Ang Aking Pananampalataya (Pinasimpleng mga salita)

June 15, 2014 at 9:44 pm (Uncategorized) (, , , , )

Naniniwala akong may iisang Diyos na lumalang ng lahat ng bagay na nakikita at di-nakikita. Siya ay iisang Diyos bagamat may tatlong persona: Ama, Anak, at Espiritu Santo.

Ang Ama ang lumikha ng lahat sa pamamagitan ng Anak at para sa Anak. Nagmula sa kanya ang Anak buhat sa kawalang-hanggan, at siya ay katulad niya sa lahat ng aspeto.

Niloob ng Diyos na tubusin ang sangnilikha mula sa kamatayang kusa nitong pinili noong una. Sa pamamagitan ng Anak ay nagkatawang-tao ang Diyos para ipagkasundo ang tao sa Diyos. Ang Anak ng Diyos ay naging Anak ng Tao, at kinalaunan ay kinilala sa pangalang Jesucristo. Hindi nawala sa kanya ang kalikasang-Diyos kahit isang saglit, bagamat kusa niyang hinubad ang karangalan bilang Diyos upang siya ay maging katulad ng tao sa lahat ng bagay maliban sa kasalanan. Nakipamuhay siya sa mga tao, at namatay bilang tao – tulad sa isang kriminal na binitay sa krus kahit na wala siyang ginawa ni isa man kasamaan. Ang kamatayan niya ay malagim na kahihiyan sa paningin ng mga walang pagkaunawa, pero sa mga naliligtas, ito ay nagpapahayag ng lakas at karunungan ng Diyos; dahil sa pamamagitan nito ay pinatay niya ang kamatayan. Namatay ang may-akda ng buhay, ngunit pinatunayan niyang siya ang muling pagkabuhay noong bumangon siya mula sa libingan. Ngayon ay wala ng kapangyarihan sa kanya ang kamatayan, at sinumang mamumuhay at mamamatay na kasama niya, ay muling mabubuhay kasama niya magpakailanman.

Naniniwala akong ang Espiritu Santo ang pag-ibig na pinagsasaluhan ng Ama at ng Anak. Siya ang hininga ng buhay na nagbibigay-buhay sa lahat; ang Espiritung lumiligid sa ibabaw ng mga tubig, sumasalahat ng bagay na nagdudulot ng buhay, at sa panahon ng pagliligtas ay nagbigay ng kapangyarihan sa tubig upang maging kasangkapan sa muling pagsilang at sa paglilinis ng kasalanan. Siya ang Diyos na nangungusap hindi sa pamamagitan ng salita kundi ng kasaysayan: ang pag-unawa sa kasaysayan ng tao ay pagbasa sa salita ng Espiritu Santo. Siya rin ang nagpapabanal sa tao at sa sangnilikha, at nagbibigay-aliw sa mga pusong nabibigatan. Siya ang Esposo ng Ina ng Diyos at ang Espiritung nananahan sa mga taong bumubuo ng Simbahan ng Diyos.

Naniniwala akong may iisang Simbahan na itinatag ni Jesucristo at pinatatatag ng Espiritu Santo. Siya ang Inang nagsisilang sa mga nakatakdang maging anak ng Diyos. Walang kapangyarihan sa kanya ang mga pinto ng kamatayan; ibig sabihi’y mananatili siya sa lupa hanggang sa huling araw, at sa langit magpakailanman. Siya ang Katawang Mistiko at ang Esposa ni Cristo na pinakasalan niya sa maluwalhating krus – ang higaan ng pag-ibig – at nilinis ng kanyang dugo upang walang bahid dungis na maihaharap sa Diyos. Siya rin ang guro na hindi kailanman mahuhulog sa kamalian, sa kabila ng kanyang pag-iral sa gitna ng mga taong sinungaling, madilim ang isip, at walang pagkaunawa. Siya lamang ang nag-iisang daanan ng lahat ng biyayang naghahatid ng kaligtasan. Walang sinumang maliligtas liban sa pamamagitan niya. Siya ang lebadurang nagpapaalsa sa buong masa: hindi lahat ng maliligtas ay lebadura, hindi rin lahat ay masa, ngunit lahat ay bahagi ng iisang tinapay.

Naniniwala ako sa iisang katotohanan, iisang pananampalataya, iisang binyag, at iisang Panginoong nagliligtas sa lahat ng mga pinili. Ang binyag at ang bawat sakramentong itinatag ng Panginoon ay naghahatid ng totoong mga biyaya na sinisimbolo nito. Pinatatatag nito ang tao sa kanyang pakikibaka sa kasalukuyang buhay upang maluwalhating makarating sa hinaharap.

Naniniwala akong sa huling araw ay muling mabubuhay ang mga patay sa kanilang bagong katawan, at ang mga buhay ay magbabagong-anyo, upang sa huling pagkakataon, ang lahat ay mahatulan ayon sa kani-kaniyang mga gawa; ang iba para sa kagalakang walang hanggan, at ang iba ay para sa kaparusahang walang hanggan.

Permalink Leave a Comment

Takot sa Kamatayan

May 5, 2014 at 7:11 pm (Thoughts) (, , , )

Sa palagay ko, anuman ang pansarili nating dahilan kung bakit may takot tayo sa kamatayan ay hindi na natin dapat ibahagi pa o ipamana sa ating mga anak. Walang dahilan para bigyan natin sila ng dahilan na mamuhay sa takot. Namatay si Jesus para palayain tayo mula sa takot na umaalipin sa atin. Kung ipapakilala natin sa mga bata ang kamatayan sa paraang magbibigay sa kanila ng takot, para na rin natin silang ibinalik sa pagkaalipin matapos silang palayain ng Diyos sa pamamagitan mismo ng sariling buhay ng Panginoon.

Natural lang para sa atin na hindi gustuhing mamatay ang isa man sa ating mga anak o kamag-anak, pero ang kamatayan ay bahagi ng prosesong pagdadaanan ng lahat — isang katotohanan na dapat asahan at paghandaan, sa halip na katakutan. Takot tayo sa marumi dahil maaaring magdulot ng sakit, at sa huli ay magdala sa kamatayan. Dahil sa takot na ito, hindi natin magawang umunlad sa mga aspetong nangangailangan ng pagdudumi. Sumasama din ang pakiramdam natin kapag tayo ay masyadong nandidiri sa isang bagay, lalo na kung talagang kailangan nating gawin o harapin.

Natatakot rin tayo na baka may maaksidente o masaktan sa ating mga mahal sa buhay kaya madalas, yung mga anak natin, halos hindi na natin pakilusin dahil baka madisgrasya. Yung iba, nasa sixth grade na o nasa high school na, ihinahatid pa sa school dahil baka may masamang mangyari. Walang katapusan ang mga pag-aalala natin, at halos lahat ito ay nakaugat sa takot natin sa kamatayan. Ayon nga sa isang kasabihan: “So many people tiptoe through life, so carefully, to arrive, safely, at death.” Halos wala na tayong nagagawa at hindi natin napapaunlad ang sarili dahil sa mga takot, na kung tutuusin ay nagmumula lahat sa takot na mamatay. Ang ironic doon ay kahit gaano pa tayo kaligtas na makarating sa huli, ang huling pinag-uusapan natin ay ang kamatayan pa rin na buong buhay nating iniiwasan.

Isipin mo, ano kaya ang hindi mo nagagawa ngayon na magagawa mo kung wala kang kinatatakutan? Ano ang maa-accomplish mo kung hindi ka takot mapahiya, ma-reject, mabigo, magkamali, mawalan, magutom, magkasakit, tumanda, at mamatay?

Permalink Leave a Comment

Bakit Hindi Ka Katoliko?

March 10, 2014 at 9:11 pm (Thoughts) (, , , , )

Sa halip na sabihin ko kung bakit ako Katoliko, inaakala kong mas tamang itanong kung bakit hindi ka katoliko…

…sa kabila ng katotohanang walang ibang Simbahang Cristiano maliban sa Simbahang Katolika, mula noong panahon ng mga Apostol hanggang sa paghiwalay ng Orthodox Church makalipas ang mahigit sanlibong taon?

…sa kabila ng katotohanang ang Simbahang Katolika ang autoridad na nagpasya, mula sa daan-daang mga dokumentong “Cristiano”, kung alin ang dapat maging bahagi ng Banal na Kasulatan?

…sa kabila ng katotohanang ang Simbahan ni Cristo ay makikilala sa pamamagitan ng presensya ni Pedro kung saan ito itinayo?

…sa kabila ng katotohanang tanging ang tungkulin ni Pedro ang lubos na malaya mula sa kamaliang doktrinal at moral?

…sa kabila ng katotohanang ang nag-iisang Simbahan ni Cristo ay makikilala sa pamamagitan ng hindi nagbabagong katuruang doktrinal at moral, libo-libong taon man ang dumaan, libo-libong pagbabago man ang nakapalibot dito, at kahit pa sa harap ng mga tangkang pagpapabagsak gamit ang kapangyarihang politikal at korapsyong moral?

…sa kabila ng katotohanang kahit maraming Judas ang kumakain sa palad ng Panginoon sa loob ng Simbahan, nandito rin ang mga Pedrong nagsisisi at naninindigan sa kabila ng likas na kahinaan, ang mga Juan na pinakamamahal ng Panginoon, ang mga mistikong Pablo na direktang pinahahayagan ng Diyos, at ang mga Mariang nag-aalay ng sarili mula pagkabata?

…sa kabila ng pangako ni Cristo na mananatili Siya sa Kanyang Simbahan hanggang sa huling araw?

…sa kabila ng katotohanang si Cristo ay makikilala lamang nang lubusan sa pamamagitan ng paghahati-hati ng tinapay?

…sa kabila ng katotohanang malibang kainin ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang Kanyang dugo ay walang buhay na walang hanggan?

…sa kabila ng katotohanang ang Simbahan ay makikilala sa pagsamba nito sa Diyos sa pamamagitan ng araw-araw na pag-aalay ng dalisay na Sakripisyo mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito?

…sa kabila ng malinaw na kasaysayan ng Sangkakristyanuhan at kung alin ang humiwalay saan?

…sa kabila ng katotohanang hindi mababago ng anumang rasyonalisasyon at sari-saring interpretasyon ang nag-iisang autoridad sa pag-unawa ng Salita ng Diyos?

…sa kabila ng katotohanang ang mga Kasulatan ay hindi para sa pribadong interpretasyon, sa halip ay nangangailangan ng autoridad ng Simbahan na siyang nag-iisang sandigan at tagapagtanggol ng katotohanan, at nagtataglay ng kabuuan nito?

…sa kabila ng katotohanang ang mga pinaka-extraordinaryong istorya ng buhay sa lahat ng bansa ay bunga ng pagiging Katoliko (o Orthodox Christian)?

…sa kabila ng katotohanang tanging ang kahalili ng mga apostol ang may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan, magtali at magkalag (gumawa ng mga batas na kikilalanin sa langit), at magbigay ng parehong kapangyarihan sa iba?

…sa kabila ng katotohanang walang sinuman ang pwedeng magtalaga sa kanyang sarili bilang opisyal na tagapangaral ni Cristo malibang may autoridad ng nag-iisang Simbahan ni Cristo?

…sa kabila ng katotohanang tanging ang Simbahang Katolika lamang ang nag-iisang institusyon na pinagkakaisahan at inaatake kabi-kabila ng gobyernong sekular at mga relihiyosong organisasyon, dahil sa hindi nagbabagong paninindigan nito sa mga isyung moral, tulad ng ginawa kay Jesus ng mga gobyerno at mga relihiyoso sa panahon Niya?

…sa kabila ng mas marami pang katotohanang humubog sa sibilisasyon sa tulong ng Simbahan tulad ng ambag nito sa mabuti at makahulugang sining, musika, edukasyon, kalusugan, agham, pilosopiya, literatura, pangangalaga sa mga mahihina, monastisismo, at iba pa?

Dahil ba hindi ka naniniwalang totoo ang mga ito, dahil ba ngayon mo lang ito narinig o dahil may mas matimbang na katotohanang nagpapawalang-kabuluhan dito?

Alam mo ba ang dahilan kung bakit hindi ka Katoliko? Pwede mo bang ibahagi?

Permalink Leave a Comment

Tunay na Pagkain o Maihahalintulad sa Tunay na Pagkain?

January 26, 2014 at 2:53 pm (Doctrinal) (, , )

Bilang paumpisa, hayaan nating si Jesus mismo ang magsabi nito mula sa sarili niyang bibig:

Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin.

Talaga bang pagkain ang laman ni Jesus, na pwedeng isubo, nguyain, at lunukin, at maging bahagi ng sarili nating katawan gaya ng pangkaraniwang pagkain? Hindi ito isang surpresa sa isip ng isang mananampalatayang Katoliko dahil nauunawaan niya ang paghahangad ng Diyos na makipag-isa sa bawat isa. Hindi Siya nag-alangan na maging tao para lang tubusin ang tao. Hindi rin Siya tumigil doon, sa halip ay ibinigay ang sarili bilang pagkain. Ito ay dahil ang pagkain ay nagiging bahagi ng kumakain dito. Sa ganung paraan, si Jesus ay nagiging bahagi ng ating katawan habang ang biyaya ng buhay na dulot Niya ay tinatanggap din natin sa pamamagitan ng pagkain ng parehong laman. Dahil din sa pakikibahagi natin sa iisang Katawan ni Cristo sa anyong tinapay, tayo ay nagiging mga bahagi ng Kanyang Katawang Mistiko, at tayong lahat ay nagiging isang Katawan. Ito mismo ang dalangin ni Jesus nung sinabi niya:

Ama, maging isa nawa silang lahat. Kung paanong ikaw ay nasa akin at ako’y nasa iyo, gayundin naman, maging isa nawa sila sa atin.

Si Jesus ang tunay na Tinapay na nagmula sa langit, at hindi siya nagbibiro o nagsasalita sa simbolikong paraan tungkol dito. Binigyan Niya ito ng diin bilang pagpapahayag kung gaano ito kaseryoso at kaimportante.

Pakatandaan ninyo: malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay.

Hindi ilalagay ni Jesus ang buhay ng sinuman sa panganib dahil sa pagpapahula kung ang sinasabi Niya ay dapat tanggapin sa literal nitong kahulugan o sa ibang “maaaring” kahulugan nito. Mula pa sa Lumang Tipan hanggang bago Siya bumalik sa Ama ay ipinakita ng Diyos kung gaano kahalaga ang laman ng Anak ng Tao bilang pagkain.

Si Jesus ay pari ayon sa pagkapari ni Melkisedek, at bahagi ng linyang ito ang pag-aalay ng tinapay at alak na lubusang matutupad sa pag-aalay ng Katawan at Dugo ni Cristo sa bawat Eukaristiya. Ang tinapay at alak ni Jesus ang inilalarawan ng tinapay at alak ni Melkisedek. Ito ang pinagtutularan, ang orihinal (archetype), ang mismong bagay na walang ibang tinutukoy kundi ang kanyang sarili. Ang tinapay at alak na tinatanggap sa Eukaristiya ay hindi naglalarawan kay Jesus o sa kanyang paghihirap kundi si Jesus mismo. Ito ang dahilan kung bakit sinasamba ang Banal na Eukaristiya sa bawat tabernakulo at sa pagtanggap nito sa Komunyon. Hindi ito katulad ng mga imahe ni Jesus, dahil ito mismo si Jesus — ang Tinapay na bumaba mula sa langit, na sinimbolo rin ng manna sa panahon ni Moises.

Ang Paskwa at ang Pista ng Tinapay na Walang Lebadura ay tumuturo din kay Jesus na siyang Tinapay. Iniutos ni Yahweh na ipagdiwang ito hanggang sa katapusan ng panahon. Ang katuparan ng Paskwa ay ang pagdiriwang ng Eukaristiya, kung saan iniaalay ang tunay na Kordero at kinakain ang tunay na Tinapay. Ang Lumang Tipan ay anino lamang ng darating, at si Jesus ang katuparan nito.

Ang pangalang Betlehem kung saan isinilang si Jesus ay nangangahulugang “Tahanan ng Tinapay”, at hindi ito nagkataon lang. Sina Jose at Maria ay taga-Nasaret pero si Maria ay inabutan ng panganganak sa Betlehem. Sa gayon ay natupad ang propesiya ni Propeta Mikas:

Ngunit kahit na pinakamaliit ka, Betlehem Efrata, sa mga angkan ng Juda, mula sa iyo ko ibabangon ang siyang mamumuno sa Israel.

Bahagi ng plano ng Diyos na ang Tinapay na mula sa langit ay maisilang sa Tahanan ng Tinapay. Ito ay upang bigyang-diin at patotoo na Siya ang tunay na Tinapay na dapat kainin ng mga magkakaroon ng buhay. Hindi Siya sinisimbolo ng tinapay kundi Siya mismo ang Tinapay.

Hindi humingi ng paumanhin si Jesus, o itinama man ang pagkaunawa ng Kanyang mga tagapakinig, noong sinabi Niya sa kanilang, “Ang sinumang kumakain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin.” Tama ang pagkaunawa nila, pero hindi ito matanggap ng kanilang katwiran. Iyon ay dahil hindi nila magawang maniwala nang lampas sa kaya nilang isipin o panghawakan. Ang konsepto ng pagkain sa laman ng isang tao ay lumalabag sa katwiran, at dahil hindi buo ang kanilang pananalig kay Jesus kaya hindi nila mapanghawakan ang katotohanan ng sinasabi Niya. Hindi naghabol o nagpaliwanag si Jesus sa mga naiskandalo sa kanyang mga salita. Sa halip ay kinuwestyon Niya ang kanilang pananampalataya: “Gaano pa kaya kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng Tao papunta sa dati niyang kinaroroonan?” Katulad ng pagkain sa laman ng Anak ng Tao, ang Kanyang pag-akyat sa Ama ay mahirap mahawakan ng isip. Kung sa sinabi pa lang Niya ngayon ay hindi na sila makapaniwala, gaano pa kaya sa mga susunod na mangyayari?

Isa si Judas Iscariote sa mga naiskandalo at nawalan ng pananalig kay Jesus dahil sa katuruang ito. Ang totoo, ito lamang ang nag-iisang doktrina ni Jesus na nagdulot ng pagkawala ng malaking bahagi ng Kanyang mga tagasunod. Hindi dahil nagkamali sila ng pagkaunawa, kundi dahil di talaga nila magawang maniwala dito. Malamang na ang marami sa kanila ay umalis na galit na galit dahil “naloko” sila at ngayon lang nila nahalata. Hindi malayong mangyari na marami sa mga galit na sumisigaw ng “Ipako siya sa krus,” ay dating mga sumusunod sa kanya. Hindi na nakakagulat ang galit nila kay Jesus dahil pakiramdam nila ay nauto sila, at dahil nag-invest sila sa Kanya ng panahon at pag-asa para lang makarinig ng kalokohan sa bandang huli.

Bago ginawa ni Judas ang “dapat” niyang gawin ay tinanggap niya muna at kinain ang tinapay na isinawsaw sa alak mula kay Jesus. Pagkatapos nito ay agad siyang umalis para isagawa ang kanyang plano. Mababasa natin na, “nang matanggap ni Judas ang tinapay, pumasok sa kanya si Satanas.” Ipinapakita nito ang pakikipag-isa ni Judas kay Satanas dahil sa hindi niya pagkilala sa Katawan ng Panginoon. Dito tayo binibigyang babala ni San Pablo:

Kaya siyasatin ng tao ang kan­yang sarili bago kumain ng tinapay at uminom sa kalis. Kung hindi, kina­kain niya at iniinom ang kanyang sariling hatol sa di niya pagkilala sa Katawan. Ito ang dahilan kayat mara­­mi sa inyo ang mahi­hina, at masasaktin, at ma­rami na rin ang humi­himlay.

Sa kwento ng dalawang disipulo na nanggaling sa Emmaus, binibigyang-diin din ng kasaysayan at ng Ebanghelista kung saang bahagi ng pakikipag-usap nila kay Jesus nabuksan ang kanilang mga mata para makilala Siya. Matagal nila Siyang kausap, at ipinaliwanag pa Niya sa kanila ang mga Kasulatan, “simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta,” pero hindi nila Siya doon nakilala.

Nang siya’y kasalo na nila sa pagkain, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos; pagkatapos, pinagpira-piraso iyon at ibinigay sa kanila. Noon nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila si Jesus, subalit siya’y biglang nawala sa kanilang paningin.

Ang pagkakilala nila at hindi pagkakilala kay Jesus ay hindi resulta ng mahinang mata o mahinang memorya. Sa umpisa pa lang ay sinabi na ng sumulat na, “siya’y hindi nila nakilala na para bang natatakpan ang kanilang mga mata.” At sa bandang huli ay sinuguro ni San Lukas na mahahagip ng bumabasa ang kanyang punto nung sinabi niyang, “Noon nabuksan ang kanilang mga mata.” Ang salitang “noon” ay tumutukoy sa pagpipira-piraso ni Jesus sa tinapay at pagbibigay sa kanila. Sa madaling salita, nakilala nila Siya sa paghahati-hati ng tinapay. Nandun Siya at doon may nangyayaring himala. [Isa pang paghahanda para ituro ang doktrina ng Eukaristia ay ang pagpaparami ng tinapay.]

Dito rin natin nakikita, nakikilala, at tinatanggap si Jesus — sa pagpipira-piraso ng tinapay o sa Eukaristiya. Nauunawaan natin ang tinapay at alak dito ay hindi lamang simbolo ng katawan at dugo ni Cristo, kundi si Cristo mismo — ang tunay na Pagkaing nagmula sa langit.

Sa mas marami pang bahagi ng Kasulatan at sa katuruan ng mga Ama ng Simbahan ay makikita natin kung gaano kadakila ang katotohanang ito.

Permalink 1 Comment

Banal na Eukaristiya at Sakripisyo sa Krus

January 23, 2014 at 12:35 am (Doctrinal) (, , , , )

Halos lahat ng hindi Katolikong Cristiano ay nagkakamali sa pag-unawa tungkol sa relasyon ng Banal na Eukaristiya o Misa at ng Sakripisyo sa Krus ng Kalbaryo. Inaakala nilang ang Misa ay isang dagdag na aral ng Simbahan na lumalabag sa konsepto ng pagliligtas ni Jesucristo sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa Krus nang minsanan para sa lahat.

Hindi natin mapipilit ang iba na maniwala sa ating sasabihin dahil ang paniniwala ay madalas na mahirap baguhin. Ang taong nagtatangkang tumalikod sa sariling paniniwala ay dumadaan sa kamatayan ng sarili. Ito ay hindi isang madaling karanasan, at hindi rin madadaan sa pilit. Ganun pa man, bilang mga Katoliko, kailangan nating itama kung anuman ang hindi wasto sa personal nating paniniwala, dahil iisa lang ang katotohanan at kailangan nating maging tapat dito sa lahat ng oras. Alam natin kung saan matatagpuan ang katotohanan dahil iisa lang ang Simbahan na siyang haligi at saligan nito.

Ang pasyon o pagpapakasakit ng Panginoon, ang kanyang kamatayan, at muling pagkabuhay ay isang kaganapan sa dimensyon ng panahon at lugar. Minsanan lang itong nangyari at hindi na kailangang ulitin pa. Ito ang pinaniniwalaan natin, hindi lang dahil sinabi ng mga Apostol, kundi dahil alam natin na ang Diyos ay walang-hanggan at ang pagka-Diyos ni Jesus ay kumikilos sa kawalang-hanggan. Ang pagpapakasakit na kanyang ginawa, bagamat nasasakupan ng panahon, ay patuloy na nagaganap sa harapan ng Diyos na Siyang Hukom ng lahat. Anupa’t si Jesus ay nakikita sa langit bilang, “isang Korderong nakatayo na ang anyo ay tulad sa pinatay na.” Bagamat buhay, Siya ay patuloy na namamatay para sa atin mula sa kawalang-hanggan, bago pa man nilikha ang unang tao at kahit na magkaroon na ng bagong mundo. Hindi masusukat ng isip ang ganitong pag-ibig sa atin ng Diyos, pero ang magagawa na lang natin ay magpasalamat sa lahat ng oras at pagkakataon. Kung si Jesus ay hindi Diyos, maging ang sarili niya ay hindi niya magagawang iligtas mula sa kasalanan. Pero dahil Siya ay Diyos, nagawa niyang ialay ang kanyang kabuuan, hindi bilang Diyos sa harapan ng Ama, kundi bilang kasalanan para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan.

Ang Banal na Eukaristiya ay Sakramentong itinatag ni Jesus sa huling hapunan bago Siya pumasok sa Kanyang pasyon. Ito ang kaganapan ng hula ni Propeta Malakias: “At ngayon, mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw, dinadakila ng mga bansa ang aking Pangalan. Kahit saa’y nasusunog ang insenso bilang dalisay na alay sa aking Pangalan.” Walang ibang dalisay at katanggap-tanggap na alay kundi ang pag-aalay ni Jesucristo ng Kanyang sariling buhay. Hindi ito mahihigitan ng anumang panalangin at papuri ng pinakabanal na tao. Bagamat minsanan lang nangyari ang kamatayan ni Jesus, ito ay muling nagaganap “mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw” at sa lahat ng bansa. Iyon ay sa pamamagitan ng Banal na Eukaristiya, kung saan ang Sakripisyo ni Jesus ay naisasangayon o dinadala sa kasalukuyan mula sa kawalang-hanggan. Ang paring nangunguna sa pag-aalay ng Sakripisyo ay kumakatawan kay Jesus na Siya ring nagsilbing Dakilang Saserdote habang iniaalay ang Kanyang sarili sa Krus na altar. Sa pamamagitan din ng Eukaristiya natutupad ang sinabi ni Jesus na, “sasambahin ninyo ang Ama hindi na sa bundok na ito o sa Jerusalem,” dahil ang pinakamataas na uri ng pagsamba sa paningin ng Diyos ay magaganap sa lahat ng bansang naghahandog ng Sakripisyo ni Jesus. Dito natin mauunawaan na kailangang gawin araw-araw ang pag-aalay na ito, hindi bilang pag-uulit kundi bilang pagsasangayon. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ng Panginoon, “Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” At ipinaliwanag sa atin ni Apostol Pablo kung bakit natin ito dapat gawin: “Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kopang ito, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang muling pagparito.” Ang pagpapahayag na ito ang tinatawag nating “pagsasangayon”. Hindi ito katulad ng pag-alala o pagbabalik sa isip ng isang nakalipas na pangyayari; ito ay isang aktwal na karanasan ng katotohanan. Sa pakikibahagi sa Eukaristiya ay totoong iniaalay natin si Jesus sa Ama kung paanong inialay Niya ang sarili sa Kalbaryo. “Ganyan ang uri ng pagsambang ninanais ng Ama,” at hindi natin ito kailangang gawin sa Jerusalem o sa bundok ng mga Samaritano. Ito ang ginagawa ng mga Cristiano mula pa noong panahon ng mga Apostol, kung saan “araw-araw silang nagsasama-sama nang matagal sa Templo, at sa kanilang mga tahanan din sa paghahati ng tinapay.” Sa pamamagitan nito, dinadakila ng mga bansa ang pangalan ng Diyos.

Sa huli, tanging sa Eukaristiya lamang maaaring matupad ng isang disipulo ang turo ng Panginoon tungkol sa pagkain sa Kanyang laman na siyang tunay na Tinapay na nagmula sa langit. Tungkol dito ay sinabi Niya, “Pakatandaan ninyo: malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay…Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin.” Alam ni Jesus na marami ang maiiskandalo dahil sa katotohanang ito, pero hindi Siya pwedeng magsinungaling para sa kanila. Sila ang kailangang mamili kung tatanggapin nila nang buo ang mga salita ng Panginoon o mas pipiliin nilang hindi maniwala.

Permalink Leave a Comment

Panghuhusga

September 6, 2013 at 9:56 am (My Take)

Negatibo ang tunog ng salitang “panghuhusga” dahil nagpapahiwatig ito ng pagkundena sa pagkatao ng isang tao. Ang pagiging mapanghusga ay hindi mabuting pag-uugali, dahil pinasisinungalingan nito ang katotohanang ang lahat ay binibigyan ng Diyos ng pagkakataong magbago, at ang lahat ay may sari-sariling kakapusan. Walang sinuman ang nagiging mas magaling sa pamamagitan ng paghatol sa kahinaan ng iba. Walang karapatan ang isang lasenggo na hamakin ang isang lulong sa droga dahil sa paniniwalang mas masahol ang pangalawa kaysa sa sarili. Hindi maaaring pintasan ng isang addict sa TV ang isang addict sa sugal, dahil kung iisipin, pareho silang mayroong di mabuting gawi. Walang kahit na sino ang may karapatang humatol sa kapwa sa paraang nagkukulong sa kanila sa imahe ng masamang gawain. Sa madaling salita, hindi mo pwedeng markahan ang iyong kapwa nang hindi ka magkakasala laban sa kanyang dignidad bilang tao, at laban sa Diyos na lumikha sa kanya.

Sa kabilang banda, dapat din maunawaan na ang paghusga ay hindi masama sa kanyang sarili. Ito ay pagdedetermina kung ang isang bagay ay mabuti o masama. Bawat isa ay kailangang matutong humatol ng tama. Ang mga hukom ay naghuhusga; ang mga magulang ay naghuhusga; ang mga guro ay naghuhusga. Lahat ng may kakayahang magkumpara at magsuri ay naghuhusga. Bahagi ito ng ating kalikasan bilang tao, at ito ay mabuti. Nagiging masama lang ang paghatol kung ang hinahatulan natin ay ang tao sa halip na ang kanyang ginagawa. Maaari natin sabihing ang ginagawa ng isang partikular na tao ay masama, pero dapat tayong mag-ingat na matatakan ang ating kapwa bilang masamang tao. Dahil kung tutuusin, lahat tayo ay masama kung ang pagbabasihan ay ang pagsunod o paglabag natin sa batas ng Diyos at sa sarili nating kalikasang tao. Bukod doon, totoo rin na lahat tayo ay likas na mabuti, at kailangan lang nating magtulungan para mapalabas ang kabutihang likas at di mawawala sa atin, bagamat nagagawa itong palubugin, tapakan, at pahinain ng kasamaang naghahari sa mundo.

Permalink Leave a Comment

Hindi Kami Susunod

May 28, 2013 at 1:49 pm (My Take)

Unti-unting linalason ng gobyerno ang kulturang Filipino sa pamamagitan ng mga propaganda at pagsasabatas na nagmamapuri sa kasamaan at umuusig sa matuwid na daan. Nagsimula sa RH Bill, ngayon naman ay Divorce Bill, at hindi ito dito hihinto. Matagal nang nasa listahan ang abortion at same-sex marriage. Nakahanda na rin ang assisted suicide. Magkakaibang konsepto, iisa ang prinsipyo. Pare-parehong mga tao ang nagtutulak gamit ang iisang pwersa ng kaaway ng Diyos. Iba-iba ang presentasyon, iisa ang destinasyon—kamatayan.

Kontrasepsyon: sumusugpo sa buhay. Diborsyo: sumisira ng buhay. Aborsyon: kumikitil ng buhay. Homosekswal na pagsasama: pumipigil sa buhay. Suicide: tumatapos ng buhay. Satanas kaaway ng buhay, mapangwasak at sinungaling, mamamatay-tao na sa pasimula pa lamang.

Walang pakialam ang kasalukuyang gobyerno kung labag man sa Saligang Batas ang kanilang mga panukala, ang mahalaga ay maipatupad ito. Malamang na hindi rin ito magdadalawang-isip na pakialaman ang letra ng Konstitusyon kahit na labagin nito ang sariling espiritu. Dahil ang mga nabanggit na panukala at batas ay bumabasahan sa diwang maka-Filipino na kinakatawan ng Batas ng Bansa, inaari namin–mga mamamayang may panggalang sa Konstitusyon–na ang aktibong pagsalungat sa mga ito ay isang makabayang obligasyon. At dahil malinaw sa amin, na mga alagad ni Jesucristo, na ang mga ito ay labag sa batas natural, at salungat sa kautusan ng Hari ng sanlibutan, sama-sama namin sasabihin, “Dapat namin sundin ang Diyos, sa halip na mga tao.”

Ginagawa ninyo ang kalooban ng inyong ama. Ginagawa namin ang nakikita namin sa aming Ama.

Permalink 1 Comment

“Hindi Lahat ng Filipino ay Katoliko”

May 28, 2013 at 1:46 pm (Commentary, My Take)

Tuwing nagpoprotesta ang mga Katoliko tungkol sa mga panukalang nagbabanta o lumalabag sa kanilang pananampalataya, nagwawalang-bahala sa kanilang pagpapahalaga, at sumusugat sa kanilang konsensya, ang laging sigaw ng kalabang panig ay, “Hindi nila pwedeng i-impose sa iba ang paniniwala nila dahil hindi lahat ng Filipino ay mga Katoliko.” Sa pandinig ng ilan, ito ay napakapraktikal na sagot; pero ang totoo, tuso ito at mapanlinlang. Pinapapaniwala nito ang ignoranteng publiko na ang ginagawa ng mga Katoliko ay isang pagpipilit ng “Katolikong moralidad” sa konsensya ng lahat, at paglabag sa kanilang karapatang mamuhay ayon sa kanilang sariling paniniwala. Pinalalabas nilang pambabraso ang pagtutol na ginagawa ng mga Katoliko, habang ang totoo ay dinidepensahan lang nila ang kanilang sarili mula sa mga pwersa na sila talagang nagtatangkang ipilit sa lahat ang kanilang paniniwala. Ang mga pwersang ito ang totoong nasa opensa. Gusto nilang katayin ang Simbahang Katoliko, at kapag sumisigaw siya ng “injustice”, dahil sa ginagawa sa kanya, ang mabilis na tugon ng kaaway ay “bullying”. Ang katulad nito ay isang kaso kung saan ang isang batang babae ay tinatangkang halayin, at tuwing ipnagtatanggol niya ang sarili ay inaakusahan siya ng kriminal ng kalapastanganan sa nakatatanda, at ang lahat ay sumasang-ayon. Para sa nakatatandang kriminal at sa mga saksi, hindi dapat ipilit sa lahat ang pamantayang moral ng batang biktima dahil hindi lahat ay katulad niya. Kakatwa man, pero ang batang sapilitang pinagagawa ng labag sa kanyang kalooban ay siya ngayong inaakusahan ng pamimilit dahil sa kanyang pagtanggi.

Tila napakalawak at napakalalim ng kadilimang bumabalot sa kaisipan ng ilang mga Filipino, habang ang iba naman ay nananatiling lito at hindi malaman kung paano hahatulan ang mga sitwasyon. Maaaring walang karapatan ang mga Katoliko na ipilit sa iba ang kanilang prinsipyo at paniniwala, pero hindi nangangahulugan na may karaptan ang mga di-Katoliko na pasunurin sila sa mga pamantayang lumalabag sa kanilang pananampalataya. Totoong hindi lahat ng Filipino ay Katoliko, pero sapat na ang katotohanan, na may mga Filipinong Katoliko, para hindi magkaroon ng batas sibil na tumatapak sa karapatan ng mga Katoliko. Hindi na kailangang sabihin pa ang katotohanang pinakamaraming bilang ng mga Filipino ay Katoliko. Walang totoong bisa ang batas na gagamit sa buwis ng mga mamamayang Katoliko para suportahan ang mga programang lumalabag sa kanilang konsensya; ang batas na pumipilit sa isang Katolikong manggagamot na gumawa o magpayo ng isang aktong labag sa kanyang pamantayang moral at propesyonal; ang batas na humihingi sa isang nagpapatrabahong Katoliko na magbigay ng mga partikular na uri ng serbisyo at benepisyo sa kanyang mga manggagawa kahit na ito ay mangahulugan sa kanya ng pagkakasala; dahil ang mga ito ay labag sa kanyang likas at konstitusyunal na karapatan bilang tao at bilang Filipino na mamuhay ng naaayon sa kanyang paniniwalang pangrelihiyon. Hindi lamang ito totoo para sa mga Katoliko kundi sa bawat isang Filipino, dahil sa usaping ito, ang karaptan ng isa ay karapatan ng lahat.

Permalink Leave a Comment

Divorce Naman

January 18, 2013 at 8:50 pm (Commentary, Doctrinal, Moral)

Pagkatapos ng Reproductive Health Bill, atat na ang mga “death culture” lawmaker na pagdebatihan at isabatas ang diborsyo sa bansa. Hindi na ito bago sa pandinig ng mga pro-life group, dahil sa umpisa pa lang ay bistado na ang intensyon ng mga nasa likod nito. Kailangan lang nilang maipilit ang RH law sa isang bansa, at ito na ang magsisilbing pinto para maipasok ang mga polisiyang gusto nilang ipatupad sa lahat. Sa kaso ng Pilipinas, pinakamadaling isulong ang divorce dahil mas madaling manipulahin ang damdamin ng mga Filipino tungkol sa mga relasyon. Sunod dito ay homosexuality at abortion. Siguro ay magiging panghuli na sa priority ng mga mambabatas na ito ang euthanasia o pagpatay sa mga may sakit. Asahan na rin na kung tuluyang maipatutupad ang RH Bill ay magkakaroon tayo ng kultura kung saan ang pagkakaroon ng higit sa dalawang anak ay magiging kahiya-hiyang estado, at ang fertility ng mga babae at lalaki ay susubukang kontrolin ng gobyerno sa paraang totalitarian.

Women’s Right and Women Empowerment
Ang divorce, tulad ng “reproductive health” at abortion, ay isinusulong sa ngalan ng women’s rights at ng women empowerment—mga katagang may positibong tunog pero negatibo ang intensyon at epekto. Ang human rights ay karapatang likas ng tao—babae man o lalaki. Ang paglikha at pagamit ng salitang “women’s rights” ay hindi totoong nagsusulong sa karapatan ng kababaihan, sa halip ay humahati sa natural na pagkakaisa ng mga lalaki at mga babae bilang myembro ng sangkatauhan. Idinadahilan ng mga feminist, at ng mga may simpatya sa kanila, na ang lipunan ay kumikilala lamang sa mga lalaki at nagwawalang-bahala sa mga babae bilang mga tao, kung kaya hindi lubusang nare-recognize ang kanilang karapatan. Ganun pa man, sa ganoong sitwasyon, ang problema ay wala sa pagkilala ng karapatan kundi sa pagkilala ng kalikasan. Ang pagsasabing ang mga babae ay may mga karapatang bukod o iba kaysa sa likas na mga karapatang pantao ay pagsasabi na rin na sila ay hindi bahagi ng sangkatauhan. Ito ay salungat sa mismong layunin ng kanilang pakikipaglaban. Kung ang problema ay iniitsapwera ka ng lipunan na parang hindi ka katulad ng iba, bakit ka gagawa ng hakbang na lalong magbubukod sa iyo sa iba? Hindi ba’t ang layunin ay maipakita sa lahat na ang mga babae ay kasintao rin ng lahat ng tao? Kung mag-iimbento tayo ng mga “karapatan” na espesyal para sa kababaihan, parang tayo na rin ang nagsabi na iba ang human rights sa women’s rights—iba ang tao kaysa sa babae. Kasunod niyan, agresibo na rin isusulong ang LGBT rights o ang mga karapatang pang-bakla, tomboy, bisexual, at transgender. Ang mangyayari ay magkakaroon ng mga karapatan para sa tatlong grupo ng mga nilalang: human rights, women’s rights, at LGBT rights. Ang layunin natin ay kilalanin ang pagiging tao ng bawat tao, sila man ay lalaki, babae, bakla o tomboy; pero dahil sa walang katapusang pag-iimbento ng mga tinatawag na “karapatan”, lalo lang nagiging iba ang dati nang itinuturing na iba. Ang pagkakaiba lang ngayon ay mas kinikilala na ang mga tinatawag nilang “karapatan” pero iba pa rin sila. Parang walang pinagkaiba sa mundo ng M.I.B. kung saan malayang nakikipamuhay ang mga alien at kinikilala ang kanilang mga karapatan, pero sa pagkilalang ito ay hindi sila nagiging mga tao; sila ay mga alien pa rin na may mga karapatang iginagalang ng mga tao. Sa pagkakaroon ng women’s rights at LGBT rights, sino na lang ang walang special rights? Ang mga lalaki. Ibig sabihin, sa kanila yung human rights. Sila lang ang tao. Kaya nahati na tayo sa apat na kalikasan: tao, babae, sirena, at t-bird—o baka meron pang iba. Mabuti nga sa Pilipinas dahil maraming mga babae at lalaki na tao ang tingin sa mga babae; di tulad sa ibang lugar na mapababae o mapalalaki ay sanay na sa kultura at indibidwal na pananaw na ang mga babae ay mas mababang uri. Kung lubusan natin ipapasok sa ating bansa ang ideolohiya ng mga feminist, lalo lang magiging malala ang pagkakahati-hati sa ating lipunan sa pag-itan ng mga makababae at mga makalalaki.

Kaagapay ng women’s rights ay ang tinatawag na women empowerment. Mabuti sana ito dahil kinikilala nito ang potensyal ng sangkababaihan, pero dahil madalas ay may impluwensya ng mga feminist ang pakahulugan at aplikasyon nito, ito ay nagiging makasarili at hindi makatao. Alam natin na anumang hindi makatao ay hindi totoong makababae dahil ang ating kababaihan ay mga tao din. Anumang lumalabag sa karapatang pantao ay lumalabag din sa karapatan ng mga babae. Ang totoong empowerment ay naaayon sa likas na kakanyahan ng isang indibidwal at ito ay dapat na may positibong epekto tulad ng paghasa ng talento at mga kakayahan. Hindi kasali dito ang pagmanipula sa fertility, pagpatay sa mga batang nasa sinapupunan, at ang pagwasak ng pamilya o relasyong mag-asawa. Walang sinuman ang may likas na karapatang gawin ang mga ito dahil labag ito sa karapatang pantao at sinisira nito ang lipunan na nakasalig sa bawat pamilya.

Natural Law
May mga bagay na alam nating hindi kayang sakupin ng kapangyarihan ng tao tulad ng mga batas ng kalikasan. Mapapahamak ang sinumang magwawalang-bahala sa “batas ng gravity” dahil hindi niya alintana kung anong mangyayari sa kanya kapag lumabas siya sa bintana ng ika-20 palapag at maglakad sa hangin. Maaari niyang balewalain o subukang labagin ang batas na ito pero ang konsekwensya nito ay mananatili at hindi magbabago. Hindi man kilalanin ng tao na ang apoy ay nakakasunog, walang magbabago sa apoy at sa epekto nito. Masusunog pa rin ang balat o laman ng taong masisilaban nito. May kakayahan tayong gamitin ang mga bagay sa mundo pero kailangan nating manatili sa hangganan ng mga batas na sumasakop sa mga ito. Ganito rin ang kasal. Ang lalaki at babae ang nagkakasal sa kanilang sarili pero hindi nangangahulugang ito ay sa pag-itan lamang nilang dalawa. Katunayan, walang bisa ang pag-iisang-dibdib kung walang saksi. Hindi rin maaaring kung sino-sino lang ang sumaksi sa aktong ito. Siya ay dapat na may kaukulang kapangyarihan na kinikilala o ibinigay ng Estado o ng relihiyong kinaaaniban ng magpapakasal. Ang kapangyarihang ito ay hindi nagmula sa mismong relihiyon o Estado; ito ay nagmula sa Diyos na nagtakda ng saligang batas para sa lahat, at ipinamamahala sa human authorities. Hindi ito kapritso lamang ng mga Ama ng bansa o ng mga mambabatas, sa halip ay pagkilala sa mas mataas na Kapangyarihan na sumasakop sa lahat. Sa ating bansa, ang pagkilalang ito ay pinatutunayan ng mga paunang salita sa ating Saligang Batas.

Ayon sa pagkilala ng Estado sa batas ng kalikasan, ang pag-aasawa o kasal ay isang institusyon na hindi maaaring labagin at hindi rin malulusaw, maliban ng kamatayan. Hindi maaaring labagin. Ibig sabihin ay walang anumang akto o batas na maaaring gawin ang sinuman kung ito ay salungat sa likas na kalagayan at kahulugan ng pag-aasawa. Ang kasal ay tumutukoy sa pag-iisa (union) ng isang lalaki at isang babaeng nagmamahalan at bukas sa pagtatatag ng isang pamilya. Dito ay nangangako ang magkapareha ayon sa kanilang paniniwala na sila ay mananatiling isa hanggang sa paghiwalayin sila ng kamatayan—“till death do us part”—kung kailan ang kontrata o kasunduan ay kusang nawawalan ng bisa. At obviously, salungat sa paniniwalang ito ang konsepto ng diborsyo, kung saan pinawawalang-bisa sa kapangyarihan ng tao ang isang balidong kontrata na pinagtibay ng batas natural. Ang ganitong akto ay katulad ng pagsunggab o paglangoy sa naglalagablab na apoy. Ito ay isang pagtatangkang baguhin ang kalikasan ng isang bagay na lampas sa nasasakupan ng tao.

Maaaring may isang mapagmarunong na magsasabing, “Kayang labagin at paglalangan ng tao ang kalikasan, anupa’t nagagawa niyang lumipad sa kabila ng batas na nagsasabing ang lahat ng inihahagis pataas ay walang ibang pupuntahan kundi sa ibaba.” Ganitong mag-isip ang ilang mga nagsasabing sila ay “scientific people”. Hindi naiisip ng mga taong ito na ang mga formula at mga law na sinusundan ng mga imbentor at siyentista ay hindi nagmula sa kanilang sarili kundi natuklasan lamang nila. Ang batas ng Pisika, halimbawa, ay kalipunan ng mga batas natural na may kinalaman sa pagkilos ng mga bagay. Ito ay mga batas ng kalikasan at hindi mga batas na nilikha ng tao. Natural lang na magawang lumipad ng tao kung alam niya ang mga batas sa paglipad. Hindi ito paglabas sa nasasakupan ng batas. Hindi nangangahulugan na ang tao ay maaaring maging “above the Law”. Gravity is inviolable, and so is marriage.

Divorce and Practicality
Mayroon lang iisang malaking argumento ang mga nagsusulong ng diborsyo sa Pilipinas, at ito ay ang paniniwala nilang may mga kasal (pagsasamang mag-asawa) na hindi na maaaring kumpunihin. May katotohanan rin sa argumentong ito, dahil may mga taong hindi talaga nakahandang pagbutihin ang sarili o ang anumang bagay sa kanyang paligid. Ganun pa man, hindi natin maaaring isulat ang mga batas ng bansa ayon sa idinidikta ng ating emosyon o para lamang sa mabilisang remedyo kahit na labagin nito ang ating kalikasang tao at ang batas natural na sumasakop dito. Ang pag-atake sa natural na layunin ng mga bagay ay hindi kailanman magbibigay sa atin ng totoong pakinabang.

Ganito ang paulit-ulit nating maririnig mula sa mga nagtutulak ng diborsyo sa Pilipinas:

“Mas masama sa bata na nakikita niya araw-araw nagbubugbugan yung kanyang mga magulang.”

“Maraming factors sa ating lipunan na nag-uukok at nagwawasak na ng pamilya. Kaya yung sa mga pamilyang ang tingin natin ay nagkakaroon na ng hindi pagkakaunawaan, nagkakaroon na ng life threatening situation lalo na sa kababaihan, dapat may remedy sila na makakaalis sila sa ganung sitwasyon.”

Gamit ang mga argumentong ito ay sinasabi nilang kailangang magkaroon ng diborsyo sa ating bansa. Para sa ilang mga Filipinong mag-asawa, na nasa nakakapagod at di-pamilyar na mga sitwasyon, ang mga argumentong patungo sa diborsyo ay mukhang makatwiran at katanggap-tanggap, lalo na kung ito ay nagmula sa bibig ng mga taong atat na atat paghiwalayin ang mga mag-asawa at ang mga pamilya.

Ganun pa man, ang unang tanong ay gaano ba kapraktikal ang diborsyo? Ito ba ay magbibigay ng kasiguruhang mapapabuti ang dalawang partido at ang kanilang mga anak? Ang mga gulo at sigalot ba sa unang kasal ay hindi na mauulit sa ikalawang kasal? Wala na bang magiging ikatlo, ikaapat, at ikalimang kasal? Kung sinasabi ng bawat partido na nagkamali sila ng napiling mapangasawa, hindi na ba sila magkakamali sa susunod?

Ayon sa panukalang Divorce Bill, walang limitasyon ang bilang ng paghahain at pagproseso ng diborsyo. Hindi ba’t ipinakikita lang nito ang realidad na hindi nangangahulugang titigil na sa pagkakamali ang isang indibidwal sa ikalawang ulit niyang pagpapakasal? Dahil kung mayroong ganung kasiguruhan, hindi na kailangan ang ikalawa, ikatlo o higit pang bilang ng pakikipagdiborsyo.

Ibig bang sabihin ay dapat tiisin na lang ang masamang sitwasyon ng mag-asawa? May kanya-kanyang paraan tayo ng pag-aayos sa ating mga problema, pero hindi kasama doon ang pagpapakita ng kawalan ng pakialam at ang pagtakas sa sitwasyon. Hindi kusang mawawala ang anumang problema sa pamamagitan lamang ng pagpapanggap na hindi ito umiiral—na okay ang lahat. Hindi rin ito masosolusyunan sa pamamagitan ng pag-iisip na wala na itong pag-asa. “Ang umaayaw ay hindi nagwawagi,” sabi nga. Maraming paraan para ayusin ang pagsasama ng mag-asawa; ang diborsyo ay hindi isa sa mga iyon, dahil wala itong naaayos. Para sa lahat ng uri ng suliraning unti-unting sumisira o nakasira na sa samahang mag-asawa, maaari nilang subukan ang programa ng Retrovaile. Hindi na dapat pang hintayin na dumating sa puntong pagod na ang magkabilang panig, at wala nang maisip na paraan kundi isuko ang relasyon.

Kung talagang hinihingi ng pagkakataon ang agarang paghihiwalay, hindi ito ipinagbabawal ng batas. Anumang oras, sa anumang dahilan, ay maaaring umalis ang isa sa mag-asawa para bigyan ng panahon at espasyo ang isa’t isa. Ang hindi pagkakasundo sa ganitong areglo ay maaari din idaan sa legal na paraan tulad ng kung sino ang mananatili sa bahay at kung kanino maiiwan ang mga anak. Kung mayroon namang pagbabanta mula sa partidong ayaw makipaghiwalay, pwede rin itong ihingi ng tulong sa punong-barangay o sa pulisya. Kung pagkatapos ang mga counseling ay wala na talagang balak magsama ang mag-asawa—nagkapatawaran man o hindi—isasampa ang kaso ng legal separation para ideklara ng batas na sila ay nagkasundong maghiwalay at may mga kondisyong susundin.

Dahil doon, wala nang dahilan para sabihing “nagbubugbugan” pa ang mag-asawa, o nakikita ng mga anak na araw-araw silang nag-aaway, o na ang pamilya ay nagkakaroon ng “life-threatening situation”. Ganun pa man, ang mag-asawa ay mananatiling kasal sa isa’t isa dahil ang bigkis na nagbuklod sa kanila ay hindi na sakop ng kapangyarihan ng tao. Walang sinuman ang may karapatan o autoridad na magpawalang-bisa ng isang balidong kasal. Lahat ng diborsyo o paglusaw sa bisa ng kasal ay ilusyon lamang. Ang katulad nito ay ang pagpapawalang-sala ng masamang hukom sa isang kriminal na gumawa ng krimen sa harap ng isang batalyong saksi. Sa madaling salita, ito ay isang malaki at garapalang paglolokohan lamang, na hindi kailanman magiging totoo o magkakaroon ng bisa.

Playing the Catholic Card
“Ang Simbahan ay may annulment of marriage din.”

“Karamihan sa mga pabor sa divorce ay Katoliko.”

“Kahit sa Italy kung nasaan ang Vatican, may divorce.”

Panis at nabubulok na ang istilo ng mga samahang malisyosong nagsusulong ng “kultura ng kamatayan”. Noong RH Bill ang nasa kainitan ng debate, ganito rin ang mga linyang narinig natin sa mga nagtutulak nito: “Pinapayagan din ng Simbahan ang ‘natural contraception,’” “Pinakamalaking porsyento ng pabor sa RH Bill ay mga Katoliko,” “Sa panahon ni Benedict XVI ay naging maluwag na ang Simbahan sa pagamit ng condom sa mga piling pagkakataon.” Ganyang tema din ang gagamitin nila sa mga susunod nilang agenda. Nagsimula pa kay Margaret Sanger at sa NARAL ang ganyang taktika, at simbaho na ng basura, pero yan pa rin ang ginagamit ng mga taong ito dahil sa maraming pagkakataon ay epektibo pa rin ito. Pero epektibo man o hindi, nananatili itong kasinungalingan at desperadong pagpupumilit na paniwalain ang marami na ang mali ay nagiging tama minsan, depende sa sitwasyon.

Walang kapangyarihan ang Simbahan, o ang sinuman, na ipawalang-bisa ang kasal na likas na may bisa. Ang tanging pwedeng gawin ng pamunuan ng Simbahan ay ideklarang walang bisa ang kasal na talagang walang bisa sa umpisa pa, o kaya ay nawalan na ng bisa dahil ang isang partidong matagal nang nawawala ay inaakalang patay na.

Ang pag-ayon ng sinumang Katoliko, kaunti man o marami, ay walang kinalaman sa kawastuhan ng katuruang Katoliko. Maniwala man ang lahat ng tao na ang isa at isa ay tatlo, mananatili pa rin itong dalawa. Hindi ang tao ang pinagmumulan ng katotohanan. Ang tangi niyang magagawa ay tuklasin at gamitin ito, pero hindi niya ito mababago.

Wala rin kinalaman ang lokasyon ng Vatican sa katuruan ng Simbahan tungkol sa diborsyo. Si Lot na pamangkin ni Abraham ay nakatira sa gitna ng mga taong isinumpa dahil sa walang kapantay nilang pagkamakasalanan, pero hindi iyon nangangahulugan na sumasang-ayon si Lot sa paraan ng kanilang pamumuhay. Ipinauna na ni Jesus na ang mga Cristiano ay mamumuhay na parang mga tupa sa piling ng mga asong lobo.

Christian Teaching on Divorce
“Hindi ba masama sa paningin ng Diyos ang diborsyo?” Ito ang tanong sa isang Protestanteng pastor (o baka pastor-pastoran lang) tungkol sa isyu ng divorce. Ang mabilis na sagot na pastor ay, “Ang masama ay yung nagpapatayan kayong mag-asawa at nakikita pa ng mga anak.” Wala naman nagsasabing hindi yun masama, pero hindi naman iyon ang itinatanong. Ang tanong ay kung masama ba sa paningin ng Diyos ang diborsyo—oo o hindi lang ang sagot. Sa tanong na, “Kasalanan ba ang paggamit ng contraceptives,” ang sagot ng mga pro-RH na Protestanteng pastor ay, “Mas malaking kasalanan yung magsisilang ka ng sanggol na hindi mo kayang buhayin.” Wala naman nagsasabing mabuti iyon, pero ang tanong ay tungkol sa moralidad ng contraception.

Kahit anong manipulasyon ang gawin sa pagsagot tungkol sa katuruan ni Cristo, hindi magbabago ang katotohanan. Pwedeng dayain ng tao ang kanyang sarili pero hindi niya pwedeng dayain ang Diyos. Ikinakatwiran din ng mga nagkukunwaring tagapag-akay sa Diyos na may diborsyo na sa lumang tipan pa lamang. Ipinapakita lamang nito kung gaano kaignorante ang mga taong ito tungkol sa kalooban ng Diyos.

Ang kasal ay kasunduan sa pag-itan ng isang lalaki at isang babae ni sinasaksihan at pinagtitibay ng Diyos. Lahat ng pangako at panatang ginagawa natin ay hindi lamang natin sinasabi sa ating sarili o sa ibang tao; ginagawa natin ito sa harapan ng Diyos na nakakakita ng lahat. Ang pagtataksil o hindi pagtupad sa mga pangakong ito ay nangangahulugan ng paghamak sa pag-iral, presensya, at karangalan ng Diyos. Dahil dito kaya sinabi ni Propeta Malakias na ang Diyos ay galit sa diborsyo, at ito ay itinuturing niyang karahasan laban sa babaeng asawa. Hindi mangmang ang Diyos, at alam niya ang sinasabi niya. Ang mga taong nagmamarunong at nagtatangkang manipulahin ang salita ng Diyos ay silang mga mangmang at hangal. Ang katulad nila ay ang mga Pariseo na nag-aakalang si Moises ay gumawa ng batas na pumapabor sa diborsyo.

Sa harap ng lahat ay lininaw ni Jesus na gumawa si Moises ng batas tungkol sa diborsyo, hindi para ipahiwatig na ito ay katanggap-tanggap sa Diyos, sa halip ay para kontrolin ang pagiging talamak nito sa kanyang panahon. Sinabi ni Jesus, “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya pinayagan kayong diborsiyuhin ang inyong mga asawa.” Bago iyon ay ipinaalala niya sa kanila ang kalikasan at layunin ng kasal: “Sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at sinabi rin nitong iiwanan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at pipisan sa kanyang asawa, at magiging iisang katawan ang dalawa? Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang; kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.”

Malinaw ang sinabi ni Jesus: “Huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.” At malinaw din ang babala ni Propeta Malakias: “Ang Diyos ay galit sa diborsyo.” Paikut-ikutin man ng mga mangmang ang aral ng Biblia tungkol sa paghihiwalay, sa pagsasabing, “Ito at iyan ang masama,” walang magbabago. Ipinapahamak lang nila ang kanilang sarili dahil sa pagsasabi nilang ang Diyos ay sinungaling at sa pag-aakalang pwede nila siyang malinlang.

Permalink Leave a Comment

“Fill the earth and subdue it”

August 5, 2012 at 1:43 pm (My Take)

And God said to them, “Be fruitful and multiply and fill the earth and subdue it and have dominion over the fish of the sea and over the birds of the heavens and over every living thing that moves on the earth.” And God said, “Behold, I have given you every plant yielding seed that is on the face of all the earth, and every tree with seed in its fruit. You shall have them for food. And to every beast of the earth and to every bird of the heavens and to everything that creeps on the earth, everything that has the breath of life, I have given every green plant for food.”-Genesis 1:28-30

Kahit ang pinaka-basic na rule ng grammar ay nami-miss ng mga taong may contraceptive mindset. Sinasabi ng mga makakontraseptibong isip na ang “subdue it” sa bahaging ito ng Biblia ay tumutukoy sa pagkontrol sa bilang ng tao. Ang antecedent ng pronoun na “it” sa pangungusap na, “Fill the earth and subdue it,” ay ang “the earth”. Ginawang tagapamahala ng Diyos ang tao sa buong daigdig. To subdue is to be the one in control of; to be the master of. Malayong-malayo ito sa sinasabi ng iba na ang salitang “subdue” ay ginamit ng Diyos para sabihing dapat magkaroon ng population control.

Bukod doon, nakakalimutan na rin ng mga pro-contraceptives na gumamit ng lohika. Hindi magagawa ng Diyos o ng tao na gawin ang magkasalungat na bagay sa parehong pagkakataon. Sa Tagalog, ang tinatakbo ng kanilang argumento ay magkakaroon ng ganitong resulta: “Punuin ninyo ang mundo pero huwag ninyong hahayaang mapuno ito.” Ano ba talaga Big Brother? Parang ganito din yan: “Magpakarami kayo pero yung tama lang.” Ano yung tama? Two kids?

Ayon din sa passage sa itaas, binigyan ng Diyos ang tao ng sapat nitong mga pangangailangan, lalo na ang pagkain. Nagkulang kaya ng tantya ang Diyos habang ginagawa niya ang yaman ng mundo na kailangan ng tao? Nabigla lang kaya siya nung sinabi niyang punuin ang mundo?

Hindi ko ito isinulat para sabihing walang responsibilidad ang mga magulang na tantyahin at i-provide ang pangangailangan ng pamilya. Isinusulat ko ito para iwasto ang pagkakamaling dulot ng maling kaisipan.

Permalink Leave a Comment

Next page »

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.