkasala kaysa sumunod sa kalooban ng Diyos? Kung susuriing mabuti, walang masarap sa pagkakasala. Siyasatin natin ang limang bahagi ng ating pagkatao at pamumuhay na nagbibigay sa atin ng ganitong kaisipan:

1) Kalikasang materyal
2) Pagkahirati
3) Rebelyon
4) Estado ng isip
5) Tukso

Dahil sa ating materyal na katawan, tayo ay dumaranas ng pagkagutom sa mga bagay na materyal tulad ng pagkain, inumin, pahinga, pakikipagtalik, at maginhawang tahanan. Lahat ng ito ay nagbibigay sa atin ng kasiyahan, at wala isa man sa mga ito ang masama sa kanilang sariling kalikasan. Masamang maging matakaw pero hindi masama ang pagkain; masamang maging tamad pero hindi masama ang pahinga; masama ang pornikasyon at pakikiapid pero hindi masama ang pakikipagtalik; masama ang pagiging ganid pero hindi masama ang pagkakaroon ng ari-arian. Ang katangian ng mga bagay na ito ang nagpaparanas sa atin ng sarap at kasiyahan, hindi ang mga kasalanang nakaugnay sa kanila. May isang popular na biro na nagsasabing kung hindi nagkasala sina Adan at Eba ay wala tayong lahat. Syempre, ang birong iyon ay mananatiling walang katotohanan kahit sa anong aspeto tingnan. Ang pagtatalik ay bahagi ng buhay ng mga nilalang na sekswal tulad ng tao. Sa ganitong paraan niloob ng Diyos na punuuin ang mundo tulad ng kanyang iniutos sa ating mga magulang. Kaugnay rin ng pagtatalik ay ang kasiyahang pangkatawan at pang-emosyon na siyang regalo ng Diyos sa mga inatangan niya ng responsibilidad na maging kamanlilikha at tagapamahala ng mga nilalang. Ang kasiyahang dulot ng pagtatalik ay bahagi ng kalikasan at disenyo nito.

Isa pang halimbawa ay ang pagnanakaw. Mas masarap nga ba ang pagkain kung ito ay nakaw? Higit ba ang kasiyahang dulot ng paggamit ng mga bagay na ninakaw kaysa sa hindi? Hindi ang mismong pagnanakaw ang nagpapasarap sa mga ito kundi ang pagkalibre sa pagod na ayaw nating danasin. May mga bagay na handa nating pagpaguran at mayroon namang ayaw talaga nating gawin hanggang maaari. Halimbawa, mas gugustuhin ko pang maglaba kaysa magsampay dahil parang mas napapagod akong magsampay kaysa maglaba. Dahil sa kagustuhan nating maramdaman ang kapahingahan (o maaaring satispaksyon), mas pinipili natin ang mga gawain kung saan natin ito natatagpuan. Ang paghahanap ng ginhawa o pahinga ay hindi laging nangangahulugan ng pagpili sa mas maliit na gawain. Halimbawa, may mga taong mas gustong magtrabaho sa bukid kaysa magpakain ng mga alagang hayop; o kaya, may ibang mas gusto pang maglinis ng buong bahay kaysa magsaing. Pinipili natin kung alin ang mas kumportable nating nagagawa – at walang masama doon. Pero kung ang ginhawa na gusto nating makamtan ay posible lamang sa pamamagitan ng paggawa ng hindi tama, lampas na ito sa ating hangganan. Ito ang punto ng halimbawang ito: ang kasiyahang ibinibigay ng pagnanakaw ay hindi nagmumula sa pagiging bawal nito kundi sa ginhawa ng hindi paggawa ng mga bagay na ayaw nating gawin.

