Damdamin: Ako Noon, Ako Ngayon

Isa sa mga nagbago sa akin ay ang pananaw ko tungkol sa damdamin at sa relasyon nito sa pag-ibig. Nagpapasalamat ako sa mga rejection na naranasan ko noong mga panahong napagkakamalian kong ang damdamin ay sapat nang dahilan para magkagusto sa isang tao at maghangad na maituring ding espesyal ng taong napupusuan. Sa loob ng maraming mga taon, unti-unti kong nakita at naunawaan ang pagkalinlang na naranasan ko nang ilang ulit, na nagbigay sa akin ng maraming sakit ng kalooban. Pinag-aralan ko ang hugis ng sariling kasaysayan at ikinumpara sa katotohanan ng ibang tao. Nakita kong ang nararanasan ko ay nararanasan din ng karamihan, at sa pamamagitan ng pagsalaming ito ay nakita kong ako, at sila man, ay gumagawa ng isang bagay na nakahulma na — kung ano noon, siya rin ngayon. Madalas kong marinig ang mga linyang, “Ngayon lang ako nakaramdam ng ganito,” “Siya na talaga,” “Iba siya sa lahat,” at iba pang mga pangungusap na may ganitong ideya. Tuwing may nagugustuhan tayo, parang lagi itong isang bagong karanasan dahil ibang tao na ang kasali, iba na ang sitwasyon, at marami pang pagkakaiba kung ikukumpara. Ito ang ilan sa mga bagay na naunawaan ko: 1) Nagbabago ang pamantayan ng tao, lalo na kung ang pagkukumparahin ay ang paraan niya ng pagpapahalaga at paghanga noong bata pa at sa pagtanda. Ito ang isa sa malimit na dahilan kung bakit hindi na pareho ang paghanga natin ngayon sa mga taong dati ay hinahabol-habol natin. (2) Ang paghanga ay dapat na pinamumunuan ng katwiran, hindi ng damdamin. Ang damdamin ay kontrolado ng mga katangiang pang-ibabaw, at sa gayon ay hindi sapat na basehan ng paghanga. Sa kabilang banda, ang makatwirang paghanga ay hindi mapupulaan o makikitaan ng kapintasan. (3) Ang pagtanggi ng iba na ituring kang espesyal ay hindi dapat ikalungkot nang lubusan dahil ang pagiging espesyal ng sarili ay hindi nakadepende sa pagtingin ng ibang tao. Laging tandaan na ang tuluyang pagtanggi sa iyo ng isang tao ay nangangahulugan ng hindi pagiging akma. Isipin mo na lang kung anong mangyayari sa susing sapilitang ipangbubukas sa maling susian? Ganun din ang mangyayari kung ipipilit natin ang mga bagay na hindi akma — mauubos ang ating lakas, masisira ang disenyo ng ating buhay, at sa huli, tayo ay parang susing mababali. Dapat pa nga nating ipagpasalamat ang mga pagtangging ating nararanasan dahil ito ang mabilis na indikasyon na ang isang bagay, tao, sitwasyon, o mithiin ay hindi para sa atin, at dapat nating itama ang tinutungo nating direksyon. (4) Hindi totoo na sa bawat lalaki ay may nakalaang babae. Una, imposibleng mangyari ito dahil magkaiba ang populasyon ng dalawang kasarian. Ikalawa, magkakaiba ng bokasyon ang mga tao. Hindi lahat ay mag-aasawa, at hindi rin lahat ng mag-asawa ay magkakaanak, o magiging magulang ng sarili nilang mga supling. (5) Ang panliligaw sa bagong kakilala ay nagpapakita ng pangangailangan, hindi pagmamahal. Ang pagmamahal ay hindi maaaring ihiwalay sa pagkakilala. Ang maraming kamalian sa ating pag-unawa ay madalas na impluwensya ng damdamin. Isipin mo nga, kung may makita kang aso at magustuhan mo ito, pagkakuhang-pagkakuha ba sa tindahan ay masasabi mong mahal na mahal mo ang bago mong alaga? Sa eskwelahan, halimbawa, masasabi mo bang “I love chemistry” dahil lang nagustuhan mo ang unang lesson? Syempre hindi! Pero dahil sa matinding hatak ng damdamin sa paraan natin ng pag-iisip, mas mahirap mangatwiran ng tama kapag tao na — hindi na alagang hayop o pag-aaral — ang pinag-uusapan. Mas masarap magpadala sa damdamin kaysa magpagod sa pag-iisip dahil bilang “laman”, mas madaling sundin ang makahayop nating bahagi o yung tinatawag na “animal instinct”. Ganunpaman, mananatili ang katotohanan na tayo ay tao at hindi dapat magsahayop. Ang panliligaw ay pangangailangan ng kasiguruhan sa atensyon at espesyal na pagtingin — minsan ay higit pa — ng taong liniligawan. (5) Marami sa mga tinatawag na “awit ng pag-ibig” ay hindi tungkol sa pag-ibig kundi sa kagustuhang mag-angkin; sa pagkakaroon ng pusong sinungaling; at sa hindi pagkakilala sa maraming bagay, kasama na ang sarili. Ilan sa mga kantang ito ay may linyang tulad ng “Sana dalawa ang puso ko,” “Bakit ngayon ka lang dumating,” “I was born to make you happy,” “Sinasamba kita,” “I can’t live without your love,” “…kahit sinasabing mahal ko siya, sa puso ko, ikaw pa rin ang mahal ko,” “Minamahal kita nang hindi mo alam,” “Kung malaya lang ako,” at marami pang tulad nito. Mas tamang tawagin silang “mga awit ng kaguluhan” o “mga awit ng kalituhan”. Kung tatawagin silang “mga awit ng pag-ibig”, mangangahulugan na ang kataksilan ng puso at panlilinlang ng isip ay lumalarawan sa tunay na mukha ng pag-ibig.

Marami akong napuna at natutunan sa usaping ukol sa damdamin at pag-ibig pero hindi ko ito maiisulat lahat. Ibinahagi ko lang ang ilan para himukin ang lahat ng bumabasa na maging mapagmasid at huwag basta umayon sa mga popular na paniniwala. Hindi man tayo perpekto, tungkulin natin alamin kung ano ang tama at totoo, at sikapin itong maging bahagi ng ating buhay.

2 Comments

  1. Justine said,

    totoo pa ito sa totoo..

  2. mia mae veszoza said,

    its a great message for all people who suffering from love….. i want togive suggest to all people sa mga taong hindi nadadala……. kung mayroon kang love n someone and hnd k nya type at may type siyaNg iba just set him freeee!!!!!!!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: