Biyaya ng Diyos

August 23, 2007 at 8:38 pm (Life)

Ang salitang biyaya ay tumutukoy sa mga bagay na tinatanggap nang walang bayad o anumang kapalit. Mas madalas na ang tawag natin dito ay regalo. Sa paksang ito ay gusto kong ibahagi ang isang katotohanang hindi napupuna ng marami – kasama ang sarili ko: Na ang biyaya ng Diyos ay hindi dumarating.

Madalas, iniisip natin na may mga oras na dumarating ang biyaya ng Diyos, lalo na kung nakatutok ang paningin natin sa mga materyal na bagay at sa mga kaaya-ayang pangyayari sa ating buhay. Sinasabi natin na sa ganito o ganyang panahon ay tumanggap tayo ng biyaya mula sa Diyos, at umaasa tayong sa ganito o ganoong panahon ay mayroon ulit tayong matatanggap. Isipin natin, halimbawa, na tayo ay naninirahan sa isang barko kung saan libre ang pagkain, inumin, damit, higaan, at lahat ng bagay na kailangan natin para mabuhay; kung isang araw ay binigyan ako ng kapitan ng barko ng isang piraso ng paborito kong tsokolate, sasabihin ko bang, “Hay, salamat, nakatanggap na naman ako ng regalo galing sa kapitan! Nung isang lingo lang, may ibinigay din siya sa akin”? Nung isang linggo nga ba? Hindi ba’t katatapos lang ng libreng hapunan, at ngayon ay oras nang magpahinga sa libreng kwarto na may libreng ilaw at libreng higaan? Hindi ba’t para sa kasiguruhan ng lahat ay may libreng security system at mga guard buong maghapon at buong magdamag? Hindi ba’t sa tuwing pagising sa umaga ay may libreng almusal, at sa tanghali ay may libreng pananghalian? Hindi ba’t ang lahat ng ito, kasama ng tsokolate, ay pawang mga regalo dahil hindi ito binayaran o pinalitan man? Mayroon bang isang linggo, isang araw, isang oras, o isang minutong pag-itan ang pagtanggap ng regalo ng mga nakatira sa barkong ito? Wala. Ang bawat sandali ng paninirahan dito ay biyaya — walang kapalit.

Ito ang katotohanang madalas ay nalalampasan natin ng pansin. Ang nakikita natin at tinatawag na biyaya ay ang mga tsokolateng ating tinatanggap — ang mga pangyayaring madalang natin maranasan — pero hindi ang mga regalong bawat sandali ay pinakikinabangan natin. Ang mga biyaya ay hindi dumarating sa ating buhay dahil ang totoo, tayo ay namumuhay sa gitna ng mga biyaya. We could not even exist without these gifts from the Creator. Tuwing gumagalaw tayo, dumadampi sa balat natin ang mga biyayang ito; tuwing tayo ay nagsasalita, pumapasok ang mga ito sa ating bibig. Hinihinga natin ang mga biyayang ito; kinakain natin at nalalakaran. Walang lugar o pangyayari na hindi natin kasama ang mga biyaya ng Diyos. Siguro nga ay napakahirap isipin ng katotohanang ito dahil nakasanayan na natin ang pag-aakalang tayo ay nabubuhay sa sarili nating lakas, talino, at pagsisikap, pero maging ang mga nabanggit na ito ay biyaya din ng Diyos. Walang anuman ang nagmula sa atin pero nabubuhay tayo at patuloy na mabubuhay habampanahon dahil sa mga biyayang ito. Kailanman ay wala tayong totoong nalikha o nabili man lang; ang lahat ng bagay ay sa Diyos at walang isa man ang nanggaling sa atin.

Sa ganitong paraan natin mauunawaan ang itinagubilin ni Pablo na “magpasalamat kayo sa Diyos para sa lahat ng mga pangyayari”. Halimbawa, ang balat na mayroon ka ngayon bilang init at proteksyon sa buong katawan; ipagpapalit mo ba ito sa magandang bahay, maraming pera at mga ari-arian? Aanhin mo ang mamahaling pagkain na inaasam-asam mong bilhin kung ang kapalit ay ang iyong ganang kumain? Aanhin mo ang kumportableng buhay na pinagpapakamatayan mong makamit kung wala ka namang hininga? Ang mga bagay na mayroon ka ngayon ay hindi talaga sa iyo at maaaring mawala anumang oras; hindi ba’t ang mga bagay na ito ang dapat pa nga ay ipagpasalamat natin, sa halip na maghinanakit tayo dahil sa mga bagay na hindi natin makamtan? Buong puso ang pasasalamat natin kapag nangyayari ang mga gusto nating mangyari, pero hindi natin pinapansin ang mas mahahalagang bagay pa na hindi pinagsasawaang ibigay sa atin araw-araw kahit na hindi natin ito nagagawang ipagpasalamat. Hindi natin nakikita ang nandito dahil hinahangad natin ang wala. May mga kabataan, halimbawa, na sa sobrang kagustuhan na magkaroon ng partner ay hindi na nakikita ang pagmamahal ng pamilya o ang pagmamalasakit ng mga kaibigan. Mayroong mga tao na dahil sa paghahangad na magkamal ay hindi na nakaka-appreciate ng kung ano ang meron sila ngayon. Tayo ay nabubuhay sa biyaya ng Diyos bawat sandali, at lahat ng bagay ay nararapat nating pasalamatan.

Sa bahaging ito ay masdan natin ang mas malaking larawan ng ating kasaysayan. Ang Diyos ay may nakahanda sa buhay ng bawat isa sa atin; pero bagamat indibidwal ang kanyang mga panukala, ito ay magkakaugnay at bumubuo ng isang pangkalahatang plano. Dahil ang Diyos ay mabuti, at lahat ng gawa niya ay mabuti, nangangahulugan lamang na mabuti ang lahat ng nangyayari sa atin — hindi man natin maunawan — dahil lahat ito ay bahagi ng kanyang plano at hindi nawawala sa kontrol. Maaaring maitanong natin, “Pati ba ang mga krimen, ang mga kaguluhan, mga kalamidad, at ang araw-araw na pagkakasala ng tao, kasama sa plano ng Diyos? Mabuti rin ba ang mga ito?” Kailanman ay hindi naging mabuti sa paningin ng Diyos ang mga bagay na sadyang masama. Ang lahat ng masamang nangyayari sa sangnilikha ay konsekwensya ng pagtalikod sa Diyos ng mga nilalang niya. Hindi man ang mga ito ang panukala ng Diyos, lahat ito ay pinahihintulutan niyang mangyari, hindi para magkaroon ng masama sa kanyang plano, kundi upang sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan at karunungan, ang presensya ng masama ay maging para sa ikabubuti ng mga pinili niya. Ang masasamang nilalang at mga pangyayari ay isang bahagi lang ng plano ng Diyos para sa mga nakatakdang maghari kasama niya. Hindi dapat indahin ng mabubuti ang hirap na dulot ng masasama, ni magreklamo man sa gitna ng hindi magagandang pangyayari dahil ang lahat ng ito ay nangyayari para sa kanilang kapakanan. Sila ang sentro ng plano ng Diyos. Ang mga bagay na hindi maganda sa panlabas na anyo ay mga biyayang nakapaligid sa kanila. Ang plano ng Diyos para sa mga hinirang niya ay biyayang patuloy nilang tinatanggap sa lahat ng sandali dahil ang bawat bahagi ng kanilang buhay ay katuparan ng mga bahagi ng planong ito.

Mabuting ipagpasalamat ang mga biyayang madaling makita, pero hindi natin dapat makalimutan na ang bawat sandali ng ating buhay ay biyaya ng Diyos.

Advertisements

Permalink 1 Comment

Naisahan Ba Tayo ni Dimas?

August 23, 2007 at 10:41 am (Commentary)

Sino si Dimas? Ayon sa tradisyon, ang isa sa dalawang kriminal na kasabay ni Jesus na ipinako sa Kalbaryo ay may pangalang Dimas. Ito ang minsan ay tinatawag ng iba bilang “mabuting magnanakaw”. Isang beses lang binanggit sa Ebanghelyo ang presensya ni Dimas bagamat may mga haka-haka na nakita rin siya sa ibang bahagi. Sa unang tingin, parang pampahaba lang ng kwento ang tungkol sa dalawang tulisan; pero ang totoo, walang pangyayari na ipinahayag sa Kasulatan ang pampahaba lang, bawat pangyayari ay may ipinararating.

Si Dimas ang isa sa mga unang nakapasok sa langit ayon na rin sa pangako ni Jesus. Dahil dito, may ilang mga nagsasabi, “Magnanakaw na siya sa lupa, ninakaw pa rin niya ang langit.” Sa pangungusap na ito ay nakatago ang magkasamang pag-asa at pagkalito. Pag-asa, dahil nauunawaan natin na kahit pala masama ang tao buong buhay niya, nakahanda pa rin ang Diyos na patawarin siya kung aaminin niya ang kanyang pagkamakasalanan at magtitiwala sa Diyos; pagkalito naman dahil parang hindi parehas o makatarungan na magkatulad lang ang hahantungan ng isang taong may mabuting pamumuhay at ng isang taong namuhay sa kasamaan. Dahil sa maling pagkaunawa ay mayroon pa ngang mga nangangatwiran na pwede namang sa huli na lang magbalik-loob; sa ngayon ay magkakasala muna sila.

Una, hindi talaga ninakaw ni Dimas ang langit; at pangalawa, hindi totoo na pwedeng sa huli na lang magbalik-loob. Pinatunayan ito ng dalawang kriminal na nasa magkabilang tabi ni Jesus. Ang pananaw ng tao tungkol sa lahat ng bagay ay bahagi ng kanyang sarili, kung paanong ang mata ay bahagi ng katawan. Hindi niya mapapalitan ang kanyang mata sa isang iglap lang. Ang lahat ng bagay na itinuturing mong tama habambuhay — lubos man ang paniniwala o hindi — ay hindi mo maituturing na mali sa anumang oras mo lang gustuhin. It might take you another lifetime to realize and completely absorb the truth that you denied your whole life. Sapat ang biyaya ng Diyos para ang sinuman ay makapagbalik-loob, pero hindi sapat ang isang araw para makilala ng isang taong kusang tumalikod sa Diyos ang presensya ng mga biyayang ito. Hindi man nakikita, pero ang pagliligtas ng Diyos ay isang proseso; walang kaligtasang nanganap sa isang kisapmata. Maging ang kriminal na humamak kay Jesus ay naghahangad din ng kaligtasan, pero dahil sa matigas niyang puso, hindi niya nakita ang kaligtasang nasa tabi niya na. Sa pagkakataong iyon, silang dalawa na — higit sa lahat ng tao — ang pinakamalapit sa biyaya ng Diyos; nagawa pa nga nila itong kausapin. Ang “masamang magnanakaw” ay nakatingin sa uri ng kaligtasan na bunga lamang ng kanyang makasariling paghahangad kaya hindi niya ito nakamit.

Sa kabilang banda, si Dimas ay nakamulat ang mata. Nakita niya si Jesus sa paraang hindi nakita ng kanyang kasama, o kahit ng mga Judio at mga Romano. Si Dimas ay hindi halimbawa ng isang “instant saint”, at walang sinuman. Kilala ni Dimas si Jesus bago pa man sila nagkita sa Golgota; at sa paraan niya ng pagsasalita, maaaring ang pagkakilala niya kay Jesus ay higit pa kaysa mga alagad. Tumestigo siya kay Jesus nang sinabi niya, “Ang taong ito’y walang ginawang masama.” Hindi pangkaraniwan sa isang taong namamatay na ang magsalita pa para lang ipagtanggol ang integridad ng taong hindi niya naman kilala. Isa pa, nakapako na si Jesus kaya hindi niya na rin ito maililigtas mula sa parusa. Bukod doon, siya mismo ay kriminal at kasalukuyang pinaparusahan ng kamatayan, kaya walang kredibilidad ang kanyang sinasabi. Pero hindi niya ito ginawa para linisin ang pangalan ni Jesus, kundi upang ipahayag ang katotohanan bilang isang mananampalataya. Hindi niya na pagpapaguran pang magsalita kung hindi niya kilalang-kilala ang pagkatao ni Jesus at kung hindi siya sigurado sa kanyang sinasabi. Hindi niya lang basta kilala si Jesus bilang isang taong matuwid, alam din niyang si Jesus ang kanyang kaligtasan, at ang kaligtasan ng Israel. Tahasan niyang sinabi, “Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” Para sa mga Romanong naroon, maaaring ito ay isang malaking eksena ng katatawanan. Ano nga namang mararamdaman mo sa panahong iyon kung makakita ka ng dalawang kriminal na nakabitin sa krus at nag-uusap tungkol sa paghahari! Isama mo pa ang pagtatalo tungkol sa pagiging inosente ng isa sa mga nahatulan! Pero para sa mga Judio, maaaring ito ay hindi nakakatawa. They probably took the malefactor’s testimony about Jesus’ innocence as a threat because they all know that he truly is innocent. Pero higit sa lahat, napakalaking kalapastanganan sa pandinig nila na sabihin ninuman na si Jesus ay hari. Wala nang mas malaki pang kahihiyan para sa mga Judio kaysa maipako sa krus kaya dahil dito, wala na ring mas hihigit pang kalapastanganan sa pangalan ng kanilang lahi kaysa pagsasabing ang kanilang hari ay hinatulan sa krus. Ito ang dahilan kung bakit hinarap nila si Pilato para palitan ang isinulat niya tungkol kay Jesus: JESUS NAZARENO, HARI NG MGA JUDIO. Ang pahayag ni Dimas ay hindi bunga ng isang mala-mahikang pangyayari kung saan kanina lang ay kaaway siya ng Diyos, pero ngayon ay bati na sila. He surely had his fair share of sufferings, of torments, of fear, of dilemmas, and even of great physical pain. Hindi niya nakakamtan ang langit sa madaling paraan tulad ng isang magnanakaw. Ipinaranas sa kanya ng Diyos ang prosesong dinadaanan ng lahat ng tinawag para sa kaligtasan. Ang paghahandang naranasan niya ang nagbigay sa kanya ng lakas na ipahayag na si Jesus ang Mesias.

Isang konkretong leksyon sa lahat ang nagyari sa isang kaibigan ni St. Thomas More na nag-akalang pwede niyang paglaruan ang mga bagay ng Diyos. Naniniwala siya noon na maliligtas siya basta tumawag lang sa pangalan ng Diyos kapag malapit na siyang mamatay. Isang araw, naaksidente siya sa kanilang pangangabayo; dahil sa pagkagulat, sa halip na makatawag siya sa pangalan ni Jesus tulad ng sinabi niyang gagawin niya sa oras ng kamatayan, ang lumabas sa bibig niya ay ang salitang “demonyo”. Siguro nga ay tama siya na maaari siyang maligtas kung nakapagbalik-loob siya bago namatay, pero ang pangyayaring ito ay isang halimbawa ng katotohanan na ang Diyos ang magtatakda ng oras, hindi ang sarili. Sa pangyayaring iyon, ang lalaki ay nahulog sa kanyang sinasakyang kabayo at namatay.

Hindi malilinlang ang Diyos, ang lahat ay hahatulan ayon sa kanyang pamumuhay.

Permalink Leave a Comment

Kasalanan

August 20, 2007 at 11:20 pm (Commentary)

Ano ang kasalanan?
Sa unang tingin, ang kasalanan ay para bang isa lamang pagsalungat sa popular o kultural na pamantayan ng moralidad o etika. Kung minsan pa nga, ang hindi pag-ayon sa ganitong mga pamantayan ay itinuturing na pagiging malaya. Ang maling pagkakilala sa tunay na kalikasan ng kasalanan ay naglalagay sa tao sa pagkabaon dito. Ang kasalanan ay hindi isang simpleng kawalan ng etika; ito ay isang estado o kalagayang personal. Ang hindi paggamit ng hagdan o tuntungan sa pagbaba ay hindi lamang isang paglabag sa nakasanayang paraan ng pagbaba mula sa matataas na lugar; ito ay naglalagay sa tao sa panganib o kaya’y sa kamatayan. Ganun din ang sinumang nagkakasala: sa paggawa ng isang bagay sa maling paraan ay itinutulak ang sarili sa bingit o sa mismong kamatayan; una, dahil ang masamang gawa ay laging may masamang konsekwensya; at ikalawa, dahil ang pangkalahatang hustisya ay humahatol sa anumang gawang masama. 

Bakit may kasalanan?
Ang kasalanan ay anumang pagsalungat sa kaloobang ng Diyos na pinagmulan at dahilan ng lahat. Maaaring minsan sa ating buhay ay naiitanong natin, “Bakit ba may kasalanan pa? Bakit hindi na lang lahat ng gusto nating gawin ay pwede?” Ang ganitong uri ng tanong ay bunga ng kawalang-alam at hindi ito balido. Ang katulad nito ay ang pagsasabing, “Dapat ay wala na lang bagyo dahil nakakasira lang ng mga ari-arian ng tao,” o kaya ay “Dapat wala na lang mababangis na hayop dahil nakakapinsala lang sila.” Ang lahat ng bagay ay may kanya-kanyang layunin, kalikasan, at batas – lahat ito ay nakapaloob sa hindi nakikitang batas na mas kilala sa tawag na “natural law”. Kung wala ang batas na ito, wala ring matitirang buhay o buo sa kalawakan. Ang mga planeta at mga bituin ay magsasalpukan hanggang sa maabo ang lahat; ang mga hayop ay kakain ng anumang makita nila kahit pa ito ay lason, o kahit ito ay ang kanilang sariling anak; makikipagtalik ang mga tao sa hayop, at ang mga hayop sa iba pang mga nilalang; ang lahat ay nakalutang sa lugar na walang nakakakilala; ang lahat ay wala sa ayos. Iyan ang teoryang maaari nating mabuo kung ipagpapalagay nating umiiral ang iba’t-ibang bagay maliban sa batas. Ganunpaman, mas tumpak ang konklusyon na wala talagang iiral na kahit ano kung walang batas. Taglay ang ganitong pagkaunawa, madali nating maiintindihan kung ano at bakit may kasalanan. Ang kasalanan, sa madaling salita, ay paglabag sa batas ng kalikasan na itinatag ng Lumikha; ito ay pagsira sa kaayusang nararapat sa lahat ng bagay. Hindi ito basta pagsalungat lamang sa isang popular na opinyon na nabuo dahil sa mga taong gustong mamuno o magkaroon ng kapangyarihan sa desisyon ng iba. Nakatatak sa kalikasan ng bawat nilikha ang batas na nagtatakda ng kanilang kani-kanilang limitasyon. Ayon kay Isaac Newton, ang buwan ay patuloy at walang tigil na nahuhulog patungo sa gitna ng mundo, pero dahil sa batas ng grabitasyon, ang pagkahulog nito ay hindi nagdudulot ng tuluyang pagbangga sa ating planeta. Ang paglabag sa ganitong mga batas, kailanman posible, ay pagwasak sa kaayusan ng lahat. 

Kung ang kasalanan ay ang mas pinaikling salita na ang ibig sabihin ay paglabag sa batas ng kalikasan, nangangahulugan ba na ang paglipad ng tao, o ang pagsusugpong sa mga puno at halaman ay kasalanan?
Ang kasalanan ay isang usaping moral na ang ibig sabihin ay tumutukoy sa batas na sumasaklaw sa pagpapasya ng tao. Ang batas ng moral ay bahagi ng batas ng kalikasan pero sumasakop lang ito sa mga nilalang na may pagpapasya tulad ng tao at ng anghel. Ang ulan ay bumabagsak hindi dahil gusto niya, kundi dahil nakatakda itong mangyari ayon sa batas na sinusunod nito. Ang mga hayop, bagamat nagpapasya kung kailan kakain, susugod, matutulog, iinom, o maglalaro. Ang lahat ng kanilang ginagawa ay hindi masasabing resulta ng malayang pagpapasya kundi pagsunod pa rin sa idinidikta ng kalikasan o yung tinatawag na “instinct”. Dahil dito, ang mga hayop ay walang pananagutang moral. Hindi sila hinahatulan sa salang pagnanakaw, pagpatay, o anuman. Sa mundong ito, tanging ang tao ang saklaw ng espesyal na batas na ito dahil siya lang ang may kakayahang magpasya nang malaya. Tulad ng mga hayop, naririnig din natin ang mga tawag ng katawang-lupa, pero tayo ay kumikilos ayon sa malaya nating pagpapasya. Hindi tayo bigla-bigla na lang manghahabol kapag nagutom, o kaya ay basta na lang makikipagtalik kung saan makaramdam ng paghahanap. Tuwing kumikilos tayo sa hindi nararapat na paraan, linalabag natin ang pagiging tao at pinipiling maging hayop na sumusunod lamang sa anumang idinidikta ng materyal na katawan. 

Ano ba ang pagkakaiba ng tao sa hayop?
Bagamat ang tao, tulad ng hayop, ay dinidiktahan ng pangangailangang pisikal; tulad naman ng anghel, siya ay nagpapasya mula sa kanyang puso – sa sentro ng kanyang pagkatao. Ang kaluluwa ng tao ay ang kanyang persona o ang kanyang sarili. Ito ang bagpapasya, ang nagtataglay ng kamulatan sa sariling pag-iral, ang intelektwal na bahagi ng pagkatao, at ang dumaranas ng iba’t ibang emosyon. Kung ang hayop ay materyal at ang anghel ay espiritwal, ang tao naman ay pinagsamang materyal at espiritwal. Sa kaayusan ng kalikasan, higit na mataas ang kalagayan ng mga espiritwal kaysa mga materyal na bagay; kaya nga sa kalikasan ng tao, higit ang batas ng espiritu kaysa batas ng katawan. Sa batas ng moral, kasalanan ang paglalagay ng pangangailang materyal sa ibabaw ng pangangailangang espiritwal. Itinakda ng batas na ito na higit ang paggalang sa pag-aari ng iba kaysa gutom ng tiyan; higit ang respeto sa kapwa kaysa paghahanap ng katawan na makipagtalik; higit ang pagkilala sa Diyos sa harap ng mga maniniil kaysa buhay ng katawan. Dahil sa batas na ito, ginagawa natin ang lahat nang may kaayusan bilang tao. Hindi kasalanan ang pagpatay ng hayop para gawing pagkain dahil ang gawaing ito ay nasa hangganang pa ng tao, pero kasalanan ang pumatay ng hayop nang walang sapat na dahilan. Hindi rin kasalanan ang pagputol ng mga puno para sa ikaubuti ng mga tao, pero kasalanan ito kung ginagawa nang walang sapat na dahilan.

Ano ang ginagawa ng kasalanan sa tao?
Dahil ang kasalanan ay pagsalungat sa kaloobang ng Diyos at paglabag sa batas ng kalikasan, ilinalagay nito ang tao sa ilalim ng sumpa o kahatulan. Nakatakdang maparusahan ang sinumang nagkakasala. Bukod doon, sinisira nito ang integridad o kabuuan ng tao kung paanong ang pagsira sa kaayusan ng lahat ay nagdadala ng kaguluhan at pagkawasak. Ang pagkasirang ito ay hindi lamang estado ng isip na maaaring ipagwalang-bahala; ito ay isang existensyal na katotohanan. Pinakasimpleng halimbawa ng larawan nito ay ang pagkaksugat ng katawan: hindi dahil sa opinyon ng mga nakakakita, o dahil sa popular na pamantayan, kaya ginagamot ang sugat, kundi dahil ito ay banta sa sariling kalusugan. Hindi ang pangungutya ng mga tao sa pagkakaroon natin ng sugat ang talagang pinagtutuunan natin ng atensyon at pagkabahala, kundi ang sitwasyon ng ating pisikal na integridad. Kung ang pisikal na kamalian ay sumusugat sa katawan, ang kamaliang moral ay sumusugat sa kaluluwa. Sinisira nito ang pagiging buo ng ating persona, at sa ganitong kalagayan ay masasabi nating tayo ay may karamdaman. May dalawang uri ng kasalanan na maaari nating ihalintulad sa sugat at sa kanser. Ang una ay hindi nakamamatay pero posibleng tumungo sa kasalanang nakamamatay. Ang ikalawa naman, sa kanyang sarili, ay nakamamatay. Dahil nasa mataas na antas ng kaayusan ang mga espiritwal na bagay, ang karamdamang pangkaluluwa ay higit na seryoso kaysa karamdaman ng katawan; ang kamatayang espiritwal naman, sa kabilang banda, ay lampas sa posibilidad ng paghahambing sa kamatayang pisikal. Ang totoo, ang kamatayang pisikal ay isa lamang sa mga hindi maiiwasang resulta ng dinanas nating kamatayang espiritwal noong tayo at ang ating mga unang magulang ay nagkasala. 

Ang kamatayan ba ng kaluluwa a mangyayari sa hinaharap kasabay ng pisikal na kamatayan?
Hindi. Ang kamatayan ng katawan ay bunga ng kamatayang espiritwal. Lahat tayo ay isinilang na patay, bitbit ang unang kasalanan. Ito ang dahilan ng pagdating ni Jesus sa mundo: upang muli tayong likhain at ibalik ang buhay na dating atin – at higit pa sa dating nasa atin. Gayunman, dahil tayo ay mga linikhang moral – may kakayahang magpasya – may kalayaan din tayong tanggihan ang buhay na ibinibigay ng Diyos at manatili sa kamatayan. Pero bukod sa kamatayang existensyal na kinalalagyan ng tao bunga ng pagtalikod sa Buhay, mayroon pang ikalawang kamatayan sa paghihiwalay ng katawang lupa at ng kaluluwa. Ito ang kaparusahang naghihintay sa mga taong mas pinili ang kamatayan kaysa buhay. Sa huling araw, ang katawan at kaluluwa ay muling magsasama – ang iba ay para sa buhay, at ang iba ay upang dumanas ng ikalawang kamatayan habampanahon. Sa huli ay balikan natin kung bakit mahalagang makilala natin ang tunay na mukha ng kasalanan. Ang kasalanan ay existensyal na katotohanan at hindi “abstract” na ideya lamang. Ibig sabihin, ito ay may epekto sa ating pag-iral tulad ng isang karamdaman. Mabubuhay tayo kahit hindi natin alam ang sagot sa mga problemang matematika, o kahit hindi nating kilala si Magellan, o kahit pa iba ang Diyos natin kaysa sa kilala ng karamihan; pero hindi tayo mabubuhay kung hindi natin alam kung ano ang kasalanan, o kung wala tayo nung tinatawag na “sense of sin”. Dahil sa hindi pagkikilala dito, magiging alipin tayo ng dikta ng laman; kumikilos na parang hayop, at ilinalagay ang espiritwal na bahagi ng pagkatao sa ilalim ng bahaging materyal – bagay na salungat sa kaayusang pangkalahatan. Dahil din dito, mananatili tayo sa kamatayan; at sa huli ay magdaranas ng kaparusahang walang hanggan.

Permalink 1 Comment