Ang nagkasala ang dapat mamatay.

December 31, 2014 at 9:45 am (Doctrinal) (, , , , , )

Hinihingi ng katarungan na kung sino ang nagkasala ay siya dapat ang maparusahan. Sa pamamagitan ni Propeta Ezekiel ay sinabi ng Panginoon,

Ang nagkasala ang dapat mamatay. Hindi papananagutin ang anak sa pagkakasala ng ama, ni ang ama sa pagkakasala ng anak.

Pero alam natin na si Cristo ay namatay dahil sa ating mga kasalanan, at tila hindi ito umaayon sa hinihingi ng katarungan. Paano ito naging posible?

Dapat nating maunawaan ang katotohanang iisang Tao lang ang ginawa ng Diyos, at tinawag niya itong Adan na ang ibig sabihin nga ay Tao. Si Eba ay hindi panibagong Tao na walang kinalaman kay Adan kundi bahagi ng kanya mismong katawan. Nasa katawan na ni Adan si Eba bago pa man siya bigyan ng sariling kaluluwa o persona. Sina Adan at Eba, bagamat dalawang persona ay iisang katawan. Ganun din naman, ang lahat ng mga taong isinilang, gaano man tayo karami ay nagmula rin kay Adan at hindi nilikhang bukod sa kaniya. Ito ay dahil nilikha tayong kawangis ng Diyos. Ang iisang Diyos ay may tatlong Persona. Ang Ama ang pinagmulan ng lahat, ang Anak ay isinilang ng Ama mula sa kawalang-hanggan, habang ang Espiritu Santo ay nagmula sa Ama at sa Anak. Si Adan ang pinagmulan ng lahat ng tao, si Eba ay direktang nagmula kay Adan, at ang lahat ng mga sumunod ay nagmula sa kanilang dalawa. Kung paanong nananatiling iisa ang Diyos, nananatili rin iisa ang Tao bagamat maraming persona.

Kaya nilikha ng Diyos ang tao na kanyang larawan; larawan ng Diyos, siya ay kanyang nilikha; nilikha niya silang lalaki at babae.

Dahil dito kaya naging posible para sa Anak ng Diyos na mamatay para sa mga nagkasala. Ang ikalawang Persona ng Diyos ay naging isang Persona ng Tao. Sa kanyang pagiging Anak ng Tao, siya ay naging makasalanan sa harap ng Diyos: “Ginawa siya ng Diyos na parang kasala­nan” (2 Corinto 5:21). Bagamat walang ginawang kasalanan, siya ay itinuring na nagkasala dahil naging bahagi siya ng makasalanang Adan, at dahil doon ay nararapat na mamatay: “Namamatay ang lahat na sumakay-Adan” (1 Corinto 15:22). Kung si Jesus ay nilikhang tao na hiwalay kay Adan, hindi magiging makatarungan ang Diyos sa pagtanggap sa pag-aalay niya ng buhay, Pero dahil ang Anak ng Diyos at ang nagkasalang Adan ay naging iisang kalikasan, ang kamatayan ni Cristo ay naging kamatayan ni Adan at naibigay nito ang hinihingi ng katarungan.

Permalink 1 Comment

Takot sa Kamatayan

May 5, 2014 at 7:11 pm (Thoughts) (, , , )

Sa palagay ko, anuman ang pansarili nating dahilan kung bakit may takot tayo sa kamatayan ay hindi na natin dapat ibahagi pa o ipamana sa ating mga anak. Walang dahilan para bigyan natin sila ng dahilan na mamuhay sa takot. Namatay si Jesus para palayain tayo mula sa takot na umaalipin sa atin. Kung ipapakilala natin sa mga bata ang kamatayan sa paraang magbibigay sa kanila ng takot, para na rin natin silang ibinalik sa pagkaalipin matapos silang palayain ng Diyos sa pamamagitan mismo ng sariling buhay ng Panginoon.

Natural lang para sa atin na hindi gustuhing mamatay ang isa man sa ating mga anak o kamag-anak, pero ang kamatayan ay bahagi ng prosesong pagdadaanan ng lahat — isang katotohanan na dapat asahan at paghandaan, sa halip na katakutan. Takot tayo sa marumi dahil maaaring magdulot ng sakit, at sa huli ay magdala sa kamatayan. Dahil sa takot na ito, hindi natin magawang umunlad sa mga aspetong nangangailangan ng pagdudumi. Sumasama din ang pakiramdam natin kapag tayo ay masyadong nandidiri sa isang bagay, lalo na kung talagang kailangan nating gawin o harapin.

Natatakot rin tayo na baka may maaksidente o masaktan sa ating mga mahal sa buhay kaya madalas, yung mga anak natin, halos hindi na natin pakilusin dahil baka madisgrasya. Yung iba, nasa sixth grade na o nasa high school na, ihinahatid pa sa school dahil baka may masamang mangyari. Walang katapusan ang mga pag-aalala natin, at halos lahat ito ay nakaugat sa takot natin sa kamatayan. Ayon nga sa isang kasabihan: “So many people tiptoe through life, so carefully, to arrive, safely, at death.” Halos wala na tayong nagagawa at hindi natin napapaunlad ang sarili dahil sa mga takot, na kung tutuusin ay nagmumula lahat sa takot na mamatay. Ang ironic doon ay kahit gaano pa tayo kaligtas na makarating sa huli, ang huling pinag-uusapan natin ay ang kamatayan pa rin na buong buhay nating iniiwasan.

Isipin mo, ano kaya ang hindi mo nagagawa ngayon na magagawa mo kung wala kang kinatatakutan? Ano ang maa-accomplish mo kung hindi ka takot mapahiya, ma-reject, mabigo, magkamali, mawalan, magutom, magkasakit, tumanda, at mamatay?

Permalink Leave a Comment