UMAMIN O MANATILING BULAG

Sinabi pa ni Jesus, “Isang kahatulan sa sanlibutan ang pagparito ko, upang makakita nag mga bulag at mabulag ang mga nakakikita” (Jn 9:39).

Mapalad ang mga kumikilala sa kanilang tunay na kalagayan. Kung ako ay bulag pero sinasabi kong hindi ako bulag, walang tutulong sa akin tulad ng pagtulong ng mga tao sa isang bulag. Hindi nila ako aakayin, ni bibigyan ng limos o aaluking magpagamot. Ganito kahabag-habag ang kalagayan ng isang taong mapagmalaki at mayabang. Hindi niya nakikita ang sitwasyon ng kanyang sarili. Kaya nga, walang kagalingan ang nakalaan para sa kanya, yamang sinasabi niyang siya ay walang sakit.

Iisa ang kalagayan ng lahat ng tao bago dumating si Jesus: ang lahat ay bulag at may karamdaman. Pero hindi siya pumarito para sa mga taong nagsasabing maayos ang lahat sa kanila; tulad ng sinasabi ng Pariseo: “Hindi kami bulag!” Sinabi ni Jesus, “Yamang sinabi ninyong hindi kayo bulag, walang magpapagaling sa inyo, at mananatili ang inyong kabulagan.” Sa gayon, natutupad sa kanila ang hula ni Isaias: “Makinig man kayo nang makinig ay hindi kayo makauunawa; tumingin man kayo nang tumingin ay hindi kayo makakikita” (Is 6:9). Ganito ang kalagayan ng mga taong nagsasabi na alam nila ang kanilang ginagawa. “Ang akala ng tao ay tama ang kanyang kilos” (Kaw 16:2). Ngunit malibang aminin niya sa harap ng Diyos na siya ay bulag, na hindi niya alam ang patutunguhan tulad ng isang tupang ligaw, mananatili siya sa kanyang kalagayan.

Ito ang katotohanan: Hindi alam ng tao ang mabuti at masama. Pinatutunayan ito ng kasaysayan at ng indibidwal na karanasan. Bukod sa mga iyon, ito ay pinatototohanan ng Diyos nang sabihin ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Lc 23:34). Ganito rin ang sinabi ni Pedro sa mga Israelita: “At ngayon, mga kapatid, batid kong hindi ninyo nalalaman ang inyong ginawa, gayon din ang inyong mga pinuno” (Gaw 3:17). Bakit, mga tanga ba sila? Oo, at hindi lang sila. Ayon sa nasusulat, “Walang nakauunawa…ang lahat ay lumihis ng landas at nagpakasama; walang gumawa ng mabuti, wala kahit isa” (Rom 3:11-12). Ang nag-aakalang siya’y mabuti ay nagpapatuloy sa kanyang kamangmangan at nananatiling bulag. Sa kabilang dako, kinalulugdan ng Diyos ang mababang-loob at kumikilala sa kanyang kasalaanan tulad ng publikanong buong kalungkutang nagsasabi, “O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!” (Lc 18:13). Ganito naman ang sinabi ni David: “Ang pagsalansang ko ay kinikilala, laging nasa isip ko at ala-ala. Sa iyo lang ako nagkasalang tunay, at ang nagawa ko’y di mo nagustuhan; kaya may matuwid ka na ako’y hatulan, marapat na ako’y iyong parusahan” (Awit 5:3-4). Ang ganitong mga tao, bagamat likas na bulag dahil sa kasalanan, ay pinagagaling ng Diyos. Sapagkat ang manggagamot ay para sa may sakit, hindi para sa magagaling. Ang ginagawaran ng karapatan ay ang umaamin sa kasalanan. Ang binibigyan ng karunungan ay ang umaamin o kumikilala sa kanyang kawalan ng alam. Sa kabilang banda, ang nagsasabing “Hindi ako bulag,” ay hindi pagagalingin; ang nagsasabing “Hindi ako mangmang,” ay hindi magkakaroon ng tunay na karunungan; ang nagsasabing “Hindi ako kriminal,” tulad ng tulisang umalipusta kay Jesus, ay hindi patatawarin at sa halip ay parurusahan.

Ganito naman ang sinasabi ng Diyos tungkol sa mga taong lumalapit sa kanya para makakita: “Nakatanaw ng isang malaking liwanag ang bayang malaon nang nasa kadiliman, namanaag na ang liwanag sa mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim” (Is 9:2). Samantala, ang ayaw makakita ay hindi makakakita; ang ayaw gumaling ay hindi nga gagaling; at ang ayaw mapatawad ay hindi nga patatawarin. Ganito ang sinasabi ng Kasulatan: “Binigyan ng Diyos ang mga taong ito ng manhid na diwa, mga matang di makakita, at mga taingang hindi makarinig hanggang sa panahong ito” (Rom 11:8). Sa pamamagitan ni Isaias ay ito naman ang sinasabi ng Diyos sa kanila: “Magwalang-bahala kayo at magmukhang tanga, bulagin ang sarili’t nang di makakita! Kahit di uminom, kayo’y magkunwang lasing. Sapagkat pinadalhan kayo ni Yahweh ng espiritu ng matinding antok” (Is 29:9-10). Sila’y parang mga taong naalimpungatan, sumasagot sa kasunduang hindi naiintindihan.

GISING MGA TAO!!!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: