Divorce Naman

January 18, 2013 at 8:50 pm (Commentary, Doctrinal, Moral)

Pagkatapos ng Reproductive Health Bill, atat na ang mga “death culture” lawmaker na pagdebatihan at isabatas ang diborsyo sa bansa. Hindi na ito bago sa pandinig ng mga pro-life group, dahil sa umpisa pa lang ay bistado na ang intensyon ng mga nasa likod nito. Kailangan lang nilang maipilit ang RH law sa isang bansa, at ito na ang magsisilbing pinto para maipasok ang mga polisiyang gusto nilang ipatupad sa lahat. Sa kaso ng Pilipinas, pinakamadaling isulong ang divorce dahil mas madaling manipulahin ang damdamin ng mga Filipino tungkol sa mga relasyon. Sunod dito ay homosexuality at abortion. Siguro ay magiging panghuli na sa priority ng mga mambabatas na ito ang euthanasia o pagpatay sa mga may sakit. Asahan na rin na kung tuluyang maipatutupad ang RH Bill ay magkakaroon tayo ng kultura kung saan ang pagkakaroon ng higit sa dalawang anak ay magiging kahiya-hiyang estado, at ang fertility ng mga babae at lalaki ay susubukang kontrolin ng gobyerno sa paraang totalitarian.

Women’s Right and Women Empowerment
Ang divorce, tulad ng “reproductive health” at abortion, ay isinusulong sa ngalan ng women’s rights at ng women empowerment—mga katagang may positibong tunog pero negatibo ang intensyon at epekto. Ang human rights ay karapatang likas ng tao—babae man o lalaki. Ang paglikha at pagamit ng salitang “women’s rights” ay hindi totoong nagsusulong sa karapatan ng kababaihan, sa halip ay humahati sa natural na pagkakaisa ng mga lalaki at mga babae bilang myembro ng sangkatauhan. Idinadahilan ng mga feminist, at ng mga may simpatya sa kanila, na ang lipunan ay kumikilala lamang sa mga lalaki at nagwawalang-bahala sa mga babae bilang mga tao, kung kaya hindi lubusang nare-recognize ang kanilang karapatan. Ganun pa man, sa ganoong sitwasyon, ang problema ay wala sa pagkilala ng karapatan kundi sa pagkilala ng kalikasan. Ang pagsasabing ang mga babae ay may mga karapatang bukod o iba kaysa sa likas na mga karapatang pantao ay pagsasabi na rin na sila ay hindi bahagi ng sangkatauhan. Ito ay salungat sa mismong layunin ng kanilang pakikipaglaban. Kung ang problema ay iniitsapwera ka ng lipunan na parang hindi ka katulad ng iba, bakit ka gagawa ng hakbang na lalong magbubukod sa iyo sa iba? Hindi ba’t ang layunin ay maipakita sa lahat na ang mga babae ay kasintao rin ng lahat ng tao? Kung mag-iimbento tayo ng mga “karapatan” na espesyal para sa kababaihan, parang tayo na rin ang nagsabi na iba ang human rights sa women’s rights—iba ang tao kaysa sa babae. Kasunod niyan, agresibo na rin isusulong ang LGBT rights o ang mga karapatang pang-bakla, tomboy, bisexual, at transgender. Ang mangyayari ay magkakaroon ng mga karapatan para sa tatlong grupo ng mga nilalang: human rights, women’s rights, at LGBT rights. Ang layunin natin ay kilalanin ang pagiging tao ng bawat tao, sila man ay lalaki, babae, bakla o tomboy; pero dahil sa walang katapusang pag-iimbento ng mga tinatawag na “karapatan”, lalo lang nagiging iba ang dati nang itinuturing na iba. Ang pagkakaiba lang ngayon ay mas kinikilala na ang mga tinatawag nilang “karapatan” pero iba pa rin sila. Parang walang pinagkaiba sa mundo ng M.I.B. kung saan malayang nakikipamuhay ang mga alien at kinikilala ang kanilang mga karapatan, pero sa pagkilalang ito ay hindi sila nagiging mga tao; sila ay mga alien pa rin na may mga karapatang iginagalang ng mga tao. Sa pagkakaroon ng women’s rights at LGBT rights, sino na lang ang walang special rights? Ang mga lalaki. Ibig sabihin, sa kanila yung human rights. Sila lang ang tao. Kaya nahati na tayo sa apat na kalikasan: tao, babae, sirena, at t-bird—o baka meron pang iba. Mabuti nga sa Pilipinas dahil maraming mga babae at lalaki na tao ang tingin sa mga babae; di tulad sa ibang lugar na mapababae o mapalalaki ay sanay na sa kultura at indibidwal na pananaw na ang mga babae ay mas mababang uri. Kung lubusan natin ipapasok sa ating bansa ang ideolohiya ng mga feminist, lalo lang magiging malala ang pagkakahati-hati sa ating lipunan sa pag-itan ng mga makababae at mga makalalaki.

Kaagapay ng women’s rights ay ang tinatawag na women empowerment. Mabuti sana ito dahil kinikilala nito ang potensyal ng sangkababaihan, pero dahil madalas ay may impluwensya ng mga feminist ang pakahulugan at aplikasyon nito, ito ay nagiging makasarili at hindi makatao. Alam natin na anumang hindi makatao ay hindi totoong makababae dahil ang ating kababaihan ay mga tao din. Anumang lumalabag sa karapatang pantao ay lumalabag din sa karapatan ng mga babae. Ang totoong empowerment ay naaayon sa likas na kakanyahan ng isang indibidwal at ito ay dapat na may positibong epekto tulad ng paghasa ng talento at mga kakayahan. Hindi kasali dito ang pagmanipula sa fertility, pagpatay sa mga batang nasa sinapupunan, at ang pagwasak ng pamilya o relasyong mag-asawa. Walang sinuman ang may likas na karapatang gawin ang mga ito dahil labag ito sa karapatang pantao at sinisira nito ang lipunan na nakasalig sa bawat pamilya.

Natural Law
May mga bagay na alam nating hindi kayang sakupin ng kapangyarihan ng tao tulad ng mga batas ng kalikasan. Mapapahamak ang sinumang magwawalang-bahala sa “batas ng gravity” dahil hindi niya alintana kung anong mangyayari sa kanya kapag lumabas siya sa bintana ng ika-20 palapag at maglakad sa hangin. Maaari niyang balewalain o subukang labagin ang batas na ito pero ang konsekwensya nito ay mananatili at hindi magbabago. Hindi man kilalanin ng tao na ang apoy ay nakakasunog, walang magbabago sa apoy at sa epekto nito. Masusunog pa rin ang balat o laman ng taong masisilaban nito. May kakayahan tayong gamitin ang mga bagay sa mundo pero kailangan nating manatili sa hangganan ng mga batas na sumasakop sa mga ito. Ganito rin ang kasal. Ang lalaki at babae ang nagkakasal sa kanilang sarili pero hindi nangangahulugang ito ay sa pag-itan lamang nilang dalawa. Katunayan, walang bisa ang pag-iisang-dibdib kung walang saksi. Hindi rin maaaring kung sino-sino lang ang sumaksi sa aktong ito. Siya ay dapat na may kaukulang kapangyarihan na kinikilala o ibinigay ng Estado o ng relihiyong kinaaaniban ng magpapakasal. Ang kapangyarihang ito ay hindi nagmula sa mismong relihiyon o Estado; ito ay nagmula sa Diyos na nagtakda ng saligang batas para sa lahat, at ipinamamahala sa human authorities. Hindi ito kapritso lamang ng mga Ama ng bansa o ng mga mambabatas, sa halip ay pagkilala sa mas mataas na Kapangyarihan na sumasakop sa lahat. Sa ating bansa, ang pagkilalang ito ay pinatutunayan ng mga paunang salita sa ating Saligang Batas.

Ayon sa pagkilala ng Estado sa batas ng kalikasan, ang pag-aasawa o kasal ay isang institusyon na hindi maaaring labagin at hindi rin malulusaw, maliban ng kamatayan. Hindi maaaring labagin. Ibig sabihin ay walang anumang akto o batas na maaaring gawin ang sinuman kung ito ay salungat sa likas na kalagayan at kahulugan ng pag-aasawa. Ang kasal ay tumutukoy sa pag-iisa (union) ng isang lalaki at isang babaeng nagmamahalan at bukas sa pagtatatag ng isang pamilya. Dito ay nangangako ang magkapareha ayon sa kanilang paniniwala na sila ay mananatiling isa hanggang sa paghiwalayin sila ng kamatayan—“till death do us part”—kung kailan ang kontrata o kasunduan ay kusang nawawalan ng bisa. At obviously, salungat sa paniniwalang ito ang konsepto ng diborsyo, kung saan pinawawalang-bisa sa kapangyarihan ng tao ang isang balidong kontrata na pinagtibay ng batas natural. Ang ganitong akto ay katulad ng pagsunggab o paglangoy sa naglalagablab na apoy. Ito ay isang pagtatangkang baguhin ang kalikasan ng isang bagay na lampas sa nasasakupan ng tao.

Maaaring may isang mapagmarunong na magsasabing, “Kayang labagin at paglalangan ng tao ang kalikasan, anupa’t nagagawa niyang lumipad sa kabila ng batas na nagsasabing ang lahat ng inihahagis pataas ay walang ibang pupuntahan kundi sa ibaba.” Ganitong mag-isip ang ilang mga nagsasabing sila ay “scientific people”. Hindi naiisip ng mga taong ito na ang mga formula at mga law na sinusundan ng mga imbentor at siyentista ay hindi nagmula sa kanilang sarili kundi natuklasan lamang nila. Ang batas ng Pisika, halimbawa, ay kalipunan ng mga batas natural na may kinalaman sa pagkilos ng mga bagay. Ito ay mga batas ng kalikasan at hindi mga batas na nilikha ng tao. Natural lang na magawang lumipad ng tao kung alam niya ang mga batas sa paglipad. Hindi ito paglabas sa nasasakupan ng batas. Hindi nangangahulugan na ang tao ay maaaring maging “above the Law”. Gravity is inviolable, and so is marriage.

Divorce and Practicality
Mayroon lang iisang malaking argumento ang mga nagsusulong ng diborsyo sa Pilipinas, at ito ay ang paniniwala nilang may mga kasal (pagsasamang mag-asawa) na hindi na maaaring kumpunihin. May katotohanan rin sa argumentong ito, dahil may mga taong hindi talaga nakahandang pagbutihin ang sarili o ang anumang bagay sa kanyang paligid. Ganun pa man, hindi natin maaaring isulat ang mga batas ng bansa ayon sa idinidikta ng ating emosyon o para lamang sa mabilisang remedyo kahit na labagin nito ang ating kalikasang tao at ang batas natural na sumasakop dito. Ang pag-atake sa natural na layunin ng mga bagay ay hindi kailanman magbibigay sa atin ng totoong pakinabang.

Ganito ang paulit-ulit nating maririnig mula sa mga nagtutulak ng diborsyo sa Pilipinas:

“Mas masama sa bata na nakikita niya araw-araw nagbubugbugan yung kanyang mga magulang.”

“Maraming factors sa ating lipunan na nag-uukok at nagwawasak na ng pamilya. Kaya yung sa mga pamilyang ang tingin natin ay nagkakaroon na ng hindi pagkakaunawaan, nagkakaroon na ng life threatening situation lalo na sa kababaihan, dapat may remedy sila na makakaalis sila sa ganung sitwasyon.”

Gamit ang mga argumentong ito ay sinasabi nilang kailangang magkaroon ng diborsyo sa ating bansa. Para sa ilang mga Filipinong mag-asawa, na nasa nakakapagod at di-pamilyar na mga sitwasyon, ang mga argumentong patungo sa diborsyo ay mukhang makatwiran at katanggap-tanggap, lalo na kung ito ay nagmula sa bibig ng mga taong atat na atat paghiwalayin ang mga mag-asawa at ang mga pamilya.

Ganun pa man, ang unang tanong ay gaano ba kapraktikal ang diborsyo? Ito ba ay magbibigay ng kasiguruhang mapapabuti ang dalawang partido at ang kanilang mga anak? Ang mga gulo at sigalot ba sa unang kasal ay hindi na mauulit sa ikalawang kasal? Wala na bang magiging ikatlo, ikaapat, at ikalimang kasal? Kung sinasabi ng bawat partido na nagkamali sila ng napiling mapangasawa, hindi na ba sila magkakamali sa susunod?

Ayon sa panukalang Divorce Bill, walang limitasyon ang bilang ng paghahain at pagproseso ng diborsyo. Hindi ba’t ipinakikita lang nito ang realidad na hindi nangangahulugang titigil na sa pagkakamali ang isang indibidwal sa ikalawang ulit niyang pagpapakasal? Dahil kung mayroong ganung kasiguruhan, hindi na kailangan ang ikalawa, ikatlo o higit pang bilang ng pakikipagdiborsyo.

Ibig bang sabihin ay dapat tiisin na lang ang masamang sitwasyon ng mag-asawa? May kanya-kanyang paraan tayo ng pag-aayos sa ating mga problema, pero hindi kasama doon ang pagpapakita ng kawalan ng pakialam at ang pagtakas sa sitwasyon. Hindi kusang mawawala ang anumang problema sa pamamagitan lamang ng pagpapanggap na hindi ito umiiral—na okay ang lahat. Hindi rin ito masosolusyunan sa pamamagitan ng pag-iisip na wala na itong pag-asa. “Ang umaayaw ay hindi nagwawagi,” sabi nga. Maraming paraan para ayusin ang pagsasama ng mag-asawa; ang diborsyo ay hindi isa sa mga iyon, dahil wala itong naaayos. Para sa lahat ng uri ng suliraning unti-unting sumisira o nakasira na sa samahang mag-asawa, maaari nilang subukan ang programa ng Retrovaile. Hindi na dapat pang hintayin na dumating sa puntong pagod na ang magkabilang panig, at wala nang maisip na paraan kundi isuko ang relasyon.

Kung talagang hinihingi ng pagkakataon ang agarang paghihiwalay, hindi ito ipinagbabawal ng batas. Anumang oras, sa anumang dahilan, ay maaaring umalis ang isa sa mag-asawa para bigyan ng panahon at espasyo ang isa’t isa. Ang hindi pagkakasundo sa ganitong areglo ay maaari din idaan sa legal na paraan tulad ng kung sino ang mananatili sa bahay at kung kanino maiiwan ang mga anak. Kung mayroon namang pagbabanta mula sa partidong ayaw makipaghiwalay, pwede rin itong ihingi ng tulong sa punong-barangay o sa pulisya. Kung pagkatapos ang mga counseling ay wala na talagang balak magsama ang mag-asawa—nagkapatawaran man o hindi—isasampa ang kaso ng legal separation para ideklara ng batas na sila ay nagkasundong maghiwalay at may mga kondisyong susundin.

Dahil doon, wala nang dahilan para sabihing “nagbubugbugan” pa ang mag-asawa, o nakikita ng mga anak na araw-araw silang nag-aaway, o na ang pamilya ay nagkakaroon ng “life-threatening situation”. Ganun pa man, ang mag-asawa ay mananatiling kasal sa isa’t isa dahil ang bigkis na nagbuklod sa kanila ay hindi na sakop ng kapangyarihan ng tao. Walang sinuman ang may karapatan o autoridad na magpawalang-bisa ng isang balidong kasal. Lahat ng diborsyo o paglusaw sa bisa ng kasal ay ilusyon lamang. Ang katulad nito ay ang pagpapawalang-sala ng masamang hukom sa isang kriminal na gumawa ng krimen sa harap ng isang batalyong saksi. Sa madaling salita, ito ay isang malaki at garapalang paglolokohan lamang, na hindi kailanman magiging totoo o magkakaroon ng bisa.

Playing the Catholic Card
“Ang Simbahan ay may annulment of marriage din.”

“Karamihan sa mga pabor sa divorce ay Katoliko.”

“Kahit sa Italy kung nasaan ang Vatican, may divorce.”

Panis at nabubulok na ang istilo ng mga samahang malisyosong nagsusulong ng “kultura ng kamatayan”. Noong RH Bill ang nasa kainitan ng debate, ganito rin ang mga linyang narinig natin sa mga nagtutulak nito: “Pinapayagan din ng Simbahan ang ‘natural contraception,’” “Pinakamalaking porsyento ng pabor sa RH Bill ay mga Katoliko,” “Sa panahon ni Benedict XVI ay naging maluwag na ang Simbahan sa pagamit ng condom sa mga piling pagkakataon.” Ganyang tema din ang gagamitin nila sa mga susunod nilang agenda. Nagsimula pa kay Margaret Sanger at sa NARAL ang ganyang taktika, at simbaho na ng basura, pero yan pa rin ang ginagamit ng mga taong ito dahil sa maraming pagkakataon ay epektibo pa rin ito. Pero epektibo man o hindi, nananatili itong kasinungalingan at desperadong pagpupumilit na paniwalain ang marami na ang mali ay nagiging tama minsan, depende sa sitwasyon.

Walang kapangyarihan ang Simbahan, o ang sinuman, na ipawalang-bisa ang kasal na likas na may bisa. Ang tanging pwedeng gawin ng pamunuan ng Simbahan ay ideklarang walang bisa ang kasal na talagang walang bisa sa umpisa pa, o kaya ay nawalan na ng bisa dahil ang isang partidong matagal nang nawawala ay inaakalang patay na.

Ang pag-ayon ng sinumang Katoliko, kaunti man o marami, ay walang kinalaman sa kawastuhan ng katuruang Katoliko. Maniwala man ang lahat ng tao na ang isa at isa ay tatlo, mananatili pa rin itong dalawa. Hindi ang tao ang pinagmumulan ng katotohanan. Ang tangi niyang magagawa ay tuklasin at gamitin ito, pero hindi niya ito mababago.

Wala rin kinalaman ang lokasyon ng Vatican sa katuruan ng Simbahan tungkol sa diborsyo. Si Lot na pamangkin ni Abraham ay nakatira sa gitna ng mga taong isinumpa dahil sa walang kapantay nilang pagkamakasalanan, pero hindi iyon nangangahulugan na sumasang-ayon si Lot sa paraan ng kanilang pamumuhay. Ipinauna na ni Jesus na ang mga Cristiano ay mamumuhay na parang mga tupa sa piling ng mga asong lobo.

Christian Teaching on Divorce
“Hindi ba masama sa paningin ng Diyos ang diborsyo?” Ito ang tanong sa isang Protestanteng pastor (o baka pastor-pastoran lang) tungkol sa isyu ng divorce. Ang mabilis na sagot na pastor ay, “Ang masama ay yung nagpapatayan kayong mag-asawa at nakikita pa ng mga anak.” Wala naman nagsasabing hindi yun masama, pero hindi naman iyon ang itinatanong. Ang tanong ay kung masama ba sa paningin ng Diyos ang diborsyo—oo o hindi lang ang sagot. Sa tanong na, “Kasalanan ba ang paggamit ng contraceptives,” ang sagot ng mga pro-RH na Protestanteng pastor ay, “Mas malaking kasalanan yung magsisilang ka ng sanggol na hindi mo kayang buhayin.” Wala naman nagsasabing mabuti iyon, pero ang tanong ay tungkol sa moralidad ng contraception.

Kahit anong manipulasyon ang gawin sa pagsagot tungkol sa katuruan ni Cristo, hindi magbabago ang katotohanan. Pwedeng dayain ng tao ang kanyang sarili pero hindi niya pwedeng dayain ang Diyos. Ikinakatwiran din ng mga nagkukunwaring tagapag-akay sa Diyos na may diborsyo na sa lumang tipan pa lamang. Ipinapakita lamang nito kung gaano kaignorante ang mga taong ito tungkol sa kalooban ng Diyos.

Ang kasal ay kasunduan sa pag-itan ng isang lalaki at isang babae ni sinasaksihan at pinagtitibay ng Diyos. Lahat ng pangako at panatang ginagawa natin ay hindi lamang natin sinasabi sa ating sarili o sa ibang tao; ginagawa natin ito sa harapan ng Diyos na nakakakita ng lahat. Ang pagtataksil o hindi pagtupad sa mga pangakong ito ay nangangahulugan ng paghamak sa pag-iral, presensya, at karangalan ng Diyos. Dahil dito kaya sinabi ni Propeta Malakias na ang Diyos ay galit sa diborsyo, at ito ay itinuturing niyang karahasan laban sa babaeng asawa. Hindi mangmang ang Diyos, at alam niya ang sinasabi niya. Ang mga taong nagmamarunong at nagtatangkang manipulahin ang salita ng Diyos ay silang mga mangmang at hangal. Ang katulad nila ay ang mga Pariseo na nag-aakalang si Moises ay gumawa ng batas na pumapabor sa diborsyo.

Sa harap ng lahat ay lininaw ni Jesus na gumawa si Moises ng batas tungkol sa diborsyo, hindi para ipahiwatig na ito ay katanggap-tanggap sa Diyos, sa halip ay para kontrolin ang pagiging talamak nito sa kanyang panahon. Sinabi ni Jesus, “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya pinayagan kayong diborsiyuhin ang inyong mga asawa.” Bago iyon ay ipinaalala niya sa kanila ang kalikasan at layunin ng kasal: “Sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at sinabi rin nitong iiwanan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at pipisan sa kanyang asawa, at magiging iisang katawan ang dalawa? Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang; kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.”

Malinaw ang sinabi ni Jesus: “Huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.” At malinaw din ang babala ni Propeta Malakias: “Ang Diyos ay galit sa diborsyo.” Paikut-ikutin man ng mga mangmang ang aral ng Biblia tungkol sa paghihiwalay, sa pagsasabing, “Ito at iyan ang masama,” walang magbabago. Ipinapahamak lang nila ang kanilang sarili dahil sa pagsasabi nilang ang Diyos ay sinungaling at sa pag-aakalang pwede nila siyang malinlang.

Advertisements

Permalink Leave a Comment

Ang RH Bill at ang mga Katoliko

June 15, 2011 at 1:34 pm (Commentary, Doctrinal, Moral)

“Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi nagtitipong kasama ko ay nagpapangalat” (Lucas 11:23).

 Tayo ay mga Cristiano hindi lamang isang araw sa isang linggo, kundi sa lahat ng araw, oras, at pagkakataon. Hindi mahalaga kung ikaw ay politiko, may-bahay, basurero, kasambahay, driver, abogado o ano pa man; bilang binyagang Katoliko, tungkulin nating mamuhay nang naaayon sa mga utos ni Jesus at maging kabahagi ng kanyang gawaing pagliligtas. Nagbabala si Cristo na ang Cristianong walang pakialam at pakikibahagi sa mga gawain kanyang Panginoon ay nagiging pabigat at nagkakasala. Sa usapin ng RH Bill, hindi pwedeng “no comment” tayo, dahil alam natin na kung hindi ito mabuti, ito ay masama, at hindi tayo maaaring manahimik sa gitna ng kasamaang ito. Bilang Cristiano, tayo ay tinawag upang makibahagi sa pagsusulong ng katotohanan, kalayaan, at katarungan dahil sa ganitong paraan natin maipakikilala ang Diyos sa lahat. Sa kabilang banda, ang pananahimik at pagpapadala sa maling agos ay tulad din ng pagsasabing, “Wala na tayong pag-asa dahil walang Diyos…bahala na!” Ito ay pag-insulto sa pag-ibig ng Diyos na tumawag sa atin para makibahagi sa kanyang kaganapan. Sa gitna ng kaguluhang at pagkakabaha-bahaging dulot ng RH Bill, kailangan natin manindigan at magkaroon ng panig. Hindi natin gustong marinig mula kay Jesus sa huling araw: “Alam ko ang iyong mga gawa. Hindi ka malamig ni mainit man. Higit na mabuti kung malamig o mainit ka. Ngunit maligamgam ka at hindi malamig ni mainit, kaya isusuka kita sa aking bibig” (Pahayag 3:15-16).

“Sumasampalataya ako…sa banal na Simbahang Katolika…”

Bilang mga Katoliko, ipinahahayag natin ang ating paniniwala sa mga turo ng Simbahang Katolika bilang institusyon na walang ibang nagtatag kundi si Jesus. Pinanampalatayanan natin na ang Iglesyang ito ay ang “haligi at saligan ng katotohanan” (1 Timoteo 3:15), at “ang pintuan ng daigdig ng mga patay ay hindi magtatagumpay laban sa kanya” (Mateo 16:18). Naniniwala tayong ang kanyang mga turo tungkol sa pananampalataya at moralidad ay walang pagkakamali, libo-libong taon man ang lumipas. Tatangkain ng Masama na iligaw ang marami patungo sa mga maling turo, pero hanggang sa huli ay mananatiling tapat ang Esposa ni Cristo – ang Simbahan. Kaya bilang paalaala at babala sa ating lahat, hindi tayo dapat maligaw sa ibang simbahan, kahit pa ito ay nagtataglay ng pangalang “katoliko”. Hindi ganap na basehan ang presensya ng isang obispo o grupo ng mga obispo para masabing sila ay kumakatawan sa Simbahan. Ang kolehiyo, halimbawa, ng mga obispo sa Amerika at sa Canada ay hindi na kumakatawan sa kaganapan ng pananampalatayang Katoliko, at hindi na ganap na kaisa ng  Simbahan. Matatagpuan ang tunay na Simbahan, at ang dalisay na katuruan, kung nasaan ang batong kinatatayuan nito. Kaya may kasabihang, “Ubi Petris, ibi Ecclesia” – Kung nasaan si Pedro, naroon ang Simbahan. Ang tunay na Simbahan ay tumutukoy sa kalipunan ng mga obispo, pari, at mga mananampalataya na may lubos na pakikipag-isa sa Santo Papa. Sinumang Katoliko na tahasang sumasalungat sa sinasampalatayanan ng buong sambahayan ng Diyos ay nagtatakwil sa kanyang sarili bilang Cristiano.

Hindi maitatanggi ang kapintasan ng mga mananampalatayang layko at pari, yayamang sila ay mga tao pa rin. Dahil dito, ang Simbahan ay inaakusahan ng pagiging mapagkunwari. Gayunman, ang bintang na ito ay nagmumula sa kawalan ng alam. Ang Simbahan, bagamat banal dahil sa presensya at pagpuspos ng Espiritu Santo, ay binubuo ng mga taong hindi perpekto. Alam ni Jesus na ang Simbahan ay may bahaging-tao, at marami sa mga kasapi nito ay hindi magiging tapat – gaya ni Judas Iscariote; ang iba naman ay paminsan-minsang maduduwag – tulad ni Pedro at ng mga apostol; habang ang iba ay maiiskandalo sa kanilang makikita at tuluyan nang hihiwalay. Hindi dapat mangyari sa atin ang alinman sa mga ito. Si Cristo lamang ang daan, katotohanan, at buhay, at iisa lang din ang Simbahang itinatag niya sa bato. Sa gitna ng mga iskandalo at mga kontrobersya, dapat nating alalahanin ang tanong ni Pedro, “Panginoon, kanino kami pupunta?” (Juan 6:68) dahil “walang Diyos maliban sa isa” (1 Corinto 8:4). Hindi dahilan ang kasalanan o kahinaan ng mga myembro ng Simbahan para pagdudahan, salungatin, at itakwil natin ito. Hindi ito lipunan ng mga taong hindi marunong magkamali, at kahit na umalis ka dito at bumalik, hindi pa rin mababawasan o madadagdagan ang mga perpektong tao dito dahil tulad mo, ang mga nandito ay may kanya-kanyang antas ng kahinaan.

Dapat ipako natin ang paningin sa mga turo ng Simbahan, sa halip na sa mga bagay na hindi nasusunod ng mga myembro nito. Titigan natin ang kasaysayan ng mga taong tinanghal na kagalang-galang, pinagpala, at banal, sa halip na ubusin ang oras, lakas, at diwa ng pag-asa sa pamimintas sa kakulangan ng iba. Tayo ay mga handog sa loob ng templo na bagamat may karumihan ay walang kakayahang dungisan ang altar. Ang altar na ito ang dumadalisay sa atin, at hindi tayo o sinuman ang makapagpaparumi dito. Kahit ano pa ang kahinaan ng mga namumuno sa Simbahan, hindi nito mababago ang katotohanan na ang boses ng Simbahan ay ang boses ng Diyos. Kaya nagbabala si Jesus tungkol dito: “Ang nakikinig sa inyo ay nakikinig sa akin, at ang di-tumatanggap sa inyo ay di-tumatanggap sa akin” (Lucas 10:16). Hindi natin ito pwedeng pasinungalingan dahil lang ayaw nating sumang-ayon sa turo, pamantayan, at disiplina ng Simbahan.

“Ang bawat tao’y dapat pasakop sa mga pinuno ng pamahalaan” (Roma 13:1).

Sa pangkalahatan, ang gobyerno ay ibinigay ng Diyos para sa ikabubuti ng tao. Ito ang namamahala sa pagpapatakbo ng isang bansa o bayan, sa paggawa at pagpapatupad ng batas, sa kaban ng yaman, at sa mga pangangailangan ng komunidad. Ang pagpapasakop sa pamahalaan ay pakikiisa sa layunin nitong tulungan ang bawat mamamayan na maging produktibo at mabuting kasapi ng lipunan. Kaya nga, kung pinoprotektahan ng Estado ang kalayaang pangrelihiyon, itinuturo naman ng Simbahan ang paggalang sa pamahalaan dahil ito ang kalooban ng Diyos.

“Wala kang anumang kapangyarihan sa akin kung hindi ito ibinigay sa iyo mula sa itaas” (Juan 19:11).

Bagamat ang pamahalaan ay may kapangyarihan sa mga nasasakupan nito, ang kapangyarihang ito ay hindi ganap at hindi nagmumula sa sarili. Ang Saligang Batas ng Pilipinas ay kumikilala sa katotohanang ito at ipinahahayag nito sa panimulang bahagi: “Kami, ang nakapangyayaring sambayanang Pilipino, na humihingi ng tulong sa Makapangyarihang Diyos…” Kinikilala nito ang katotohanan na ang kapangyarihan ng Estado ay nagmumula sa Diyos at hindi ito dapat gamitin para para labagin ang batas ng Diyos mismo.

“Kayo na ang humatol kung ano ang tama sa paningin ng Diyos: ang sumunod sa inyo o sumunod sa Diyos?” (Gawa 4:19)

Makikita natin sa kasaysayan na may mga pagkakataong nakakalimutan ng gobyerno ang pinagmulan at tungkulin nito, kung kaya minsan ay ang Diyos mismo ang kanilang kinakalaban. Sa ganitong mga pagkakataon, magiging kasalanan para sa ating mga Cristiano ang pag-ayon sa pamahalaan dahil nangangahulugan ito ng pagsalungat sa Diyos.

“Hindi maaaring di namin ipahayag ang aming nakita at narinig” (Gawa 4:20).

Tungkulin ng bawat tao na magsabi ng totoo at mamuhay sa katotohanan. Misyon naman ng Simbahan na ipahayag ang tinanggap nitong katotohanan, at tutulan, salungatin, at itama ang anumang kasinungalingan tungkol sa Diyos, sa tao, at sa relasyon ng tao sa Diyos. Ang pananahimik sa gitna ng mga kasinungalingan ay pagtataksil sa tungkuling iniatang ni Jesus na ipangaral ang katotohanan at palayain ang mundo sa pamamagitan nito. Sa liwanag ng Espiritu Santo at ng dalawang-libong taong karunungan ng Simbahan, nakikita natin ang malaking kasinungalingan sa likod ng mapalamuting mga pananalita ng RH Bill. Madali nitong napapaniwala ang karamihan dahil hindi madaling makita ang mga panlilinlang nito. “Pero taglay natin ang isip ni Cristo” (1 Co 2:16) kaya nakikilala natin ang katotohanan at ang kabaligtaran nito saanman natin ito masalubong. Ang pagsalungat at pagbibigay-babala laban sa ganitong panlilinlang at kapahamakan ay pananagutan natin sa Diyos at sa ating kapwa. Kahit ang Cristianong walang kakayahang gamitin ang pisikal na dila para magsalita ay hindi pinapayagang manahimik sa ganitong pagkakataon.

“Ang ahas ang pinakatuso sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoon” (Genesis 3:1).

Sa huli, dapat mag-ingat ang bawat Cristiano laban sa maling akala na siya ay sapat na sa kanyang sarili. Mas tuso si Satanas kaysa sa sinumang tao dito sa lupa. Ang pagkahulog nina Adan at Eba sa bitag ng Masama ay larawan ng sarili nating pagkahulog. Walang sinuman ang maaaring magsabing, “Kung ako ang unang tao, hindi ako malilinlang ng ahas ,” dahil hindi ito totoo. Si Satanas ang dating Lucifer (tagapagdala ng liwanag) kaya taglay niya ang napakataas na antas ng kaalaman at talino na ngayon ay ginagamit niya para ipahamak ang lahat ng taong pwede niyang linlangin. (Magtataka ka pa ba na maraming “matatalino” ang manloloko?) Hindi dapat akalain ninuman na kaya niyang pagtagumpayan ang Masama sa sarili niyang lakas at kakayahan. “Kaya mag-ingat ang may akalang matatag na siya, at baka madapa” (1 Corinto 10:12). “Si Cristo’y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi” (1 Corinto 12:12), hindi dapat ihiwalay ng isang mananampalataya ang kanyang sarili dito. Kailangan ng bawat Katoliko ang karunungan at lakas ng buong Simbahan. Ang pagsalungat, at lalo na ang pagtuligsa, sa mga turo nito ay tanda ng siguradong kamalian.

Permalink Leave a Comment

Kontrasepsyon: Moralidad at Praktikalidad

June 7, 2010 at 8:41 am (Moral)

Bakit itinuturing na masama ang kontrasepsyon sa kanyang sarili? Ang kasagutan sa tanong na ito ay humihingi ng talino, malinaw na paghatol, katapatan sa sarili, at bukas na kaisipan. Mawawalang halaga lang ang anumang pagtatangkang makarating sa katotohanan kung walang kahandaan na iwanan ang nakasanayang mga paniniwala. Sa maling paraan at dahilan ay inaakala at ipinamamalita ng maraming tao, kasama na ang media, na ang Simbahan ay tutol sa kontrasepsyon dahil ito ay walang pinagkaiba sa aborsyon. Ito ay isang burarang pamamahayag. Walang matino at impormadong tao ang magsasabing ang kontrasepsyon at aborsyon ay pareho lang. Ang Simbahang Katoliko ay hindi kulang sa bilang ng mga dalubhasa sa larangan ng panggagamot, parmasyotika, biyolohiya, at iba pang mga disiplinang may kinalaman sa usapin ng kontrasepsyon.

Sa anumang usaping moral, ang nag-iisa at laging tamang tanong ay, “Linalabag ba nito ang batas ng kalikasan?” Dito magmumula ang mas malawak na mga pagsasaliksik at pagsusuri. Pagkatapos ng masusing pag-aaral, hinahatulan ang usapin ayon sa prinsipyo at pananampalatayang Katoliko. Ang pagkilala at pagrespetong ito ng mga tao ang dahilan kung bakit tinatangka ng industriya ng kontrasepsyon na alisin sa isip ng karamihan ang salitang “artipisyal”. Tuwing ikinukumpara nila ang dalawang uri ng family planning, tinatawag nila itong natural at modern, na kung iisipin ay dalawang salitang hindi maaaring ikumpara. Sa halip na ipahiwatig na ang pamamaraang artipisyal ay salungat sa paraan ng kalikasan, ginagamit nila ang salitang “modern” para alisin sa malalim na bahagi ng kamalayan ng tao ang implikasyon ng salitang “artificial” sa kalusugan ng isang babae. Isa pang layunin sa likod ng katagang ito ay ipahiwatig na ang natural na paraan ng pamamahala ng panganganak, bagamat maaaring gamitin at maging epektibo, ay nararapat sa mas malaking pag-aalinlangan dahil sa pagiging “luma” nito, habang ang artipisyal ay “moderno”. Ito ay isang malaking panlilinlang. Ang artipisyal na kontrasepsyon ay hindi isang makabagong konsepto; mas matanda pa ito sa Cristianismo. Kaya naman, hindi na rin bago ang usaping ito sa buhay ng Simbahan. Ang ideya ng IUD, halimbawa, ay ginagamit para sa mga kamelyo, libong mga taon na ang nakakaraan. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng paglalagay ng graba sa loob ng bahay-bata ng hayop para hindi nito tanggapin ang bilig (embryo). Ang spermicide ay ginagamit kapwa ng hayop at ng mga babaeng bayaran. Madalas ay gawa ito sa pinaghalo-halong mga katas at kemikal na kinabibilangan din ng dumi ng buwaya o ihi ng mga hayop. Hindi rin bago ang mga iniinom na mga kontraseptibo, at ito ay ginagawa ng mga mangkukulam o mga tagahalo ng kemikal. Ang mga apostol mismo ay namuhay sa gitna ng mga taong lulong sa ganitong mga gawain. Noong AD 225 ay binanggit ni Hippolytus ang tungkol sa kemikal na pampabaog (drugs of sterility) na ginagamit ng mga babae dahil ayaw nilang magkaanak sa mga alipin o sa mga pangkaraniwan. Kinondena din ni Juan Chrysostomo noong AD 391 ang paggamit nito, at inilarawan niya ito bilang “worse than murder”, dahil pinagtatangkaan nito at pinapatay ang hindi pa man isinisilang. Ang pagtawag sa mga bagong kayarian o sangkap ng kontraseptibo bilang “moderno” ay isang pagtatangkang iligaw ang kamalayan ng marami tungkol sa pagiging luma at artipisyal nito. Ang mapanlinlang na paraan ng pagpapakilala sa mga kontraseptibo ay nagpapahiwatig ng masamang kaisipan ng mga tagapagtaguyod nito.

Paano matutukoy kung ang kontrasepsyon ay lubos na masama o maaaring isaalang-alang? Para masagot ito, kailangang bumalik sa simula: para saan ba ang pagtatalik? Kung gagamitin ang bait, madaling makikita na ang katawan ng babae at lalaki ay sadyang dinisenyo (hindi aksidente lang) para sa pagpapalaganap ng sangkatauhan. Ang pamumunga ng sinapupunan ay hindi opsyonal. Simple lang ang batas ng kalikasan: kung makikipagtalik ka, asahan mong mamumunga ito. Hindi ito nangangahulugan na sinasadya mong magdalantao, sa halip ay kinikilala mo at iginagalang ang takbo ng kalikasan. Maraming mga ignorante ang nagsasabing itinataguyod ng Simbahan ang pagpaparami ng anak, pero kung imumulat ang mata at gagamitin ang isip, madaling mahalata na ang Simbahan ang isa sa mga dahilan kung bakit may mga lalaki at babaeng walang asawa at mga anak, bagamat ito ay kanilang sarili at malayang pasya. Ganun din, ang Simbahan ang nagbibigay ng pinakasiguradong paraan para mag-agwat sa panganganak. May mas sigurado pa ba sa “sexual abstinence”? Higit na mas malaki sana ang populasyon ng tao ngayon kung hindi dahil sa iba’t ibang mga disiplina ng Simbahan. Ang pagiging bukas sa buhay (open to life) ay hindi katumbas ng pagkakaroon ng maraming anak. Ito ay disposisyon ng isip kung saan ang kalikasan ng pagtatalik ay rinirespeto sa kabuuan nito. Taglay ang lubos na pagkakilala sa layunin ng pag-aasawa, sekswalidad, at pakikipagtalik, dapat suriin kung ang konsepto at pagsasagawa ng kontrasepsyon ay sumasalungat dito.

Unang-una, nagpapakita ba ng paggalang ang kontrasepsyon sa relasyon ng mag-asawa? Sa harap ng komunidad at sa harap ng Diyos ay nangako ang mag-asawa na ipagkakaloob ang buong sarili sa isa’t isa, at kasama dito, higit sa lahat ang pag-ibig na nagbibigay buhay (life-giving love), kung paanong ang pagbibigay ni Jesus sa atin ng kanyang buong sarili ay nagsilang sa atin sa isang bagong buhay. Ang kontrasepsyon ay isang kasinungalingan kung saan ihinaharap natin ang sarili bilang mangingibig na walang ipinagkakait, sa halip ay ibinibigay nang buong-buo ang pagkatao, habang ang totoo ay gusto lang natin kunin ang pansariling pakinabang sa pagtatalik nang walang intensyon na ibahagi ang ating buhay. Sa paraan natin ng pag-iisip ngayon, mahirap para sa marami ang unawain ang kahulugan nito, pero ano ang magiging kahulugan sa iyo ng isang Cristo na dumating sa lupa at ipinahayag sa atin ang kanyang pag-ibig pero ipinagkait sa atin ang isang bagong buhay; hindi ba ito ay isang kasinungalingan? Ang anumang pakikipagtalik (simbolo at akto ng pag-ibig) na may hangaring ipagkait ang posibilidad ng bagong buhay ay isang akto ng pagsisinungaling at panggagamit. Halos wala itong pinagkaiba sa pakikipagtalik sa isang masamang babae (o lalaki), kung saan ang pangunahing layunin ay palayawin ang katawan.

Pangalawa, ano ang konsekwensyang moral ng kontrasepsyon sa mag-asawa? Dahil sa mababaw na pananaw na dulot ng kontraseptibong kaisipan, mahirap para sa maraming mga lalaki (at mga babae) ang tingnan ang kabiyak nang higit sa pisikal na antas. Bilang konsekwensya, nagiging mahirap din hanapan ng kahulugan ang pagiging matapat, ang pagbibigay ng sarili, at ang pagtatanggol sa samahan at pamilya tuwing nagkakaroon ng mabigat na salungatan ang mag-asawa. Sa huli ay nagdudulot ito sa marami ng pakikiapid, sa isip man o sa gawa.

Pangatlo, ano ang epekto ng kontrasepsyon sa relasyon ng pamilya? Dahil ang kontraseptibong mentalidad ay humuhubog ng isang mababaw na pagtingin sa halaga ng buhay, maraming mga anak ang nagiging “unwelcome” sa mga magulang at sa buong pamilya. Nagiging basehan ng halaga ng tao ang nakikitang pakinabang nito. Ang walang silbi ay walang halaga. Hindi nito nakikita ang likas na halaga ng bawat indibidwal. Dahil dito, ang “walang pakinabang” ay hindi magawang mahalin, at ang hindi inaasahang pagdadalantao ay sapilitan lang na tinatanggap.

Kung iisipin, ang ekspresyon na “unexpected pregnancy” ay nagpapakita ng pagiging ignorante at iresponsable. Ang taong marunong ay nakakakilala sa resulta ng kanyang ginagawa, dahil kung hindi, tatalon siya sa bangin nang walang kamalay-malay na mamamatay siya. Ang mag-akala ng kabaligtaran ay isang mangmang. Hindi ka gagaling sa anumang karamdaman o kaya ay hahaba ang buhay kapag tumalon ka sa mas mataas pa sa kaya mo. Gumagamit man o hindi ng anumang uri ng kontraseptibo, ang paniniwalang ang babae ay hindi magdadalantao ay isang kahangalan. Una, ang posibilidad ng pagdadalantao ay likas sa babaeng nakikipagtalik. Pangalawa, alam na alam ng mga tagapagsulong ng kontrasepsyon na hindi buong-buong maaasahan na hindi magdadalantao ang babaeng gumagamit ng kontraseptibo. Bakit naman kamo iresponsable? Simple. Dahil ang mga nakikipagtalik ngunit hindi nag-iisip ng tungkol sa posibilidad ng pagdadalantao ay bumabalewala sa katotohanan, at dahil dito ay walang pinaghahandaan – walang pakialam. Mas simple pang lohika: kung may gusto kang gawin pero iniiwasan mo ang konsikwensya nito, ibig sabihin ay ayaw mo ng responsibilidad, wala kang sense of responsibility, o sa mas maikling salita: iresponsable ka.

Intrauterine Device

Pang-apat, praktikal ba ang kontrasepsyon? Tulad ng nabanggit na, hindi mapagkakatiwalaan nang sandaang porsyento ang kakayahan ng mga kontraseptibo na pigilan ang pagdadalantao. Dahil dito, hindi maaaring ilagay ang buong tiwala sa paggamit nito. Para sa mga taong may respeto sa Diyos, sa kalikasan, sa sariling katawan, at sa katawan ng kabiyak, ang “unexpected pregnancy” ay hindi bahagi ng kanilang bokabularyo. Marunong silang kumilala sa katotohanan at tumanggap ng pananagutan. Sa kanilang pagtatalik ay hindi laging hinahangad ang pagdadalantao pero lagi itong inaasahan. Bukod sa hindi kumpleto ang pagiging epektibo ng kontrasepsyon, ang paggamit ng mga artipisyal na pamamaraan ay paglalagay ng buhay ng babae sa panganib. May mga magsasabi, “Hindi naman lahat ay nakakaranas ng side effects o nagkakaroon ng komplikasyon.” Ang tanong ay bakit mo isasapalaran ang kalusugan ng isang babae para sa isang makasariling dahilan? Palalanguyin mo ba ang asawa mo sa isang ilog na pinamamahayan ng mga buwaya para ipanghuli ka ng hipon? Sasabihin mo ba sa kanya, “Hindi naman lahat ay natityempuhan ng mga buwaya dyan; mas madalas wala sila”? At papayag kaya siya kung naiintindihan niya ang konsekwensya?

Panglima, totoo bang may kinalaman ang kontrasepsyon sa aborsyon? Kung naunawaan ng bumabasa ang mga nabanggit na sa itaas, madali niya itong masasagot. Ang kontrasepsyon ay hindi lamang isang paraan ng pagpipigil sa panganganak, ito ay isang mentalidad. Humuhubog ito ng pagkatao at kultura. Halimbawa, ang Amerika ay malayo na nang libo-libong milya sa kultura nito noong itinatag ito ng mga tinatawag nilang “Founding Fathers”. Ganun din, ang Pilipinas ay lumulubog na sa kultura ng kamatayan kung saan ang pagdadalantao ay kinatatakutan sa halip na ipinamamalita; ang pagkakaroon ng anak ay isang pasanin sa halip na kagalakan; ang pag-aasawa ng mga kapos-palad ay itinuturing na salot sa halip na pagkakataon para iangat ang isa’t isa; at ang pagdidisiplina ay katumbas ng pagganti o pakikipag-away sa mga anak dahil hindi na nakikilala ng mga magulang kung ano at sino ang kanilang mga isinilang. Ang kulturang ito ang simula ng dahan-dahang pagtanggap ng mga Filipino sa katwiran ng aborsyon. Maaaring malayo pa sa pagiging pangkalahatan ang pagtanggap na ito, pero ang parami nang paraming mga indibidwal na nagkakaroon ng pagsasaisip (ideation) ng aborsyon bilang pagpipilian ay nagpapakita ng unti-unting paglubog natin sa ganitong mentalidad. May mga nagsasabi, “Dala ng kahirapan at kalituhan kaya nagagawa nilang magpalaglag.” Ang dahilang ito ay totoo sa marami, pero ang hindi totoo ay ang kaisipan na nagtutulak sa ganitong pagdadahilan. Bakit nagagawang patayin ng isang ina o ama ang nasa sinapupunan pa, pero hindi nagagawang patayin ng anak ang isang ina o ama dahil sa kahirapan? Dahil kahit sinasabi ng sarili nating bait na ang nasa sinapupunan ay tao, mas kumbinsido pa rin ang ilan sa atin na ang buhay na ito ay may mas maliit na halaga kaysa sa matanda na. Ito rin ay dahil mas madaling gawan ng masama ang hindi mo nakikita kaysa nakikita mo. Mas malakas ang epekto ng konsensya kapag tinutulungan ito ng mata. Maaaring magawa mong ipapatay sa ibang tao ang iyong anak, pero hindi mo makakayang panoorin habang ginagawa nila ito. Ang unang pandaraya dito ay ang pagpapaniwala sa atin na ang nasa labas ng sinapupunan ay “mas tao” kaysa sa nasa loob. Ito lamang ay sapat na para magawa ng magulang na patayin ang sarili niyang anak. Isa pang kasinungalingan ay ang pag-aakalang mas kaunting pagkabagabag ng budhi ay katumbas ng mas kaunting bigat ng kasalanan. Mas madaling patayin ang nasa sinapupunan dahil hindi mo makikita kung paano ito ginagawa, sa gayon ay mas kaunting masamang alaala ang maiiwan sa iyo. Isa sa pinakakaraniwang halimbawa ng konklusyon na ito ay ang paggamit ng “pills” at IUD. Marami na sa mga ina ang nakauunawa (lalo na ang mga doktor) na ang pill at IUD ay maaaring kumitil ng buhay na nasa sinapupunan pero halos hindi sila apektado ng katotohanang ito. Hindi dahil hindi nila alam kundi dahil hindi nila nakikita. Mas madali para sa kanila na balewalain ito. Isa pa, kung ang pill at IUD ay tanggap ng lipunan, paano nga naman ito magiging masama! Basta magkaroon lang tayo ng maraming kakampi sa desisyon natin, okay na tayo. Ang ugaling ito ay unang nakikita sa pagiging bata o estudyante kung saan ang pandaraya o pagsisinungaling ay nagiging pangkaraniwan lang kung marami namang gumagawa. Ang pill at IUD, bagamat mga abortifacient ay maaaring tawaging contraceptive dahil kinikilala naman ng marami. At kahit pa kumikitil ito ng hindi nakikitang buhay, okay lang, dahil bukod sa hindi naman ito nakikita, pangkaraniwan na rin ito. Para lang itong pagsusuot ng malaswang damit: sa una ka lang maiilang; pagtagal-tagal, hindi ka na sanay na hindi malaswa ang isuot. Gaano mo man kaalam na buhay ang nasa sinapupunan mo, kung isa o dalawang taon ka nang gumagamit ng kontraseptibo, wala ka nang pakialam kahit pa isa o dalawang buwang gulang na ang iyong papatayin. Bakit? Dahil sa umpisa pa lang ay alam mo nang kumikitil ka ng buhay, ano pang magiging pagkakaiba kung mas matanda man ito ng isang buwan? Hanggat hindi mo ito nakikita o nararamdaman, okay lang. Ito ang sikolohiya ng kontrasepsyon.