Ikalawa sa mga dahilan kung bakit mayroon tayong kaisipan na “masarap ang bawal” ay ang ating mga nakasanayan o habits. Anumang gawain na nakagawian na natin nang matagal na panahon ay nagiging bahagi na ng ating pagkatao. Kahit ang mga bagay na noong una ay pinag-aalinlanganan nating gawin ay nagiging pangkaraniwan na sa pagtagal. Ang isang babae, halimbawa, na nalalaswaan at naiilang sa unang pagkakataon ng pagsusuot ng maikling damit ay hindi na makakaramdam ng hiya kapag maraming ulit niya na itong nagawa. Ang pagkasanay sa paulit-ulit na mga gawain ay nahahati sa dalawang uri: kabutihan (pagkasanay sa paggawa ng mabuti) at bisyo (pagkasanay sa paggawa ng masama). Ang mga ito ay nagiging ikalawang kalikasan na ng tao, at kapwa nagbibigay ng kasiyahan sa taong nagtataglay nito. Ang isang tao, halimbawa, na nagbibigay ng limos nang may pag-aalinlangan ay magkakaroon ng kasiyahan sa kanyang ginagawa kapag naging bahagi na ito ng kanyang buhay. Sa kabilang banda, ang isang tao na nag-aalangang gumawa ng masama sa unang pagkakataon ay mabibigyan din ng kasiyahan ng masama niyang gawain kapag naging bahagi na ito ng kanyang pagkatao. (Pero hindi dapat ipagkamali ang pagkakaiba ng kasiyahan at kaligayahan.) Alinman sa dalawang ito ay mahirap nang maalis sa pagkatao pero mas madaling mamunga sa tao ang masamang pagkahirati. Ito na ang ituturing niyang mabuti at tama habambuhay, o kung hindi naman ay iisipin niyang hindi niya na kayang mabuhay pa kung mawawala ito sa kanya. Isang halimbawa ay ang mga taong habambuhay na nakasanayang nang-aasar ng iba; kahit ma-realize na nila ang kamalian nito, hindi magiging madali ang pagbabago. Baka mas madali pa sa kanilang hindi makita ang mga mahal sa buhay sa loob ng isang linggo kaysa isang linggo nilang hindi gawin ang mga nakasanayan nila. Ano pa kaya ang kaya nilang ipagpalit magawa lang ang isang gawaing bahagi na ng kanilang buhay simula pagkabata hanggang sa pagtanda! Sa ganitong sitwasyon kung saan ang nakasanayan na ang nagbibigay-lugod sa gumagawa, samantalang ang isip ay nagsasabing ito ay masama, nabubuo ang ideya na masarap ang bawal; pero sa bahaging ito, hindi pa rin masasabi na masarap ang isang gawain dahil ito ay bawal, kundi dahil napagbibigyan nito ang nakasanayan na. (Ito ang prinsipyong nasa likod ng mga rehabilitasyon: mas madalas ay hindi makabubuti ang biglaang pag-aalis sa nakasanayan.) Kung halimbawa ay mahilig ako sa basketball, at bahagi na ito ng aking buhay, maging bawal man ito sa akin o hindi sa hinaharap, magiging masarap pa rin ang karanasan ng muling paglalaro; hindi dahil sa ito ay bawal, kundi dahil ito ay nakasanayan ko na.

Ikatlong dahilan ng wari’y masarap na pagkakasala ay ang rebelyon. Kapag hindi natin gusto ang mga nangyayari sa buhay natin, tayo ay gumagawa ng mga bagay na pinaniniwalaan nating mali. Ang layunin nito ay gumanti, sa anumang paraang posible, sa mga tao o pangyayaring itinuturing nating dahilan ng ating pagrerebelde; at ipakita na kaya nating magsarili. Sa kalooban ng isang taong naghihimagsik ay umiiral ang pagkaramdam na ang kanyang ginagawa ay mabuti at masama. Masama dahil alam niya na ang kinikilala niya bilang masama ay ginagawa niya; pero kaya nga ito tinawag na pagrerebelde dahil sa pagpili na gawin ang hindi dapat ayon sa nakagisnan. Sa kabilang banda, iniisip niya na mabuti ang kanyang ginagawa dahil naniniwala siya na mali ang ginagawa ng kanyang pinagrerebeldehan, kaya ang pagsalungat dito ay maituturing na mabuti. Sa pamamagitan nito ay nakakaramdan siya ng huwad na kasiyahan. Ihalimbawa natin ang isang anak na laging pinagagalitan o hindi nakakaramdam ng pagmamahal mula sa mga magulang. Maaaring maghanap siya ng pagtanggap mula sa mga kabarkada, at bilang pagganti sa magulang ay aabusuhin niya ang sarili sa pamamagitan ng paggamit ng bawal na gamot, paglalasing, at pagpapabaya sa pag-aaral. Ang isang babae naman ay posibleng magrebelde sa pamamagitan ng pagsama sa iba’t ibang mga lalaki. Ang kasiyahang nakukuha sa pagrerebelde ay nagmumula sa pagkakumbinsi ng sarili na siya ay malakas — na hindi na siya magagawan ng masama; at malaya dahil itinakwil niya ang autoridad kung saan siya nakailalim noon.

Ganito rin tayo nagrerebelde sa Diyos. Gusto natin ng autonomiya dahil sa puso natin, naniniwala tayong mali ang gingawa sa atin ng Diyos. “Hindi niya dapat hinayaang mamatay ang mga dinaanan ng bagyo. Hindi niya dapat hinayaang bumagsak ang nag-iisa kong pinagkukunan ng kabuhayan. Iniligtas niya dapat sa kamay ng mga kriminal ang mga inosente nilang biktima. Hindi niya dapat hinayaang mamatay sa trahedya ang mga mahal ko sa buhay.” Sa puso natin ay mayroong mahabang listahan ng mga akusasyon laban sa Diyos. “Hindi niya alam kung ano ang ginagawa niya.” “Alam ko kung anong makakabuti sa akin at sa pamilya ko.” “Bakit niya kami ginaganito? Bakit kami pa?” Walang katapusang litanya ng masasamang salita laban sa Lumikha ng lahat ng bagay. Pero hindi natatapos sa salita ang paghihimagsik natin dahil halos lahat ng ating mga kasalanan ay ginagawa natin bilang pagrerebelde sa Diyos dahil “alam natin — hindi niya alam” kung ano ang pinakamabuti para sa buhay natin. Ang pagiging reklamador at mapanghusga ay dalawa lamang sa mga paraan ng pagrerebeldeng ginagawa ng halos lahat sa atin.

Ikaapat ay ang estado ng isip. Hindi lahat ng nakikita natin ay totoo. Madalas, ang mga pinaniniwalaan natin ay ilusyon lamang at panlilinlang. Marami sa mga kasinungalingang ito ay kathang-isip din nating mga tao, at pagtagal ay nagiging katotohanan na sa ating paningin. Isang totoong halimbawa ay ang pamantayan ng kagandahan. Sinasabi nating ang kagandahan ay nasa mata ng tumitingin pero ang totoo, bawat henerasyon ay may kanya-kanyang popular na pamantayan ng kagandahan. Ang magandang katawan para sa atin, halimbawa, ay yung katulad kay Beyonce; ang magandang labi ay yung katulad kay Angelina. Galing din sa popular na opinyon, halimbawa, ang kaisipan na kadalasan ay pangit ang mataba o kaya ay pandak; maganda ang red lips at silky straight na buhok; pangit ang kulot at mukhang baluga. Hindi natin maisip kung paano naging maganda ang kulay uling, ang sarat na ilong, ang malaking ngipin, at lahat ng hindi umaabot sa sukatan natin. Pero ang totoo, ang mga pamantayang kinatha natin at pinaniwalaan ay hindi katulad ng sa ibang panahon o lugar. Sa panahon ni Leonardo da Vinci, ang kagandahan ay nasa mukha ni Monalisa. Sa emperyo ng Ehipto, si Cleopatra ang tinatawag na “the face that launched a thousand ships”. Sa panahon ni Paraluman, artistahin ka kung may hawig ka sa kanya, at pang beauty pageant naman ang ganda mo kung para kang si Gloria Diaz sa panahong iyon. Ang tanong, maganda din kaya sa paningin natin ang mga mukhang hinahangaan noong kapanahunan nila? Mas mataas ba ang standard natin sa pagkilala ng kagandahan kaysa mga taga-ibang lugar at ibang panahon? Totoo sa lahat ng henerasyon ang kasabihan, “Sila-sila ang naglalagay ng sukatan at parisan ng kanilang sarili.” Tanggapin man natin o hindi, ang pamantayan natin ng kagandahang pisikal ay ilusyon lamang na ginagawa ng sarili nating mga isip. Ang lahing puti ay napapangitan sa itim, ang lahing itim ay napapangitan sa puti, ang pango ay nagtatawa sa matutulis ang ilong, at ang matatangos ay nagtatawa sa mga pango. Sino ang nakakakita ng totoo? Sino ang totoong maganda? Ang mga Filipino, partikular, ay nasa impluwensya ng mga itinakdang pamantayan ng “Hollywood” hindi lang sa usapin ng kagandahang pangkatawan, kundi maging sa pag-iisip, pangangatwiran, at pamumuhay. Halos lahat tayo ay bahagi ng tinatawag na “californication” — kung ano ang sinasabi nila, yun ang ginagawa natin.

Noong unang panahon, ang mga alipin bagamat tao rin, ay mga pag-aari at kasangkapan ng kanilang mga panginoon — walang pinagkaiba sa kalabaw o sa aso. Ang mga babae ay itinuturing na mas mababa ang dignidad kaysa mga lalaki; madalas pa nga ay parang tropeyo lang sila sa tabi ng lalaki. Sa panahon natin, kumportable kaya tayong isipin na may mga taong itinuturing ng ganito sa ating lipunan? Makarinig nga lang tayo ng mga katulong na atrasado kung sumweldo, pang-aapi na agad ang unang salitang maiisip natin; ano pa kaya ang maramdaman natin kung makakakita tayo ng mga taong kayod-hayop sa pagtatrabaho pero walang maaasahang bayad, at sa halip ay dumaranas pa minsan ng pananakit, pagkakulong, o pagbebenta na para bang kasangkapan! Maaaring maisip natin na walang puso ang mga tao noon na nakakagawa ng ganito sa kapwa nila tao, pero hindi ganun ang palagay nila. Noon, ang pagbili ng alipin ay katulad lang ng pagbili ng kalabaw ngayon. Hindi iyon itinuturing na pang-aapi o kawalan ng respeto sa dignidad ng tao, sa halip ito ay pangkaraniwang gawain. Sa pagdating lang ni Jesus nagsimulang mahubog ang puso ng tao sa paraang nararapat, pero libong mga taon pa rin ang lumipas mula noon bago tuluyang nakilala ang dignidad ng bawat isa. Gayunman, hanggang ngayon ay nababalot pa rin ng kadiliman at kasinugalingan ang maraming aspeto ng ating pag-iisip. Hindi pa rin natin lubos na nakikita ang mga bagay ayon sa tunay nilang itsura. Namumuhay pa rin tayo sa gitna ng makapal na usok ng ilusyon at kathang-isip. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit sa pakiramdam natin ay masarap magkasala at malungkot ang pagiging mabuti. Tayo ay katulad ng isang batang inampon at lumaki sa pag-aalaga ng ibang tao; ang mga mukhang nakapaligid sa atin ang nakikilala nating pamilya, kaya isang katotohanang mahirap harapin ang pagpapakilala ng mga magulang na ngayon lang natin nakita; mga magulang na mahirap yakapin, mahirap halikan, at malayo sa puso. Lahat ng ito ay dahil sa pagkakondisyon ng ating isip sa isang katotohanan — o inakalang katotohanan. Tulad nito, ang kabutihan ang ating tunay ba magulang, pero nasanay na tayo sa pakikipamuhay sa kasamaan. Ilan pang halimbawa ng mga taong may sari-sariling katotohanan sa kanilang isip ay ang mga masokista, sadista, narsistiko, nekropilya, at ibang mga katulad nila. Normal sa pananaw nila ang mga kaisipan at gawaing hindi normal para sa karamihan. Sila ay may mga sariling ilusyon na hindi katanggap-tanggap sa kasalukuyan at sa mga nagdaang panahon. Gayunman ay walang nakakaalam kung talagang habampanahon ngang hindi tatanggapin ng karamihan ang kanilang kaisipan dahil ang ilan sa mga bawal noon ay pwede na ngayon, at ang ibang pwede noon ay bawal na ngayon. Kung ikinahihiyang ilantad noon ang homosekswalidad, ngayon ay pinagsusumikapan itong itaas at papurihan. Kung pinupuri noon ang pagiging birhen at mahinhin, ikinahihiya ito ng marami ngayon. Ang paghuhubad sa pelikula, halimbawa, ay tinatawag na mature role samantalang ang kahulugan ng salitang “mature” ay may ganap at tamang pag-iisip. Kung ganun, anong tawag sa role ng mga ayaw maghubad? Childish? Naïve? Immature? Kung ang paghuhubad ang umpisa ng maturity, ibig sabihin ay maraming mga artista ang hindi na nakarating sa kaganapan ng kanilang karera. Ang malalaswang panoorin at babasahin naman ay nasa klasipikasyon ng “for adults only” na ang ibig sabihin ay para sa mga may sapat na gulang. Bakit nga ba? Anong kinalaman ng kalaswaan sa edad? Naririnig natin minsan ang mga magulang na nagsasabi, “Masama sa bata ito,” ibig bang sabihin ay nagiging mabuti ito kapag matanda ang gumagawa? Ilinalayo natin ang mga bata sa pornograpiya at mga larawan ng karahasan dahil sinisira nito ang kanilang kaisipan at kawalang-muwang pero paglaki nila, ang mga bagay na iniwas natin sa kanila noon ay nakapangalan na sa kanila ngayon: “For adults”. Dahil ba hindi na nito kayang sirain ang kamusmusan ng kanilang isip ngayong sila ay matanda na? Anong silbi ng pagprotekta natin sa kanilang kalinisan habang bata kung tayo naman mismo ang maglulublob sa kanila sa putik paglaki nila? Tayo-tayo ay naglolokohan! Anong tawag ng henerasyong ito sa mga babae at lalaki na nakikipagtalik sa sinumang magustuhan nila? Liberated – ibig sabihin ay malaya. Pero kung susuriin ito ayon sa esensya ng tao, tama nga kayang gamitin ang salitang ito para ilarawan ang mga taong halos wala nang kontrol sa sarili? Ang tao, tulad ng mga anghel, ay may isip; at may katawang laman tulad ng hayop. Ang isip, bilang espiritu, ay nasa ibabaw ng lahat ng bahaging material. Ito ang nakatakdang magpasya at masunod sa lahat ng pagkakataon, hindi ang dikta ng katawan. Ang taong tunay na malaya ay yung mayroong kapamunuan at kapangyarihan sa lahat ng bahagi ng kanyang pagkatao. Hindi siya asal-hayop na sumusunod lang utos ng laman, sa halip ay binubusalan niya ang anumang kagustuhan ng katawan na wala sa tamang panahon. Siya ang panginoon ng kanyang katawan at hindi siya alipin nito. Sa kabilang banda, ang tinatawag na “liberated” sa panahong ito ay mga alipin sa totoo nilang kalagayan. Ang katawan ang kanilang panginoon at alipin sila ng mga kagustuhan nito.

Ikalima sa tila nagpapasarap sa kasalanan ay ang tukso. Temptations make us uncomfortable. Pakiramdam natin ay hindi tayo matatahimik hanggang hindi tayo tinitigilan ng mga bulong sa ating isip. May kasabihan nga na “The surest way to get rid of temptation is to give in to it.” Bakit ka pa nga naman tutuksuhin kung ginagawa mo na! The dilemma, however, is this: To give in to temptation means to sin, and to sin means to die. E bakit nga ba masarap bumigay sa tukso? Why is it such a sweet surrender? Because the desires of the flesh are being satisfied, and the mental discomfort appears to have ceased. Pero sa taong may pagkilala sa kanyang tunay na kalikasan hindi lang bilang laman kundi bilang espiritu, hindi ang pagpatol sa tukso ang katapusan ng kanyang pasakit. Alam niya na pagkatapos na pagkatapos niya lang magkasala ay maaaring balikan siya ng tukso; pero higit sa kabalisahang ito ay ang lubos na pagkaunawa na siya ay nagkasala. Kung noong hindi pa siya nagkasala ay tukso lang ang lumiligalig sa kanya, ngayon ay pati na ang sumbat ng kanyang konsensya.

Sa katapusan, bagamat ang limang bagay na ito ay nagbibigay ng kaisipan na masarap gumawa ng mali, masarap magkasala, o masarap ang bawal, pinatutunayan ng matuwid na pangangatwiran na ang mga ito ay pawang kasinungalingang kinatha ng mundo, ng kaaway ng Diyos, at ng sarili nating pagkamakalaman. Ang kabusugan, sarap, kalayaan, lakas, at kaginhawahan ay mabubuting bagay na ginagamit ng mga kapangyarihang hindi nakikita upang ang tao ay malinlang, mamuhay sa kasinungalingan, tumalikod sa Diyos, at maibulid sa kamatayan – lahat ng ito sa paraang hindi namamalayan ng kanilang biktima.

9 Comments

  1. ely pilapil said,

    wow! sangkap ng katotohanan.Salamat mabuhay ka !

  2. frank said,

    lubos akong nagpapaslamat sa malawak na paliwanag sa usapin ito at naway marami pa ang makabasa nito……

  3. mitch said,

    sobrang malaman ang article na ito nagustuhan ko.
    maraming salamat!

  4. cha said,

    ang pagtanto ng isang tao na siya ay nagkasala ay pag amin sa sarili na siya ay nagkamali.
    mahina ang tao sa temptation katulad ko minsan na rin ako nakagawa nung ganoong bagay,pero ang pag ulit pa sa kasalanang nagawa ay sobra-sobra na.
    marami akong natutunan sa basahing ito.
    salamat’

  5. ghevin said,

    tama lahat ang nakapaloob .. marami akong natutunan …

  6. Stephanie L. Libre said,

    tama….dapat alam mong mabuti o masama ang iyong ginagawa para sa huli hindi ka magsisisi kasi alam mo ang ginawa mo.

  7. Francis said,

    maganda at nakakapukaw sa isip at damdamin ng mga tao.

  8. Jhulia Jane Recodos said,

    Tama po kau salamat po at naliwanagan ako tungkol sa tanong na yan

  9. mhaj said,

    Maraming salamat po sa blog mo na ito. God Bless You po!!!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: