Ang Kalooban ng Diyos

February 10, 2015 at 12:49 am (Reflections) (, , , , )

Gaano man kakumplikado ang kasaysayan ng kaligtasan, gaano man kasalimuot ang buhay at karanasan ng Simbahan, gaano man karami ang magkakaibang katuruang Cristiano (Katoliko at di-Katoliko), hindi dapat makalimutan na ang tanging hangad ng Diyos ay ang ating pagbabalik-loob.

Nagkasala ang tao kaya nakapasok sa mundo ang kamatayan, at wala nang iba pang dapat gawin kundi magsisi at magbalik-loob sa Diyos. Kung magpapakalalim pa tayo sa pag-iisip, lalo lang natin hindi maiintindihan kung paano. Lahat ay nagsisimula sa kagustuhan o pahahangad. Hindi dapat lituhin ang isip tungkol sa kung anong relihiyon ba ang talagang kinalulugdan ng Diyos o kung anong mga ritwal ba ang kailangang gawin para maligtas. Ang totoong nagbabalik-loob ay hindi abala sa pagliligtas ng sarili kundi nananabik na muling makadaupang-palad ang Diyos na kanyang pinagkasalahan at tinalikuran. Ang anak na nagsisisi sa kanyang mga ginawa ay hindi nag-aalala kung paanong hindi siya mapaparusahan kundi nagmamadaling tumakbo pabalik sa yakap ng kanyang ama at ina.

Hindi dapat isipin ninuman na ang Diyos ay malayo sa mga nagkakasala. Kung nasaan ang makasalanang naghahangad na magbalik-loob, nandoon ang Diyos na patakbong sumasalubong sa kanya. Ang relihiyon ay lalong bumubulag sa mga taong hindi nakahandang makakita. Ito ang nangyari sa maraming mga Pariseo sa panahon ni Jesus, at patuloy na nangyayari sa mga taong mayroon kaalamang pangrelihiyon pero wala ang puso sa tunay na dahilan, layunin, at pinagmulan nito. Sa kabilang banda, ang pusong nakahandang tumanggap sa mga katotohanan ng Diyos ay ginagabayan niya patungo sa tunay na relihiyon, habang ang relihiyon naman ang gumagabay sa kanya patungo sa tunay na Diyos.

Kung ang hahanapin mo ay masarap na pakiramdam, magagandang salita at paliwanag, sense of belongingness, at mga pang-ibabaw na kasiyahan, mahihirapan kang hanapin ang Diyos. Pero kung kikilalanin mo ang presensya ng Diyos na nasa puso mo, nasa paligid mo, at nasa ibang mga tao, hindi mo mararamdamang malayo ka. Agad kang makakahingi ng tawad, gabay, pananampalataya, at karunungan.

Hindi na hinintay ni Noe na magpakilala sa kanya ang Diyos; hindi na hinintay ni Abraham na tawagin siya ng Diyos; hindi na hinintay ng mga matuwid na tao sa Lumang Tipan na dumating ang Mesiyas at magpakilala nang lubos ang Diyos bago sundin ang batas na nakasulat sa kanilang mga puso. Naging matapat sila sa kanilang kalikasan bilang tao at sa kung anumang itinuturing nilang totoo, mabuti, at kaaya-aya. Ang mga nabuhay sa ilalim ng batas ay hindi naging bilanggo ng batas, sa halip ay nakatagpo ng gabay sa pamamagitan nito.

Bago ka pa man humarap sa anumang sistema ng pagsamba, mga doktrina, at panuntunan, ang hindi dapat makalimutan ay ang mismong pakikipag-ugnayan sa Diyos sa oras na magpasya kang magbalik-loob at araw-araw; ang tapat at taimtim na panalangin na naghahangad ng mas malalim na relasyon. Nagsasalita ang Diyos sa pusong tahimik na nakikinig. Hinahayaan niyang matagpuan siya ng naghahanap, pinagbubuksan niya ang kumakatok, at binibigyan ang humihingi. Nagpapakilala siya sa pusong may totoong paghahangad sa kanya.

Una at higit sa lahat ang pagbabalik-loob ng puso sa Diyos. Ang mga paraan para higit siyang makilala at mahalin ay ipakikita ng Diyos.

Permalink Leave a Comment