Ang Aking Pananampalataya

June 15, 2014 at 9:44 pm (Thoughts) (, , , , )

Nananampalataya akong may iisang Diyos na lumalang ng lahat ng bagay na nakikita at di-nakikita. Siya ay iisang Diyos bagamat may tatlong persona: Ama, Anak, at Espiritu Santo.

Ang Ama ang lumikha ng lahat sa pamamagitan ng Anak at para sa Anak. Nagmula sa kanya ang Anak buhat sa kawalang-hanggan, at siya ay katulad niya sa lahat ng aspeto.

Niloob ng Diyos na tubusin ang sangnilikha mula sa kamatayang kusa nitong pinili noong una. Sa pamamagitan ng Anak ay nagkatawang-tao ang Diyos para ipagkasundo ang tao sa Diyos. Ang Anak ng Diyos ay naging Anak ng Tao, at kinalaunan ay kinilala sa pangalang Jesucristo. Hindi nawala sa kanya ang kalikasang-Diyos kahit isang saglit, bagamat kusa niyang hinubad ang karangalan bilang Diyos upang siya ay maging katulad ng tao sa lahat ng bagay maliban sa kasalanan. Nakipamuhay siya sa mga tao, at namatay bilang tao – tulad sa isang kriminal na binitay sa krus kahit na wala siyang ginawa ni isa man kasamaan. Ang kamatayan niya ay malagim na kahihiyan sa paningin ng mga walang pagkaunawa, pero sa mga naliligtas, ito ay nagpapahayag ng lakas at karunungan ng Diyos; dahil sa pamamagitan nito ay pinatay niya ang kamatayan. Namatay ang may-akda ng buhay, ngunit pinatunayan niyang siya ang muling pagkabuhay noong bumangon siya mula sa libingan. Ngayon ay wala ng kapangyarihan sa kanya ang kamatayan, at sinumang mamumuhay at mamamatay na kasama niya, ay muling mabubuhay kasama niya magpakailanman.

Nananampalataya akong ang Espiritu Santo ang pag-ibig na pinagsasaluhan ng Ama at ng Anak. Siya ang hininga ng buhay na nagbibigay-buhay sa lahat; ang Espiritung lumiligid sa ibabaw ng mga tubig, sumasalahat ng bagay na nagdudulot ng buhay, at sa panahon ng pagliligtas ay nagbigay ng kapangyarihan sa tubig upang maging kasangkapan sa muling pagsilang at sa paglilinis ng kasalanan. Siya ang Diyos na nangungusap hindi sa pamamagitan ng salita kundi ng kasaysayan: ang pag-unawa sa kasaysayan ng tao ay pagbasa sa salita ng Espiritu Santo. Siya rin ang nagpapabanal sa tao at sa sangnilikha, at nagbibigay-aliw sa mga pusong nabibigatan. Siya ang Esposo ng Ina ng Diyos at ang Espiritung nananahan sa mga taong bumubuo ng Simbahan ng Diyos.

Nananampalataya akong may iisang Simbahan na itinatag ni Jesucristo at pinatatatag ng Espiritu Santo. Siya ang Inang nagsisilang sa mga nakatakdang maging anak ng Diyos. Walang kapangyarihan sa kanya ang mga pinto ng kamatayan; ibig sabihi’y mananatili siya sa lupa hanggang sa huling araw, at sa langit magpakailanman. Siya ang Katawang Mistiko at ang Esposa ni Cristo na pinakasalan niya sa maluwalhating krus – ang higaan ng pag-ibig – at nilinis ng kanyang dugo upang walang bahid dungis na maihaharap sa Diyos. Siya rin ang guro na hindi kailanman mahuhulog sa kamalian, sa kabila ng kanyang pag-iral sa gitna ng mga taong sinungaling, madilim ang isip, at walang pagkaunawa. Siya lamang ang nag-iisang daanan ng lahat ng biyayang naghahatid ng kaligtasan. Walang sinumang maliligtas liban sa pamamagitan niya. Siya ang lebadurang nagpapaalsa sa buong masa: hindi lahat ng maliligtas ay lebadura, hindi rin lahat ay masa, ngunit lahat ay bahagi ng iisang tinapay.

Nananampalataya ako sa iisang katotohanan, iisang pananampalataya, iisang binyag, at iisang Panginoong nagliligtas sa lahat ng mga pinili. Ang binyag at ang bawat sakramentong itinatag ng Panginoon ay naghahatid ng totoong mga biyaya na sinisimbolo nito. Pinatatatag nito ang tao sa kanyang pakikibaka sa kasalukuyang buhay upang maluwalhating makarating sa hinaharap.

Nananampalataya akong sa huling araw ay muling mabubuhay ang mga patay sa kanilang bagong katawan, at ang mga buhay ay magbabagong-anyo, upang sa huling pagkakataon, ang lahat ay mahatulan ayon sa kani-kaniyang mga gawa; ang iba para sa kagalakang walang hanggan, at ang iba ay para sa kaparusahang walang hanggan.

Permalink Leave a Comment