MALING PAMUMUHAY: BUNGA NG MALING KAISIPAN

“Ang isipan mo’y ingatang mabuti at alagaan, pagkat iyon ang siyang bukal ng buhay mong tinataglay” (Kaw 4:23).

Ang lahat ng kaisipan o ideya ay dumadaan sa isip, isinasapuso, bago paniwalaan. Walang paniniwala ang hindi muna tinatanggap ng puso bilang totoo. Gayunman, may mga paniniwalang nananatili lamang sa isip ngunit sa tunay na diwa ng salita, hindi ito matatawag na paniniwala. Sapagkat ang buong-pusong paniniwala ay may buong-pusong pagtitiwala. Halimbawa ay sinabi sa akin ng isang tao na kapag dumaan siya sa gitna ng malaking apoy at may kasama pa siyang isang tao, silang dalawa ay hindi masusunog ni mapapaso; hindi mahirap para sa akin na sabihin sa kanya, “Naniniwala ako,” lalo na kung kilala talaga siya sa paggawa ng ganito. Pero sapat ba ang salita para masabing naniniwala nga talaga ako? Hinding-hindi. Malibang sabihin ko sa kanya, “Sige, sasamahan kita,” hindi mapatutunayan ang aking paniniwala. Nangangahulugan na ang tunay na paniniwala ay kinasasangkutan ng buong pagkatao o persona; hindi lamang ng isip.

Ito ang dahilan kung bakit sinasabi na ang isipan ang bukal ng tinataglay na buhay. Sapagkat ang tunay na buhay ay espiritu, at ang pagkain nito ay espiritwal — “ang Salita na nagbibigay-buhay” (1 Jn 1:1). Tanging ang katotohanan ng salita ng Diyos ang nagbibigay ng buhay, at anumang hindi nagmula dito ay nagdudulot ng kamatayan. Kaya nga dapat lang na ingatan at alagaan ang isipan. Ang nagpapabayang isipan ay may maling paniniwala, sa gayon ay patay ang pagkatao. Sa kabilang banda, ang laging nagsasaisip ng salita ng Diyos at buong-pusong naniniwala dito ay may tunay na buhay; hindi na siya mamamatay (cf. 1 Jn 5:13).

Hindi maaaring pagsamahin sa iisang isipan ang magkasalungat na katotohanan. Sapagkat ang sa Diyos ay sa Diyos, at lahat ng hindi sa kanya ay sa demonyo. Kahangalan ang sabihing, “Wala namang mawawala kung maniniwala ka!” Sinong may sabi? Kawawa siya na nagsasapuso ng ganito sapagkat hinatulan na niya ang kanyang sarili! “Hindi kayo makaiinom sa saro ng Panginoon at sa saro ng mga demonyo. Hindi kayo maaaring makisalo sa dulang ng Panginoon at sa dulang ng mga demonyo” (1 Co 10:21). Hindi maaaring sabay na paniwalaan ang katotohanan ni Cristo at ang aral ng mga pagano na nagmumula sa demonyo. “Maaari bang magkasundo si Cristo at si Belial? Ano ang kaugnayan ng nananampalataya sa di nananampalataya?” (2 Co 6:15) “Kaya’t lumayo kayo sa kanila, humiwalay kayo sa kanila,” sabi ng Panginoon, sapagkat dala-dala nila ang mga aral ng demonyo, at ang paniniwala sa mga ito ay paglapastangan sa Diyos at pagsamba sa mga demonyo.

Pag-iingat bang maituturing ang pakikipagkaibigan ng isang Cristiano sa isang tao na ang masama ay inaaring mabuti, at ang mabuti ay inaaring masam? “Kaiingat kayo:  ang masamang kasama’y nakasisira ng magandang ugali” (1 Co 15:33). May magsasbi, “Hindi ko naman gagayahin ang masama niyang ugali.” Mayabang na tao! Sinong ang nagsabi sa’yo na mayroon kang sariling kabanalan, at hindi ka mahahawahan ng iyong mga kasama? Sino ang may sabi na malakas ka at matatag? “Huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos” (Mt 4:7). Hindi dapat isapanganib ng tao ang kanyang sarili at sabihing, “Iingatan ako ng Panginoon.” Ang mga lumalapit sa kapahamakan ay siguradong mapapahamak. “Siya na rin ang sisisihin ng Panginoon sa kanyang sariling pagkamatay” (1 Hari 2:32).

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: