Ang Kalooban ng Diyos

February 10, 2015 at 12:49 am (Reflections) (, , , , )

Gaano man kakumplikado ang kasaysayan ng kaligtasan, gaano man kasalimuot ang buhay at karanasan ng Simbahan, gaano man karami ang magkakaibang katuruang Cristiano (Katoliko at di-Katoliko), hindi dapat makalimutan na ang tanging hangad ng Diyos ay ang ating pagbabalik-loob.

Nagkasala ang tao kaya nakapasok sa mundo ang kamatayan, at wala nang iba pang dapat gawin kundi magsisi at magbalik-loob sa Diyos. Kung magpapakalalim pa tayo sa pag-iisip, lalo lang natin hindi maiintindihan kung paano. Lahat ay nagsisimula sa kagustuhan o pahahangad. Hindi dapat lituhin ang isip tungkol sa kung anong relihiyon ba ang talagang kinalulugdan ng Diyos o kung anong mga ritwal ba ang kailangang gawin para maligtas. Ang totoong nagbabalik-loob ay hindi abala sa pagliligtas ng sarili kundi nananabik na muling makadaupang-palad ang Diyos na kanyang pinagkasalahan at tinalikuran. Ang anak na nagsisisi sa kanyang mga ginawa ay hindi nag-aalala kung paanong hindi siya mapaparusahan kundi nagmamadaling tumakbo pabalik sa yakap ng kanyang ama at ina.

Hindi dapat isipin ninuman na ang Diyos ay malayo sa mga nagkakasala. Kung nasaan ang makasalanang naghahangad na magbalik-loob, nandoon ang Diyos na patakbong sumasalubong sa kanya. Ang relihiyon ay lalong bumubulag sa mga taong hindi nakahandang makakita. Ito ang nangyari sa maraming mga Pariseo sa panahon ni Jesus, at patuloy na nangyayari sa mga taong mayroon kaalamang pangrelihiyon pero wala ang puso sa tunay na dahilan, layunin, at pinagmulan nito. Sa kabilang banda, ang pusong nakahandang tumanggap sa mga katotohanan ng Diyos ay ginagabayan niya patungo sa tunay na relihiyon, habang ang relihiyon naman ang gumagabay sa kanya patungo sa tunay na Diyos.

Kung ang hahanapin mo ay masarap na pakiramdam, magagandang salita at paliwanag, sense of belongingness, at mga pang-ibabaw na kasiyahan, mahihirapan kang hanapin ang Diyos. Pero kung kikilalanin mo ang presensya ng Diyos na nasa puso mo, nasa paligid mo, at nasa ibang mga tao, hindi mo mararamdamang malayo ka. Agad kang makakahingi ng tawad, gabay, pananampalataya, at karunungan.

Hindi na hinintay ni Noe na magpakilala sa kanya ang Diyos; hindi na hinintay ni Abraham na tawagin siya ng Diyos; hindi na hinintay ng mga matuwid na tao sa Lumang Tipan na dumating ang Mesiyas at magpakilala nang lubos ang Diyos bago sundin ang batas na nakasulat sa kanilang mga puso. Naging matapat sila sa kanilang kalikasan bilang tao at sa kung anumang itinuturing nilang totoo, mabuti, at kaaya-aya. Ang mga nabuhay sa ilalim ng batas ay hindi naging bilanggo ng batas, sa halip ay nakatagpo ng gabay sa pamamagitan nito.

Bago ka pa man humarap sa anumang sistema ng pagsamba, mga doktrina, at panuntunan, ang hindi dapat makalimutan ay ang mismong pakikipag-ugnayan sa Diyos sa oras na magpasya kang magbalik-loob at araw-araw; ang tapat at taimtim na panalangin na naghahangad ng mas malalim na relasyon. Nagsasalita ang Diyos sa pusong tahimik na nakikinig. Hinahayaan niyang matagpuan siya ng naghahanap, pinagbubuksan niya ang kumakatok, at binibigyan ang humihingi. Nagpapakilala siya sa pusong may totoong paghahangad sa kanya.

Una at higit sa lahat ang pagbabalik-loob ng puso sa Diyos. Ang mga paraan para higit siyang makilala at mahalin ay ipakikita ng Diyos.

Permalink Leave a Comment

Pananampalatayang Nagpahanga kay Jesus

February 7, 2015 at 11:45 am (Reflections) (, , , , , )

Ang Labindalawang alagad ang pinakamatagal na nakasama ni Jesus sa kanyang misyon pero noong kasama pa nila ang Panginoon, madalas ay masasabing mas maliit pa ang kanilang pananampalataya kaysa ibang nakakasalamuha nila sa daan.

Dalawa sa iilang mga tao na hinangaan ni Jesus ang pananampalataya ay ang Romanong kapitan na lumapit sa kanya tungkol sa katulong nitong may karamdaman, at ang Kananeang may anak na pinahihirapan ng demonyo. Ito ang kwento nila.

Ang Senturyon

Pagdating ni Jesus sa Caper­naum lumapit sa kanya ang isang kapitan at nakiusap sa kanya: “Ginoo, nakahiga sa bahay ang aking katulong. Lumpo siya at sobra na ang paghihirap…” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Paroroon ako at paga­galingin ko siya.”

Sumagot ang kapitan: “Hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa bahay ko. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. May nag-uutos sa akin at may inuutusan din ako, at pag sinabi ko sa isa sa mga kawal na nasa ilalim ko: ‘Pumaroon ka,’ pumaparoon siya. At sinasabi ko naman sa isa pa: ‘Pumarito ka,’ at pumaparito siya; at sa aking katulong: ‘Gawin mo ito,’ at ginagawa niya ito.”

Nang marinig ito ni Jesus, humanga siya at sinabi sa mga sumu­sunod sa kanya: “Sinasabi ko sa inyo, wala pa akong natagpuang ganitong paniniwala sa Israel. Sinasabi ko sa inyo: marami ang darating mula sa silangan at sa kanluran para makisalo kina Abraham, Isaac at Jacob sa kaha­rian ng Langit. At itatapon naman sa kadiliman ang mga taga­pag­mana ng Kaha­rian; at doon ang iyakan at pag­nga­ngalit ng mga ngipin.”

At sinabi ni Jesus sa kapitan: “Umuwi ka at mangyayari ang pina­niniwalaan mo.” At gumaling ang katulong sa oras ding iyon.

Ang Babaeng Kananea

Pagkaalis sa lugar na iyon, pumun­ta si Jesus sa gawing Tiro at Sidon. May isang babaeng Kananea noon na nag­punta sa dakong iyon at sumigaw: “Pangi­noon, anak ni David, maawa ka sa akin! Pina­hihirapan ng isang demon­yo ang anak kong babae.” Ngunit hindi siya tinugon ni Jesus kaya lumapit ang kanyang mga alagad at hiniling ng mga ito: “Paalisin mo na siya’t sigaw siya nang sigaw sa likod natin.”

At sinabi sa kanya ni Jesus: “Sa nawawalang tupa ng bayan ng Israel ako sinugo.” Ngunit lumapit ang babae at lumu­hod sa harap ni Jesus at sinabi: “Ginoo, tulungan mo ako!” Sumagot si Jesus: “Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta.” Su­ma­got ang babae: “Totoo nga, Ginoo, pero kinakain naman ng mga tuta ang mga nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga amo.” Kaya nagsalita sa kanya si Jesus: “Babae, napakalaki ng iyong pana­­­­nalig! Maganap sa iyo ayon sa nais mo.” At nang oras ding iyon, gumaling ang kanyang anak.

Sa istorya ng dalawang taong ito ay makikita kung anong uri ng pananampalataya ang lubos na kinalulugdan ni Jesus. Salungat sa pagkaintindi ng ilan, ang pananampalataya ay hindi paniniwala sa di-naiintindihan kundi pagtitiwalang bunga ng pagkaunawa. Ang pagsang-ayon sa hindi nauunawaan ay isang kabulagan. Hindi tayo naniniwala lang at sumusunod dahil iyon ang sinabi sa atin. Ang pagtitiwala ay dapat na bunga ng sapat na pagkakilala sa pinagtitiwalaan, at ng malinaw na dahilan para gawin ito.

Ipinakikita sa Ebanghelyo na nauunawaan ng senturyon kung paano kumikilos ang kapangyarihan ng Diyos, dahil siya mismo ay may kapangyarihan sa kanyang mga tauhan, kaya alam niya kung paano tingnan at itrato si Jesus. Sa kanya lang natin narinig ang linyang, “Hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa bahay ko. Mag-utos ka lang…” Nakikita niya ang katotohanan ng mga bagay ng Diyos sa pamamagitan ng sariling estado sa buhay.

Ganito rin ang ipinakita ng Kananea. Sinabi ni Jesus, “Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta.” Bagamat totoo ang sinabi ni Jesus, hindi nito napahina ang loob ng babae o nakasakit man sa kanyang damdamin. Ang mata niya ay hindi nakatutok sa sarili kundi sa malinaw na pagkaunawa niya kung sino si Jesus at kung paano tinitingnan ng Diyos ang puso ng tao.

Inaanyayahan tayo ng dalawang kwentong ito na suriin ang sarili nating pananampalataya. Tayo ba ay naniniwala, nagtitiwala, at sumusunod sa Diyos dahil malinaw ang pagkakilala natin sa kanya o dahil lang ito ang “dapat” nating gawin?

Permalink Leave a Comment

Ang Aking Pananampalataya

June 15, 2014 at 9:44 pm (Thoughts) (, , , , )

Nananampalataya akong may iisang Diyos na lumalang ng lahat ng bagay na nakikita at di-nakikita. Siya ay iisang Diyos bagamat may tatlong persona: Ama, Anak, at Espiritu Santo.

Ang Ama ang lumikha ng lahat sa pamamagitan ng Anak at para sa Anak. Nagmula sa kanya ang Anak buhat sa kawalang-hanggan, at siya ay katulad niya sa lahat ng aspeto.

Niloob ng Diyos na tubusin ang sangnilikha mula sa kamatayang kusa nitong pinili noong una. Sa pamamagitan ng Anak ay nagkatawang-tao ang Diyos para ipagkasundo ang tao sa Diyos. Ang Anak ng Diyos ay naging Anak ng Tao, at kinalaunan ay kinilala sa pangalang Jesucristo. Hindi nawala sa kanya ang kalikasang-Diyos kahit isang saglit, bagamat kusa niyang hinubad ang karangalan bilang Diyos upang siya ay maging katulad ng tao sa lahat ng bagay maliban sa kasalanan. Nakipamuhay siya sa mga tao, at namatay bilang tao – tulad sa isang kriminal na binitay sa krus kahit na wala siyang ginawa ni isa man kasamaan. Ang kamatayan niya ay malagim na kahihiyan sa paningin ng mga walang pagkaunawa, pero sa mga naliligtas, ito ay nagpapahayag ng lakas at karunungan ng Diyos; dahil sa pamamagitan nito ay pinatay niya ang kamatayan. Namatay ang may-akda ng buhay, ngunit pinatunayan niyang siya ang muling pagkabuhay noong bumangon siya mula sa libingan. Ngayon ay wala ng kapangyarihan sa kanya ang kamatayan, at sinumang mamumuhay at mamamatay na kasama niya, ay muling mabubuhay kasama niya magpakailanman.

Nananampalataya akong ang Espiritu Santo ang pag-ibig na pinagsasaluhan ng Ama at ng Anak. Siya ang hininga ng buhay na nagbibigay-buhay sa lahat; ang Espiritung lumiligid sa ibabaw ng mga tubig, sumasalahat ng bagay na nagdudulot ng buhay, at sa panahon ng pagliligtas ay nagbigay ng kapangyarihan sa tubig upang maging kasangkapan sa muling pagsilang at sa paglilinis ng kasalanan. Siya ang Diyos na nangungusap hindi sa pamamagitan ng salita kundi ng kasaysayan: ang pag-unawa sa kasaysayan ng tao ay pagbasa sa salita ng Espiritu Santo. Siya rin ang nagpapabanal sa tao at sa sangnilikha, at nagbibigay-aliw sa mga pusong nabibigatan. Siya ang Esposo ng Ina ng Diyos at ang Espiritung nananahan sa mga taong bumubuo ng Simbahan ng Diyos.

Nananampalataya akong may iisang Simbahan na itinatag ni Jesucristo at pinatatatag ng Espiritu Santo. Siya ang Inang nagsisilang sa mga nakatakdang maging anak ng Diyos. Walang kapangyarihan sa kanya ang mga pinto ng kamatayan; ibig sabihi’y mananatili siya sa lupa hanggang sa huling araw, at sa langit magpakailanman. Siya ang Katawang Mistiko at ang Esposa ni Cristo na pinakasalan niya sa maluwalhating krus – ang higaan ng pag-ibig – at nilinis ng kanyang dugo upang walang bahid dungis na maihaharap sa Diyos. Siya rin ang guro na hindi kailanman mahuhulog sa kamalian, sa kabila ng kanyang pag-iral sa gitna ng mga taong sinungaling, madilim ang isip, at walang pagkaunawa. Siya lamang ang nag-iisang daanan ng lahat ng biyayang naghahatid ng kaligtasan. Walang sinumang maliligtas liban sa pamamagitan niya. Siya ang lebadurang nagpapaalsa sa buong masa: hindi lahat ng maliligtas ay lebadura, hindi rin lahat ay masa, ngunit lahat ay bahagi ng iisang tinapay.

Nananampalataya ako sa iisang katotohanan, iisang pananampalataya, iisang binyag, at iisang Panginoong nagliligtas sa lahat ng mga pinili. Ang binyag at ang bawat sakramentong itinatag ng Panginoon ay naghahatid ng totoong mga biyaya na sinisimbolo nito. Pinatatatag nito ang tao sa kanyang pakikibaka sa kasalukuyang buhay upang maluwalhating makarating sa hinaharap.

Nananampalataya akong sa huling araw ay muling mabubuhay ang mga patay sa kanilang bagong katawan, at ang mga buhay ay magbabagong-anyo, upang sa huling pagkakataon, ang lahat ay mahatulan ayon sa kani-kaniyang mga gawa; ang iba para sa kagalakang walang hanggan, at ang iba ay para sa kaparusahang walang hanggan.

Permalink Leave a Comment