Isipin mo, bakit legal ang aborsyon sa mga bansang nangunguna sa pagtataguyod ng paggamit ng kontrasepsyon. Dahil ba kulang sila sa mga kontraseptibong paraan at mga gamit? Ang totoo, sila pa nga ang nag-uubos ng pera (buwis ng mga mamamayan) para mamigay ng mga kontraseptibo sa ibang mga bansa. Legal ang aborsyon sa mga bansang tagapagsulong ng kontrasepsyon dahil ang totoo, ang aborsyon ay bunga ng kontraseptibong mentalidad. Unti-unting ibinababa ng kontrasepsyon ang pagtingin ng tao sa kanyang sariling dignidad hanggang sa maging handa na siyang tanggapin na ang tao ay isa lamang materyal na linikha, tulad ng mga hayop, at kung minsan ay may katanggap-tanggap na katwiran para tanggihan ang pagsilang ng isang anak, lalo na kung ito ay dahil ayaw ng magulang na maghirap ang kanyang iluluwal. Tuso, di ba? Marami sa mga Filipino ang hindi na nga naghintay ng mas matagal pang panahon, dahil ngayon pa lang ay ganito na ang kanilang kaisipan.

Permalink 2 Comments

ELEKSYON AT HB 5043

April 4, 2010 at 5:32 am (Commentary, Moral)

Sa parating na halalan ngayong  taon, mayroon bang kinalaman  at halaga ang paninindigan ng mga kandidato tungkol sa reproductive health bill o HB 5043 sa pagpili natin sa kanila? May pagkakaiba ba kung iboboto man natin o hindi  ang mga sumusuporta dito?

Dapat  nating alalahanin na ang mga nasa kapangyarihan ang gumagawa at nagpapatupad ng batas, bagamat nangangailangan muna ito ng pagsang-ayon ng mga mamamayan. Minsang maipatupad ang isang batas, mahirap na itong bawiin pa. Pangalawang kailangan nating tandaan  ay  ang  katotohanan  na ang mga batas ang nagpapasya kung  paano  dapat tumatakbo ang isang bansa. Sa tuwiran man o hindi  tuwirang paraan, naaapektuhan nito ang pang-araw araw nating pamumuhay. Kontrolado nito ang halaga ng ating kikitain sa isang  araw, ang laki ng buwis  na ibinabawas sa ating sweldo, bukod pa sa buwis na ipinapapasan sa atin tuwing bumibili tayo ng mga naprosesong pagkain at gamit, ang pagtaas at pagbaba ng presyo ng mga bilihin at pamasahe, ang karapatan nating magnegosyo at ang  mga panuntunang kailangan nating sundin  sa pagsasagawa nito, at maging ang kalayaan nating  pumunta sa simbahan tuwing Linggo. Depende sa porma ng gobyerno,ang uri at paraan  ng ating pamumuhay ay laging nakadepende sa mga iniuutos, pinahihintulutan, at ipinagbabawal ng batas ng isang bansa.

Ang kasunod na bahagi ay naglalayong magbigay ng ideya sa bumabasa kung paano maaapektuhan ng RH BILL ang buhay ng mga  Filipino bilang indibidwal, pamilya, at lipunan.Marami pang mga tao at mga artikulo ang makapagbibigay ng malawakang  pagtingin at masusing pag-susuri sa  paksang ito; ang mg narito ay ang aking lamang nakayanan.

Paano isinasalarawan ang RH BILL? Ayon na rin sa mismong teksto ng  HB 5043, ito ay naglalayong mapabuti ang kalusugan ng ina at ng sanggol, i-promote  ang breastfeeding, magbigay ng kaalaman at serbisyo tungkol sa family planning, maiwasan ang aborsyon; at matugunan ng  mga manggagamot ang kumplikasyon ng naisagawang aborsyon; mapabuti ang kalusugan ng mga kabataan, mapigilan at matugunan ang mga kaso ng reproductive tract infection, hiv/aids, at iba pang mga sexually transmittable infection [STI], mapuksa ang lahat ng uri ng kalupitan sa mga babae, magkaroon ng pagtuturo at pagpapayo tungkol sa sekswalidad, kalusugang  sekswal, at reproductive health, matugunan at magamot ang mga kanser sa suso at sa reproductive tract, at iba pang mga kondisyong pambabae, magkaroon ng pakikipagtulungan at pakikisangkot  ang mga lalaki sa reproductive health, maiwasan  at magamot ang pagiging baog at ang sexual dysfunction, at makapagbigay edukasyon sa mga kabataan tungkol sa reproductive health. Hindi ko alam kung alin sa mga ito ang maganda sa pandinig ng karamihan at alin ang hindi, pero sa bansang ito kung saan ang politika at pamamahala ay mas madalas na katumbas ng pagnanakaw, pandaraya, pagpatay, panlilinlang, at pang-aaabuso, ay iminumungkahi ko na maging maingat ang lahat at laging imulat  ang mata.

Sa kabilang banda, maisasalarawan ang  RH BILL sa ganitong paraan:

Labag sa batas: [1] Linabag ng mga tagapagsulong ng HB 5043 ang karapatan ng mga pamilya at samahang pampamilya na mahingan at makapagbigay  ng opinyon tungkol sa mga usapin at polisiyang may kinalaman sa kanila (Art. XV Sec. 3 Par. 4, 1987 Constitution). [2] Unang bahagi pa lang ng panukala ay lumabag na sa tuntunin ng batas na nagsasabing ang bawat panukala ay dapat na tumutukoy lamang sa iisang paksa, at ito ay dapat na sinasalamin ng pamagat (Art. VI Sec. 26 Par. 1, 1987 Constitution; Sec. 1 Par. 3, Rules of Congress). Binabalewala lang ng mga patron ng RH Bill ang panuntunang ito kahit lubos nila itong nauunawaan. [3] Innobliga nito ang mga paaralan na hubugin ang kaisipan at moralidad ng mga kabataan tungkol sa sekswalidad ayon sa kontraseptibong mentalidad, bagay na sumasalungat sa pagkilala ng Estado sa karapatan ng mga magulang bilang pangunahing tagahubog ng kanilang anak ayon na rin sa kanilang paninindigang pangrelihiyon (Art. II Sec. 12, Art. XV Sec. 3 Par. 1, Constitution). [4] Pinanghihimasukan nito ang mga usaping pampamilya tulad ng kung ano ang dapat ituring ng mag-asawa bilang “sapat” na dami ng anak, kung paano palalakihin ang mga bata, at kung hanggang saan ang autoridad ng magulang. Ito ay lumalabag sa autonomiya ng pamilya.

Naglalayon ng totalinaryanismo: [1] Nasasaad sa panukalang ito na kahit labag sa konsensya ng isang doktor ang ipinapagawa sa kanya, wala siyang ibang pagpipilian kundi gawin ito o irekomenda ang pasyente sa ibang katrabaho – bagay na kapwa lalabag sa kanyang paninindigan bilang manggagamot at bilang tao. Wala itong pagkakaiba sa pagsasabing, “Kung hindi kaya ng konsensya mo ang pumatay, ipapatay mo sa iba.” Kung may pangatlong pagpipilian man, iyon ay ang tanggapin ang parusa sa paglabag sa kautasang ito. [2] Mapaparusahan din ang sinumang magsasalita laban sa intensyon at linalaman ng panukalang ito – isang tuwirang pagsikil sa karapatang magpahayag, magsalita, at kumwestyon sa mga bagay na hindi inaayunan ng mamamayan. Minsang maisabatas ang ganitong panukala, magiging sunod-sunod na ito – bagay na magliligtas sa mga abusado mula sa kamay ng batas, at maglalagay naman sa ating kalayaan at karapatan sa likod ng rehas. Dahil dito, ang paggawa at pagsasakatuparan ng mga susunod na batas ay dedepende na lang sa kamay at kapritso ng mga nasa kapangyarihan, at hindi na sa boses at tunay na pangangailangan ng mga mamamayan.

Labag sa karapatan ng mga magulang, mga manggagamot, at ng mga taong kumikilala sa matuwid na konsensya: [1] Tulad ng nabanggit, sa ayaw man o sa gusto ng mga magulang, obligado silang ipaubaya sa mga makakontraseptibong guro ang paghubog sa kaisipan at moralidad ng kanilang mga anak–tungkuling nararapat sa magulang at sa Simbahan, hindi sa Estado. At dahil nga bawal ang magsalita laban sa mga impormasyong  nagmumula at may kinalaman sa “batas”na ito, hindi malayo ang posibilidad na maparusahan ang mga magulang dahil sa pagtuturo ng inaakala nilang tama kung ito ay mangangahulugan ng pagsalungat sa mga doktrina ng gobyerno. [2] Sinasabi rin ng RH Bill na walang karapatan ang magulang na pagbawalan ang isang menor de edad na anak na humingi ng “tulong” sa isang manggagamot para hindi matuloy ang kanyang pagdadalantao kung siya ay biktima ng panghahalay. [3] Ang doktor naman na tatanggi sa gusting mangyari ng nasabing menor ay maaaring makulong, magmulta o pareho. Ganito rin ang mangyayari sa kanya sa pagtangging gumawa ng pagtatali (tubal ligation) o paglalagay ng kontraseptibong kasangkapan sa isang babae. Kaya kung labag man sa konsensya ng mga estudyante, mga magulang, mga manggagamot, at ng mga mamamayan ang iniuutos ng RH Bill, wala silang pagpipilian kundi tanggapin na ang kanilang karapatan ay yinuyurakan ng isang masamang gobyerno.

Mapangwasak ng pamilya: [1] Hindi lamang ang autoridad ng magulang sa anak ang winawalang halaga ng panukalang ito, sinsabi rin nito na walang kinalaman ang isang lalaki sa desisyon ng kanyang asawa na magpatali. Wala itong paggalang sa halaga ng kooperasyon at pagkakasundo ng mag-asawa sa pagbuo ng mga desisyon. Binubunot nito sa ugat ang dahilan kung bakit buo at matatag ang isang pamilya – respeto. Ginagawa nitong depensibo ang mga anak “laban” sa pakikisangkot ng mga magulang sa kanilang buhay; at ang mag-asawa laban sa isa’t isa. [2] Dahil sa kawalan ng pakikisangkot, at dahil sa pader na gusting ilagay ng panukalang ito sa pag-itan ng imga myembro ng pamilya, ang bawat isa ay magiging miserable. At kapag dumating na ang pagkakataong iyon, magsisilbing “tagapagligtas” ang kontraseptibong kaisipan na itinanim ng gobyerno sa mag-asawa at sa mga anak. Sa paghahanap ng pagmamahal, kahulagan, at kasiyahan, ang mga biktima ng mentalidad na ito ay mahuhulog at maaalipin sa pakikiapid, pangangalunya, papalit-palit at maramihang sekswal na relasyon, at maging sa homosekswalidad na ngayon pa lamang ay nagsisimula nang maging pangkaraniwan. Ang kaisipan at kalagayang ito ang papatay sa kanilang pagkatao, sa halip na magbibigay ng tunay na kasiyahan. Hindi masusukat ang lawak at lalim ng pagkawasak ng dulot ng hungkag na pagkatao na sinamahan pa ng maling kaisipan.

Mapanlinlang: [1] Kung susuriing mabuti ay hindi maitatago ang intensyonal na pagpapalabo ng mga salitang ginamit sa RH Bill. Isa dito ay ang bahaging tumutukoy sa karapatan ng isang menor de edad na malapatan ng “karampatang lunas” sa kaso ng panghahalay. Kung sakali ay malalaman na lang ng madla ang totoo nilang kahulugan kapag naisabatas na ito at wala nang magagawa ang sinumang hindi sasang-ayon. At dapat kong ipaaalalang muli sa bahaging ito na ang pagsasalita laban dito ay mangangahulugan ng kaparusahan. [2] Mapapansin din sa mga debate at panayam ang deretsahang pag-iwas ng mga tagapagsulong ng RH Bill sa mga katanungan tungkol sa implikasyon ng panukala sa magiging kaisipan, kilos, at ugali ng mga kabataan. Hindi rin nila tinutugunan sa tama at malinaw na paraan ang mga tumututol sa HB 5043. Luma man ang istilo nilang ito, patuloy lang nila itong ginagamit dahil wala naman silang ibang mapagpipilian, dahil alam nila na kahit paano nila paikut-ikutin ang mga argumento ay babagsak pa rin sila maling konklusyon. Kapag tinatanong sila tungkol sa moralidad, ang isinasagot nila ay tungkol sa ekonomiya. Iliniligaw din nilang pilit ang mga nakikinig sa pamamagitan ng pagsasabing ang mga Filipino ay biktima ng mga “maton” ng lipunan sa pangunguna ng Simbahang Katoliko. [3] Itinatago rin ng panukalang ito ang katotohanan sa likod ng mga pangakong kalusugan ng mga kontraseptibo. Hindi nito sinasabi sa tao ang mga depekto at masasamang epekto ng oral contraceptive pill (OCP), at ang mga sakit at kondisyon na maaaring idulot nito. Higit sa lahat, hindi nito inaamin maraming “kontraseptibo”ang hindi talaga nararapat sa katawagang ito, dahil hindi lamang nila pinipigilan ang paglilihi, tinatapos din ng mga ito ang umiiral na pagdadalantao; sa madaling salita, pinapatay ng mga kemikal na ito ang tao na nasa sinapupunan ng kanyang ina. [4] Tungkol sa agarang aksyon na tinutukoy ng RH Bill sa kaso ng mga babaeng pinagsamantalahan, ang “lunas” na iniaalok nila ay isang hatol na kamatayan para sa isang taong walang kakayahang ipagtanggol ang kanyang sarili. Sinadyang hindi ilagay ang mahahalagang detalye kung paano “tutulungan” ang isang biktima ng panghahalay, basta inuutusan nito ang mga manggagamot na gawin ang hinihiling ng pasyente. [5] Sinasabi ng RH Bill na mananatiling labag sa batas ang aborsyon pero nais nitong isabatas ang pagtulong ng mga doktor sa mga babaeng nakapagpalaglag na. Bakit kailangan itong isabatas? Hindi ba’t tungkulin talaga ito ng mga doktor, nakasaad man sa batas o hindi? Kailangan pa bang takutin ng pagkakulong at pagmumulta ang mga taong ito para lang gawin nila ang kanilang sinumpaang tungkulin bilang mga tagapangalaga ng kalusugan? Gusto itong isabatas ng mga tagapagsulong ng HB 5043 para siguruhin sa mga babaeng naguguluhan ang isip, na kailanman nila mapagpasyahan tapusin ang kanilang pagdadalantao – sa anuman paraan – suportado sila ng gobyerno dahil sagot nito ang lahat ng gastusin pagkatapos ng aborsyon.

Dalawang malaking mga mata ang kailangan para mabasa ang pandara, masamang intension, at tunay na epekto ng HB 5043. Minsang maipasa ang panukalang ito, lalabas ang halimaw sa mala-anghel nitong itsura. Kung paanong ang mayayamang bansa ay unti-unting lumulubog para maghintay ng kamatayan, ang Pilipinas din ay mamamatay kung hindi nito sasansalain ang mga maka-kamatayang polisiya na pilit isinusulong ng mga politikong mangmang kung hindi man bulok ang pagkatao.

Kamatayang indibidwal, kamatayang espiritwal, at kamatayang panlipunan ang tunay na isinusulong ng HB 5043 at ng mga taga-suporta nito.

D – divorce
E – euthanasia
A – abortion
T – two-child policy
H – homosexuality

Isa itong ahas na may dilang sintamis ng mansanas at ang laging bukambibig ay “karapatan para sa kababaihan”, “labanan ang kahirapan”, “malusog at matalinong lipunan”, “matatag na pamilya”, at lahat ng magagandang salitang umaakit sa mababaw na pag-iisip. Alam ni Satanas na hindi pa rin nagbabago ang tao. Kung paanong ang ating mga magulang ay kumagat sa kamatayan dahil sa isang mungkahing maganda sa paningin, masarap, at para bang magbibigay ng ganap na pamamahala, ang ating henerasyon ay nagpapalinlang pa rin sa matatamis na salita ng Masama.

Sa likod ng masaganang buhay na iniaalok ng HB 503 ay kamatayan; sa likod ng pangakong matatag na pamilya ay mga wasak na relasyon at pagkatao; sa kabila ng konklusyon tungkol sa pagkakaroon ng ganap at kasiya-siyang sekswalidad ay walang katapusang paghahanap, homosekswalidad, at sari-saring mga bisyo; sa kabila ng ipinagmamalaking mabubuti at responsableng mamamayan ay mga taong walang pagkilala sa moralidad; sa kabila ng pag-asang lalakas ang ekonomiya ay isang lipunan ng matatanda at mahihina na wala nang magpapakain at hindi na mapapalitan ng mas maraming bilang ng mga kabataang magtatrabaho.

Ang RH Bill, mula ulo hanggang paa, ay isang malaki at ganap na panlilinlang. Wala kahit kaunting mabuting intension ang mga tunay na nasa likod nito. Ang paghalal sa mga kandidatong sumusuporta sa panukalang ito ay pagwasak sa ating demokrasya, pag-iikot ng lubid sa ating leeg para hilahin ng mga nasa kapangyarihan, pagpatay sa mga inosenteng nilalang na nasa sinapupunan, pagtangap sa isang kultura kung saan ang kababaihan ay sekswal na kasangkapan lamang, pagbalewala sa batas ng bansa na nagsasabing  dapat protektahan ng estado ang buhay at karapatan ng bawat  tao mula pa man sa  unang  sandali ng  kanyang pag-iral sa sinapupuna, pagbibigay ng kaisipan sa mga kabataan at sa lahat ng mamamayan na ang tunay na responsibilidad ay ang pagtakas sa konsikwensya ng kanilang mga gawa, pagbibigay ng karapatan sa gobyerno na magpasya sa ating buhay pampamilya, at kung paano tayo dapat kumilos mula sa labas hanggang sa kaloob-looban na ating tahanan. Ang  RH bill ay isang malaking pinto na magpapasok –at walang makakapigil –sa mga polisiyang tatapos sa kalayaan, mabuting pag-uugali, karapatang  mamuhay ng pribado,at pagpapahalaga sa buhay na maraming taon na nating ipinakipaglaban mula sa mga pwersang galit dito.

Hindi nakakapagtaka na walang katapusan ang mga pagkilos laban sa buhay at sa pamilya dahil si satanas ang prinsipe ng mundong ito [cf.jn14:30]; siya ay mamamatay –tao sa pasimula pa [jn8:4]. Pero lagi rin mananatili ang ating tungkulin bilang mga pinahaharian na diyos na sansalain at labanan ang mga gawain ng masama. Sa pakikibakang ito ay walang lugar ang kaduwagan [cf.rv 21:8], ana pananahimik, at kawalan ng panig. “ kung hindi kayo panig sa akin, kayo’y laban sa akin”[Lk 11:23].

Permalink Leave a Comment

Huwag Idaan sa Hula…Magplano ng Pamilya

March 14, 2008 at 1:37 pm (Commentary, Moral)

Halos araw-araw kong napapanood sa byahe ang patalastas ng isang contraceptive brand kung saan ipinapakita ang isang inang may karay-karay na limang bata. Ang eksena ay kuha sa Quiapo pababa ng underpass. Kung susuriin ang imaheng ipinapakita sa pamamagitan ng ina, ang layunin nito ay iparating ang mensahe na habang dumarami ang anak, humihirap ang buhay, nauubos ang makabuluhang oras, at ang babae ay nawawalan ng dignidad.

Sa eksena ay makikitang humiwalay sa paglalakad ang panganay na lalaki dahil natawag ang kanyang pansin ng isang matandang babaeng bumabasa ng baraha. Natuliro ang nanay nang mamalayang nawawala ang bata kaya dali-dali silang bumalik sa dinaanan at nakita nga doon ang panganay na anak. Sa kilos at pagsasalita ng babae, kitang-kita na siya ay aburidong-aburido dahil sa hirap na dinaranas niya dala ng kawalan ng hanapbuhay at pagkakaroon ng limang anak. Marahil din ay araw-araw niyang iniisip ang kalagayan ng kanyang mga anak na kasama niyang palaboy-laboy sa paghahanap ng pagkakakitaan. Dahil nasa harapan na rin naman sila ng isang “nagbabasa ng kapalaran”, at dahil buong pandarayang ibinenta ng matanda sa babae ang kanyang serbisyong panghuhula sa pagsasabing “mukhang maswerte kayo”, nakinig na rin ang babae. Parang isang mabuting balitang sinabi ng nagbabasa, “Ang swerte nyo talaga misis, kambal ang magiging anak ninyo!” Nang marining ng babae ang mga salitang iyon, ang hindi niya maipintang mukha ay lalong nagpakita ng gumuho niyang kalooban at pagkatao. Makikita sa kanyang itsura ang larawan ng isang “inapi ng tadhana”.

 

 

Sa teknikal na pagsusuri, malaki ang butas ng patalastas na ito dahil sa mga hindi makatotohanang konsepto tulad ng pagbibigay ng serbisyo (panghuhula) nang walang pahintulot at sa gayon ay wala din bayad, at ang napakasayang pagbabalita sa ina na kambal ang kanyang magiging anak gayung kitang-kita na halos mababaliw na ang babae dahil hindi niya na halos madala ang pagkakaroon ng limang anak.

 

 

Pero higit sa teknikal na aspeto, ang mas malaking pagkakamali ng mga nakaisip gumawa ng ganitong patalastas o presentasyon ay ang pilosopiya at katotohanan mismo ng mga ipinararating na mensahe. Unang-una na ang pangungusap na “Kambal ho ang magiging anak ninyo.” Sa unang tingin, parang walang mali pero kung sapat ang laki ng ating mata, madali itong mapupuna. Ang salitang “magiging” ay tumutukoy sa panahong hinaharap at nangangahulugang hindi pa totoo sa kasalukuyan. Ano nga ba ang nasa sinapupunan ng babae, ang magiging anak niya o ang anak niya? Kung hindi pa niya ito anak sa kasalukuyan, kanino? May mga nagsasabi, “Dugo pa lang yun!” Kailan pa sila naging siyentipiko o doktor? Ganun pa man, sa makabagong mundo, kapirasong bahagi lang ng utak ang kailangan natin para matanto na ang dugo ay dugo at hindi magiging tao kahit na anong gawin. Ang unyon ng binhi ng lalaki at ng babae ang simula ng buhay ng isang bagong persona, na sa bawat sandali ay lumalapit sa “full development”. Sa DNA nakasulat ang lahat ng katangian o larawan ng isang katawan, at sa loob ng humigit kumulang siyam na buwan ay magaganap ang kabuuang plano – ang “inside-the-womb plan”. Patuloy pa rin ang kumplikadong pagsasakatuparan ng plano ng katawan paglabas sa sinapupunan.

 

 

Sa Biblia, sinabi ni Elisabet kay Maria, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan.” Noong panahong iyon ay ipinaglilihi pa lang ni Maria si Jesus pero ipinahayag ni Elisabet ang isang katotohanan – si Jesus ay nasa sinapupunan ni Maria; hindi isang organismo lang na wala pang kaluluwa, kundi ang buong pagkatao ng Cristo. Hindi kaya nagkamali lang si Elisabet dahil sa kawalan niya ng kaalaman sa mediko? Ang Diyos ay hindi Diyos ng kamalian; at dahil siya ang may-akda ng Kasulatan, wala itong pagkakamali. Bukod dito, sinasabi ni San Lucas na bago pa lumabas ang mga pananalitang ito, “napuspos ng Espiritu Santo si Elisabet.” Hindi pa ba sapat na patunay iyon na mula sa Diyos ang sinabi niya? Sinabi rin ni Elisabet na si Maria ay ina ng kanyang Panginoon, hindi “magiging ina”.

 

 

May magsasabi, “E hindi naman aborsyon ang isinusulong nung patalastas kundi kontrasepsyon.” Tama, kontrasepsyon ang nasa harap, aborsyon ang nasa likod. Hindi pa kayang tanggapin ng general population ang ideya ng aborsyon kaya kailangang magsimula ang panlilinlang sa pamamagitan ng “mukha namang walang mali” na kontrasepsyon. Ang pagsisingit ng mga simpleng salita na tulad ng “magiging anak” ay patagong nagpapakilala sa ideya na ang nasa sinapupunan ay hindi pa talaga persona tulad ng inaakala ng marami. Dahil sa maling konseptong ito, tuwing mabibigo ang layunin ng kontrasepsyon, aborsyon ang susunod na “sulusyon”. Sa pagsusuri, lumalabas na walang contraceptive device o pill ang 100% na epektibo sa pagpipigil ng pagdadalantao; at dahil sa kawalan ng absolute effectivity, para sa mga nagsusulong na mapaliit ang populasyon, kailangan ng alternatibong paraan – aborsyon. At dahil din dito kaya habang ipinapakilala nila ang “pakinabang” ng kontrasepsyon, patago na rin nilang ipinapakilala ang “pakinabang” ng aborsyon. Sasabihin naman ng iba, “E alam naman namin na masama ang aborsyon kaya hindi namin yun gagawin; kaya nga iniiwasan ang mabuntis.” Oo, alam mong masama ang aborsyon kaya hindi mo ginagawa, pero di ba alam mo rin na masama ang magsinungaling o mandaya o mag-isip ng hindi mabuti sa kapwa; buong katapatan mo bang masasabi na hindi mo ginagawa ang mga ito? Para sa tao, masama talaga ang masama, pero kung mas malaki ang “pakinabang” sa paminsan-minsang paggawa ng mali,[1] yun muna ang gagawin. Sabi nga, “Sulit naman ang kasalanan e!” Kaya nga parang pangkaraniwan na lang sa atin ang sumabay sa kantang nagsasabing, “…kahit na nagsasalo tayo sa isang kasalanan,” at madali nating naiisingit sa mga biruan ang isang linya sa pelikula na nagsasabi, “Pwede ka bang magkasala kasama ko?” Sa isang lumang awit din ay maririnig natin, “Sinasamba kita…kung kasalanan man sa Diyos ang sambahin kita…” Madali tayong makonsensya kapag walang masyadong “pakinabang” sa pagkakasala, pero pag “wala nang choice”, ginagawa din nating option ang kasalanan.

 

 

“E kung halimbawang hindi ko naman talaga gagawin ang mag-abort, ano namang masama sa kontrasepsyon?” Kilalanin natin ang kalikasan ng kontrasepsyon at ang mekaniko nito: Ang salitang “contraception” ay dalawang pinagsamang salita na contra (against) at conception (fertilization of an ovum by a spermatozoon; the beginning of new life). Ang pinakasimple, literal, at pinakamakatotohanang pakahalugan ng contraception ay “against conception”, that is “against the transmission of life” or in short, “against life”. Kaya nga ang kabaligtaran nito ay pro-life.

 

 

Ang layunin ng mga contraceptive ay iwasan ang pagdadalantao kaya ang mekaniko nito ay pigilan ang pagtatagpo ng ovum (binhi ng babae) at ng spermatozoon (binhi ng lalaki) sa kahit anong paraan. Marami sa mga pamamaraang ito ay direktang pumapatay sa sperm cell sa pamamagitan ng artipisyal na kemikal (spermicide). Ang condom naman, katulad ng withdrawal, ay ang pagtatapon ng binhi ng lalaki sa labas ng sinapupunan; samantalang ang IUD at iba pang birth control pill ay mga early stage abortifacient dahil hindi sperm o ovum lang ang pinapatay nito kundi ang resulta ng magkasamang cells, na ayon sa mediko ay isa nang bagong indibidwal na may DNA o kabuuang plano, at ayon sa Kasulatan ay isa nang bagong persona na may katawan at kaluluwa. Sa makatwid, ang panlilinlang ng mga taong salungat sa kalooban ng Diyos ay garapal sa ganitong paraan dahil tinatawag nilang contraceptive ang sa totoo ay abortifacient, sa gayon ay walang kamalay-malay na gumagawa ang mga biktima nang hindi nila naiintindihan sa pag-aakalang ang ilinagay o ibinigay sa kanila ay isa lamang “inosenteng” contraceptive.

 

 

“Kung hindi naman abortifacient tulad ng condom, bakit naman yun masama?” Ang sexual faculties o genitalia ay nilikha ng Diyos sa kitang-kitang dahilan at layunin – to generate; to give birth. Dito nagmula ang salitang “genitals”, genetalis sa Latin, genete sa Griyego, at genere sa Frances; lahat ay may iisang kahulugan: “pertaining to generation; birth”.Kung ikaw ay isang sikat na designer at nagdisenyo ka ng pinakamagandang damit sa buong karera mo, pero nakita mong ginawa lang itong basahan ng mga bumili, hindi ba ito maituturing na pag-insulto sa iyong obra maestra? Ang Diyos ang nagtakda ng kalikasan ng mga bagay (nature of things), at ang kalikasang ito ay may mga batas (natural law) na dapat sundin ng lahat. “Nature is an unforgiving mistress,” sabi nga. Kung marunong magpatawad ang Diyos, hindi ang kalikasan. Sindihan mo ang bahay mo, sisilab yan; tumalon ka mula sa itaas, mahuhulog ka; magbuhos ka sa katawan ng mainit na tubig, mapapaso ka. Walang gray shades ang kalikasan, kung ano ang ginawa mo, iisa lang lagi ang resulta. Kapag linabag natin ang batas na kinapapalooban ng sekswalidad at pagtatalik, nakikita man o hindi ang resulta, ipinapataw natin sa sariling ulo ang parusa ng kalikasan. Dito man sa mundo o sa ibang estado ng buhay, daranasin natin ang bunga ng ating mga paglabag. Sa Kasulatan ay nagbigay ng halimbawa ang Diyos sa pamamagitan ni Onan na anak ni Juda: “…itinatapon niya [Onan] sa labas ang kanyang binhi…Ito’y kasuklam-suklam kay Yahweh kaya pinatay rin siya.” Dahil sa pangyayaring iyon kaya mayroong salitang “onanism” na tumutukoy sa withdrawal o sa masturbation.

 

 

“Hindi naman lahat ng contraceptives ay nagtatapon o pumapatay tulad halimbawa ng hormone pills, pati ba yun masama din?” Katulad ng nasabi na, ang kalikasan ay may sariling batas na dapat sundin ng lahat. Ang purpose ng sexual union ng lahat ng species ay mag-propagate, kaya nga kung kailan fertile ang babae, saka nagiging mataas ang sex drive niya o ang pagnanais na makipagtalik, dahil ang katawan ay consistent sa kanyang purpose. Ang pakikialam sa natural na takbo ng katawan, hindi para tumulong sa pagbibigay ng buhay kundi para pigilan ang paglaganap nito, ay direktang pagsalungat sa natural at espiritwal na layunin ng Diyos sa tao. Bukod dito, ang paggawa ng lahat ng paraan para maging posible lang ang pakikipagtalik nang walang pag-ako sa tungkulin ng pagiging kamanlilikha at magulang, ay naglalagay sa tao, lalo na sa babae, sa kalagayan ng isang “bagay” – pampalipas ng pagnanasa. Kung ganito na lang ang tingin ng lalaki sa katawan ng kanyang asawa, at ganito na lang din ang tingin ng babae sa katawan ng kanyang asawa, hindi na sila nagiging totoo sa kanilang sinumpaan na ibibigay ang sarili nang buong-buo bilang asawa at hindi bilang “kagamitan”. Ang babae ay “katalik” kung buong-buo ibinibigay ng lalaki ang kanyang sarili, at buong-buo tinatanggap ng babae ang kanyang asawa; pero ang babae ay “ginagamit” kung ang isa o pareho ay pumipigil sa total union ng mag-asawa at ang layunin lang ay mapagbigyan ang nasa ng katawan (fleshly desire). Sa ganitong paglabag sa pangako ng kasal, ang katawan ng isa’t isa ay nagiging “kasangkapan” na lang at wala nang pagkakaiba sa katawan ng mga babae o lalaking binabayaran para magbigay-kasiyahan sa katawan ng iba.

“Posible ba na makapaghintay ang mag-asawa kung talagang inaakala nilang hindi pa nila kayang magdagdag ng anak? Makakapagpigil ba sila?” Sinasabi ni Jesus, “Mayroon namang hindi nag-aasawa alang-alang sa ikauunlad ng paghahari ng Diyos. Ang makatatanggap ng simulaing ito ay tumanggap nito.” Hindi ba ipinahihiwatig ng salitang “makatatanggap” ang katotohanan na kailangan ng pagtitiis o pagpipigil ng sarili sa pagpili ng ganitong estado? Kung ang ibang tao ay nakapagpipigil sa hilig ng katawan sa buong buhay nila, gaano pa kadali ang maghintay ng pansamantala? Kung may magpoprotesta at magsasabing imposibleng mapigilan ng mga hindi nag-aasawa ang kanilang sarili, ito ang sagot ni Jesus: “Ang sinumang tumingin ng may mahalay na pagnanasa sa isang babae, sa isip niya’y nakikiapid na siya sa babaeng iyon.” Talaga bang tungkol lang sa pagtingin ang sinasabi ni Jesus? Hindi ba’t ang talagang tinutukoy niya ay ang mahalay na pag-iisip? Dahil dito, nangangahulugan na ang hindi pagpipigil sa sarili ay kasabay ng mahalay na pag-iisip, at sa gayon ay pangangalunya sa isip. Ibig din bang sabihin ay pinagagawa ng Diyos sa tao ang imposible?

Sinasabi rin ni Pablo, “Kung ipasya ng isang lalaki na hindi siya mag-aasawa, mabuti ito kung matatag ang kanyang kalooban, kung hindi siya napipilitan lamang, at kung kaya niyang magpigil sa sarili.” Samakatwid ay kaya ng tao na magpigil sa sarili. Ang Diyos ang gumawa sa tao, siya ang nakakaalam kung ano ang kaya at hindi kaya ng tao.

“Paano kung sa palagay ng mag-asawa ay hindi na talaga nila mapipigilan ang pagnanais na magtalik?” Hindi kumplikado ang sagot ni Pablo, “Magsiping na uli kayo upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa hindi na kayo makapagpigil.”

 

 

“E kung ayaw nga muna namin magkaanak pero gusto namin magtalik, paano yun?” Ang pag-aasawa ay hindi para sa pagpapalayaw sa katawan kundi para sa pagbuo ng pamilya. Kaya nga sinasabi ni Pablo, “Kung ikaw ay mag-asawa, hindi ka nagkakasala, at kung ang isang dalaga ay mag-asawa, hindi siya nagkakasala. Ngunit magdaranas sila ng mga kahirapan sa buhay na ito…” Ang tinutukoy ba ni Pablo ay ang pag-aasawa para palayawin ang sarili? Alam na alam ng mga kausap ni Pablo na ang tinutukoy niya ay ang responsableng pag-aasawa na may kaakibat na pag-aasikaso sa pamilya, kaya niya nga ginamit ang salitang “kahirapan”. Habambuhay na kaakibat ng pananatiling walang asawa ang pagpipigil sa sarili, at habambuhay namang kaakibat ng pag-aasawa ang pangagalaga sa pamilya, buong-pusong pagtanggap sa mga anak na ibibigay ng Diyos, at pagpipigil sa sarili.

 

 

Ang tinutukoy na “panghuhula” sa patalastas na lagi kong napapanood ay ang natural family planning methods na itinuturo ng Simbahan. Ito ay ang pagsunod sa natural na ritmo o cycle ng katawan ng babae, kung saan kailangan ng disiplina sa sarili at pagtutulungan ng mag-asawa. Ang totoong mensahe ng patalastas ng contraceptive brand na ito, at ng iba pang mga brand ay ganito: “Huwag idaan sa hula, patayin agad ang bata.”

Ganito naman ang sinabi ni John Chrysostom noong taong 391: “Marami sa mga may ganitong pananaw ay talagang nagbabayad pa ng pera para lang hindi magka-anak, at sinisira ang kalikasan, hindi lamang pinapatay ang bagong silang, kundi gumagawa pa para sugpuin ang pagsisimula nilang mabuhay…Ang totoo, mas malala pa iyon sa pagpatay (murder), at hindi ko alam kung anong itatawag doon; dahil hindi niya pinapatay ang buo na kundi pinipigilan ang pagkabuo noon. Ano, kinokondena mo ang regalo ng Diyos at linalabanan ang kanyang mga batas?”


[1] May isang kamag-anak ang nagsabi sa akin, “Hindi naman pwedeng yung tama ang laging gawin.” Para sa kanya, at para sa marami pang iba, hindi praktikal ang paggawa lagi ng tama. Halimbawa, kung hindi ka gagamit ng jumper sa kuryente, malulubog ka sa utang at mapuputulan ka pa. Sinabi ko, “Ipagpalagay na hindi tama na laging ang tama ang gawin, ang tanong ay kailan ang tamang oras para gumawa ng mali?” Kailan tamang gawin ang mali, at kailan maling gawin ang tama? Kailan makakabuti ang paggawa ng masama, at kailan makakasama ang paggawa ng mabuti? Sa palagay ko ay walang praktikal na sagot dito.

Permalink Leave a Comment

Kung Mahal Ninyo Sila…Magplano

March 9, 2008 at 11:30 pm (Moral)

Kung Mahal Ninyo Sila…Magplano![1]

Ano ba ang ibig sabihin ng pagpaplano ng pamilya? Ito ay kaugnay ng isa sa mga unang tagubilin ng Diyos nang likhain niya ang tao: Mamahala.[2] Alin ang pamamahalaan? Ang mundo at ang mga supling. Totoo bang iniutos ng Diyos na punuin ng mga supling ng tao ang mundo? Ayon sa kasaysayan ng kaligtasan, oo.[3] Sa anong dahilan?

Sa tinagal-tagal ng tao sa mundo, hanggang ngayon ay hindi pa rin natin naiitindihan ang plano ng Diyos at ang layunin ng kanyang mga utos. Ang tanong ay may pakialam nga ba tayo sa mga bagay na ito, o isa lamang malaking pagkukunwari ang pagsasabi nating naniniwala tayo sa salita ng Diyos?

Ang pagpaplano ng pamilya ay ang pamamahala dito. Ito ay nangangahuluguan ng paggawa ng mga balakin at hakbang na makabubuti sa lahat ng myembro ng pamilya sa lahat ng aspeto ng buhay. Ganito ba ang pagkaunawa natin sa bagay na ito, o kasama tayo sa mga taong madaling maniwala sa mga popular na ideya? Ang kahulugan ng katagang “family planning” ay sapilitang pinalitan ng mga taong maliit ang utak pero malakas ang impluwensya. Sa mga uri nila nagmumula ang mga konseptong tulad ng “euthanasia”, “liberated”, “pro- choice”, “for adults”, at marami pang mga mapanlinlang na salitang patuloy na sumisira sa tamang pangangatwiran. Ang pagpaplano ng pamilya ay hindi nangangahulugan ng paggamit ng “contraceptives” o pakikipagtalik nang walang kaakibat na responsibilidad; sa halip, ito ay ang tamang pamamalakad sa lahat ng bahagi ng buhay-pamilya. Ang pag-aagwat sa pagkakaroon ng mga supling ay isang bahagi ng pagpaplanong ito at dapat na isagawa sa paraang nakalulugod sa nagbigay ng kakayahan at atas na maging kamanlilikha ng Diyos. Bukod dito, dapat din natin laging isaisip ang layunin at prinsipyo ng pagkalikha sa lahat.

Linalang ang tao hindi para may makasama ang Diyos sa kanyang pag-iisa, kundi upang makasama niya tayo sa kanyang kaluwalhatian. Ang Diyos ay sapat na sa kanyang sarili, wala siyang kailangan, at siya ang pinagmumulan ng lahat ng mabubuting bagay. Sa kanya umiiral ang kalawakan at walang bagay na hindi sa kanya umiiral. Bagamat siya ay iisa, hindi siya nag-iisa dahil ang Diyos ay isang pamilya — siya ay isang komunidad. Ang pamilya at komunidad na iniuutos niyang buuin natin ay larawan ng kanyang kalikasan — ekstensyon ng pag-ibig ng Ama sa Anak at ng Anak sa Ama. Sa kabila ng pagiging ganap o kumpleto ng Diyos, tayo ay linikha niya; iyon ay dahil umaapaw ang kanyang pag-ibig at tayo ang bunga ng pag-ibig na ito. Hindi tayo linikha para mabuhay at mamatay nang walang katuturan sa mundo. Ang tao ay obra maestra ng Diyos, tayo lang ang nilalang na may katawan at kaluluwa. Hindi bahagi ng kalikasang-tao ang kamatayan dahil tayo ay nilikha para mabuhay, hindi para mamatay. Dahil lamang sa kasalanan kaya ang katawang hindi sana nabubulok ay nabubulok, at ang hindi sana namamatay ay namamatay. Gayunman, pareho pa rin ang plano ng Diyos — hindi siya nagbabago ng isip[4] — na makasama niya tayo sa kanyang kaluwalhatian. Ang Diyos, simula noon hanggang ngayon, ay bumubuo ng isang malaking-malaking pamilya[5] na magsasama-sama sa kanyang kaharian. Ito ang dahilan ng paglikha niya sa atin, at ito rin ang dahilan kung bakit inaatasan niya ang marami na maging kamanlilikha niya na pupuno sa daigdig at sa langit. Pagkatapos ng mga panahon, wala nang pagkakataong palakihin pa ang pamilyang ito. Iniutos ng Diyos na ito ay mangyari sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng tao, hindi sa dahilang kailangan niya ng tulong, kundi dahil ito ang kalooban niya.

Sa paglalarawan ni John Paul the Great tungkol sa isang komunidad ng mga Katoliko ay ganito ang sinabi niya: “In the bosom of the small community the family recovers the sense and joy of its mission : to transmit both natural and supernatural life.” Dito ay ipinapahayag ang katotohanan ng misyon ng pamilya at ang konkretong katuparan nito: ang buong-kagalakang pagpapasa ng natural at sobrenatural na buhay. Ito ang layunin ng Diyos, ang ikalat ang buhay hanggang sa panahon na ang lahat ng sa kanya ay makakasama na niya.

Sa kabilang banda, ang mga taong nagtatago sa mukha ng pagmamalasakit ay buong-lakas na sumasalungat sa kalooban at plano ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapahiwatig at pagtuturo na ang pag-aasawa ay tungkol sa sariling kasiyahan ng mag-asawa. Ang mga tao ding ito ang nagsasabi na ang pakikipagtalik ay isang pangkaraniwang gawain lamang tulad ng panonood ng TV, at hindi dapat gawing malaking isyu. Ang tunay na isyu para sa kanila ay ang “problema” ng pagdadalantao na kasama ng pakikipagtalik; ito ang pilit nilang ginagawan ng paraan at itinuturo sa lahat. Pansinin ang pagsalungat ng tao sa kalooban ng Diyos:

“Magpakarami kayo at punuin ng inyong mga supling ang buong daigdig, at pamahalaan ito.”[6]

“Bibigyan ko kayo ng lahat ng uri ng butil at mga punongkahoy na inyong makakain.”[7]

Namatay si Onan dahil kasuklam- suklam kay Yahweh ang ginagawa niyang pagtatapon ng binhi sa pakikipagtalik.[8]

“Huwag kang papatay ng bata sa pamamagitan ng aborsyon ni pumatay ng naisilang na.”[9]

“Huwag kayong makikiapid.”[10]

“Ang ugat ng kahirapan ay ang pagdami ng mga supling kaya dapat sugpuin ang pagkapuno ng daigdig.”

“Hindi sapat ang yaman ng mundo para buhayin ang lahat ng tao. Ang solusyon ay pigilin ang paglaki ng populasyon.”

Itinuturo ng mga doktor at ng pamahalaan na itapon ang binhi ng lalaki sa pamamagitan ng paggamit ng condom,  diaphragm, at iba pang barrier method.

Sa pamamagitan ng mga gamit tulad ng IUD o mga pills na ipinapakilala nang may panlilinlang bilang contraceptive, kinikitil ang buhay sa pinakamaagang baytang nito (early abortion).

Itinutulak ang tao sa pakikiapid at pangangalunya sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataong umayon sa laman at makipagtalik kaninuman dahil sa mas maliit na posibilidad ng pagdadalantao.

Ang usapin tungkol sa pagpapamilya, pagpipigil sa sarili, pangangalunya, at lahat ng bagay na may kinalaman sa sekswalidad ay hindi bago sa buhay ng Simbahan tulad ng inaakala ng mga taong nagmamarunong. Ang mga prinsipyo ng Cristianismo ay hindi nakakulong sa iisang panahon, sa halip, kung paanong si Cristo ay siya noon, ngayon, at bukas,[11] ang kanyang mga salita at utos ay nananatiling totoo at epektibo sa lahat ng panahon bagamat naiiba ang porma nito bilang pag-akma sa kasalukuyang panahon. Bago pa man ang mga makabagong paraan ng pagpipigil ng pagdadalantao (hindi pagpipigil sa sarili[12]), libong taon nang hawak ng Simbahan ang mga panuntunan tungkol dito. Ang Diyos ay hindi tao na nagbabago ng isip,[13] alam niya kung ano ang plano niya at kung saan ito patungo. Sa kabilang banda, ang mga taong patuloy na bumubuo ng kultura ng kamatayan — pagpatay sa mga may sakit at sa matatanda, pagpigil sa pagpapasa ng buhay, pagpatay sa mga bata — ay nasa kabilang panig ng plano ng Diyos. Kasama nila ang Masama na siyang nagdala ng kamatayan sa tao, at walang ibang pinagpaplanuhan kundi ang pagsira sa anumang may buhay.

Sinumang nagmamahal sa kanilang mga anak ay dapat na umunawa sa katotohanan upang ito rin, kasama ng buhay, ay maipasa sa kanila. Sila ay isinilang upang makasama ng Diyos at maging bahagi ng malaking pamilya na binubuo niya sa pamamagitan ng mga magulang. Isipin ninyo, kung kayo ay magbabakasyon sa Baguio o sa Boracay o saanmang lugar na talagang gustong- gusto niyo, hindi ba’t gusto ninyong makasama ang lahat ng mga taong mahal ninyo, lalo’t higit ang inyong mga anak? Higit pa diyan ang pananabik ng Diyos na matupad na nang tuluyan ang kanyang plano. Nakikibahagi sa kasabikan at kagalakang ito ang mga magulang na nakauunawa ng kanilang misyon. Gusto rin nila na ang lahat ng mga supling na itinakdang ibigay sa kanila ay makasama, hindi lamang sa isang malaking bakasyon, kundi sa habampanahong kaligayahan kasama ng Diyos at ng kanyang pamilya sa tunay at palagian nilang tahanan.[14]

Ang tao ay hindi tulad ng hayop na mabubuhay at mamamatay lang (hindi ko alam kung ang mga taong nagsusulong ng kamatayan sa mundo ay ganito ang tingin sa sarili nila — parang hayop lang); hindi ganito ang ipinahayag sa atin ng Diyos, at hindi rin ito ang ipinahahayag natin. Bagamat nakapasok ang kamatayan sa mundo dahil na rin sa ating kasalanan, ang Diyos ay Diyos pa rin ng buhay[15] kaya sa pamamagitan ni Jesus ay ibinalik niya tayo sa dati nating kalagayan — mga lingkod ng Diyos at walang kamatayan.[16] Araw-araw ay ipinahahayag ng Simbahan ang katotohanang ito; ang ating pananampalataya “sa pagkabuhay na muli ng mga namatay na tao, at sa buhay na walang-hanggan”. Pero para sa mga taong sumusugpo at kumikitil ng buhay, ang muling pagbangon ng kanilang katawan ay para sa kapahamakan nito.[17] Kung paanong ang mga tagapagtaguyod ng buhay ay makakasama ng Ama ng Buhay; ang mga mamamatay-tao ay makakasama rin ng kanilang amang “mamamatay-tao na sa pasimula pa, at kalaban ng katotohanan.”

Ito ang masasabi ko sa mga magulang: Ang inyong mga anak ay hindi talagang sa inyo dahil walang anuman sa mundo ang tunay na sa atin maliban sa ibinigay ng Diyos na kalayaang magpasya. Ang mga supling na iniutos na pamahalaan natin ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng paglikha, at magiging mga anak niya at tagapagmana sa pamamagitan ni Jesus. Hindi ninyo kayang isipin ni subukang tuklasin kung gaano kalaki ang yaman na inihandang ipamana ng Diyos sa kanyang mga anak; hindi ito kailanman masusukat. Ito ang mana ng inyong mga anak. Kung mahal ninyo sila…unawain ninyo ang katotohanan, at ito ang ipahayag ninyo sa kanila tulad ng nararapat. Ginagawa ng demonyo ang lahat ng paraan para baligtarin ang plano ng Diyos — ang plano ng Buhay — upang palitan ng kamatayan. Lalong tumitindi ang kanyang galit tuwing may isinisilang na madadagdag sa pamilya ng Diyos, pero ang totoo ay nagiging matagumpay din ang ilan sa mga plano niyang pangwawasak sa buhay ng tao sa iba’t ibang paraan dahil na rin sa pagpanig natin sa kanya. Tuso si Satanas kaya hindi siya madaling kalaban. Hindi mangmang ang ating unang mga magulang tulad ng maaari nating isipin, higit lang talagang matalino ang demonyo, at ito ang ginagamit niya sa panlilinlang. Ganunpaman, ang Diyos pa rin ang may hawak ng lahat ng bagay at pangyayari, ang tagumpay ay sa kanya pa rin at sa kanyang mga anak — sa inyong mga anak — kaya kung mahal ninyo sila, magplano ng pamilya ayon sa kalooban ng Diyos na Ama ng bawat pamilya at kung saan ang lahat ng pagkapamilya ay nagmula.


[1] Motto ng lumang ads ng Trust contraceptives.

[2] Cf. Gn 1:28

[3] Cf. Gn 1:28; Gn 9:1

[4] Cf. 1 S 15:29

[5] “Kasamahan ng mga banal.” Ang bahaging ito ng Credo na ating ipinahahayag ay tumutukoy sa pamilyang ito na sa kasalukuyan ay nasa langit, nasa purgatory, at nasa lupa.

[6] Gn 1:28

[7] Gn 1:29

[8] Cf. Gn 38:6-10

[9] Didache 2:2

[10] Ex 20:14.17

[11] Cf. He 13:8

[12] Ang makatarungan at matuwid na pagpaplano ng pamilya ay ang pagrespeto sa kalikasang pantao. Ito ang aral na iiwan natin sa ating mga anak. Noong unang panahon pa man ay sinagot na ng mga Ama ng Simbahan ang usapin tungkol sa pag-aagwat; ito ay isang matandang usapin na. Kung autoridad ng Kasulatan naman ang ating hinahanap ay ganito ang sinasabi ni Apostol Pablo: “Huwag kayong magkait sa isa’t isa, malibang pagkasunduan ninyong huwag munang magsiping, upang maiukol ninyo ang panahon sa pananalangin. Pagkatapos, magsiping na uli kayo upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa hindi na kayo makapagpigil” (1 Co 7:5).

[13] Cf. 1 S 15:29

[14] Cf. He 13:14

[15] Cf. Mt 22:32

[16] Cf. 1 Co 15:22-23; Jn 11:25-26; 1 Jn 3:14

[17] Cf. Dn 12:12; Jn 5:28-29

Permalink Leave a Comment