KAGANDAHAN: PAANO MASUSUKAT?

Sinasabi nila na ang kagandahan ay nasa mata ng tumitingin. Ito ang pinakatamang panukat ng kagandahang panlabas, at kailanman ay hindi ito magkakamali. Ang maganda sa paningin ng iba ay hindi laging maganda sa paningin ng lahat. Ang halos sinasamba sa isang dako ay inaalipusta naman sa kabila, at pana-panahon din ang paggawa ng pamantayan. May panahon na tanyag ang matataba, at may panahon naman sa mga payat; mayroon sa malalaki, at mayroon sa maliliit. Ganyan din ang panukat sa mga naririnig ng tainga, naaamoy ng ilong, at nalalasahan ng dila. Maganda ang musika para sa taong nagagandahan dito. Mabango ang amoy sa taong nababanguhan dito. Masarap ang pagkain sa para sa taong nasasarapan dito. Ang paglalagay ng pangkalahatang pamantayan ay magbubunga ng pagpuri sa iba at paghamak naman sa iba. Ito ang pinagmulan ng kaguluhan sa pag-itan ng mga taong may balat na puti, itim, dilaw, at pula. Naging dahilan din ito ng pang-aapi at pang-aalipin sa napakaraming bilang ng mga tao. Para sa mga taong may malinaw na pananaw, ito ay maliwanag na patunay na ang kaisipang ito ng paglalagay ng pangkalahatang pamantayan sa panlabas na kagandahan ay nagmula sa isa, na “mamamatay-tao na sa pasimula pa, at kalaban ng katotohanan” (Jn 8:44). Ang lahat ng kaguluhan, pagbabaha-bahagi, at pang-aapi ay bunga ng kanyang mga gawa. Wala na siyang hinangad kundi ang kamatayan ng tao. Siya ang nagtutulak sa tao na itapon ang buhay na regalo ng Diyos; dahilan kung bakit may kamatayan. Ang tumatangkilik sa kanyang mga kaisipan ay mga kaibigan niya, at nakatakdang makasama niya sa hirap at sa hirap pa rin habang panahon.

Samantala, ang tunay na kagandahan ay matatagpuan lamang sa mga bagay na di-nakikita. Sapagkat ang mga bagay na nakikita ay anino lamang ng mga bagay na di-nakikita. Ang mga kagandahang panlabas na nagbibigay kasiyahan sa sari-sarili nating pamantayan ay pagpapakita lang at pagpapatikim ng mga bagay na may tunay na kagandahan. Ang Diyos at ang mga anghel ay hindi nakikita ngunit kapag nakita natin sila, bagamat ibang-iba ang kanilang kariktan, walang sinumang makapagsasabing mayroong hindi maganda sa kanila. Sapagkat ang lahat ng bagay na espiritwal na nakaugnay sa Diyos ay maganda at walang kapintasan. Kaya nga ganito ang sinasabi ni Apostol Pedro: “Pagyamanin ninyo ang gandang natatago sa kaibuturan ng puso, ang gandang walang kupas na likha ng mayumi at mahinhing diwa, at lubhang mahalaga sa mata ng Diyos” (1 Ped 3:4). Ang tinutukoy ng salitang “puso” ay ang pinakasentro ng pagkatao, at ito ay espiritwal. Ang salitang “diwa” ay nangangahulugang “espiritu”. Ang mga salitang ito ay nagpapakita na ang tunay na kagandahan ay espiritwal at hindi panlabas.

Kaya nga, hindi dapat magpalinlang sa kagandahang nakikita ng mata, sapagkat maaagaw nito mula sa tao ang magandang buhay na inilaan ng Diyos. Ito ay pinatunayan ng ating kasaysayan sa pasimula pa, nang agawin sa tao ang walang katapusang buhay ng kasiyahan at kasaganaan na iniregalo ng Diyos. Ganito ang nasusulat: “Napakaganda sa paningin ng babae ang punongkahoy at sa palagay niya’y masarap ang bunga nito” (Gen 3:6). Paano niya naisip na masarap ito? Simple — dahil maganda sa kanyang paningin! Ang tanong, maganda ba ang ibinunga ng pasya niya? Walang kasing pangit! Ipinagpalit niya sa kamatayan ang ating buhay.

Tingnan natin ngayon ang mga magkasintahan at mag-asawa. Natural, pinili nila ang maganda sa kanilang paningin, at sa palagay nila ay masarap makipamuhay sa mga taong ito. Ngayon, bakit hiwalay na ang marami sa kanila, at ang iba naman ay magulo ang buhay? Dahil ba nagbago na ang kagandahan ng kabiyak? Syempre, iba-iba ang dahilan, pero iisa lang ang sinasabi ng puso nila: “Nagkamali ako sa pagpili.” Sapagkat hindi makikita ang tunay na kagandahan sa panlabas na anyo, ni sa panlabas na ugali. Sapat na ba ang mabait, sweet, maalalahanin, magalang sa magulang, masipag, at kung ano-ano pang kahanga-hangang ugali? Ang tamang sagot ay hindi. Hindi ito sapat. Sapagkat ang lahat ng ito ay mga panlabas lamang. Alin ba ang tunay na maganda? Tulad ng nabanggit, lahat ng bagay na espiritwal na nakaugnay sa Diyos. Samakatwid, sa pagpili, hindi masama ang tumingin sa mukha at sa ugali, pero dapat ilagay na pangunahin ang pagkilala sa pagkatao — sa puso at diwa. Ang bahaging ito ng tao ay espiritwal at pinakamahalaga. Ang tamang tanong ay “Nakaugnay ba ang kanyang pagkatao sa Diyos o sa Masama?” Wala nang ibang pagpipilian.

3 Comments

  1. Zepol Ramuj said,

    ang kagandahan ay dipende sa ganda ng kalooban

    • martina mandigma said,

      trulalu..kaya dapat wag masyadong makapal ang foundation!!!!!!

  2. shang2003 said,

    Beauty is in the eye of the beholder

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: