ISANG LIHAM SA KAPATID

Si Cristo ang Salitang nagbibigay-buhay (cf. 1 Jn 1:1), at sinumang tumanggi sa salita ay mananatiling patay. Ang tao ay namatay dahil sa kasalanan. Anong kasalanan? Ang pag-agaw sa Diyos ng tanging-karapatan na magpasya kung ano ang mabuti; sa gayon ay itunuturing ang sarili bilang Diyos (cf. Gn 3:5). Ito ay isang direktang pagrerebelde sa pamamahala ng Diyos. Sa madaling salita ay pagtalikod o pagkalas sa kanya. Ikalawa ay ang pagbaling sa mga diyus-diyusan o idolo. Gumawa ang tao ng mga bagay na sa tingin nila ay magbibigay sa kanila ng seguridad at pag-asa. Dito nila inilagak ang kanilang tiwala at kasiyahan. Kaya nga, ito ang hinahangad nila sa kanilang pamumuhay. Sa iba’t ibang panahon ay iba-iba rin ang ginagawang diyos ng mga tao at inaasahan sa kanilang buhay: ang araw, buwan, at mga bituin; mga puno o larawan ng mga nilalang tulad ng tao, ibon, hayop o nilalang nanagsisigapang (cf. Rm 1:23). Kasama din sa mga ginawa nilang diyos ay ang mga makapangyarihan sa lipunan, at ang mga bagay na itinuturing nilang may mataas na halaga tulad ng ginto, pilak, at ang pinakamataas sa lahat ng mga diyos — barya at papel. Alinman sa mga nabanggit ay walang masama sa kanilang sariling kalikasan dahil lahat ng ginawa ng Diyos ay mabuti, ngunit ang pagbibigay ng tao ng pagpapahalaga sa mga ito nang higit sa tunay nilang halaga ayon sa itinakda ng Lumikha, ang nagpapasama sa kanila. Sinasamba natin ang alinmang nilikha — nakikita o hindi — kung ito ang nagiging dahilan ng ating buhay at kasiyahan, at kung ito ang ating hinahangad at inaasahan. Kaya nga sinasabi, “Huwag kayong mamuhay na pera ang hangad; masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, ‘Hindi kita iiwan ni pababayaan man’” (He 13:5). Sinasabi rin, “Dapat na tayong masiyahan kung tayo’y may kinakain at dinaramit. Ang mga nagnanasang yumaman sa anumang paraan ay mahuhulog sa tukso at sa bitag ng masasamang hangaring magtutulak sa kanila sa kapahamakan. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay siyang ugat ng lahat ng kasamaan. Dahil sa paghahangad na magkamal ng salapi, may mga nalayo sa pananampalataya at nasadlak sa paghihirap ng kalooban” (1 Tm 6:8-10). Ibig bang sabihin ay huwag nang magtrabaho? Hindi. Sapagkat ito ang tungkulin ng tao: “..magtrabaho siya at gamitin ang kanyang kamay sa anumang gawaing marangal (hindi iskandaloso) upang may maitulong sa mga nangangailangan” (Ef 4:28). Ang tao ay katiwala ng Diyos sa kanyang kapwa. Ang tunay na dahilan ng pagtatrabaho ay upang suportahan ang ating ikabubuhay — pagkain, damit at tahanan — at ibigay sa walang kakayanan ang bahagi ng ating kinikita, upang sila man ay makapagpatuloy din sa pamumuhay. Ang gumagamit ng kanyang kayamanan nang higit pa sa kanyang tunay na pangangailangan ay nagnanakaw sa bahagi ng iba na ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos. Kaya sinasabi ni Jesus, “Kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga kayamanan ng sanlibutang ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? At kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng talagang para sa inyo? Walang makapaglilingkod ng sabay sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigan ang ikalawa. Hindi ninyo mapaglilingkuran ng sabay ang Diyos at ang kayamanan. Sapagkat ang itinuturing na mahalaga ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos” (Lk 16:11-13.15). Sinabi naman ni Santiago, “Hindi ba ninyo alam ng kapag kinaibigan ninyo ang sanlibutan ay kinakaaway naman ninyo ang Diyos? Kaya’t sinumang nagnanais na maging kaibigan ng sanlibutan ay kaaway ng Diyos…napakarubdob ng pag-ibig ng Diyos sa espiritung ibinigay niya sa atin at ayaw niya na may kaagaw sa ating pag-ibig” (Sant 4:4-5). Ibig bang sabihin ay huwag na tayong magsumikap na makapag-aral, magkaroon ng sariling negosyo, o magpatayo ng bahay? Hindi. Sapagkat tungkulin natin bilang tao na ibuhos ang ating mga kakayanan o talento para sa kapakinabangan ng marami. Sa ganitong paraan ay makakabawas tayo sa pasananin ng mga taong tumutulong sa atin, at tayo naman ay makakatulong na rin sa iba. Ngunit kailangang maging malinaw sa atin na ang lahat ay dapat nating gawin ayon sa tunay na layunin ng Lumikha. Ang pagkakaroon ng ibang layunin, bukod sa itinakda ng Diyos, ay nangangahulugan ng pagsasarili o paghihimagsik sa Diyos. May mga taong nakatakda para tumulong, at mayroon namang nakatakda para tulungan, ngunit ang lahat ay nakatakda para gumawa sa kapakinabangan ng lahat. Walang sinuman ang walang magagawa upang tulungan ang kanyang kapwa, sapagkat inilagay ng Diyos sa bawat isa ang kakayanan upang makatupad sa kanya-kanyang tungkulin. Ang dapat hanapin o tuklasin ng tao ay ang kung ano ang magagawa niya para sa iba, hindi ang mapapakinabang. Ang may pera ay dapat tumulong sa pamamagitan ng kanyang pera, at ang wala naman ay dapat tumulong sa paraan na hindi kailangan ng pera. Ang nakakaramdam ng kakulangan sa kanyang sarili ay dapat humingi sa Diyos, at dapat niya itong tanggapin nang may pasasalamat maging anuman ito. Sapagkat ibinibigay ng Diyos ang pinakamabuti sa mga nagtitiwala sa kanya at hindi humihingi ng ayon lamang sa kanilang sari-sariling kalooban. Ang mahirap sa mga materyal na bagay ay hindi na dapat maghangad na yumaman, ngunit patuloy na ibuhos ang kakayanan sa paggawa. Ang mayaman naman ay dapat rin magpatuloy sa marangal na gawain upang makatulong sa iba. Gayunman, dapat ipako ng lahat — mahirap at mayaman — ang kanilang paningin sa mga bagay na di-nakikita, at hindi sa mga bagay na nakikita (cf. 2 Co 4:18). Ang tao ay nilikha hindi para mamatay kundi para mamuhay kasama ng Diyos — ito ang layunin ng buhay. Kaya nga, bagamat sinira ng kasalanan ang naunang  plano ng Diyos, hindi niya ito hinayaang tuluyang mawalan ng kabuluhan yamang ito ay plano niya, at walang sinumang makakalaban sa kanya. Higit pa sa dati ang inihanda ng Diyos para sa mga magbabalik-loob sa kanya at mananatiling tapat. Sinasabi ng Kasulatan, “Hindi pa nakikita ng mata ni naririnig ng tainga, hindi pa rin sumasagi sa isip ng tao ang inihanda ng Diyos sa mga umiibig sa kanya” (1 Co 2:9). Sino ba ang umiibig sa kanya? Iyon bang walang kasalanan? Hindi. Ang umiibig sa Diyos ay ang sumasamba as kanya sa espiritu at katotohanan (cf. Jn 4:24), at sa gayon ay ipinanganak na muli (cf. Jn 3:7). Ang taong ito, bagamat walang nakikitang pagbabago sa katawan o hindi kaagad nakikitaan ng mabubuting gawa, ay isa nang bagong nilalang (cf. 2 Co 5:17). Hindi siya naging bagong nilalang dahil bago na ang ugali niya kundi dahil ang kanyang espiritu, na namatay dahil sa kasalanan, ay muling nagkaroon ng buhay. Kaya wala na ang dating pagkatao, bagamat pansamantala pa rin siyang nananatili sa katawang alipin ng makalaman at makamundong paghahangad. Sa kanyang pakikipag-isa kay Cristo, ang kanyang isip at kalooban ay unti-unting nababago ayon sa isip at kalooban ni Cristo kaya sinasabi, “Ngunit ang pag-iisip ni Cristo’y taglay natin” (1 Co 2:16). Nangyayari ang pagsilang na ito sa oras na ang isang tao ay manalig na si Cristo ang Panginoon, at siya ay muling binuhay ng Diyos (cf. Rm 10:9), at kung siya ay mamumuhay ayon sa paniniwalang ito. Kung si Jesus ang Panginoon ng kanyang buhay, ang kalooban niya ang dapat masunod. Kung naniniwala siyang si Jesus ay muling binuhay ng Diyos, kailangan makita sa kanya ang kawalan ng takot sa kamatayan, paghihirap, sakit sa katawan at kalooban, sa paniniwalang siya man ay bubuhayin din ng Diyos, at ang lahat ng ito ay pakinabang dahil sa lahat ng bagay, ang Diyos ay gumagawang kasama ang mga nagmamahal sa kanya para sa kanilang ikabubuti (cf. Rm 8:28).

Sa kabilang banda, ang mga taong naghahangad ng mga bagay na nakikita, at naduduwag na maging iba sa karamihan, ay malagim ang kasasapitan (cf. Pah 21:8). Tulad ng sinasabi ni Pablo, “Ang nagsisikap sa mga bagay ukol sa laman ay aani ng kamatayan” (Ga 6:8).

3 Comments

  1. Clara said,

    Paano po mababago o maitatama ang pagkatakot sa mga bagay sa buhay ko kung sa pagkabata pa lang parang ito na yung pundasyon ko.madami na akong sinayang na oportunidad ,mga trabahoo dahil sobra ang takot ko na hindi ko magagawa ang mga trabahong ito,masyado ako nakulong sa tinatawag na inferiority complex,bata pa lang ako kinamulatan ko na ang mga salitang tanga,inutil,bobo,mahina,mabagal,p.u.t.a etc.sa bibig ng aking ama kaya yun ang paniwala ko dahil mas matanda at tatay ko pa ang nagsasabi,sa school kahit alam ko ang sagot never kong itataas ang kamay ko,lumaki akong mahiyain,mapagisa,malungkot,perfectionist at humahanap ng masasandalan.3rd to 4th year high school ginalingan ko,tumaas mga grades ko,nais kong maging teacher.accountancy ang pinilit sa aking ipakuha,takot ako sa lahat ng may kinalaman sa numbers o pagaanalyze kasi nga ang alam ko mahina ako kaya 6 years ko lang naman tinapos ang kursong ito with dropped subjects,23 ko nalamamang mabilis pala akong magtrabaho at maayos,napaiyak pa ko non,nagbf at di na pinakawalan pa ang. Bf hoping sya ang aking pagasa.nagtry mag opis pero 1 week pa lang di na ko makatagal,civil service passer ako professional,pero di ko magamit,sa tuwing nagreresign ako nakokonsensya ako,sayang ang work na bigay ng Diyos,talent,health na mula sa kanya lahat,masama ang takot dahil hindi ko ipinagkakatiwala sa Panginoon lahat pero paano po makakalaya sa takot,san at pano ako magsisimula..tulong.ayaw kong sayangin ang biyaya ng Diyos,hirap na hirap po ako

    • vanillae said,

      Maraming tao ang nasa katulad mong sitwasyon, at isa na ako dun. Lumaki ako sa environment na mas nabibigyang-diin ang kahinaan at kamalian, at ang kakaunting papuri ay ibinibigay din sa negatibong paraan. Hindi man ako minumura pero nahubog ang pagkatao ko sa kung ano ang hindi ko nagagawa ng tama, sa halip na kung ano ang kaya kong gawin sa kasalukuyan at sa hinaharap. Nauunawaan ko kung saan ka nagmumula at kung ano ang dinaraanan mo. Hanggang ngayon ay may epekto pa rin sa akin ang pundasyon ng aking pagkabata, bagamat nasimulan ko na itong paunti-unting palitan. Hindi mo kailangang patuloy na mamuhay ayon sa nakaraan. Mababago ang kinabukasan sa pamamagitan ng ngayon. Ang lahat ay nagsisimula sa isip. Nahubog ang iyong pagkatao sa sa pamamagitan ng kaisipang tuloy-tuloy mong tinanggap noon, na sa katagalan ay naging paniniwala, at unti-unting naging ikaw. Ganun din ang gagawin mo ngayon. Aalamin mo kung ano ang totoo, paulit-ulit mong sasabihin sa sarili mo, hanggang sa maging paniniwala, at unti-unting maging ikaw.

      Hindi ito overnight, at hindi rin isang taon. Gagawin mo ito habambuhay. Kung ilang taon ka man ngayon, dobleng panahon ang ibibigay mo sa sarili para tuluyang makawala sa maling paniniwala na nabuo mo tungkol sa sarili. Pero hindi ibig sabihin ay hindi ka makakakita ng improvement habang lumilipas ang panahon. Kailangan mo lang i-recognize na hindi totoo ang mga nakamulatan mo, at maging bukas ka sa katotohanan. Hindi ito magiging madali, dahil kahit gaano mo kadalas ulitin sa sarili ang dapat mong paniwalaan, lagi itong kokontrahin ng kasalukuyan mong paniniwala. Dito mo kailangan ang katigasan ng ulo. Huwag kang susuko. Kailangan mong bawiin ang lugar na para sa’yo. Iluklok mo sa puso mo kung anuman ang totoo, kagalang-galang, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at marangal. Paligiran mo ang iyong sarili ng mga taong magtutulak sa iyo pataas at magsasabi ng kailangan mong malaman. Alam kong mahirap maghanap nito pero patuloy mo itong hangarin. Sa pamamagitan din ng mga libro, audiobooks, videos, at iba pang resources ay matututo ka sa maraming mga tao na dumaan din sa kalagayan mo pero nakaangat mula dito para abutin ang tuktok at pakinabangan ang kanilang likas na kapangyarihan bilang tao.

      Avoid negativity. Lumayo ka sa anumang negatibong kaisipan, pagrereklamo, walang katuturang biro, mga palabas sa TV at mga kanta na puro kadramahan. Maglaan ka ng oras sa umaga at sa gabi para kausapin ang iyong sarili. Inaakala kong mas mabuti itong gawin pagkatapos na pagkatapos mong magdasal. Ang gagawin mong pakikipag-usap sa sarili ay para turuan ito ng tamang aral, at hindi para kumpirmahin na totoo ang mga paniniwala nito.

      Express yourself. Maghanda ka ng isang papel na ginuhitan sa gitna para mahati sa dalawa. Sa kaliwang bahagi ay isulat mo kung ano ang tingin mo sa iyong buhay, sa iyong sarili, at sa paligid mo o kung anuman ang paniniwala mo sa mga bagay-bagay. Ito yung mga bagay na kumportable kang sabihin dahil hindi ka kinokontra ng sarili mo. Pagkakataon mo ito para ihayag ang iyong sarili nang walang sinumang pumipigil — kahit na ang sarili mong puso. Huwag mong isulat dito ang mga bagay na hindi ka kumportableng ipahayag bilang paniniwala. Sa kabilang bahagi ng papel ay isulat mo kung ano ang sa palagay mo ay dapat mong paniwalaan kahit na tinututulan ito ng iyong kasalukuyang sistema ng paniniwala. Gawin mo ito araw-araw kahit na paulit-ulit lang ang maiisulat mo.

      Help others. Ang pagtulong sa iba ay magbibigay sa’yo ng sense of fulfillment, at dito mo makikita na marami kang pwedeng maiambag sa ikabubuti ng lipunan at ng mga indibidwal. Hindi ito kailangang maging napakalaki. Ang maliliit na bagay na kusa mong ginagawa para sa iba ay higit na makakatulong sa iyo kaysa sa kanila.

      Be thankful. Samantalahin mo ang bawat pagkakataon para magpasalamat sa Diyos at sa mga taong gumagawa ng pabor para sa’yo. Katulad ng pagtulong mo sa iba, hindi rin kailangang napakalaki ng nagawa para sa iyo ng ibang tao para mag-express ka ng pasasalamat. Kahit gaano ito kaliit, ito ay pagkakataon para sa iyo. Hindi lang para matuwa sila kundi para masanay kang maging totoong mapagpasalamat sa mga bagay, mga tao, at mga sitwasyon sa iyong buhay.

      Follow me: Facebook

      • Clara said,

        Salamat sa sagot mo vanillae..ang payo mong pagtulong sa iba at pasasalamat sa Diyos ay itinatim ko parati sa aking puso noon pa man ginagawa ko ng habit ito ,gagawin ko rin ang iba mo pang payo….alam mo gusto ko talagang mabago ang sarili ko dahil naaapply ko na rin ang pundasyong kinalakihan ko sa aking anak at tuwing nangyayari yun napapaiyak ako dahil alam kong mali,ayaw kong matulad sya sa akin.salamat muli at sana tulungan ako ng Diyos sa aking pagbabago.Pagpalain ka nawa ng ating Panginoong Hesus….

Leave a comment