Iniibig Mo Ba Ako?

Pagkakain nila, tinanong ni Jesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit kaysa mga ito?” “Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo,” tugon niya. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakanin mo ang aking mga batang tupa.” Muli siyang tinanong ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” “Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” Ani Jesus, “Pangalagaan mo ang aking mga tupa.” Pangatlong ulit na tinanong siya ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Nalungkot si Pedro dahil makaitlo siyang tinanong: “Iniibig mo ba ako? At sumagot siya, “Panginoon, nalalaman po ninyo ang lahat ng bagay; nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakanin mo ang aking mga tupa.” (Jn 21:15-17)

Sa tagpong ito ay makikita ang dalawang katotohanan na pinanampalatayaan ng Simbahan mula pa noong panahon ng mga apostol hanggang ngayon. Una ay ang espesyal na tungkuling ibinigay ni Jesus kay Pedro bago siya bumalik sa Ama. Tatlong ulit na tinanong ni Jesus si Pedro kung iniibig siya nito, hindi dahil pinagdududahan niya ang sagot nito kundi upang bigyang diin ang pagiging espesyal at “pang-isahan” ng tungkuling iniaatang sa kanya. Sa oras na iyon ay bumuo si Jesus ng isang herarkiya ng mga mananampalataya na binubuo ng mga batang tupa, ng mga tupa, at ng tagapagpakain at tagapangalaga ng lahat. Si Pedro ay ginawa niyang lingkod ng mga lingkod ng Panginoon. Ang lahat ng mananampalataya ay lingkod ng Panginoon, pero sila man ay pinaglilingkuran din ng mga apostol na pinaglilingkuran naman ni Pedro kasama ng lahat. Hindi itinanong ni Jesus sa lahat, “Iniibig ba ninyo ako?” O kaya ay sinabi, “Pakanin ninyo at pangalagaan ang aking mga tupa at mga batang tupa.” Bakit hindi pa nakuntento si Jesus sa salitang “pangalagaan” samantalang nangangahulugan din naman na kasama sa pangangalaga ang pagpapakain? At bakit hindi pa siya nakuntento sa paggamit ng salitang “tupa” at ibinukod pa niya ang mga “batang tupa”. At bakit pakakainin lang ang mga batang tupa samantalang pangangalagaan at pakakainin ang mga tupa?

Ano ang ipakakain ni Pedro sa mga batang tupa (mga mananampalataya)? Katulad din ng ipakakain niya sa mga tupa (mga apostol): ang katotohanan. Dahil ba hindi pa sapat ang katotohanang tinanggap nila? Hindi, kundi dahil sa kabila ng pagiging kumpleto ng rebelasyon, ang kalaliman ng Pananampalataya ay patuloy na daraan sa mahabang pagtuklas. Patuloy na tutuklasin ng Simbahan ang kalaliman ng misteryo ng kanyang sarili. Alam ng mga apostol kung ano ang kanilang pinanaligan pero nakay Pedro ang huling pasya (sa usapin ng pananampalataya at moralidad) sa mga pagkakataon ng pagkakaiba ng pananaw. Walang nabanggit sa Kasulatan tungkol sa kahit isang pangyayari na nagsasabing nagkaroon ng hindi pagkakasundo tungkol sa pananampalataya ang mga apostol dahil mula nang isinilang ang Simbahan hanggang sa kamatayan ng lahat ng mga apostol, iisang Espiritu ang kanilang sinusundan. Nangyari lang ang mga salungatan noong may ilang mga taong nagtangkang ipilit ang sarili nilang mga opinyon sa usapin ng pananampalataya. Ganun pa man, lininaw ang mga usaping ito sa unang konseho ng Simbahan, at patuloy itong nangyayari tuwing may ilang mga taong gustong palitan ng sarili nilang mga opinyon ang katotohanang ipinahahayag ng mga inatasang magpahayag nito. Marami ang mga pagkaing nakahain na maaaring kanya-kanyang piliin ng mga mananampalataya; ang tungkulin ni Pedro, at ng mga kapalit niya sa Upuan, ay ibigay lamang sa lahat ng tupa kung ano ang dapat—ang pagkaing nagdadala ng buhay sa kawan ni Jesus.

Paano pangangalagaan ni Pedro ang mga tupa? Hindi ba’t pare-pareho naman silang mga apostol, bakit kailangang may tagapangalaga pa? Tulad ng nabanggit, si Jesus ay bumuo ng herarkiya sa pamamagitan ng mga salitang ito. Ang pangulo ng Pilipinas, bagamat siya ang may huling salita sa mga isyu tungkol sa bansa, hindi ito nangangahulugan na hindi siya lider kasama ng iba pang mga lider; hindi rin dahil siya ang presidente, hindi na siya mamamayan kasama ng lahat ng mamamayan. Ang pagkakaiba niya lang sa lahat ay ang kanyang tungkulin at kapangyarihan—ibig sabihi’y karapatang magpasya para sa kabuuan ng bansa. Si Pedro, bagamat tagapangalaga ng mga apostol, siya ay isa din sa kanila; at kahit na siya ay tagapagpakain ng mga mananampalataya, siya rin ay kapwa manananampalataya. Pero kung paanong may dalawang paa, dalawang kamay at isang ulo ang tao, ang Simbahan na siyang Katawan ni Cristo ay may iisa ring ulo—si Jesus—na kinakatawan ni Pedro at ng mga sumunod sa kanya. Tulad ng Israel na bagamat teyokratiko ay may isang tagapamunong nakikita, ganun din ang Simbahan, bagamat mistkong Katawan ni Cristo, ay binubuo ng nakikitang mga tao at tagapangalaga.

Inatasan si Pedro na pangalagaan ang mga tupa ni Jesus sa paraang una ng sinabi sa kanya: “Idinalangin ko na huwag lubusang mawala ang iyong pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, patatatagin mo ang iyong mga kapatid” (Lk 22:32). Ang pangangalaga ni Pedro ay sa paraang magpapatatag sa pananampalataya ng mga kapatid. Sa bahaging ito ng kanyang tungkulin, kailangan niyang siguruhin na walang mga apostol (obispo) ang tatalikod at magtuturo ng “ibang ebanghelyo”; o kung mangyari man ito, kailangan niyang siguruhin na ang kabuuan ng kolehiyo ng mga tapat na apostol ay manatili ring tapat sa Pananampalatayang ipinasa sa kanila at magkaisa sa lahat ng usapin ng pananampalataya. Sa madaling salita, si Pedro, at ang mga kasunod niya, ay ang nakikitang ulo ng Simbahan, kinatawan ni Cristo sa lupa, tagapagkaisa sa pamamagitan ng iisa at hindi nababagong katuruan, at sa pamamagitan ng pagpapatatag sa lahat.

Ikalawang katotohanan na nakikita natin sa usapang ito sa pag-itan nina Jesus at Pedro ay ang pagiging Diyos ni Jesus, na pilit namang itinatanggi ng mga taong nagsasabing sinasamba nila sa Cristo pero hindi siya Diyos. Bagamat ikinalungkot ni Pedro ang tatlong beses na pagtatanong sa kanya ni Jesus ng pareho ding tanong, dito naman ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng bibig ni Pedro ang tunay na kalikasan ni Jesus. Sa unang dalawang sagot ni Pedro, sinabi niya, “Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” Maaaring alam nga ni Jesus na mahal siya ni Pedro dahil nababasa niya ang isip at intensyon nito, o dahil sa isang karanasan ng pagpapatunay ng pag-ibig nito sa kanya. Pero higit pa sa sikolohiyang kakayahan ang ipinahayag ni Pedro tungkol kay Jesus. “Panginoon, nalalaman po ninyo ang lahat ng bagay; nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” Ang pagkaalam sa lahat ng bagay ay katangiang Diyos lamang ang nagtataglay. Ang pahayag na ito ni Pedro, bagamat parang bagong paghahayag ng isang katotohanan, ay matagal nang alam ng mga apostol. Ginamit lang ito ni Pedro dahil tatlong beses siya tinanong ni Jesus gayong alam naman nilang lahat na alam niya ang lahat ng bagay. Pinatunayan ni Jesus ang katotohanang ito noong una pa lang nang sinabi niya kay Natanael, “Bago ka pa tawagin ni Felipe, nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos” (Jn 1:48). Marami pang pagkakataon na ipinakita ni Jesus na alam niya ang lahat ng bagay, maging ang nasa puso ng bawat isang tao.

Ang mga ito ay ilan lamang sa mga katotohanang lantarang nababasa sa Kasulatan pero nakatago sa iba ang kahulugan, dahil totoo sa marami ang hula ni Isaias: “Makinig man kayo nang makinig ay hindi kayo makauunawa, at tumingin man kayo nang tumingin ay hindi kayo makakikita” (Is 6:9).

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: